Share

Kabanata 3

“Ang ganda at bait ng babaeng dinala ni Sir Darson dito sa mansyon. Nakakarelate ako sa kanya. Si Madam Celeste kasi, kahit limang taon na rito sa mansyon, ang hirap paring i-approach. Kailangan gusto niya lagi binabati siya at binibigyang respeto. Pero si Madam Chiarra, close na kami agad!”

“Mag-ingat ka sa mga sinasabi mo, Tami. Baka isipin nila na kumakampi ka sa kabit. Kahit pa mabait si Madam Chiarra, hindi dapat tayo pumanig sa mali.”

“Hmp! Bakit naman? Feeling ko nga hihiwalayan na ni Sir Darson ‘yang si Madam Celeste. Hindi na siya masaya kay Madam. Pero kung titingnan mo siya ngayon, nanunumbalik ang saya niya kay Madam Chiarra! Ganiyan naman kasi talaga. ‘Pag may pagkukulang ang isang babae sa asawa niya, hahanap at hahanap ang lalaki ng ibang babaeng pupunan ang pagkukulang na ‘yon.”

“Para sa akin ay wala namang pagkukulang si Madam Celeste. Sadyang hindi lang talaga niya mabigyan ng anak si Sir Darson. Sino ba namang asawa ang ipagkakait na magsilang ng sanggol, ‘di ba? Sa totoo lang, sa panahon ngayon ay puwede na ngang gamitan ng teknolohiya para makapag-produce parin sila ng anak na biologocally ay sa kanila. Sadyang… cheater is a cheater, at ang pagloloko ang pinili Sir Darson.”

“Ay, ewan ko! Basta nababaitan parin ako kay Madam Chiarra. Tara na at ihanda ang mga pagkain! Nasa baba na raw si Madam Priscilla, eh.”

Habang nakikinig si Celeste sa usapan ng dalawang maids ay hindi parin humihilab ang malaking sugat niya sa puso tungkol sa nangyari dalawang linggo na ang nakalilipas.

Hindi niya aakalain na sa loob ng dalawang linggo na iyon ay may mga katulong na agad ang pumapanig sa kabit na si Chiarra. Hindi lang ito ang unang maid na narinig niyang nagpuri kay Chiarra, at mas humihina pa ang loob niya dahil diyon.

Nagkaroon lamang siya ng lakas ng loob na bumangon ngayon, mag-ayos ng sarili at lumabas ng kuwarto niya dahil napabalita sa mansyon na darating ang mother-in-law niya na si Priscilla.

Marahil ay nakarating na sa tainga ng matandang babae ang tungkol sa pasabog na nangyari sa mansyon nila ni Darson.

She just hoped her mother-in-law would take her side. After all, Chiarra is just a mistress who doesn't belong to any influential family, but a prostitute at that.

Alam niyang napaka-istrikta ng pamilyang Allegra tungkol sa mga ganitong bagay. Kaya umaasa parin siya na ipagtatabuyan ni Priscilla ang kabit na ito ni Darson.

“Ano na naman itong kadramahang pinapairal mo, Celeste?” Nagagalit na tanong ng mother-in-law ni Celeste na si Priscilla pagkakita na pagkakita pa lang sa kaniya. “Alam mo nang baog ka, kaya dapat matagal mo nang hinanda ang sarili mo sa mga posibleng mangyari. Alangan naman, hindi kami bigyan ng apo ni Darson dahil lang sa'yo? Aba'y nag-iisang anak lang namin siya at walang nang iba pang pagtutuluyan ng dugo sa panig namin sa susunod na henerasyon!”

“Tita, naiintindihan ko naman kayo.” sinikap ni Celeste ang hindi mautal at ngumiti sa harapan ng mother-in-law. “Huwag na po kayong mag-alala tungkol sa bagay na ‘to, dahil tanggap ko na po, at hindi na ako magmumukmok sa kuwarto.”

Nababakas parin ang pamumula at pamamasa ng mga mata ni Celeste, maging ang pamamaga nito. Batid na niyang mainit ang dugo ni Priscilla sa kanya, simula pa man noong nakaraang dalawang taon. At mabilis niyang nabasa ang agad nitong buwelta kung kaya't hindi na siya nangatwiran at nagpaliwanag pa.

“Ayusin mo lang, Celeste, dahil malaki ang sinayang ng pamilya namin magmula nang tinanggap namin ang pamilya mo sa kasalang ito. Wala na ngang magandang naidulot sa kumpanya, pati ba naman sa matris palpak pa! Ano ba namang klaseng kamasalan ang nakatagpo namin!”

“P-Pasensya na po…” kusa siyang napahawak sa kanyang tiyan.

“Hindi bale! Naisalba naman ng mga Allegra ang kumpanya, at magkakaroon na rin sa wakas ng anak si Darson. Kahit papaano'y pinagpapala parin kami ng nasa itaas. Kaya puwede ba? Gawan mo na lang ang pamilyang ito ng pabor at alagaan si Chiarra habang nagbubuntis siya!? Hindi itong naririnig kong para kang drama queen na mamatay-matay sa kakaiyak at nagkukulong lang sa kuwarto!”

