Share

Chapter 8

"Bakit mo ba kasi sinuntok si Karding?" turan ni Ate pagkapasok ko.

Nanlaki ang mga mata ko nang marinig ko 'yon. Hindi naman kasi nakikipag-away ang kapatid kong 'yon. Pinalaki kami nang maayos at tama ng mga magulang namin kaya hangga't maaari, umiiwas kami sa gulo. 

"Paano ba naman, Ate, inaawat ko lang sila ni Toto dahil nagkakapikunan sila tapos bigla ba naman akong tinulak nang malakas. Nang dahil do'n, natumba 'ko sa sahig. Hindi pa siya natinag at sinipa niya pa 'ko," pangangatwiran ni Januarius.

"Dapat hindi mo na lang pinatulan at nagtatakbo ka na lang pauwi sa 'tin," ani Ate.

"Ate, hindi naman na tama 'yon. Hindi naman na 'ko batang paslit na tatakbo na lang at iiyak sa isang sulok. Dapat lang din na bigyan siya ng leksyon," saad ni Januarius.

"Tama si Ate Aprilyn, dapat umiwas ka na lang sa gulo," pagsingit ko sa usapan nila.

"Pati ba naman ikaw, Ate Juness? Hayst, sabi na nga ba't walang kakampi sa 'kin," giit niya sabay tayo sa kaniyang kinauupuan.

Kilala ko 'yung kapatid ko na 'yan, ni minsan hindi 'yan nasangkot sa away ng mga kabataan dito. Hindi ko pa alam ang tunay na nangyari kaya hindi namin dapat siya dikdikin. Nilapitan ko na lang siya at binigyan ng isang mahigpit na yakap.

"Magpahinga ka na, Januarius. Mag-usap na lang kayo ni Mama bukas," wika ko.

Hindi na nangialam pa si Ate Aprilyn. Tahimik na bumalik ang aking kapatid sa kaniyang silid.

Naupo naman ako sa may sofa para makapagpahinga. Tumabi naman sa 'kin si Ate. 

"Nasaan pala si Mama?" turan ko.

"Nandoon na sa kuwarto, maaga siyang natulog. Pagod siya sa trabaho kaya hindi ka na nahintay," ani Ate.

Napabuntong-hininga ako nang malalim. Simula nang mawala si Papa, si Mama na talaga ang naging punong abala. Mabuti na lang at nagtatrabaho na si Ate kaya may katuwang pa rin si Mama sa mga gastusin dito sa bahay.

Ilang saglit pa, si Ate ay nag-abala pang ipaghain ako ng makakain. Tiyak namang kumain na sila dahil malapit ng mag-alas nuwebe. 'Di ko naman dala ang kaldero para hintayin pa nila 'ko.

Tumungo na 'ko sa may lamesa at nadatnan ko ro'n ang mainit-init pang nilagang baboy. Hindi lang 'yon, may pahabol pa siyang leche flan.

"Alam kong na-miss mo rin ang leche flan kaya bumili na 'ko sa katrabaho ko. Buti nga tatlo isang daan 'yung benta niya kaya nakabili ako ng tatlo. Naubos ko na sa office 'yung isa kaya naiuwi ko pa 'yung dalawa," pahayag ni Ate.

"Aww, ang sweet naman ng Ate ko. Isang matamis na panghimagas para sa pinaka-sweet na Ate sa buong mundo..." sambit ko sabay yakap sa kaniya.

Iyon ang nakatutuwa kay Ate, pagdating sa pamilya, hindi niya kami tinitipid. Bilib ako sa kaniya dahil nasa lugar naman ang pagiging kuripot niya. Alam na alam niya kung paano i-budget ang pera.

"Sabi nga nila, kapag may tiyaga, may nilaga," sabay turo sa ulam na nakahain.

"Huwag kang mag-alala, Ate, makapagtatapos ako ng pag-aaral. Balang araw, makakatulong na 'ko sa inyo ni Mama," ani ko.

"Alam namin 'yon at may tiwala kami sa 'yo. Mag-aral ka lang nang mabuti para makamit mo lahat ng pangarap mo. O siya, tama na ang drama. Baka lumamig pa ang pagkain," saad niya.

Isang ngiti ang ibinigay ko kay Ate bago siya tumungo sa loob ng kaniyang silid. Pagkaupo ko, nagdasal na muna ako bago kumain.

"Salamat po Panginoon sa mga biyayang ipinagkalokb n'yo sa amin. I-bless n'yo po ang mga 'to at ang mga taong nag-provide nito. Selyuhan mo po ito ng iyong banal na dugo at magsilbing kalakasan ang kagalingan sa 'min. Amen."

