Share

Chapter 4

Keisha

Napalunok ako habang kumakain kami sa isang fast food chain. Kasama ko sina Reyannah at Paulle pagkatapos ng basketball game. Bigla kasi kaming nagutom kaya nagpunta muna kami rito bago umuwi.

Pero ang hindi ko inaasahang panauhin ay si Kise.

Kasama namin siya sa table imbes na sumama siya roon sa mga teammate niya na kumakain din malapit sa table namin. Hindi ko tuloy malunok nang maayos ang kinakain ko dahil kaharap ko siya at kanina pa siya nakatitig.

Wala naman kaso kung gusto niya sa ‘min sumama dahil kapatid siya ni Paulle. Pero nakakailang na kasi ang tingin niya. Babae rin ako. Nakaka-conscious sa tuwing may nanonood sa ‘king kumain.

“Bakit ba kasi nandito ka?” tanong ni Paulle. “Nandoon ang mga ka-team mo. Doon ka sumama at i-celebrate ang pagkapanalo niyo.” Bahagya pa niyang tinulak-tulak ang kapatid at pilit pinaaalis ng upuan.

“Bakit ba? Gusto ko rito. Kung ayaw mo akong kasama sa isang table, ikaw na lang ang umalis.”

“Wow, ah? Hiyang-hiya naman ako sa ‘yo. Kaibigan ka?”

“Kuya mo ‘ko. Paano mo ako magiging kaibigan?”

Napailing na lang ako at hindi napinansin ang pagbabangayan nila. Kailangan ko na nga yatang masanay na marinig ang alitan nila sa tuwing magkasama sila. Ayoko namang umalis agad kasi ayoko pang umuwi ng bahay.

Binuksan ko ang phone ko at nagsimulang manood ng PBA semifinals. Kung sa bahay pa ako manonood ay tiyak hindi ko na aabutan ‘yon doon. Mabuti na lang at pwedeng panoorin sa phone.

“Do you like basketball?”

Napaangat ang tingin ko nang magtanong si Kise. “Yeah.” Hindi ko namalayang katabi ko na pala siya at medyo nakadungaw na sa phone ko. Agad rin naman siyang umatras matapos kong sumagot.

“Balita ngayon na may cancer si LA, ah? Narinig mo? He was one of the best players, in my opinion.”

Tumango ako. “He still is.”

“Right.” Mahina siyang natawa. “Madalang ako makakilala ng babae na mahilig sa basketball. Most of the girls tuwing finals lang nanonood at nakiki-hype. Kung hindi naman ay volleyball talaga ang hilig.”

“I’m not most girls.”

Hindi na siya sumagot matapos ang naging sagot ko kaya napaangat ang tingin ko. Lahat sila ay nakatingin na sa ‘kin. Miski si Paulle na kanina lang ay inaaway ang kapatid. Nakangiti na siya ngayon sa ‘kin sa hindi malamang dahilan.

“Bakit?”

“Wala!”

Umiling na lang ako. Kung wala, eh ‘di wala. Kung makatingin naman kasi sila ay parang may ginawa akong mali.

“By the way,” ani Paulle, “we’re having a party at our cousin’s villa. Pwede raw kaming mag-imbita ng mga kaibigan. The more, the merrier. Wanna come?”

“Sure,” sagot agad ni Reyannah. She loves parties. Hindi raw siya mahilig sa party noon pero nahawa lang kay Paulle.

“I don’t know,” sagot ko. “Hindi ako mahilig sa maraming tao.”

“Right. Pero kung magbago ang isip mo, just message me on messenger. We’ll pick you up.”

Tumango na lang ako bilang sagot. Totoo naman kasi ang sinabi ko. Ayaw ko ng maraming tao at sa mga maiingay na lugar. Mabuti rin sana kung kilala ko ang mga makakasama namin sa party. Pero silang dalawa lang ang kilala ko.

“Sayang naman,” ani Kise na hanggang ngayon ay hindi pa rin pala umaalis sa table namin.

Tanaw mula rito ang table kung nasaan ang mga ka-team niya. Ang ilan nga sa kanila ay tinatawag pa siya. Pero itong kapatid ni Paulle ay hindi man lang natinag at mas pinili pa ring makisalo sa table namin.

Wala na nga kaming kinakain ngayon. Nag-uubos na lang kami ng inumin. Kung doon siya umupo sa mga ka-team niya, sana nabusog pa siya.

Nagkibit-balikat na lang ako. Buhay naman niya ‘yan. Bahala siya. Baka hindi lang talaga siya nagugutom kahit na babad siya kanina sa game. O baka diet lang.

Niligpit ko na ang gamit ko at sinabi, “Kailangan ko nang umuwi. Mauna na ako.”

“Agad?” ani Paulle. “Ang aga pa.”

“Oo nga. Kwentuhan muna tayo,” sambit ni Reyannah.

“Kailangan ko pa kasing magluto. Baka walang pagkain ang kapatid ko. Sa susunod na lang tayo magkwentuhan.”

