Share

Teenage Mom Avenge
Teenage Mom Avenge
Author: Tearsofpaige

Chapter 1

Malakas na sigaw na may halong mura na nagmumula sa isang Ginang na siyang nagpatigil sa lahat ng kustomer sa kani-kanilang ginagawa, kasabay ng isang malutong na sampal at masakit sa tengang pagka-usog ng upuan. 

Napalingon ang lahat sa iisang direksiyon lamang. Halo-halong ekspresiyon ang makikita sa mga mukha ng kustomer subalit iisa lang ang unang lumabas sa kanilang bibig kundi, “Ano’ng nangyayari?”

Nagmamadaling lumabas ng kusina ang mga nagtatrabaho sa isang di-gaanong kalakihang resto ngunit dinadagsa ng mga nakararami dahil sa masasarap na mga putahi nito, ang Kessiels Restaurant. Malinis at maganda ang pagkadesinyo ng nasabing karihan.

“Ano’ng nangyayari dito?” Napalingon ang nakatayong Ginang sa isang lalaking bagong dating.

Makikita rito ang awtoridad at sinamahan pa ng magara at eleganteng terno at makintab na itim na suot nitong sapatos. May ka-edaran ang nasabing lalaki na halata sa mukha nito na may konting kulubot. May kalakihan din ang tiyan nito dahil sa makikitang umbok mula sa suot nitong terno.

“Ikaw ba ang manager dito?” mataray na tanong ng Ginang sabay taas-kilay at pamewang.

“Yes madam. Ano po ang maipaglilingk—”

“Alisin n’yo ang Serbidora na ’yan!” sabat nito sa nagpupuyos na boses.

Napatingin ang lalaking manager sa nakayukong serbidora. Nanginginig ito at halatang nagpipigil ng iyak. May kumakawalang mahinang hikbi mula rito.

“Ano po ba ang perwisyong nagawa ni Tia sa iyo, madam?” mahinahong tanong ng manager dito.

“Malaki! Kulang pa ang buhay nito dahil sa nagawang perwisyo nito sa’min! Sa anak ko!” pagmamalabis nito sabay turo sa kaniyang anak na naka-upo na umiiyak. “Muntik na niyang mapatay ang aking pinakamamahal na prinsipe.”

Tumingin ang manager sa tahimik na nakayukong umiiyak na serbidora, “Huminahon po muna kayo, madam.”

“Hindi! Isa siyang mamamatay tao!” Nagtaas-baba ang balikat nito dahil sa nararamdamang galit. “Paalisin n’yo siya rito o ipapakulong ko siya at madadamay itong restaurant?”

“P-po?” di-makapaniwalang sambit ni Frostia, ang serbidora. “H-hindi ko naman s-sinas—”

“Tanggal ka na sa trabaho, Tia!” nanggagalaiting wika ng manager.

Umagos ang masaganang luha ni Tia mula sa kaniyang magkabilang mata.

“H’wag naman p-po,” nahihirapan nitong pagmamakaawa. “Importante po sa’kin ang trabahong ’to. Maawa po kay—”

“Importante naman pala ang trabaho na ito para sa’yo ba’t hindi mo inayos ang pagtatrabaho mo?” mapang-matang sambit ng Ginang.

“Your fired! Guards!” tawag ng manager sa dalawang gwardiya.

Dali-daling pumasok ang dalawang gwardiya sa loob ng karihan. Malalaki ang mga katawan nito at may nakasabit na pistola sa kanilang kanang bewang at may dala rin itong batuta.

“Maawa po kayo sa’kin madam, sir!” Nakaluhod na pagmamakaawa ni Tia sa mga ito.

Naaawa man ang manager ng nasabing restaurant ay wala itong magagawa kundi sesantihin ang serbidora. Pangalan ng resto ang magiging kaawa-awa sa huli kapag magfi-file ng kaso ang Ginang.

Nanatiling masama ang tingin ng Ginang. Nakataas ang kilay nito na tila isang reyna o nakatataas. Matigas ang puso nito at hindi man lang nakaramdam ng katiting na awa sa dalagang serbidora na ngayon ay naglulupasay sa iyak.

Sigaw nang sigaw ang dalaga upang magmakaawa habang dinadampot ito ng dalawang gwardiya. Hindi siya makapag-pumiglas dahil sa lakas ng mga ito.

