Share

Kabanata 1

Puraw sa Dagtum

Ramdam na ramdam ko ang tumatagaktak na pawis sa aking kabuuan. Ang init ng araw na nagdadagdag ng pagkahapo sa aking pakiramdam. Lalamunan na natuyo't na sa paulit ulit na pag aalok sa mga dumadaan.

Palakad lakad sa harap ng simbahan, umaasang mayroong bibili sa panindang aking hawak hawak.

Ang bawat taong nilalagpasan lamang ako ay hindi ko ininda dahil mas importante si Ina at ang kalansing ng mga baryang manggagaling sa kanilang bulsa.

"Ate, Kuya, bili na po kayo ng sampaguita, may lima at may sampung piso po." Hindi ako pinansin ng lalaking dumaan sa harapan ko, ang babaeng nakaangkla sa bisig niya naman ay tinarayan lamang ako, nakita ko ang disgusto sa kaniyang mga mata at bakas ang pandidiri sa reaksiyon niya habang sinisipat ang aking kabuuan. 

Tiningnan ko ang aking kasuotan, puting lumang bistida na mula kay Ina noong kabataan niya, kupas na ito at naninilaw ang ibang parte dahil sa kalumaan ngunit malinis naman. Hindi tulad ng nahihinuha ko sa kanyang mga mata na tila ako na ang pinakamaduming taong nakita niya.

Oo nga't hindi pa ako naliligo dahil mas pinipili kong ipambili ng pagkain ang perang gagastusin sa tubig pero hindi naman ako mabaho, bagkus ay kumakapit pa ang halimuyak ng sampaguita sa aking katawan.

Ang arte arte naman nito.

Minsan ay hindi ko maintindihan ang ibang tao, papasok sa simbahan upang matuto nang mga salita Niya, ngunit hindi naman sinasabuhay ng iba.

Lumayo na lamang ako sa kanila at humanap ng ibang taong maari kong pag bentahan.

Ilang oras pa ang ginugol ko sa pagbebenta ng sampaguita hanggang sa makakuha ako ng sapat na perang maaring ipambili nang tanghalian ng aming pamilya.

Napagpasyahan ko nang umuwi, hawak hawak ng mahigpit ang isang daang piso na ibibili ko ng sardinas at isang kilong bigas, tinungo ko ang tindahang malapit sa aming tahanan.

"O, Liway! Lumipas na ang tanghalian ah! Bakit ngayon ka lang natapos?" Isang ngiti muna ang sinagot ko kay Ate Lilit, siya ang namamahala sa malaking tindahan sa aming barangay. Magiliw ang kanyang ngiti kaya naman, maraming bumibili sa kanya, nagpapautang din siya kaya madalas siya ang takbuhan ng nagigipit na mamamayan sa amin.

"Matumal po ang bentahan ng sampaguita ngayon Ate kaya natagalan ako." sabi ko habang pinupunasan ang pawis sa aking noo.

"Ganun ba? Baka dahil yan sa bagong tindahan ng bulaklak malapit sa simbahan! Balita ko'y hindi nalalanta ang kanilang paninda kahit ilang taon pa ang lumipas." napakunot ang aking noo.

"Tingnan mo ito! Bumili ako ng sampaguitang tulad ng binebenta mo mula sa kanila noong nakaraang linggo, hanggang ngayon ay buhay na buhay parin at lubos na humahalimuyak ang bango." inabot niya ito sa akin.

Iniwan ako saglit ni Ate Lilit upang kuhanin ang bigas at sardinas na lagi kong binibili sa kaniya.

Tiningnan kong maigi ang sampaguitang nasa kamay ko, totoo ngang humahalimuyak ang bango nito at mukhang sariwang sariwa!

Ano kayang klase ng kemikal ang inilagay nila dito? Paano napanatili nito ang ganda ng bulaklak?

Lalo kong inilapit ang sarili dito nang mapansin kong may kung anong kumikinang na kulay puti sa bulaklak.

Nagulat na lamang ako nang biglang nagkaroon ng buhay ang sampaguitang hawak ko! Gumapang ang mga dahon nito malapit sa aking palapulsuhan, habang ang mga bulaklak naman nito ay naglabas ng nakakasilaw na liwanag!

"Umalis na kayo Amaris!"

"Hindi pwede! Sa iyo isisisi lahat ng mga Diyosa ang kaguluhang ito!"

"Alam ko! Kaya umalis na kayo bago pa nila kayo mahuli!"

"Hindi pwede Azul! Hindi pwedeng ikaw ang magdusa sa kasalanang hindi naman ikaw ang may gawa!"

