Share

Chapter 5

Pagmulat ko ng mga mata ko ay kaagad bumungad sa 'kin ang mga pamilyar na tao. Nasa gilid ng kama ko sina Sir Viguel at Ramier at mayroong isang doctor na katabi nila.

Nakatuon sa 'kin ang atensyon nilang lahat habang si Ramier naman ay seryoso lang na nakahalukipkip.

"Are you feeling well?" bungad na tanong ni Sir Viguel at lumapit sa hinihigaan ko.

"Medyo mabuti na ang pakiramdam ko." Sinubukan kong tumayo at inalalayan niya naman ako.

"You experienced overfatigue a while ago, miss Legaspi. All you need to do is to rest so you will be able to gain your strength," paliwanag ng doctor.

"I gave some medicines that you need to take para bumalik kaagad ang lakas mo," dagdag pa nito.

Tinanguan ko ang doctor at nagpasalamat bago siya tuluyang umalis. 

Omg, tumawag pa sila ng private doctor para sa 'kin!

"Narinig mo? Huwag ka munang magta-trabaho, okay? Ako na muna ang bahala kay Venice," sambit ni Sir Viguel.

"H-Hindi puwede. May home study ka pa, 'di ba?"

"I can skip that. Isang araw lang naman," umiling kaagad ako dahil sa sinabi niya.

"Ako nang bahala kay Venice. Tapos na rin naman 'yung klase niya. Hindi naman na ako mapapagod no'n," pagdadahilan ko.

"No, you should rest,” pagpupumilit pa rin ni Sir Viguel.

"You're not allowed to skip your home class, Viguel. Malapit na ang exam mo," sabat ni Ramier sa usapan.

"But kuya—"

"I said No. Balik ka na sa kuwarto pagkatapos mo rito." Hindi niya na hinayaan pang makapagsalita ang kapatid at tuluyan na siyang lumabas.

"Ysharra…"

"Ano ka ba, sir, okay nga lang. Hindi na masama ang pakiramdam ko—promise," pagpapakampante ko at nginitian ko pa para mapanatag ang loob niya.

"I'm sorry for what he did."

"Sanay na rin naman ako sa kuya mo. Hindi na bago sa 'kin 'yon." Tinawag niya nga akong mukhang pera kanina, parang unti-unti na akong na-iimmune.

"May ginawa bang masama sa 'yo ang kuya ko?" nagtataka niyang tanong.

"Ah—eh…wala naman. I mean, sanay na 'ko na masungit siya."

"Pagpasensyahan mo na. Ever since, business minded na talaga si kuya kaya na-adopt niya na sa trabaho ang attitude niyang 'yan. Huwag kang mag-alala, mabait naman 'yan," paliwanag ni Sir Viguel.

Mabait daw.

"Ah, gano’n ba...sige na, balik ka na sa kuwarto mo. Kaya ko na ang sarili ko."

Sino naman ako para bantayan niya 'di ba. Sigurado naman ako na hindi niya 'to ginagawa sa ibang mga kasambahay rito.

"Hintayin mo muna ako. Kukuhanan kita ng makakain." Tumayo na siya at akmang aalis na pero nang saktong nasa pintuan ay biglang bumungad si Zwei na may dala-dalang tray ng pagkain.

Nakita ko kung paano nanlaki ang mga mata ni Zwei nang makitang nasa harapan niya si Sir Viguel. Nakaangat ang tingin nito sa kaniya at parang na-estatwa. Kulang na nga lang ay mabitawan niya na ang hawak-hawak niya.

May nararamdaman akong kakaiba.

"Para kay Ysharra ba 'yan?" tanong ni Sir Viguel.

"Zwei…" Hinawi pa nito ang kamay sa harapan ni Zwei dahil hindi ito makapagsalita habang nakatitig pa rin sa kaniya.

"Ah—opo, para po kay Ate Ysharra." Sa wakas ay nakapagsalita na rin siya pero nauutal.

"Ako nang magdadala." Kinuha niya 'yung tray mula kay Zwei at pumunta ulit sa kinaroroonan ko.

"Ate, si Master ang nagpadala rito n'yan. Nand'yan na rin 'yung gamot na pinapainom ng doctor. Hinabilin ni Master sa 'kin na bantayan daw kita hanggang sa maubos mo 'yung pagkain at mainom mo 'yung gamot," anunsiyo ni Zwei.

Hindi ko alam kung bakit biglang bumilis ang tibok ng puso ko dahil sa sinabi niya.

Normal lang ba 'to?

“Narinig mo? Ubusin mo 'yan, okay? Aalis na 'ko." Ngumiti siya 'kin bago tumayo.

