Share

The Billionaire's Babysitter
The Billionaire's Babysitter
Author: Novie May

CHAPTER 1

"ANO PO? Paanong wala kayong naipon ma, eh, buwan-buwan ho akong nagpapadala!" Frustrated akong sumabunot sa aking buhok. "Mama naman! Umasa po akong may pampagamot kayo kasi may pinapadala ako! Anong gagawin natin ngayon? Wala na akong trabaho! Wala pa tayong pera! Tapos walang pampagamot!"

"A-anak…" si mama. "A-akala ko kasi mananalo ako, eh." Nagbaba siya ng tingin nang humarap ako sa kanya. "Sinabi kasi ni Narseng na suwerte raw ang numerong iyon kaya dapat lang na i-mentain ko. Hindi ko naman aakalaing mauubos ng ganoon… sorry, anak…"

Eh, ano pa bang magagawa ko? Mababawi ko ba ang putanginang perang iyon? Hindi na! Ni isang singkong duling wala na akong mababawi! Lahat ng pinaghirapan ko sa ibang bansa, wala na! Parang nabalewala lahat ng sakripisyo ko, ah! Wala akong ibang ginusto mabigyan lang sila ng magandang buhay pero bakit ganito?

"Maya… patawarin mo na si Mama, pera lang naman 'yon eh, makikita pa naman 'yon ulit!" Si Ronald, ang nakatatanda kong kapatid kasama ang kanyang asawa. "Kung makasisi ka naman kay mama, parang hindi siya ang bumuhay at nag-aruga sa'yo noong mga panahong walang-wala ka rin, ah!"

Matalim kong tiningnan ang kapatid.

"Ah, talaga, Kuya? Madali lang kitain ang pera? Oh sige, ikaw ang magtrabaho para may makain lahat ng tao rito sa bahay! Ikaw ang maghanap ng pera roon! Ikaw ang magtrabaho! Kalalaki ninyong tao, hindi kayo makapagtrabaho! Anak kayo nang anak tapos ako pa ang ipapabuhay ninyo!" Gigil kong itinuro ang labas, ang ugat sa aking leeg ay kulang na lang magsiputukan.

"At nanunumbat ka na ngayon? Ha? Porket nakapag-abroad ka lang, ganyan ka na? Ha? Ganyan ka na ba kawalang modo?" Ang asawa niya, si ate Rica. "Mama, oh! Iyang anak mo lumalaki ang ulo, akala mo kung sinong superior kung makapagsumbat! Baka nakakalimutan mong sa akin ka humiram ng pampamasahe mo abroad?" Mayabang siyang ngumisi at minata ako.

Inihilamos ko ang aking palad sa mukha ko. Umaakyat na ang dugo sa akin mukha. Tumayo ako at naglakad-lakad sa gitna nila. Tiningnan ko sila isa isa mula ulo hanggang paa at nagtagal ang tingin kay Rica.

"Baka nakakalimutan mo rin Rica na ako ang nagbayad ng hospital nang manganak ka? Ako ang nagpapa-aral sa mga anak ninyo na dapat responsibilidad ninyo bilang magulang? Ako ang nagpadala niyang damit na suot mo, pera ko ang ginamit mong pang-rebond, may narinig ka ba sa'kin? Huh? Wala hindi ba?" Sarkastiko akong ngumisi, nag-iwas siya ng tingin sa akin. "Ngayong wala na akong trabaho, buhayin ninyo na ang mga sarili ninyo." Malamig kong binitawan ang mga salitang iyon.

"Ha? Paano iyan? Wala kaming trabaho! May bayarin pa sa school nila Princess!" Nagpa-panic na sinabi ni Kuya. "Si mama? Sinong mag-aalaga sa kanya ngayong may sakit siya?" Tumingin siya sa akin.

"Oh, bakit? Sa akin? Hindi ba kayo ang nagpapabantay ng mga anak sa kanya? Eh, bakit hindi ninyo alagaan? Para naman may silbi kayo bilang mga anak!" Punong-puno ng galit kong sinabi.

"Maya! Hindi kita pinalaking ganyan!" Lumapit si Mama sa akin at agad na lumipad ang palad sa aking pisngi, tumabingi ang aking ulo sa sobrang lakas ng sampal. Tila namanhid yata bigla dahil sa ginawa niya pero ininda ko na lang iyon. "Tama ang Kuya at Ate Rica mo! Wala kang utang na loob! Porket nakapag-abroad ka, ganyan ka na magsalita sa amin? Pamilya mo kami, ah! Ako ang nagluwal sa iyo at ako ang bumuhay ng mahabang taon sa'yo!" Halos mabingi ako sa lakas ng boses niya. "Hindi ka na naawa sa Kuya mo! Wala na ngang trabaho ang tao, gaganyanin mo na! Parang wala kang pinag-aralan, ah!"

Ako na naman ang naging masama.

Hirap akong lumunok, nanlabo ang mga mata ko sa luhang nagbabadyang tumulo at pinigilan ko iyon ngunit hindi naman ako nagtagumpay.

