Share

The Ring of Truth and Lies
The Ring of Truth and Lies
Author: MZTERIOUS

KABANATA 1 (When she hit rock bottom)

“Naka-aawa naman ang mag-ina, maagang na-ulila ng padre de pamilya.” Narinig n’yang bulong ng isang ginang sa kanyang kausap.

“Oo nga, at napakabata pa rin naman ng ina.” Sagot ng kausap nito, at sabay na tumingin ito sa kanya na puno ng awa sa mukha. Pagkaraa’y idinako ang tingin sa lalaking nakahimlay sa kabaong at wala ng buhay. Ilang sandal pa ay lumapit sa kanya ang dalawang ginang at nagpahatid ng kanilang pakikiramay, tska lumakad palayo.

Hindi na nya ito binigyan pa ng pansin at nagpatuloy lang sa pagtitig sa kabaong ng kanyang namayapang asawa.

“Andrei, ano na ang magiging kapalaran namin ng anak mo ngayon? Saan kami lalapit. Alam mo naman ang sitwasyon ng mga magulang natin, hindi ko kayang ipaubaya sa kanila si Nigel. Bakit mo kailangan umalis ng wala man lang naiiwan na kahit ano para sa amin ng anak mo?” Bulong nya sa bangkay ng kanyang asawa. Wala na ni isang patak pa ng luha ang makikita sa kanyang mga mata. Para bang lahat ng natitirang emosyon sa kanyang sistema ay naglaho kasabay ng pagkawala ng kanyang katuwang sa buhay.

Nasa ganoong kalagayan sya nang may bigla na lamang humila ng marahan sa kanyang suot na damit. Nakita nya ang kanyang anak na may hawak na isang kendi sa kamay at nakangiti sa kanya habang pupungas-pungas ang mapupungay na mga mata, hudyat na inaantok na ang munting bata.

“Antok ka na ba Nigel? Pasensya na kung hindi kita masyadong naasikaso kanina ha? May mga ginawa lang si mama. Tara na, linisan na kita para makatulog ka na.” Malambing n’yang sagot sa anak at inakay ito papasok sa kanilang maliit na bahay.

“Lena, maari bang dito ka muna sa pwesto ko saglit, at lilinisan ko lamang si Nigel upang mapatulog ko na?” Pakisuyo nya sa dalagitang kapitbahay nila na madalas makipaglaro sa kanyang anak.

“Sige po ate Glay, goodnight Nigel.” Nakangiting tugon nito na dinaluhan muna ng halik sa pisngi si Nigel bago umupo sa tabi ng kabaong ni Andrei.

Habang nililinisan ni Glayscent ang kanyang anak ay bigla na lamang n’yang narinig ang kaptid ng kanyang asawa.

“Ano na ngayon ang plano mo sa buhay Glay? Huwag mong sabihin na ipaa-ako mo ang responsibilidad ng pag-aalaga sa anak mo kay nanay. Aba, isipin mo naman ang kalagayan nya. Marami na s’yang inaalagaang apo. ‘Wag mo na sanang dagdagan pa ang alagain nya.” Singhal nito sa kanya ngunit sa paraang sila lamang dalawa ang magkakarinigan.

Nag-iinit ang kanyang mukha sa galit, talagang ini-itsapwera sila ng mga kapatid nito. Palibhasa ay si Andrei ang halos bumuhay sa pamilya nila noong binata pa ito, kaya naman laking gulat nila nang magdesisyon s’yang mag-asawa.

“Wala naman akong balak na iwan si Nigel kay nanay. Alam ko naman ang sitwasyon nya, at ayokong maging pabigat pa sa inyo.” Sagot nya, habang pinupunasan na ng tuyong twalya ang anak.

“Mabuti naman kung ganoon, Mabuti nang nagkakaliwanagan tayo Glay. Tama nang mga apo nya sa amin ni Esther ang inaalagaan nya, sobra na kung dadagdag pa ang batang iyan.” Talagang pinaiikli nito ang pisi nya. Sa pagkakataong iyon ay nabihisan na nya si Nigel at nakahiga na sa papag at agad na nakatulog sa kanyang marahang pagtapik. Tumayo sya para lumakad palayo kay Nigel bago hinarap ang hipag na nakasunod sa kanya.