Nakita ko pa kung paano kumaway na may pagka pabebe si Zwei kay Sir Viguel.Nginitian niya naman ito bilang tugon.

Habang sumusubo ako ng pagkain ay hindi ko maiwasang mapangiti. Pinapasabi niya ba talaga 'yon o nag-iimbento lang itong si Zwei. Ngunit  bakit niya naman gagawin 'yon 'di ba.

Habang nasa kalagitnaan ako ng pagkain ay nakita kong ngingiti-ngiti rin si Zwei gaya ko.

"Magtapat ka nga sa 'kin," bungad ko kaya napalingon siya.

"Ano 'yun, ate?"

"May gusto ka ba kay Sir Viguel?" Kanina pa ako kating-kati na itanong ang bagay na 'yon sa kaniya. Nasilayan ko kung paano mamula ang pisngi niya at bigla na lang siyang umiwas ng tingin sa 'kin.

"Luh..hindi, ate. Bakit naman ako magkakagusto sa kaniya? 'Tsaka alam ko naman na wala akong pag-asa. 'Di hamak na kasambahay lang ako kumapara sa kung anong antas niya sa buhay," bumuntong hininga siya bigla.

"Wala naman 'yan sa estado ng pamumuhay ng isang tao. Kung mahal niyo talaga ang isa't-isa, hindi hadlang ang bagay na 'yon."

"Mukhang relate ka sa sinabi mo ate." Tinapunan niya ako ng mapangutyang tingin.

"Anong ibig mong sabihin?"

"May gusto ka ba kay Master, ate?" Inangat-baba niya pa ang kilay at abot-langit ang ngiti sa 'kin.

"Wala, 'no! Kabago-bago ko pa lang dito kaya paano naman ako magkakagusto sa kaniya nang gano'n kabilis."

"Kahit crush lang?" pang-uusisa niya pa.

"Nako! Tigil-tigilan mo 'ko, ha. Sige na tatapusin ko na 'tong pagkain ko." Iyan na lang ang idinahilan ko para magtigil na siya.

Ano kayang magiging reaksyon niya kung sakaling sabihin ko na nakipag-sex na 'ko dati sa amo namin? Baka maglupasay pa 'to sa kilig.

"Ako na, ate." Matapos kong inumin ang gamot, bubuhatin ko na sana 'yung tray papunta sa kusina pero pinigilan niya 'ko.

"Sasabihin ko na rin kay Master na tapos ka na," kumunot ang noo ko.

"Binilin niya ba talaga sa 'yo 'yon?" pang-iintriga ko.

"Oo, ate. 'Tsaka sabi niya, h'wag daw po muna kayong magtrabaho ngayong araw," dagdag pa nito.

Natahimik ako bigla at napaisip dahil sa nalaman ko. Nakita ko kung paano tumingin ng mapang-asar sa 'kin si Zwei.

"H'wag mo sanang bigyan ng kahulugan 'yon, ate. Masama ang ma-fall na hindi naman sinasalo." Pinipigilan niya pa ang tawa dahil sa mismong banat niya.

"Of course, not! Bakit ko naman bibigyan ng meaning. Naisip niya lang siguro 'yon dahil siya ang kasama ko noong nahimatay ako." Iyon naman talaga ang isa sa mga naisip kong dahilan.

Mahirap mag-assume. Baka masaktan lang ako. Lalo na ngayon na ang sungit-sungit niya sa 'kin.

"Ganito lang talaga si Master. Kahit kapag kami ang nagkakasakit, pinagpapahinga niya rin kami ng buong araw," paliwanag pa ni Zwei na ikinasira ng kakaunting pag-asa ko.

May malasakit siya—pero sa lahat.

"Zwei…" akmang aalis na sana siya nang biglang may naisip ako.

"Bakit, ate?"

"Ba't nandito pa si Master? Nabanggit niya sa amin kanina na babalik pa siya sa opisina."

"O, talaga? Nandito pa siya ate. Binabantayan niya nga si Venice ngayon, e."

"Talaga? Baka may importante pa siyang gagawin sa opisina, nakakahiya naman. Inako niya pa 'yung trabaho ko." Nakaramdam tuloy ako bigla ng guilt.

"Sige na ate. Aalis na 'ko," paalam niya.

Sinubukan kong humiga ulit para matulog pero hindi ko magawa. Pagtingin ko sa relos ay alas kuwatro na pala ng hapon. Ang tagal ko rin palang walang malay.

Napagdesisyunan kong lumabas muna para magpahangin. Nginitian ko lahat ng mga trabahador at kasambahay na nasa labas. Pumunta ako sa garden at kahit papaano ay naibsan naman ang nararamdaman ko dahil sa ganda ng paligid.

