Share

Kabanata 2

“Madam, huwag na po kayong umiyak. Wala pa kayong kain simula kahapon. Magkakasakit kayo niyan, eh.”

Sa loob ng kuwarto ay walang ibang maririnig kundi ang mga hindi mapigil na hikbi ni Celeste. Saan pa mang bahagi ng unan ay napupuno na iyon ng mga luha at sipon niya. Hindi na niya rin magawang imulat ang mga mata sa labis na pamamaga ng mga ito.

“Madam, kahit sabaw lang po, basta ba'y magkaroon lamang ng laman ang sikmura niyo.”

Kahit ano pang panunuyo ni Anna, ang tapat na personal na katulong ni Celeste, ay hindi parin bumabangon sa kama ang amo niya.

“S-Sinabi nang ayoko!” galit na sigaw ni Celeste habang baon-baon ang mukha sa unan. “Bakit mo ba ako hindi sinusunod, Anna? Lumabas ka na, pakiusap lang!”

Sa sitwasyon ngayon ni Celeste ay nadudurog din ang puso ni Anna. Ilang beses na siyang pinagtulakan ng amo, pero nananatili parin siya sa loob ng silid nito, pinapanood itong umiiyak at kinukumbinsi na kumain.

“Madam,” kinagat niya ang ibabang labi sa pagpipigil ng mga luha. “Huwag niyong hayaan na tapak-tapakan lang ni Sir ang pagiging mag-asawa ninyo. Hindi po nararapat na umiyak ka lang dito sa loob at magmukmok. Dapat mo silang harapin at ipakita kung sino ka! ‘Yung kabit na ‘yon, anong karapatan niya na rito mismo sa loob ng mansyon niyo manirahan?”

Humigpit ang pagkakakapit ni Celeste sa unan sa mga sinabi ni Anna. Kusang nagsisipagbagsakan ang mga luha niya sa tindi ng paglalamutak sa kanyang puso. Sobrang sakit, hindi niya magawang ipaliwanag. Para siyang mamamatay sa sakit!

“B-Buntis ang kabit niya.” Naupo siya sa kama at makailang ulit na pinaghahampas ang tiyan niya. “Ako hindi! Hindi ko kayang magbuntis para kay Darson! Hindi ko kayang dalhin ang anak niya! W-Wala akong saysay! Wala akong kuwentang asawa! W-Wala na akong silbi sa asawa ko… aahhh!!”

“Madam!” mablis na nakasaklolo si Anna. Tumalon siya sa kama nito at niyakap mula sa likuran ang amo upang pigilan ang pananakit nito sa sarili. “Madam! Hindi ‘yan totoo! Napakabuti niyong asawa kay Sir! Lahat ay ginawa niyo, siya lang itong hindi makuntento! Siya itong problema!”

Humagulgol ng iyak si Celeste habang napapatingala sa kisame, nilulunod ang sarili sa kanyang mga luha.

Simula pa man noong una, para nang fairy tale story ang kuwento nilang dalawa ni Darson. Hindi na kinakailangan pang humanap o pumili ng lalaking pakakasalan ni Celeste, dahil nakalaan na sa kanya si Darson.

Isa iyong arranged marriage gawa ng dalawang pamilya, ang Allegra at Costa. Iyon ay para sa ikalalago ng kanilang mga negosyo at sa hinaharap pang pagpapaunlad at pagpapatibay ng relasyon.

Ginusto rin nilang dalawa ang pinlanong kasalan dahil umiibig na sila sa isa't-isa sa murang edad na thirteen years old. Opisyal silang kinasal noong sila'y twenty-four years old, halos dalawang dekada na silang magkasama ngayon .

Darson was Celeste's puppy love—first and true love.

Masayang-masaya si Celeste sa naunang tatlong taon nilang mag-asawa. Kagaya iyon ng mga pinangarap niyang mangyari. Hindi siya binigo ni Darson sa pag-ibig, maging ang ibang mga Allegra ay tinuring siyang tunay na pamilya.

Subalit sa nakalipas na dalawang taon nang mauwi sa trahedya ang buhay ng mga magulang niya sa isang car accident at ang unti-unting pagbagsak ng kanilang negosyo, ang ihip ng hangin ay nag-iba para sa kanya.

Just as she needed her husband’s comfort the most, he suddenly changed his heart and cheated on her for the first time, which continues to this day.

Hanggang ngayon ay hindi nabago ang sakit sa puso ni Celeste. Ang mga sugat niya sa dibdib na hindi pa gumagaling ay muli na namang nagdurugo.

