Share

CHAPTER 3

“Isang PAANAKAN? Are you kidding me?” Iyon ang unang naging reaksyon ni Trood sa sinabi sa kanya ni Boyting na nalaman nitong impormasyon ukol sa negosyo ng kanyang Lola Isadora. Nawindang siya. Ang inasahan kasi niya talaga ay isang kompanya o isang farm ang ipapamana sa kanya ng abuela.

“Iyon talaga ang nalaman ko, Bossing.” kakamot-kamot ulong saad ni Boyting. “Pero hindi naman paanakan lang kundi birthcare center. At hindi siya basta-basta na birthcare center, malawak siyang center, Bossing.”

“Kahit na! Hindi ko iyon matatanggap na mana!” giit niya na maasim ang mukha. “Oo, desperado ako na magkapera pero ang pangasiwaan kung sakali ang isang PAANAKAN, no way! Taena nakakabakla ‘yon! Ayoko!”

Parang constipated na ang kanyang tauhan na nakangiwi. Hindi na alam ang sasabihin sa kanya upang magbago ang isip niya at ituloy ang una nilang napag-usapan.

“Ibahin na lang natin ang plano,” aniya na lumagok ng alak. Mula naalis siya sa IRON BLADES dahil sa pagtatraydor sa kanya ni Mattias, pinalabas sa grupo na naging pabaya siya kaya namatay sina Monica at ang ipinagbubuntis nito, ay wala na siyang ginawa kundi ang maglasing.

“At paanong iibahin, Bossing?”

“Ewan ko. Ikaw? Baka may alam ka kung paano tayo magkakapera?” naiinis na ang tonong pahayag niya. Padarag na pati nang ibaba niya ang wineglass sa center table.

“Wala na tayong pag-asa, Bossing, kundi iyong mamanahin mo sa lola mo. Pagtiisin mo na ‘yon. Hindi bale at gagalingan ko ang paghahanap ng buyer kung sakali.”

“Seryoso ka talaga?” Sinamaan niya ng tingin ang tauhan. “Paano ko gagawin iyon, aber? Paano ako ima-manage ang isang lugar na puno ng manganganak? Imaginen mo nga ang nai-imagine ko!”

Ginawa naman iyon ni Boyting. Kunwari ay nag-imagine nga ito. Hawak nito ang baba na tumirik ang mga mata sa itaas.

“Oh, hindi ba nakakadiri?” ani Trood. Muling sinalinan ng alak ang wineglass at nilaro-laro ang yelo roon upang lumamig agad.

Napalabi si Boyting. “Mukhang hindi naman, Bossing. Mas nakakadiri pa nga iyong ginagawa mong pakikipaglaban. Kaysa sa bulwak na utak ng tao ay mas cute naman ang baby na palabas sa sinapupunan ng ina na makikita ko.”

“Gunggong!” Kinuha niya ang isang throw pillow at ibinato rito.

Sinalo iyon ni Boyting at napakamot na naman ng ulo. “Eh, paano tayo, Bossing, kung hindi mo tatanggapin ang mana mo? Mamamatay tayo nito sa gutom?”

“Bahala na. Mag-iisip na lang ako ng paraan.”

Wari ba’y may bombilya na umilaw sa tuktok ni Boyting na napapitik ito sa ere. “Alam ko na ang gagawin natin, Bossing, para magkapera tayo!”

“At ano naman iyon?”

“What if kidnapen na lang natin ang lola mo, Bossing, tapos humingi tayo ng malaking ransom money?”

“Tarantado!” Hindi na lang throw pillow ang ginusto niyang ibato sa walang isip niyang tauhan, pati na sana ang buong sofa. Tumayo siya at tinangka niya iyong buhatin.

“Bossing, mabigat ‘yan! Masakit ‘yan!” Takot na napaatras si Boyting habang nakaharang ang mga kamay nito sa mukha.

“Lumayas ka sa harapan ko kung ayaw mong mapatay kita!” babala niyang galit na galit ang hitsura.

“Sige, Bossing. Bibili na lang ako ng pulutan mo.” Mabilis ngang kumaripas ng alis si Boyting.

Pabagsak na binitawan ni Trood ang mahabang sofa. Totoong binuhat niya iyon at totoong ihahambalos niya dapat sa walanghiya niyang tauhan. Ang lakas ng loob na pagbantaan ang kanyang Lola Isadora! Walang utak!

Bumalik siya sa kanyang pagkakaupo. Muling hinarap ang alak. Subalit nahuhulog na siya sa pag-iisip kaya hindi na niya ma-enjoy ang paglaklak. Kainis pa dahil feeling niya ay may nagsilitawan sa harapan niya na mga babaeng mga nagsasayaw at kumakanta ng ‘LABAN O BAWI’. Nang maglaho sila ay si Kris Aquino naman ang lumitaw at tinanong naman siya ng ‘GAME KA NA BA?’

Napangiwi siya’t napailing. Nababaliw na yata siya. Damn!

Muli niyang sinalinan ng alak ang wineglass at binuttoms up iyon. Nakailang buntong-hininga siya habang hinahaplos ng salitan ang kanyang buhok at bunganga. Naiinis siya dahil habang nagdurusa siya sa kasalanang hindi naman niya ginawa ay malamang enjoy na enjoy naman ngayon ang Mattias na iyon sa pagpapakasasa sa ninakaw nitong pera sa kanya.

Ang hayup!

