Share

Chapter 14

"Babae ba ang may-ari ng kumpaniya?" agad kong tanong sa kanila at doon ay tuluyan na ngang nawarak ang plato at lumabas na ang kunot sa noo ni Jelle.

Sinasabi ko na nga ba... nagseselos siya.

Napatakip ako ng aking mga bibig nang biglaan siyang mag-walk out.

"Pasensya na, Averill, sa naging akto ni Jelle," paghingi ng tawad ni Kaycee.

"Ayos lang," ngiting tugon ko sa kaniya.

"Sundan ko lang siya, ha?" pagpapaalam nito.

Tumango na lang ako bilang tugon.

Matapos nilang mawala sa aking paningin ay agad akong napatingin sa kanilang pagkain.

Napalunok na lang ako sa aking nginunguya at muntik pa akong mabulunan, mabuti na lang ay may tubig akong nabili.

Paano ba naman kasi ay halos hindi ginalaw ni Kaycee ang kaniyang pagkain at kabaliktaran naman noon ang kay Jelle na parang ni-torture pa ang mga ito.

Matapos kumain ay dali-dali kong niligpit ang mga kalat namin. Ganoon na rin ang basag na plato.

Pumila ulit ako sa counter at nagtanong.

"Kailangan pa po bang bayaran ang basag na plato na nasira ng kaibigan ko?" tanong ko kay Ate.

Nagtaka ako nang mangunot ang noo nito.

"Sino ba ang kaibigan mo at saka nasaan 'yong basag na plato?" tanong niya.

"Ah, si Jelle po. Nabasag niya 'yong plato kanina. Binigay ko na roon sa lalaki 'yong plato," wika ko at saka tinuro ang lalaking nasa likuran niya na naghuhugas.

Nagtaka ako lalo nang bigla siyang nag-sign of the cross at nagsalita.

"Jusko po," wika niya.

"Bakit po?" nagtatakang tanong ko.

"Hindi! Hindi na 'yon kailangan bayaran," sigaw nito.

Hindi naman ako makapaniwala na tinignan siya. Bigla-bigla na lang kasi siyang nagtataas ng boses sa akin. May mali ba akong ginawa?

Nagkibit balikat na lang ako at saka napiling magpunta sa rooftop tutal mahaba-haba pa naman ang aming break time at saka gusto ko rin magpahinga.

Nang nandoon na ako ay napangiti ako nang sumalubong sa akin ang lamig ng hangin ng gabi.

Napatingin ako sa kalangitan. Madilim pero kalmado...

Agad akong napaharap sa entrance ng rooftop nang marinig na may pumasok.

Napataas ang aking kilay nang makita ang isang hindi pamilyar na mukha. Lumapit siya sa akin at saka tinignan ako na pinagtaka ko.

"Bakit?" tanong ko sa kaniya.

Nagulat ako nang bigla niyang hawakan ang pulsuhan ko.

"Ano ba—" Natigil ako nang bigla niyang isuot sa akin ang isang pulseras na kulay pula.

"Ano 'to?" nagtatakang tanong ko at akmang tatanggalin sa kamay ko nang magsalita siya.

"Huwag mo 'yan tanggalin," seryosong wika niya.

"Bakit?" naguguluhan kong tanong sa kaniya.

"Proteksyon 'yan laban sa mga multo," paliwanag nito.

Pinagmasdan ko naman ang pulseras nang maiigi. So, ito pala ang sinasabi nilang proteksyon...?

"Hindi ko naman na 'to kailang—"

"Kailangan mo," seryosong wika niya, "kaya naman pala nilalayuan ka ng karamihan dahil ikaw ang napili nila na paglaruan."

"Ha? Sino?" tanong ko ulit.

Sino ang mga tinutukoy niya?

"Hindi mo ba napapansin? Kanina ka pa nagsasalita mag-isa habang papunta ka sa cafeteria..." bulong niya.

Nanlaki ang aking mga mata dahil sa gulat.

"Imposible 'yan!" sigaw ko, "may mga kasama ako..."

Ngumisi siya at sarkastikong tumawa. "Gaya ko, gaya mo, karamihan sa atin dito ay bukas ang third eye. Hindi ko alam kung ano ang dahilan pero sa tingin ko ay sinasadya nila na mag-hire ng mga empleyado na bukas ang third eye."

"Anong ibig mong sabihin?" kinakabahan na tanong ko sa kaniya.

"Siguro, dahil kaya natin makita ang mga patay na, 'di tulad ng iba," paliwanag niya.

Napatakip ako ng aking bibig dahil sa gulat at sa hindi malamang emosyon.

"Ang ibig mong sabihin ay si Kaycee at Jelle ay patay na?!" gulat kong tanong ngunit agad niyang tinakpan ang aking bibig.

"Tumahimik ka," bulong niya.

Nang kumalma naman ako ay roon na niya lang tinanggal ang kaniyang kamay sa aking bibig.

"Oo," sagot niya, "si Kaycee at Jelle ay parehong patay na. Pareho silang namatay dahil sa hindi malamang aksidente at namatay sila mismo rito sa building natin. At ngayong araw mismo ang ika-limang annibersaryo ng pagkamatay nila."

Tila manlambot ang aking mga tuhod dahil sa aking mga narinig.

Mukhang hindi ko na yata kakayanin ang lahat! Pero paano? Hindi naman sila mukhang multo para sa akin, ah? Sa tagal-tagal ko nang nakakakita ng multo ay hindi pa ako nakakakita ng multo na gaya nila... na nagmumukhang tao kaysa magmukhang multo.

"Sa AB department ka rin, 'di ba?" tanong niya.

Sunod-sunod akong tumango.

"Sa harap mo nakaupo si Jelle at sa likod mo nakaupo si Kaycee, tama ba?" tanong niya.

Tumango ulit ako bilang sagot sa tanong niya. Tinignan ko ang kaniyang ID at nagtaka ako dahil A department pala ang kinabibilangan niya kaya paano niya nalaman kung saan ako nakaupo...?

"Paano—"

"Gaya mo, noon ay nasa AB department din ako naka-assign at saka sa mismong upuan mo rin ako nakaupo dati. Ang leader mo ay siya rin ang nagturo sa akin lahat dati," paliwanag niya.

"Ibig sabihin naranasan mo rin ang nararanasan ko ngayon?" tanong ko sa kaniya.

"Oo," seryosong wika niya, "noong ikaapat na anibersaryo nila ko sila nakilala."

Nagulat ako sa kaniyang sinabi. Ibig sabihin ba noon ay bago lang din siya?

Malungkot siyang tumingin sa akin. "At hindi gaya mo, walang nagsabi sa akin na kahit na sino tungkol sa dalawang babae na 'yon. Kahit na ang team leader natin na bukas din ang third eye. Nalaman ko lang ang lahat nang lumuwas ang Lola ko rito sa Maynila. Binigyan niya ako ng proteksyon at simula noon ay roon ko na nakikita ang totoong mukha at pagkatao ni Kaycee at Jelle. Sila rin mismo ang naglipat sa akin sa ibang department na pinagtaka ko," mahabang paliwanag niya.

Wala naman akong masabi at magawa dahil sa sobrang gulat sa dami kong nalalaman ngayon.

"Muntik pa nga akong mamatay," wika niya na kinalaki ng mga mata ko.

"Ha? Paano mo nasabi? Anong nangyari?" sunod-sunod kong tanong sa kaniya.

Bumuntong hininga siya at saka tumingin sa ilaw ng building habang ako ay nakatingin sa kaniya at hinihintay ang kaniyang pagsasalita.

"Ganito kasi..."

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status