Lumingon-lingon ako at napabalikwas dahil nakita ko si Sir Viguel mula sa veranda ng kuwarto niya at masinsinang nagbabasa.

Katulad ng palagi kong nakikita ay nakasuot na naman ang eyeglass nito. Hindi ko maiwasang mamangha dahil ang attractive niya tuwing nakasuot ang salamin.

Bumalik ako sa silong dahil baka mahuli niyang nasa labas ako at pagalitan. Pagpasok ko sa loob ay mga kasambahay lang din ang naroroon. Malamang nasa kuwarto na sina Venice at Ramier.

Hanggang sa napagdesisyunan kong dalhan sila ng meryenda. Baka gutom na ang alaga ko. Naghanda ako ng ilang sandwiches at mango juice. Matapos ay inakyat ko na sa itaas.

Nakita kong medyo bukas ang pinto kaya hindi na ako nahirapang kumatok. Marahan akong pumasok at bumungad ang magkapatid sa 'kin na prenteng magkatabi sa kama at nanonood ng cartoons.

Nakuha ko kaagad ang atensyon nila paglapit ko at nakita kong sumalubong ang dalawang kilay ni Ramier.

"You're here, ate! Are you okay na?" Lumapit sa 'kin si Venice at niyakap ang mga binti ko. Pinatong ko na ang tray sa mesa at lumuhod para magpantay kami ni Venice.

"Okay na si ate. Maalagaan na ulit kita."

"Yehey!"

"Sige na, eat your meryenda na." Kumuha ako ng isang sandwich at malugod niya namang tinanggap.

Humiga ulit siya sa kama.

Napalunok naman ako nang makita na matalim akong tinititignan ni Ramier habang nakaupo sa gilid ng kama.

"Why are you here?" baritonong boses niyang tanong.

"Master, okay na po ako. Ininom ko na rin po 'yung gamot na ibinigay niyo."

"Go back and rest." Bigla ko na lang ginustong umatras dahil sa utos niya.

"Pero may trabaho pa po kayo, 'di ba? Kaya ko na pong alagaan si Venice, naistorbo pa po kayo."

"Hindi istorbo si Venice sa akin. Kung iniisip mo na ginagawa ko 'to dahil sa 'yo, nagkakamali ka. Nandito ako para magkaroon ng oras na kasama si Venice," nanlambot ang mga tuhod ko matapos mapagtanto na gano'n pala ang iniisip niya.

Bakit napaka-judgemental naman ng taong 'to.

"S-sige po, Master. Babalik na po ako." Bakit ba kasi pilit akong sumusuway.

Lalo lang akong nasasaktan,e.

Hindi ko na siya hinayaang magsalita at tuloy-tuloy nang umalis dahil baka ano na namang masakit na salita ang marinig ko. Tulad ng sinabi niya ay hindi na 'ko nagpumilit pa at nagpahinga na lang buong gabi.

Nanonood kami ng Tv ni Zwei at alas nuebe na ng gabi nang biglang may kumatok. Pinagbuksan naman siya ni Zwei at bumungad sa amin si Sir Viguel.

May dala siyang isang tray ng Lasagña at milk tea. Lumapit siya kaagad sa 'kin kaya umayos ako ng upo.

"Dinalhan kita ng meryenda. Lumabas ka raw kanina sabi ng ilang maids?" tinaasan niya ako ng kilay.

"Sandali lang akong lumabas. Binawalan ako ng kuya mo kaya bumalik din ako," bumuntong-hinininga kong sabi.

"Gano'n din naman ang gagawin ko kung sakaling ako ang nakakita sa 'yo. Ang tigas ng ulo mo—para kang bata," umiling-iling pa siya sa 'kin.

"Luh, mas bata ka sa 'kin," banat ko.

"Pero parang mas mature akong mag-isip sa 'yo."

"Wow," iyon na lang ang nasabi ko.

"Kainin mo na 'to." Inilahad niya sa harapan ko 'yung dala niya.

"Kumain ka na ba, Zwei?" tanong ni Sir Viguel kaya napatingin din ako kay Zwei.

Nagce-cellphone lang siya at napalingon nang tawagin siya. Hindi pa siya makapaniwala noong una na tinatanong siya.

"Okay lang ako, sir. Kumain na 'ko," ngumiti pa siya nang bahagya.

Lumingon ulit si Sir Viguel sa 'kin.

"Kainin mo 'yan. Babalik ako," bilin niya at dali-daling umalis.