Pagkatayo ko, sabay-sabay kaming napatingin kay Kise nang tumayo rin siya. Hinablot niya ang bag niya bago tumingin sa ‘kin at sinabi, “Hatid na kita.”

Napaawang ang bibig ko at napatingin kina Paulle na may parehong reaksyon. Hindi rin sila agad nakapag-react sa gulat.

Binalik ko ang tingin kay Kise. “Hindi na. Kaya ko na. Salamat.”

“It’s okay. I insist.” Nilahad niya ang kamay niya. “After you?”

Muli pa akong napatingin kina Paulle na ngayon ay patungo na sa kapatid niya.

“Kuya, what are you up to? Alam kong kapatid kita pero hindi mo na kailangang ihatid pa ang kaibigan namin.”

Kinurot ni Kise ang pisngi niya. “Kapatid mo ako, Paulle, kaya kilala mo ako. Wala akong gagawing hindi maganda. I’m just being a gentleman. Ihahatid ko lang naman siya. Babalik ako agad.”

Wala namang nagawa si Paulle kung hindi ang tumingin sa ‘kin at humingi ng paumanhin. “Makulit lang talaga ang kuya ko pero hindi naman siya masamang tao.”

Napatango ako. “Kung hindi naman ako nakakaistorbo, ayos lang.”

“Okay lang,” ani Kise. “Wala naman akong gagawin. Ihahatid ko lang din naman si Paulle pauwi. Mukhang mamaya pa naman sila. Mga wala pang balik magsiuwian.”

Sinundan ko siya sa labas papunta sa parking lot. Halos mapanganga ako nang makita ang isang kotse na binuksan niya. He’s, like, eighteen. ‘Tapos nagmamaneho na siya ng sasakyan? May lisensiya naman kaya siya?

May dinukot siya sa wallet. “First, I already have my license. Second, this is my car. Bata pa lang nagsasanay na akong magmaneho kaya huwag kang mag-alala. I can drive. And I’ll be careful.”

“I know. Hindi ko lang inaasahan na may sasakyan ka na. You’re, like, eighteen.”

Napangiti siya. “Mukha ba akong bata sa paningin mo?”

Napakurap ako. “I’m sorry. Hindi naman sa gano’n.”

“I’m already twenty-one. At sa tatlong taon kong pagmamaneho, never pa akong naaksidente. Maingat akong driver. Promise. Paulle can vouch for that.”

Mahina akong natawa. “Napaka-defensive mo naman. Wala naman akong sinasabi. Ang point ko lang, ang bata mo pa kako para magkaroon ng sasakyan. Ni bike nga wala ako. Hindi ko afford.”

Nang hindi siya sumagot ay napatingin ako sa kaniya. Nakangiti lang siya sa ‘kin at hindi nagsasalita kaya kumunot ang noo ko.

“May problema ba?”

“Nothing. Ito lang kasi ang unang beses na nakita kitang ngumiti.”

Napatango ako. “Kailan lang naman kasi tayo nagkakilala, ‘di ba?”

“Kung sabagay. May point ka.” Binuksan niya ang passenger’s seat. “Shall we go?”

Tumango ako bago pumasok sa loob at nagpasalamat sa kaniya. He’s really indeed a gentleman. Alam ko namang mabait siyang tao. The way pa lang ng pakikitungo niya sa kapatid niya, alam kong malaki ang respeto niya sa ibang tao lalo na sa mga babae.

Sinabi ko sa kaniya kung saan ako nakatira. Medyo may kalayuan iyon sa school kaya naman baka isang oras kami sa byahe. ‘Tapos traffic pa sa daan. Ginawa ko na lang iyong pagkakataon para makapagpasalamat sa kaniya.

“Wala ‘yon, ‘no,” ani niya. “Kaibigan ka ni Paulle kaya maliit lang na bagay ‘to. Masaya akong makitang mayroon ulit siyang bagong kaibigan.”

“Mukha namang palagi siyang may kaibigan. Ang friendly niya kasi.”

Napansin ko ang mapait niyang pagngiti. “She’s too friendly. Kaya minsan, people take advantage of her.”

Saglit akong natahimik at napaisip. “Hinatid mo ba ako para interview-hin? Gusto mo bang malaman kung gagamitin ko lang ang kapatid mo o ano?”

Mabilis siyang napatingin sa ‘kin na medyo nanlalaki ang mga mata. “No! No! Of course not. Gusto lang talaga kitang ihatid. I’m sorry kung ganoon ang labas sa ‘yo. But I swear, it’s not like that.”

Napatango ako. “Naiintindihan ko.”

Natahimik kami sa loob ng sasakyan. Wala ni isa sa ‘min ang nagsalita agad hanggang sa naipit na kami sa traffic. Ang buong akala ko ay hindi na siya magsasalita, pero nagkamali ako.

“Paulle was bu!lied when she was young. It was so severe to the point na kinailangan pa namin siyang isugod sa ospital.”

Napaawang ang bibig ko. Hindi ko inaasahan ang sinabi niya. Paulle is a jolly person. Hindi ko inaasahang may ganito siyang naranasan sa buhay niya noon. At ang bata pa niya.