Agad kong tinira 'yung mainit-init na sabaw. Nagbigay ginhawa ito sa aking tiyan matapos ko itong higupin. Habang kumakain, unti-unting nag-flashback sa isip ko 'yung mga nangyari kanina. Si Mr. Maskel, napagalitan kami ng prof, sa gymnasium, at si Mr. Zerudo.

Maliwanag naman para sa akin na crush lang talaga namin si Mr. Maskels dahil cute siya. Natutuwa lang kami sa kaniya kaya mistulan kaming mga fan girls na magkakaibigan. Ang ikinakabahala ko, alam kong crush ko na rin si Mr. Zerudo pero sa tuwing nakikita ko siya, bumibilis bigla ang tibok ng puso ko. 

Ang weird nga, unang beses ko pa lang siya nakakatagpo pero feeling ko, siya na ulit ang lalaking bibihag sa 'king puso. Hindi ako fan ng mga love at sight thingy pero parang gano'n ang nangyari sa 'kin ngayon. Mahal ko na ba talaga siya agad? Parang ang bilis pero 'yon kasi ang idinidikta ng aking puso.

Ang damdamin ko para sa kaniya ay parang isang nilagang baboy na kinakain ko ngayon, mainit-init pa. Lalamig din siguro kapag hindi ko na siya nakita. Parang taba rin ng baboy, nagmamantika. Pinagpapawisan ako nang malagkit kapag iniisip ko siya. Napadukot tuloy ako sa aking bulsa para kuhanin ang aking panyo. Unti-unti na 'kong pinagpapawisan, e.

Habang pinupunasan ko ang aking pawis sa aking mukha, napadako ang aking tingin sa may repolyo. Repolyo, oo, ubod siya ng guwapo pero ang sustansya niya ba'y masasalo ko? Nang maisip ko 'yon, biglang dumumi ang aking isipan kaya kinatukan ko nang kaunti ang aking ulo. 

Kumuha ako ng pechay at inilagay ko 'to sa aking pinggan. Pechay, isang masustansyang gulay ngunit kinikilig ang aking kipay kapag siya ang laman ng aking nininilay-nilay. Bastos na utak talaga 'to, pero totoo naman. Hindi na lang tuwing iihi ako kikiligin.

Huli kong kinain 'yung patatas. Patatas, pamparami ng gatas. Pagtingin niya ba'y patas base sa iyong ipinamamalas? Nang dahil dito, napaisip akong lalo. Oo nga naman, hindi naman ako sigurado kung magugustuhan niya rin ako. Paano kung ako lang pala ang umaariba? Saang patutungo ang pagmamahal ko sa kaniya?

Lalong lumalalim ang pag-iisip ko kaya minabuti ko na lang na kumain ng minatamis. Leche flan, para sa damdaming inilaan. Umindayog sa kilig dulot ng tamis, isantabi ang paghihinagpis. Kakaiba rin pala ang dulot nito sa aking isipan at damdamin kaya mas mainam nga siguro na huwag na muna akong mag-isip-isip ng kung ano-ano. Ang mahalaga, kiligin dulot ng ligaya.

Pagkatapos kong kumain, iniligpit ko na ang aking pinagkainan at naghugas na rin ako ng pinggan. 

---

Kagaya ng nakagawian, nagkita-kita kaming tatlong sa ilalim ng punong mangga bago ang una naming klase.

"Prends, ang sarap ng tulog ko kagabi. Napaginipan ko si Yatco! Niyaya niya raw akong makipag-date!" naghuhuramentdaong sambit ni Osang.

"Ayan, sa sobrang pag-iisip mo 'yan sa kaniya kaya napaginipan mo siya," saad ko.

"Sabi nila, kapag napaginipan mo raw 'yung taong 'yon ay dahil iniisip ka rin niya. Mukhang hindi na 'ko maniniwala sa sabi-sabi na 'yon. Ni hindi ka nga kakilala ni Yatco," pahayag naman ni Gela.

"Ay wow, kakaiba talaga si Gela. Hindi ko pa naman nabanggit sa 'yo si Yatco, kilala mo na agad siya," ani ko.

"S'yempre, may pakpak ang balita. Salamat kay Rosanna at updated ako lagi," aniya sabay pakawala ng isang kindat.

"Basta ako, masaya ako, period! Try ulit nating dumaan mamaya sa gym, baka matyempuhan nating nagpa-practice ulit sila ro'n," mungkahi ni Osang.

Wala namang masama kung magbabaka-sakali kaming tumingin do'n mamaya. Ang mahalaga, sinubukan namin. Gusto ko rin namang masilayan si Mr. Zerudo kaya go ako r'yan. 