Nakalahati ko na ang kinakain ko at do'n pa lang siya bumalik. May dala na naman siyang isang tray kaya napatingin kaming dalawa ni Zwei sa kaniya.

"Sorry. Ininit ko pa kasi 'to sa microwave," patukoy niya sa lasagña.

Nakita ko kung paano nagliwanag ang mukha ni Zwei nang itapat ni Sir Viguel ang tray sa harapan nito.

"Dinalhan na rin kita, baka nagugutom ka." Napakamot pa siya ng ulo habang sinasabi 'yon.

"Salamat, sir." Biglang tuminis ang boses ni Zwei nang sabihin 'yon.

Parang may something talaga, e.

Bumalik siya ulit sa 'kin at nakipagkwentuhan sa aming dalawa ni Zwei habang hinihintay na matapos kaming kumain.

"Matulog na kayo. Ako na ang bahala sa mga pinagkainan niyo." Kanina pa siya nagpupumilit pero ayaw kong ibigay sa kaniya ang pinagkainan ko. Nakakahiya, siya na nga ang nagdala ta's siya pa ang maghuhugas. 

Napaka-caring naman ng isang 'to.

"No, sir, ako na. Samahan mo na lang akong maghugas kaya huwag ka nang magpumilit d'yan." Tumayo si Zwei at siya na mismong kumuha sa tray ko. Inalalayan naman siya ni Sir Viguel sa isa at sabay na silang lumabas.

Nakangiti ako habang naiwan ang tingin sa pintuan. May nararamdaman talaga ako sa dalawang 'yon. Kinabukasan ay bumalik na ng tuluyan ang lakas ko. Nahatid ko na rin si Venice sa school niya at naging produktibo naman ang araw ko.

Bihira lang mangyari ang pagkakataong ito dahil kasabay ng dalawang magkapatid ang kuya nila sa hapunan. Mukhang maaga siyang natapos sa opisina kaya nandito na siya. Madalas kasi ay ang dalawa lang ang naghahapunan.

"Kuya," pagtawag ni Venice.

"Ano Venice?" nginitian siya ni Ramier.

"Can we swim? I want to swim!" paanyaya nito.

"It's already evening .Bukas na lang, puwede?"

"No! This is just the time that you're here. Maybe tommorow, you're busy again.Please…let's swim." Pinagtapat pa ni Venice ang dalawang palad sa harapan ng kuya niya.

"Sige pero sandali lang, okay? Eat your meal first."

"Yehey!" Agad-agad kumilos si Venice para maubos ang pagkain niya. Napangiti naman si Ramier sa inaakto ng kapatid.

"Sama ako sa inyo, puwede ba?" paalam ni Sir Viguel. Maligalig naman siyang tinanguan ni Venice.

"Sama ka rin sa 'min, Ysharra," napaawang ang labi ko nang mapansin ako ni Sir Viguel. Nasa akin tuloy ang atensyon nilang magkakapatid.

"Yes, ate. Please join us!" napakagat ako ng labi dahil pati si Venice ay inaaya na rin ako.

"Sige na, Ysharra," pagpupumilit pa ni sir.

"Sama ka na sa kanila, ate." Tinabig naman ako ni Zwei nang nakangiti.

"Huwag na sir. Kayo na lang," pagtanggi ko.

"Sumama ka na," kumalabog ang puso ko dahil sa simpleng sambit na iyon ni Ramier. Hindi niya man ako tinapunan ng tingin at nagpatuloy lang siya sa pagkain.

"See? Ano? Sumama ka na!" Tinanguan ko naman si Sir Viguel dahil napilitan ako.

Matapos nilang kumain ay naghanda na sila para mag-swimming. Inayusan ko muna ng pang-swimming ang alaga ko at binigay ko na siya kay Sir Viguel.

Bumaba ulit ako dahil hindi pa ako kumakain.

"Oh, ba't nandito ka? Inaaya ka nilang mag-swimming, 'di ba?" tanong ni tita nang makarating ako sa area kung saan kami kumakain.

Naroroon silang lahat at sama-samang kumakain. Makahulugang tumingin sa 'kin ang iilang mga kasambahay nang tumabi ako kay Zwei. Hindi ko na lang sila pinansin.

"Sana all inaayang mag-swimming," nakangising kuntyaw ni Zwei pero nagpatuloy na lang ako sa pagkain.

Pagkatapos kong kumain ay agad akong nagtungo sa k'warto para magbihis. Mabuti na lang at may nadala akong black two piece. Hindi naman siguro bagay kung itong uniporme ko na pang kasambahay ang pang-swimming ano? Kaya ito na lang.