"Sige Ma, kayo na ho ang tama. Kayo na ang magaling. Ganyan naman kayo lagi, hindi ba? Palagi na lang si Kuya, palagi na lang kawawa si Kuya, nako naman kawawa naman pala iyang anak mong nakatatlong anak na pero nasa puder mo pa rin. Ginagatasan ka pa rin." Ininda ko ang sakit nang lumipad na naman ang kanyang palad sa pisngi ko. "Ma, tingnan mo rin ako, anak mo rin ako." Sunud-sunod na nagsituluan na parang sirang gripo ang mga luha ko at sinundan iyon ng hikbi. Tinuro ko ang aking sarili. "Ako itong nagtatrabaho para sa lahat, ako itong bumubuhay sa inyo na hindi naman dapat. Mga kaedaran ko ho, nag-aaral, nakapagtapos, may magandang trabaho't buhay, pero ako? Heto, isang katulong sa ibang bansa." Marahas kong pinahid gamit ang likod ng aking palad ang basang mukha habang inaalala ang naging kapalaran ko sa ibang bansa. "Ma? Sa lahat ba ng pagkakataong nahahawakan ninyo ang perang padala ko, ni minsan po ba naisip ni'yo rin kung kumusta ako? Kung may natitira pa ba sa akin? Kung nakakakain pa ba ako sa tamang oras? O kung may maayos ba akong tinutulugan? May kumot ba ako tuwing natutulog? Huh? Mama?"

Walang ni isang nagsalita. Ginamit ko iyong paraan upang makaalis sa maalimuot na bahay na iyon. Hindi ko yata kakayaning tumira ng matagal doon, nakaka-suffocate. Wala na akong ibang mapuntahan, wala akong gaanong kaibigan. Wala pa akong pera, kararating ko lang galing ibang bansa. Umuwi ako kasi sinabing malubha na raw ang sakit niya tapos malaman-laman kong sa ilang taon kong pagtatrabaho roon, wala na palang natira? Pamasahe lang ang ibinigay sa akin ng amo ko kaya wala akong pera. Bente pesos na lang, tamang pang bananacue lang sa may unahan.

"Magandang araw, ate. Magkano po itong saging tsaka itong buko juice?" Tanong ko sa babaeng nagpapaypay.

"Ah, iyan? Sampo." Aniya.

"Ahh, sige po salamat." Lumunok na lang ako ng laway at labag sa loob na tinalikuran ang paninda.

Hindi ko na afford, ang mamahal. Pero bumalik pa rin ako at iyong buko juice na lang sana ang bibilhin ngunit nang na-realize na bente pesos lang ang pera ay umatras muli. Final decision, bibili na lang ng malamig na tubig, iyong tigpipiso.

At dahil walang pera, naglakad-lakad na lang muna ako. Mabuti na lang at naka-hoodie ako, may panangga sa init. Sa wakas naman ay may nakita na akong tindahang nagbibenta ng malamig na tubig sa plastik kaya tuwang-tuwa ang katawang lupa ko nang makainom.

"Phew! Ang hirap ng buhay, Lord! Wala bang plot twist diyan? Bigyan mo naman po ako ng konting kaligayahan!" Bumuga ako ng hangin nang maupo sa gutter sa gilid ng kalsada. "Pambihira naman po kasi, huwag naman ganoong puro na lang sakit, is it forbidden to be happy? Masamang tao po ba ako sa past life ko?" Napatingin pa sa akin ang taong dumaan na para bang nasisiraan na ako ng bait na nakatingala sa langit at malakas ang boses na nagsasalita. "Ano nang mangyayari ngayon? Saan po ako maghahanap ng trabaho? Ayaw ko na pong makipagsapalaran sa ibang bansa at baka pagbalik ko, bangkay na lang ako." Tumawa ako. "Kailangan ko po ng trabaho Lord, mahal ko po ang pamilya ko kahit ganoon sila kaya please na, bigyan mo ako ng trabaho. Iyong mayaman at mabango amo ko ha, para 'di naman ako masyadong ma-stress sa amoy. 'tsaka sana po malaki magpasahod! Kahit mahirap po ang trabaho basta malaki sahod, papatusin ko na po! Peks man!"

Tumayo ako mula sa pagkakaupo at inubos ang natitirang tubig saka iyon maayos na itinapon sa basurahan. This is it! Malaya Sandoval, kaya mo 'yan! Fighter ka kaya!

Nakangiti pa ako habang humuhugot ng malalim na hininga saka iyon pinakawalan, ihinakbang ko ang aking paa para sana tumawid ngunit naagaw ng aking atensyon ang batang bigla na lang tumakbo galing kung saan! Ni wala akong nakikitang kasama!

"Jusko..." Natutop ko ang aking bibig nang makita ang humaharurot na sasakyan patungo sa gawi ng bata!

Humugot muli ako ng malalim na hininga saka pikit matang tumakbo tungo sa batang tumatakbo ngunit nang sandaling mayakap ko ang bata ay siya ring tama sa akin ng sasakyan. Mahigpit kong niyakap ang bata habang ingat na ingat sa kanyang ulo para hindi mabagok sa semento at hinayaan ang sariling gumulong-gulong.

"Lord, ang sinabi ko plot twist, hindi accident." Bulong ko bago magdilim ang paningin.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status