Napaintag siya. Sunod-sunod siyang napalunok at napayuko. “Opo, tita. Ako na pong bahala kay Chiarra, habang nandirito siya sa loob ng mansyon.”

“Mabuti. Inaasahan ko na hindi ka magiging salbahe kay Chiarra at maisipang gawan siya ng masama. Dahil sinasabi ko na sa'yo, sa oras na may hindi kanais-nais na mangyari sa babaeng ‘yon at sa sanggol na dinadala niya, hindi ako mag-aatubiling palayasin ka sa mansyong ito!”

“N-Naiintindihan ko po, tita.”

Nakahinga siya ng maluwag nang lisanin ni Priscilla ang terrace kung saan siya nito kinausap. Lupaypay siyang naupo sa katabing upuan, habang nanghihinang napatulala sa kawalan.

Sa kabilang banda ay pumasok si Anna sa terrace nang makita ang papaalis na likod ng malupit na biyenan ni Celeste.

“Madam, ayon sa mga nakalap kong impormasyon, ang biyenan niyo pa mismo ang nagtutulak kay Sir Darson na mambabae. Siya rin itong may matagal nang may ugnayan sa lugar ng pinanggalingan ni Chiarra sa labas.”

Nawawalan ng buhay na napatawa si Celeste. Dahil umasa siya kahit sa katiting na pag-asa, na sana'y hindi matanggap ni Priscilla ang babaeng dinala ni Darson sa mansyon ng mga Allegra. Akala niya'y hindi matatanggap ni Priscilla ang walang estado at pangalan na si Chiarra. Hindi ito nagmula sa isang pamilyang may posisyon sa upper class, o kahit kalayong mag-anak o anak sa labas lamang.

Iyon ang kinadudurog pa ng puso ni Celeste. Ang malaman na ang pinalit sa kanya ng asawa ay isang babae na malayo sa kanya. Pakiramdam niya'y tinapakan ang buo niyang pagkatao. Dinuga lang siya ng mundo.

Ayaw man niyang manliit ng tao, pero ang katotohanan ay hindi talaga niya ka-lebel si Chiarra.

Kung ano siya ngayon ay dahil sa pagsusumikap niyang taglayin ang etiquette at manners na dapat meron ang mga kababaihan. Ang pag-aaral ng mabuti, pag-alam sa mga bagay na may kinalaman sa household affairs, at maging sa mga basics ng negosyo para matulungan ang asawa.

Inalam niya kung paano makipagtalastasan sa iba't-ibang magagaling na mga babae sa mundo ng upper class. Pinapanatili ang kanyang dignidad at karilagan sa loob at labas ng mansyon.

Para saan nga ba ang lahat ng iyon? Kung ngayon ay natalo lang siya ng isang babaeng walang maibibigay kundi ang sariling matris.

Ito ang klase ng pagkatalo na ang hirap-hirap tanggapin sa sarili. Subalit kailangan niyang lunukin ang lahat, panatilihin ang pagiging mapagkumbaba, at… alagaan ang kabit ng asawa niya.

“Ate!” Mula sa labas ng terrace ay sumilip si Chiarra na may masiglang itsura. “Kakain na, ate. Sabay na tayo bumaba?”

Kabadong napalingon si Celeste kay Chiarra. Kinagat niya ang dila niya upang pigilin ang sarili na masupalpal ito.

How can she act like nothing happened? Pagkatapos ng ginawa nito sa una nilang pagkikita?

May malaki pang ngiti si Chiarra na naglakad patungo sa kanya at hilain ang kamay niya. “Pinaglutuan tayo ni daddy ng espesyal niyang putahe! Ano nga bang tawag do'n? Ah! Labster terminor? Ayun ata.”

Nanigas sa kinatatayuan si Celeste. “Lobster Thermidor?” Iyon ay ang paburito niyang pagkain na eksklusibo lang niluluto ni Darson para sa kanya.

Hindi mahilig magluto si Darson, pero tuwing ginagawa nito ay Lobster Thermidor lang ang palaging niluluto nito at iyon ay para sa kanya lang! Iyon ang paburito niya dahil sa kakaibang sarap nito.

“Ah! Oo ‘yung labster something. Basta! Sabi niya niluto niya raw para sa ‘kin. Kaya excited na ako, ate! Share na lang din tayo para matikman mo.”

“Ha…” napaka-pait na pagtawa ang kumawala sa mga labi ni Celeste. Nangilid ang mga luha niya na agad din niyang pinigilan. Ganoon na lang ang pagbaon ng mga kuko sa kanyang palad.

Paano niya magagawang itago ang sakit kung ganito ang gagawin ni Darson? Harap-harapang pananakit… hanggang saan ang kaya niyang indain?

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status