Naguguluhan man ang lahat ng mga nakasaksi sa pangyayari ay nanatili lamang silang walang imik at nanonood lang. Sari-saring konklusiyon ang nasa kani-kanilang mga isipan. May naaawa at may ilang nagsasabing tama lang ang ginawa ng Ginang at ng manager dito.

Napasalampak sa sementadong labasan ng resto ang dalagang serbidora. Iyak lang ang nagawa nito. Mahalaga sa kaniya ang trabaho niya, dito siya kumukuha ng kaniyang pangangailangan sa kaniyang pag-aaral tulad ng mga proyekto o ano lalo na’t sa pribadong eskwelahan pa siya pumasok.

“H’wag ka munang umalis, Tia.” Napatigil si Frostia sa kaniyang pag-alis, “Magkita raw kayo ni Boss sa likuran ng resto, ibibigay niya ang sahod mo.”

Imbis na matuwa siya ay lumungkot ang kaniyang mukha. Talaga namang sesante na nga siya, hindi pa niya natatapos ang buong buwan ng Disyembre at alam niyang konti lang ang makukuha niyang sahod.

Hindi na siya nag-abalang tignan ang dalawang gwardiya at dumiretso sa likuran ng resto.

Napalingon siya sa loob, makikita ang loob ng resto dahil de-salamin ang nakapalibot dito. Natanaw niya sa isang pwesto ang Ginang kasama ang anak nito na lalaki. Pinupunasan ng Ginang ang mukha ng lalaki, nasa edad na desi-sais ito at halatang mama’s boy.

Papalapit sa kinaroroonan ng Ginang ang kasamahan niya sa trabaho at may dalang menu. Nanonood lang siya rito. Kumikinang ang alahas na suot ng Ginang at elegante rin ang kasuotan nito.

“Psst! Tia!” Napalingon siya sa kaniyang kanang bahagi nang may tumawag sa kaniya.

Sumenyas sa kaniya ang manager na lumapit siya rito. Nahihiya naman siyang naglakad papalapit sa kaniyang manager. Lumingon pa ang manager sa loob ng resto at halatang ayaw makita ng ibang tao.

Pagkalapit niya sa lalaking manager ay agad siyang inabotan ng puting sobre. Nanginginig ang kaniyang kamay at nahihiya siyang kunin ito.

“S-sir, maawa n-naman po k-kayo sa’kin,” pigil-iyak niyang sambit.

“Pasensiya ka na Tia, mas importante ang resto kaysa sa’yo,” diretsahang ani ng manager.

Napayuko siya at nanliliit sa kaniyang sarili. “S-sige po. S-salamat.”

Marahan siyang tumalikod at pilit na inihahakbang ang kaniyang mga paa palayo. Gusot na ang sobreng hawak niya at kumakawala na naman ang mahihina niyang hikbi. Ginamit niya ang kaniyang kaliwang kamay upang takpan ang kaniyang bibig.

Awang-awa na nanonood ang dalawang gwardiya sa papalayong dalaga.

“Paano na ako ngayon?” naisambit ni Frostia habang siya ay naglalakad sa gilid ng kalsada.

Alam niyang sisigawan at papagalitan siya ng kaniyang ina pag-uwi. Sising-sisi siya ngayon dahil hindi niya nagawang magpaliwanag kanina. Hindi niya nagawang ipaglaban ang kaniyang sarili.

Napangiti siya nang mapait nang maalala niya ang binitawang salita sa kaniya ng Ginang.

‘Hindi! Isa siyang mamamatay tao!’

Paulit-ulit na umaalingaw-ngaw sa kaniyang isipan ang salitang iyon.

‘Mamatay tao ba ang magkamali?’ naitanong niya sa kaniyang sarili.

Nagkamali lang siya kanina sa pagbigay ng inorder ng Ginang dahil sa pag-aapura nito sa kaniya. Imbis na Steak Fajita Salad, ang naibigay niya sa anak nito ay Roasted Broccoli w/ Pickled Shallots and Peanuts. Alerdyik ang anak ng Ginang sa mani kaya galit na galit siyang sinigawan nito at sinampal ng malakas na siyang nagpa-atras sa kaniya at nausog ang upuan na hinawakan niya.

Binulsa niya ang puting sobre at hindi nag-abalang tignan ang loob kung magkano ito. Tulala siyang naglalakad sa gilid ng kalsada.