"At hindi naman ikaw ang may gawa no'n hindi ba? Ginagawa ko lang ang tama Amaris. Kaya pakiusap umalis na kayo."

"Alis na!"

Naramdaman ko ang kuryenteng dumadaloy sa katawan ko. Minulat ko ang mata ko at nakita kong umabot na sa aking bisig ang lumalatay na ugat ng sampaguita!

Nabitawan ko ang sampaguita. Agad namang nawala ang mga ugat at dahon ng halamang nakapulupot sa bisig ko. Bumalik ito sa dating itsura na parang walang nangyari.

Rinig na rinig ko ang kabog ng aking dibdib, nananakit din ang aking ulo.

"Liway, ayos ka lang?" wala sa loob akong tumingin kay Ate Lilit. Hawak hawak na niya ang binili ko.

Hindi ko na siya nasagot, kinuha ko na ang nasa kamay niya at tumalikod. Nagsimulang humakbang ng mabilis ang aking mga paa.

"Liway! Ayos ka lang bang bata ka?" sumigaw na si Ate Lilit, medyo malayo na rin ang pwesto ko mula sa kanya. Lumingon na lang din ako at sumigaw pabalik nang sa gayon, hindi na siya mag alala.

"Ayos lang po Ate! Bukas nalang po!"

Dinadaga ang dibdib ko, sobra ang kabang nararamdaman ko! Ang mga kamay kong mahigpit na nakahawak sa pagkain ay hindi na maitago ang nginig.

Anong nangyari kanina? Bakit parang may sariling buhay ang sampaguitang iyon!

Napahinto ako sa paglalakad.

Ano yung nakita ko nung oras na pinikit ko ang mata ko? Amaris? Azul? Sino sila? Hindi malinaw ang mga mukha nila ngunit lubhang pamilyar ang kanilang mga tinig.

Lutang akong nakarating sa bahay. Nadatnan ko si Ina, nakaupo siya sa papag at mukhang balisa.

"Ina? Ayos lang po kayo? Bakit po kayo nakaupo diyan sa sahig?" pinatong ko sa lamesa ang mga pinamili ko.

Lumapit ako kay Ina. Nanatili siyang nakatulala sa kawalan.

"Ina..." Tumingin siya sa akin, tila nakahinga siya ng maluwag nang makita ako. Inabot niya ang pisngi ko sa marahang paraan. Dama ko ang pag iingat sa kanyang haplos, ngunit sa mga mata niyang kulay tsokolate, makikita mo ang labis pangangamba na hindi ko alam kung saan nagmula.

"Tumigil ka na sa pagtitinda ng sampaguita, Liway." gulat akong napalayo sa kanya.

"Pero Ina, yun lang po ang pinagkakakitaan natin. Ano pong kakainin natin araw araw kung titigil ako sa pagbebenta?" hinawakan ko ang dalawa niyang kamay.

"Ina, kaya ko pa pong magtinda, ako na po ang bahala. Kakayanin pa po natin." ilang beses umiling iling si Ina, dama ko ang labis niyang pagtutol sa tinuran ko.

"Simula ngayon ay hindi ka na hahawak ng kahit anong bulaklak, lalong lalo na ang sampaguita. Hindi ka na lalabas ng bahay, ako na ang magtrabaho para sa ating dalawa." rinig ko ang diin sa bawat salitang binibigkas niya. Desididong desidido siya sa mga sinasabi niya.

"Pero Ina, hindi po kayo pwedeng mapagod. Baka lalo pong lumala ang sakit niyo... " halos magmakaawa na ako sa kanya.

Tumayo siya mula sa pagkakasalampak sa sahig. Diretso ang tingin niya sa akin. Tila kinakain ng buo ang kaluluwa ko sa paraan ng pagtingin niya. Ang dating tsokolateng matang puno ng agam agam ay napalitan ng blankong ekspresyon.

"Hindi ka na lalabas at hahawak pang muli ng bulaklak Liwayway! Alin ba doon ang hindi mo maintindihan?!" Dumagundong ang sigaw niya sa buong kabahayan.

Hindi ako sanay na ganito si Ina, palagi siyang mahinahon at malambing magsalita tulad ng puting orkids. Nangatal ang aking labi. Ayaw ko ng ganito! Hindi ko gustong galitin ang kaisa isang pamilyang mayroon ako.

Mukhang napasama ko pa ang loob ni Ina.