"Oo naman, hindi naman ako papayag na kayo lang ang may inspirasyon," saad ni Gela.

"Kapag wala kang nakita, ipapaubaya na namin sa 'yo si Mr. Maskels," ani Osang na wari mo'y tinutuya si Gela.

"True," pagsang-ayon ko kay Osang.

"Naku, no. Lugi ako, dapat may crush din akong basketball player. Hindi ako papakabog sa inyo, 'no," litaniya ni Gela.

Nagtawanan na lang kaming tatlo matapos no'n. Makalipas ang ilang saglit, pumunta na kami sa aming silid dahil malapit ng magsimula ang klase.

---

Miyerkules na ngayon, nabigo kaming makita 'yung dahilan ng ipinunta namin sa may gymnasium. Sad to say, mga nag-p-P.E. ng folk dance 'yung nadatnan namin do'n kaya laking panghihinayang talaga namin. Umuwi kaming malungkot.

Speaking of physical education, aerobics nga pala ang P.E. namin kaya sayaw to the left, sayaw to the right ang peg namin. Hindi naman ako kagalingang sumayaw pero kinakaya ko naman. Natatawa na lang ako kay Osang dahil ang tigas ng katawan. Para siyang buteteng inasinan sa tuwing sumasayaw. Si Gela, forte niya 'yon. Nakatutuwa nga dahil may swag talaga kapag sumayaw siya.

Nakatambay lang kami ngayon sa room namin dahil maagang nag-dismiss 'yung aming prof. Paghahanda na rin daw dahil midterm exams na next week. Kaniya-kaniyang agenda ang mga kaklase ko. Nagkumpulan na rin kaming tatlo.

"Guys, ano na ang ganap natin? Walang pasok bukas saka sa Friday," bungad ni Osang.

"Kung may balak kayong gumala, pass na muna 'ko. Alam n'yo namang nagtitipid ako," ani Gela.

"Puwede namang gumala nang 'di gumagastos masyado. Punta tayo sa mall bukas, palamig lang. Then, window shopping at kain lang sa may labas, mga tuhog-tuhog, okay na 'yon. Mahaba-haba ang bakasyon kaya bago tayo magpakasubasob sa pag-re-review, mag-enjoy muna tayo," suhestiyon ko.

"Ay, truly. Huwag muna tayong magpaka-stress. Mas okay kung bukas na tayo gumala para may three days preparation tayo sa pag-re-review. Keri ba?" sambit ni Osang.

"Ahmm..." Halatang nagdadalawang-isip pa si Gela.

"Kami bahala sa 'yo, Gela. Tutulungan ka naming magtinda bukas sa mall. Tiyak, maraming bibili ro'n," turan ko.

Biglang pumasok sa alaala ko 'yung isang babae na nagtitinda ng mga kutkutin sa mall habang nag-iikot-ikot kami na pamilya. Wala namang masama ro'n, isa pa, nakapasyal na kami, nakatulong pa kami kay Gela.

"Hala, gagawin n'yo talaga 'yon?" sambit ni Gela na wari mo'y maluha-luha.

"Oo naman, ano pa't nagkaroon ka ng kaibigan na makapal ang mukha, aber?" ani Osang.

Nagtawanan na lang kaming tatlo. Sa aming tatlo, si Osang ang may pinaka malakas na self-confidence. Kahit sino naman ay kaya niyang kausapin nang hindi nahihiya. Mahiyain din naman ako pero depende sa sitwasyon.

"O siya, sige. Go na 'ko, kasama ko naman kayo," pagpayag ni Gela.

Napapalakpak kaming dalawa ni Osang dahil once in a blue moon lang din kami makapasyal na kumpleto talaga. Kadalasan kasi, dito lang sa loob ng school o kaya sa may park ng kapitolyo kami namamasyal o tumatambay. 

"Sana naman, makita na natin 'yung ating mga inspirasyon mamaya para ganahan naman tayo sa pag-re-review," pag-iiba ni Osang ng topic.

"Hoping, kung puwede... pumunta tayo sa building nila," ani ko. Nagulat ako dahil sa bibig ko pa mismo nagmula ang mga katagang 'yon.

"Excited much?" wika ni Gela.

"Yieee, na-miss niya si Zerudo..." pambubuska ni Osang.

"Oo naman," pag-amin ko. "Hindi dapat tayo umuwing luhaan ngayong araw," dugtong ko pa.

"Gusto ko 'yung determinasyon mo na 'yan, Madam," ani Osang na may halong pang-aalaska.

"I-push natin 'yan," sambit ni Gela. 

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status