Napapatingin sa kaniya ang mga nagtitinda ng mga prutas, kakanin at ice-tubig sa gilid ng kalsada. Hindi man ito ang terminal ng bus subalit humihinto rito ang mga dumadaan na bus o pampasaherong van dahil may malaking waiting shed dito at palikuran. May pagka-malayo ang terminal ng bus dito kaya rito nag-aabang ang mga pasahero.

“Hi langga! Sa’n ka pupunta?” Diretso lang ang paglalakad ni Frostia at hindi pinansin ang nagtatanong na driver ng traysikel.

Ayaw niyang may kumausap sa kaniya ngayon. Nais niyang mapag-isa. Huminto siya at nilingunan ang kaliwang bahagi ng kalsada. Hinintay niya munang lumagpas ang paparating na bus at t’yaka siya tumawid sa kabilang bahagi rito.

Papalapit na siya sa kaniyang tirahan, kasama niyang naninirahan ang kaniyang mga magulang, dalawa nakatatandang kapatid na kapwa may asawa na’t anak at dalawang bunsong kambal na kapatid.

Natatanaw niyang nakikiusisa ang kaniyang mga kapit-bahay at sumisilip mula sa kani-kanilang pintuan at bintana at kasama rin nito ang kanilang mga anak. Nakatingin ang mga ito sa kanilang bahay habang nakanganga at nangungulangot. Ang ilan naman ay nagbubulong-bulangan sa isa’t-isa.

Napatingin ang kaniyang mga kapit-bahay sa kaniya at walang nag-iwas ng tingin. Sinusundan siya ng mga matatalim at tsismosang tingin ng mga ito.

Rinig na rinig sa labas ang pag-aawayan ng kaniyang mga magulang. May mga nababasag na bagay sa loob at sinabayan pa ng palahaw na iyak ng kaniyang kambal na kapatid at mga bata sa loob na anak ng kaniyang mga nakatatandang kapatid. Tila nag-uunahan at nagpapalakasan ng kani-kanilang mga iyak.

Nahihiya siyang pumasok sa loob ng kanilang tarangkahan na yari sa kahoy at tinalian niya ang magkabilang bahagi nito gamit ang maliit na lubid na kulay yellow na naging itim pagkalipas ng panahon. Ito ay nagsisilbi bilang pangsara nila sa pintuang daan.

Naglakad siya papalapit sa pintuan ng kanilang bahay at pilit na hindi pinapansin ang nararamdamang hiya at mga matang nagmamasid.

“Aww!” daing niya nang biglang bumukas ang pinto ng kanilang bahay at tumama ang kaniyang noo rito.

Lumabas naman doon ang kaniyang nakakatandang kapatid at ang asawa nito. Panay na sinusuntok at hinahampas ng kaniyang bayaw ang kuya niya sa balikat.

“Gago ka! Alam mo namang naghihirap tayo tapos pinusta mo lang ang sweldo mo ngayong linggo!” malakas na sigaw ng kaniyang bayaw sa kaniyang nakatatandang kuya.

Nanonood lamang siya rito, ayaw niyang makisawsaw sa away mag-asawa at baka sa kaniya ibuntong ang sama ng loob ng mga ito.

“Putang-ina! Tumigil ka nga, Eva!” sinigawan naman ito ng kuya niya.

Hindi tumigil sa pagdadakdak ang babae at patuloy na hinahampas nito ang kaniyang asawa kaya hindi napigilang nasuntok ng kuya ni Frostia ang asawa nito.

Namilipit naman sa sakit ang babae at napahiga sa lupa. Napapapikit si Frostia sa kaniyang nakikita. Kitang-kita sa mukha ng kaniyang kapatid na napupuno na ito sa inis.

Pumasok siya sa loob ng kanilang bahay at nadatnan naman niyang nagkalat ang mga basag na bote at mga plato’t baso sa kanilang sahig. Naghahampasan naman ng walis ang kaniyang mga magulang.

Iniiwasan niyang makatapak ng bubog at dumiretso sa kaniyang kwarto. Ramdam niya ang pagod ngayong araw, mapa-pisikal man o mental.

“Animal ka Manuel! Maliit na nga lang sahod mo, bumili ka pa ng alak at nagpapakalasing!” sigaw ni Karen, ina ni Frostia.