Labag man sa loob ay tumango na lamang ako upang hindi na lalong magalit si Ina. Hindi ko alam kung ano ang rason niya't bigla niyang naisipang patigilin ako sa pagbebenta ng sampaguita na halos walong taon ko nang ginagawa.

Kinabukasan, pungas pungas akong bumangon, wala pa ang haring araw, alas-cuatro palang ng umaga ngunit ang taong nambubulabog sa pintuan nang aming tahanan pang tanghaling tapat na ang enerhiya!

Tumayo ako mula sa aking higaang banig at naglakad patungo sa pintuang pinagmumulan ng ingay.

Oras na maabot ko ang pintuan narinig ko na ang pamilyar na boses.

"Liway! Gumising ka! Ang iyong Ina!"

Si Ate Lilit!

Walang pakundangan kong binuksan ang pinagtagpi tagping kahoy na pintuan ng aming tahanan.

"Ate! Ano pong nangyari?"

Hinawakan ni ate Lilit ang aking dalawang braso. May pawis sa kanyang noo at may bahid ng pag aalala ang kanyang ekspresyon.

"Ang iyong Ina Liway! Namamalimos sa tapat ng simbahan! Ilang beses ko na siyang pinatigil pero ayaw niya! Anong nangyayari Liway?"

Bakit? Ito ba ang sinasabi ni Ina? Siya ang magtatrabaho? Hindi ito pagtatrabaho! Tiyak na mapapahamak lamang siya!

Wala na akong narinig sa mga sinabi ni ate Lilit, ang tanging nasa isip ko na lamang ngayon ay puntahan si Ina at patigilin sa kahibangan niya!

Ano bang kinakatakot niya? Anong meron sa pesteng bulaklak ng sampaguita o kahit ano pa mang klase ng bulaklak na iyan at ipagpapalit niya ang kaligtasan niya huwag lang akong humawak muli ng mga ito?!

Ang lakad ko'y nagmamadali, tila anumang araw ngayon ay titigil na sa pag ikot ang orasan. Hindi ko na napansin si Ate Lilit kung nakasunod ba siya sa akin o hindi.

Ang mga paa ko'y siguradong sigurado ang bawat hakbang. Hindi ko manamnam ang ganda ng kalikasan ngayong madaling araw, dumaan lang ito na parang hangin sa aking paningin.

Nang marating ko ang tapat ng simbahan, doon ko natanaw si Ina, tuluyan na akong natigilan sa pag hakbang. Kaawa awa ang kanyang itsura! Kahit kailan ay hindi ko hinangad na mahirapan siya ng ganito! Pakiramdam ko ay napakasama kong anak dahil hinayaan kong humantong sa ganito! Hindi ko maatim ang nandidiring paningin ng mga tao kay Ina!

Suot suot ang bistidang kulay Lila, ang nangungulubot na mga kamay na pilit inaabot ang dumadaan, sinisikap niyang makalapit at makahingi ng kahit isang kusing ngunit pag ismid at paglayo lamang ang sinukli nila!

Mayroong sakit sa balat si Ina, tila bulaklak na nalalanta ang kalahati ng kanyang katawan dahil nangingitim ito at nagsusugat.

Ilang beses na itong pinatingin sa Doktor sa may bayan ngunit hindi nila malaman ang totoong sakit niya. Palagi na lamang sinasabi ng mga ito na dalhin siya sa Maynila si Ina upang mas mapag aralan kung anong sakit ang dumapo sa kanya pero ayaw niya. Isa pa, wala kaming pera.

Ihahakbang ko na sanang muli ang aking paa ng matanaw ko ang dalawang pulis na papalapit kay Ina!

Tinakbo ko na ang aming distansiya.

Anong gagawin nila kay Ina?!

"Ina! Ina!" pawisan at habol hiningang sigaw ko pero walang nakinig. Pinagpatuloy lang ng mga pulis na kaladkarin ang aking Ina palayo sa dagat ng mga tao!

"Tigil! Itigil niyo yan! Pakiusap po!" kita ko ang hirap sa mukha ni Ina habang pilit na sinasalungat ang mga taong tangan tangan ang kanyang dalawang braso. Nanghihina. Nasasaktan na siya! Nagdudugo na ang iba niyang sugat!

Tila pinagsakluban ako ng langit at lupa nang oras na lumapat sa malamig na semento ang katawan ni Ina mula sa malakas na pagwaksi ng pulis sa kahabag habag niyang katawan.

Tunay ngang madamot ang mundo para sa tulad naming mahihirap at naiiba sa lahat.

Dahil kahit kailan, hindi nito kami pinaburan.

aeliag © 2022

All rights reserved.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status