“Ako ang problema, Anna!” patuloy niyang sinisisi ang sarili sa kabila ng pagkahirap huminga. “T-Totoo namang wala na akong pakinabang sa mga Allegra, eh! Bagsak na ang negosyo, baog pa ako! Wala naman na akong pakinabang kay Darson, k-kaya… bakit ko ipagkakait sa kanya ang humanap ng ibang babae? P-Pero kasi ang sakit-sakit, eh! Ang sakit-sakit, Anna!”

“Madam! Kung mahal kayo ng asawa niyo, hindi siya maghahanap ng ibang babae, kahit pa wala ka nang pakinabang sa kanya! Gumising ka, madam, at huwag magpa-martir! Hindi ka magagawang lokohin ni sir Darson kung mahal ka talaga niya!”

Hindi nakatulong ang sinabi ni Anna kay Celeste. Mas lalong nadurog ang puso ni Celeste dahil doon.

“S-Sinasabi mo bang hindi na talaga niya ako mahal?” mas lalo siyang nahirapang huminga, puno ng pagtatanong na nilingon si Anna. “P-Pero mahal na mahal niya ako noon. Naging mabuti naman akong asawa. Binuhos ko rin lahat ng pagmamahal ko sa kaniya, Anna. K-Kasi takot na takot akong humanap siya ng iba… na ipagpalit niya ako sa mas magaling at mas perpektong babae.”

“M-Madam…”

“Natatakot akong iwan niya akong tuluyan, Anna!” bumuhos ang toneladang luha sa mga mata niya at napasubsob ang mukha niya sa katulong. “Siya na lang ang meron ako. Wala na akong babalikan pa sa pamilya ko. Matagal nang patay si Mommy at Daddy! Si Kuya, hindi parin nahahanap. Walang-wala nang natitira sa mga mahal ko sa buhay kundi si Darson! S-Siya na lang ang buhay ko. Kung mawala siya sa ‘kin, hindi ko kakayaning mabuhay pa!”

“Madam…” Gustong sabihin ni Anna na kahit anong mangyari ay hindi niya iiwanan ang amo niyang si Celeste. Subalit batid niyang hindi siya ang kailangan nito ngayon. Ang walang-hiyang asawa nito ay busy ngayon sa kasusuyo ng ibang babae, samantalang si Celeste ay mamatay-matay na sa sakit na nararamdaman!

Mas lalong lumala ang galit ni Anna kay Darson. Nag-iisip na siya ng puwede niyang gawin upang makabawi rito ng palihim at maipaghiganti man lang ang amo niya!

“H-Hindi ko naman talaga tinulak ang kabit niya kahapon, bakit galit pa rin si Darson sa ‘kin hanggang ngayon?” pagtatanong pa ni Celeste. “Sinaktan ng Chiarra na ‘yon ang sarili niya, Anna. Maniwala ka sa'kin, hindi ko talaga tinulak ang babaeng ‘yon at tinangkang saktan ang sanggol sa tiyan niya… Oo, galit ako. Galit na galit ako at gusto ko siyang sugurin! P-Pero hindi ko talaga siya tinulak. Sindya niyang saktan ang sarili niya… m-maniwala ka naman, oh?”

Hinagod niya ang likod ni Celeste. “Madam, naniniwala ako sa inyo. Ni pagpatay ng lamok o pag-apak sa mga langgam ay hindi mo ginagawa, ayun pa kaya? Kaya nga mas kinagagalit ko na pinagkakaisahan ka nila ngayon!”

Batid ni Anna na dahil bagsak na ang Costa family kung kaya't tinatratong basura ang amo niya ngayon sa mansyon ng mga Allegra. Ngunit ayaw niya lang iyon ipaalam kay Celeste at saktan pa ang puso nito. Malaki na ang sugat sa puso ni Celeste, at ayaw na niyang dagdagan pa sa pagsabi sa katotohanang iyon.

Subalit ang hindi niya lang matanggap, ay ang kabit ni Darson na si Chiarra ay hindi rin nagmula sa marangyang pamilya. Nakakagalit na mas mababa pa sa isang commoner ang dinala nito sa mansyon at pinalit kay Celeste!

Napag-alamanan niyang isa iyong prostitute na kung sino-sino ng lalaki ang nakatikim. Samantalang ang amo niya ay buong buhay pinagkaingatan ang sariling katawan, walang ibang pinakitaan kundi si Darson lang!

“D-Darson… huwag mo akong iwan.” paulit-ulit iyong binubulong ni Celeste sa hangin na animo'y dinarasal hanggang sa siya'y makatulog.

Kumikirot ang puso ni Anna sa isiping mahal na mahal parin ni Celeste si Darson sa kabila ng lahat ng pasakit nito sa asawa.

"Huwag kang mag-alala, Madam. Karapat-dapat kang mahalin. At hindi kinakailangang manggaling iyon kay Darson. Sigurado akong may ibang taong magmamahal sa iyo kahit walang kapalit."

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status