Tila puputok na ang ugat nito sa leeg sa pagsisigaw nito sa kaniyang asawa na halatang hilong-hilo at hindi makatayo ng tuwid.

“T-tumahi.ik ka nga, Kar-ren. Mashakit u-ulo ko ok-kay?” lasing na sambit ni Manuelito, naririndi ito sa pagpuputak ng kaniyang asawa.

“Bwesit ka!” Hinampas naman ni Karen si Manuelito gamit ang hawak niyang walis ting-ting.

Hindi naka-iwas si Manuelito sa hagupit ni Karen at natamaan ito sa kaniyang kanang pisngi at nagdulot ito ng pulang marka at maliit na sugat.

Namumungay na lumaban si Manuel at hinampas niya rin ito gamit ang walis tambo kahit na nahihirapan ito dahil sa kalasingan. Tila mga batang naglalaban-laban sa isa’t-isa at ginawang espada ang hawak-hawak nilang walis.

Pumasok sa loob ng kaniyang silid si Frostia at tinatakpan nito ang kaniyang magkabilang tenga. Walang linggong dumaan na walang away sa bahay na ito. Masakit pakinggan ang samo’t-saring awayan sa labas. Nagpapasalamat siyang tumigil na sa kakaiyak ang kaniyang kapatid.

Napagpasiyahan niyang humiga sa kaniyang kama na yari sa kahoy. Gusto niyang magpahinga nang payapa pero paano?

Umuuga ang kaniyang hinihigaang kama, may maliliit rin na butas sa dingding at yero ’di lang sa kaniyang kwarto pati na rin sa bawat bahagi at sulok ng kanilang bahay.

Isang karpentero ang kaniyang ama at sumasahod ito ng tatlong-daan at limampong piso kada araw. Tamad ang kaniyang ama at madalas lumiliban sa trabaho nito, miski ayusin ang sirang lamesa nila ay ’di nito magawa.

Isa namang labandera ang kaniyang ina at doon namamasukan sa isang ’di kalakihang bahay ngunit masasabi mo pa ring may-kaya ang naninirahan doon. Kargador naman ang pinasukan ng kaniyang dalawang kuya at parehong dito naninirahan sa kanilang bahay. Isang clerk ng isang kompanya ng mga motor ang kaniyang ate at minsanan lang ito nagpapadala dahil pamilyadong tao rin ito.

Napabalikwas siya sa kaniyang pagkakahiga nang biglang bumukas ang pinto ng kaniyang kwarto. Pumasok ang kaniyang ina na gusot ang damit, buhaghag ang buhok at may iilang pasa at sugat sa mukha at braso.

Agad na lumapit ito sa kaniya sabay lahad ng kanang palad habang kinakalikot ng kaniyang ina ang bulok nitong ngipin gamit ang kaliwang daliri nito.

Nagsisisi siyang hindi niya tinignan ang pera na nasa sobre para makapagtabi ng kaniya.

Hinablot ng kaniyang ina ang puting sobre at agad na binuksan ito.

“Akala ko wala ka ng silbi, Tia,” ngising sambit nito at binilang pa ang perang papel. “Ang laki naman ng sahod mo ngayon? Sa susunod ibigay mo sa’kin lahat.”

“‘Yan na po ang panghuli kong sahod, nay.”

“Ano?”

Napayuko si Frostia t’yaka mahinang nagsalita, “Sesanti na po ako sa resto, nay.”

“Seryoso?” naka-ismid na tanong ng kaniyang ina, hindi ito naniniwala.

“O-opo… kasi po nagkamali ako kanin—”

Napabaling sa kanang bahagi ang kaniyang mukha dahil sa pagsampal ng ina nito.

“Walang silbi! Mamatay ka na lang! Palamunin! Maghanap ka ng trabaho bukas. Pwe!” galit na singhal nito sa kaniya.

Yumuko lang siya at hinawakan ang kaniyang pisngi. Hinantay niyang matapos ito sa paninigaw.

Napaiyak siya pagka-alis ng kaniyang ina. Para sa kaniya, wala ng mas masakit pa sa binitawang salita ng kaniyang ina kaysa sa pagsesanti ng kaniyang amo kanina.

Agad niyang tinrangkahan ang pinto ng kaniyang silid at buong gabing nagkulong sa isang masikip at madilim na apat na sulok.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status