Nasapo naman niya ang noo nang pumikit siya’t bumalik sa ala-ala niya kung paano niya prinutektahan si Monica noon. Ginawa niya ang lahat tulad ng pangako niya kay Mattias, pero lintik, siya pa itong nagkandaleche-leche.

Nang imulat niya ang mga mata ay parang naglalabas ang mga iyon ng apoy. Hindi siya makakapayag na hindi niya makakaharap si Mattias at pagbayarin sa ginawa nitong ito sa kanya.

“Bossing, kalmado ka na ba?” Hindi nagtagal ay bumalik si Boyting. Hindi niya ito sinagot kaya lakas-loob itong sumilip sa pinto. “May dala akong letsong manok, Bossing,” panghahalina sa kanya sabay taas sa dalang plastik labo.

“Ihanda mo ang mga kakailangan natin, Boyting. Pupunta tayo sa Galero Province,” ngunit hindi na niya iyon binigyan pansin dahil nakatuon na ang isip niya kung magkano ang pera na makukuha niya oras na mapasakamay na niya ang kanyang mana.

“Tatanggapin mo na ang PAANAKAN, Bossing?”

“Oo, wala na akong pakialam kahit sementeryo pa ang ibibigay sa akin ni Lola. Ang mahalaga na lang sa akin ay basta maibebenta sa malaking halaga,” madiin niyang saad.

Nagliwanag ang mukha ni Boyting. “Iyan ang bossing ko!” at eksaherado nitong bulalas.

Napangiti na rin siya nang ubusin na niya ang alak sa bote mismo. Nai-imagine na niya kasi ang limpak-limpak na salaping magiging kapalit ng PAANAKAN oras na maibenta niya. Hindi na siya makapaghintay. At lalong hindi na siya makapaghintay na mabalikan si Mattias.

ALAS-SAIS ng gabi matapos ipadala ni Boyting ang ipinagawa niyang email sa kanyang lola bilang sagot sa mga sulat nito sa kanya ay bumyahe na sila patungong Galero Province. Nakasaad sa email na pauwi na siya kaya tiyak na tuwang-tuwa na ngayon ang Lola Isadora niya. At kung kanina puros pera lang ang laman ng isip niya sa kanyang pagbabalik sa kanilang probinsya, ngayon kahit paano ay excited na siyang makita ang lola niya.

Makalola naman kasi siya noon. Lahat ng gusto niya ay ibinibigay sa kanya ng matanda. Kahit namatay noon ang mga magulang niya ay hindi niya naranasan na masyadong mangulila at lalong hindi niya naranasan na maghirap. Sadya lang matigas ang ulo niya kaya pinili pa rin niyang maglayas dahil lang sa inakala niyang maganda ang mamuhay sa Maynila. Isa palang kalokohan.

“Bossing, kapag nandoon na tayo ay tandaan mo na bawal kang maging maangas. Dapat bait-baitan ka para makuha mo ulit ang loob ng lola mo,” payo sa kanya ni Boyting nang nasa byahe na sila.

He grinned. “Hindi mo na kailangang pangaralan ako. Alam ko na ang gagawin ko. Isa pa, lola ko iyon, kahit matagal akong nawalay sa kanya ay alam ko pa rin paano makuha ang loob niyon,” at saka mayabang na sabi.

Ngumiti na lamang si Boyting at itinuon na ang pansin sa pagmamaneho.

Makalipas ang mahabang oras na byahe. Narating din nila sa wakas ang Galero Province. Hindi halos napansin ni Trood ang haba ng byahe dahil sa kakatulog.

“Iyan ang Birthcare Center na pagmamay-ari ng lola mo, Bossing,” kalabit na lamang sa kanya ni Boyting nang tumigil ang sasakyan nila sa Moherra Birthcare Center.

“Alam ko dahil galing na ako rito,” aniya sabay tanggal sa kanyang itim na shades sa mata.

“Paanong?” mangha si Boyting.

“Dito ko sa Galero Province itinago noon si Monica. Dito rin sa center na ito ko siya itinakbo noong manganganak na siya kaya dito rin siya binawian ng buhay kasama ang baby niya.”

Napanganga si Boyting sa hindi pagkapaniwala. “Walastik ka, Bossing. Nakita at nakapunta ka na pala rito pero pinag-imbestiga mo pa ako?”

Ibinalik niya ang shades sa mga mata at ngumisi ulit. “Gusto ko lang ma-confirm kung pag-aari nga namin ang center na ito. May ibang Moherra din kasi dito sa Galero Province hindi lang ang angkan namin kaya noong una ay hindi ako sigurado kung ito iyong ipinapatayo noon ni Lola na sabi niya ay PAANAKAN.”

Napalatak si Boyting. “Pinagod mo lang pala ako, Bossing.”

Natatawang tinapik niya ito sa balikat. “Good job ka naman do’n, eh. Puwede ka nang maging detective.”

Kaysa ang matuwa ay iningusan siya ng tauhan.

Lalong natawa si Trood sa mas naging pangit pang mukha ng kanyang tauhan. Pero natigilan siya nang may mapansin siyang babae na pamilyar sa kanya.

“Long time no see, Miss Pacquaio,” at naisambit niya nang makilala na niya ito.

Miss Pacquiao ang tawag niya sa babae dahil hindi niya nakakalimutan na minsan ay sinuntok siya nito straight sa ilong. At siya iyon, ang babaeng ngayon ay naglalakad sa driveway ng birthcare center.

Pilyo ang ngiti niyang sinundan niya pa ng tingin ang babae. At sa tingin niya ay nagkaroon na siya ng mas dahilan upang bumalik na nga siya bilang isang Moherra.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status