Naglagay ako ng kaunting lipstick dahil ang putla kong tignan. Inayos ko rin ang sarili at humarap sa salamin nang maisuot ko na ang two piece. Noong na-satisfied na ako ay nagsuot muna ako ng black see-through at tuluyan nang lumabas.

Nadatnan ko silang magkakapatid na masayang nagtatampisaw.

Nang malapit na 'ko sa kanila ay natigil ako dahil napagmasdan kong mabuti ang katawan ng dalawang magkapatid. Akay-akay ni Ramier si Venice habang si sir Viguel naman ay masayang nakikipaglaro sa kanila.

Hindi maiwas ang tingin ko sa mga katawan nila. Paanong nangyari na eighteen years old pa lang si Sir Viguel pero ang ganda na ng hubog ng katawan niya? 

Hayyst! Bakit ko ba 'to naiisip e ang bata niya pa para sa 'kin.

Isa pa 'tong kuya niya. Alam kong nakita ko na ang katawan niya noon pero hindi ko pa rin maiwasang mamangha at siguro kahit ilang beses ko pa 'yong makita ay hindi ako magsasawa. 

Mas malaki ang pangangatawan niya kaysa kay sir Viguel.

"Ano pa'ng hinihintay mo riyan, Ysharra? Punta ka na rito!" aya sa 'kin ni sir kaya bumalik ako sa katinuan. Agad akong kumilos at dahan-dahang tinanggal ang see-through. Tumambad ang katawan ko na naka-two piece lang.

Paglingon ko sa kanila ay hindi matigil ang pagtingin nila sa 'kin. Napaawang ang labi ni Sir Viguel habang si Ramier ay matalim ang mga mata akong tinitignan.

Napasipol pa si Sir Viguel at hindi maiwas ang tingin sa katawan ko. Nakaramdam ako bigla ng pagkailang kay Ramier dahil iba ang titig niya. Agad akong lumusong sa tubig para maiwasan ang awkwardness dahil napatigil talaga sila nung dumating ako.

"You're so sexy, ate!" komplimento ni Venice nung ako ang umalalay sa kaniya.

"Thank you, Venice!" hinalikan ko pa siya sa pisngi.

Lumapit si Sir Viguel sa amin ni Venice at may ibinulong sa bata. Nakatingin lang sa amin si Ramier.

"Kuya Viguel said that you're so hot and sexy raw, ate!" nanlaki ang mga mata ko sa binulong ni sir sa bata. Sisitahin ko sana siya pero lumangoy siya palayo at nang nakalayo ay nginisihan niya ako.

Malalim ang pool kaya hawak-hawak ko si Venice. Para kaming may sariling mundo dahil tinuturuan ko siya kung paano lumangoy at mukhang nag-eenjoy naman siya. Habang ang dalawa niya namang kuya ay lumalangoy.

Namangha ako sa kanilang dalawa dahil pareho silang maging lumangoy—nagpa-paunahan pa sila. Ilang sandali lang ay umahon na kami dahil baka magkasakit pa si Venice dahil gabi na.

Iniwan namin ang dalawa niyang kuya kaya ako na ang umasikaso sa alaga ko. Hanggang sa lumalim na ang gabi at pinatulog ko na ang alaga ko.

Hindi ko namalayan na nakatulog na rin ako at nung napa-idlip ako, inayos ko ang kumot ni Venice at lumabas na ng kuwarto niya. Nakaramdam ako ng pagkauhaw kaya nagtungo ako sa kusina para kumuha ng tubig. Pagbaba ko ay halos patay na lahat ng ilaw.

Bumilis ang tibok ng puso ko nang makita si Ramier na nasa tapat ng refrigerator at kumuha ng tubig. Aatras na sana ako para umalis pero huli na ang lahat dahil nakita niya na ako.

"What do you need?" Humarap ulit ako dahil kahit anong gawin ko nito ay wala na 'kong takas.

"K-Kuha lang po sana ako ng tubig." Sinubukan kong 'wag mautal at kahit papaano ay nagawa ko naman.

"Here," inilahad niya sa 'kin 'yung tubig na para sana sa kaniya.

Hindi na 'ko umangal pa kaya dali-dali ko nang kinuha 'yung baso.

"Salamat po, Master." Sinabi ko 'yon na hindi siya nililingon.

Tumalikod na 'ko at akmang lalakad na paalis pero naka ilang hakbang pa lang ako ay narinig ko na naman siyang nagsalita.

"Ysharra…I'm sorry for what I said last time. I didn't mean it." Hindi ko siya nilingon at nagpatuloy na sa paglalakad dahil tinatago ko ang ngiti na sumilay sa labi ko.

Bab terkait

Bab terbaru

DMCA.com Protection Status