“Tinago niya sa ‘min ‘yon nang napakatagal. Ilang taon niyang tiniis ang pambu-bu!ly ng mga kaklase niya sa kaniya dahil ayaw niyang malaman namin at mag-alala kami. We should’ve known about it. There were a lot of signs, but we chose to ignore them.”

Umiling-iling siya. “It doesn’t matter now. Kaya huwag kang magugulat kung masyado akong protective sa kaniya at kung bakit palagi akong nakadikit sa kaniya.”

“So, kaya mo nga ako hinatid ngayon para malaman kung isa akong bu!ly?”

“No.” Natawa siya. “I swear, it’s not that. I can’t tell you the reason yet, pero hindi ‘yon. Alam kong mabait kang tao, Keisha.”

Tinitigan ko siya. “You don’t know that.”

Napangiti siya. “Trust me. I can tell you’re a good person.”

Hindi na lang ako nagsalita. He doesn’t know me. Ni hindi pa nga kami ganoong magkakilalang dalawa.

Hindi sa magpapaka-bul!y rin ako at gagawin ‘yon kay Paulle. Hindi naman ako ganoon. Masyado akong maraming problema para mag-aksaya at pakialaman ang buhay ng iba. Pero hindi rin ako gaya ng iniisip niya.

“Dito na lang ako,” sabi ko nang makarating kami sa kanto ng compound namin. Masyadong malaki ang sasakyan niya para sa mala-eskinitang daan papunta sa bahay namin.

“Dito ka nakatira?”

“Doon pa sa dulo pero hindi na magkakasya ‘yong sasakyan mo. Dito mo na lang ako ibaba.”

“Malayo pa ba?”

“Malapit na lang ‘yan. Lalakarin ko na lang.”

Pero may lahi yatang pagkamakulit ang magkapatid dahil bumaba pa talaga siya sa sasakyan at gusto pa akong ihatid sa mismong bahay namin.

“Ayos na nga ako rito. Hindi mo pwedeng iwan ang sasakyan mo dahil pagbalik mo, wala na ‘yan. O kung nandito man, kulang-kulang na ‘yang parte ng kotse mo.”

“Sigurado ka bang ayos ka lang? Tiyak pagagalitan ako ni Paulle kapag may nangyaring masama sa ‘yo. Hinatid pa naman kita.”

Huminga ako nang malalim. “Ayos lang ako. Dito na ako lumaki kaya kilala ko na lahat ng mga nakatira dito. Hindi ko lang sigurado sa ‘yo dahil hindi ka naman nila kilala.”

Wala naman na siyang nagawa nang itulak ko na siya sa loob ng sasakyan niya. Kahit na kilala ko na ang mga taong nakatambay rito, may mga hindi pa rin kilalang mga tao ang nadadaan dito sa parteng ‘to. 

Padilim pa naman at wala nang masyadong tao sa labas. Baka kung ano pa ang mangyari sa kaniya. May mga kakilala naman akong madadaanan pauwi kaya magiging ayos lang ako. Kamag-anak ko pa ang ilan sa kanila.

Nang makarating ako sa bahay ay isang lumilipad na kawali ang halos tumama sa mukha ko. Mabuti na lang at mabilis ang reflexes ko. Inaasahan ko na rin ang ganitong senaryo kaya hindi na rin ako nagulat.

Imbis na batiin ang mga magulang kong nag-aaway na naman ay dumeretso ako sa kwarto ng kapatid ko. Ngunit gaya ng inaasahan ay wala siya roon.

Nagpalit na muna ako ng damit bago lumabas ng bahay. Alam ko kung nasaan siya sa tuwing nag-aaway ang parents namin. Kahit naman ako, mas gugustuhin kong umalis ng bahay kaysa marinig ang away nilang pawalan na nang pawalan ng sense sa ‘min.

Noong una ay naiintindihan pa namin. Na ganoon lang talaga ang mga mag-aasawa. Parte na ng marriage life nila ang pag-aaway kapag hindi nagkakaunawaan o kaya naman ay hindi pagkakaintindihan.

Mayroon pang pagkakataon na malaki ang pinag-aawayan nila dahil talagang babaero ang tatay namin. Pero ngayon, hindi ko na alam. Pati kung saan nagpupunta ay palaging issue kahit na nag-iikot lang naman ang tatay namin sa barangay.

Madalas na ring lumalabas ang nanay namin para mag-zumba kasama ang mga kaibigan niya pero iba ang nasa isip ng tatay. Sa tingin niya ay nanlalalaki si nanay kaya palaging galit na galit.

Hanggang sa simpleng urungin, labahin, at kung ano-ano pa, pinagtatalunan na nila. Kami na nga ni Krisha ang madalas gumawa ng gawaing-bahay para hindi na sila mag-away pero wala pa rin. Nagkakaroon at nagkakaroon pa rin talaga sila ng mapag-aawayan.

Hindi ko na alam sa kanila.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status