“Pwde ba? Kung maaari lang, bigyan mo naman ng respeto ang nakahimlay ngayon. Hindi ito ang oras para sa mga walang kwenta mong banat. Unang-una, wala akong balak ipagkatiwala sa nanay mo ang anak ko, dahil alam ko ang magiging sitwasyon nya kung iiwan ko sya sa poder ninyo. Pangalawa, wala na si Andrei, patay na sya! Kaya itigil mo na ‘yang pagiging bitter mo. Kung gusto mo i*****k mo na sa baga mo ‘yang kabaong ng kapatid mo! Tutal hindi na rin naman sya makakaangal dahil wala na s’yang buhay!” Singhal nya sa babae na labis namang ikinamula ng mukha nito sa galit.

“Aba! At sumasagot ka pang h*******k ka! Kung hindi dahil sa’yo buhay pa sana si Andrei ngayon. Kung hindi mo sya inutusang bumili sa labas ng dis oras ng gabi ay hindi sana sya mababangga! Tapos ngayon ikaw pa itong may ganang taasan ako ng boses, walanghiya ka!” Inambaan sya nito ng sampal ngunit agad itong napigilan ng asawa nya.

“Tumigil ka na nga Hilda! Nasa lamay tayo ng kapatid mo, huwag kang mag-eskandalo!” Habang hawak-hawak sya sa braso ng asawang si Junnie.

“Bitiwan mo nga ako!” Pagpupumiglas pa nya.

“Dapat sa babaeng ito ay binibigyan ng leksyon, napaka walang utang na loob!”

“Wala talaga akong utang na loob sa inyo! Ano ba ang naitulong nyo sa buhay ko? Sa buhay namin ni Andrei? Meron ba? Wala akong natatandaang magandang bagay na naidulot nyo sa amin, kundi puro sama lang ng loob!” Pasigaw n’yang sabi.

Ang mga nakaririnig sa paligid ay unti-unti nang dumarami at nag-uumpukan na kaya naman madalian nang inilayo ni Junnie ang asawa kahit pa ayaw nitong tumigil sa pagpupumiglas at gustong sugurin si Glayscent.

Naiwang nagpupuyos sa galit si Glayscent at napaupo na lamang sa sahig habang nanghihina dahil sa nailabas na sama ng loob sa kapatid ng kanyang asawa.

“Mama, huwag ka na galit, ha?” Narinig n’yang bulong ng anak sa kanya ng bata. Nagising pala ito habang nagsisigawan sila ni Hilda.

Napatingin sya sa kalagayan ng anak. Nangungupas na ang suot na t-shirt na napaglumaan na ng kanyang pinsan at ibinigay sa kanya. May butas din ang short nito at hindi na nya magawa pang tahiin. Nakahiga ito sa isang matigas na papag na nasasapinan lamang ng pinagpatong-patong na mga lumang kumot upang hindi tagusan ng lamig.

Doon bumuhos muli ang luha na kanyang kinimkim mula ng mamatay ang asawa nya. Puno ng awa ang kanyang puso para sa walang kamuwang-muwang na anak na na-ulila ng maaga sa ama.

“Halika rito baby ko.” Inilahad nya ang kanyang bisig na sya namang nilapitan ng bata.

“Huwag kang mag-alala ha, gagawa ng paraan si mama upang makaalis tayo sa ganitong sitwasyon, Balang araw makakaraos din tayo. Hindi ko alam kung papaano pero hindi ako titigil hangga’t hindi tayo gumiginhawa. Pangako ‘yan anak ko.” Hinalikan nya sa noo ang bata at hinaplos-haplos ang buhok nito hanggang sa makatulog muli si Nigel sa kanyang mga bisig.

Pagkatapos ng araw na iyon ay hindi na sumulpot pa sa libing si Hilda, nag-iwan na lamang ng mensahe si Junnie na hindi na nya ito pinayagan pang pumunta dahil baka kung ano pang kabaliwan ang gawin ng asawa nya sa mismong libing ni Andrei.

Dumating sa libing ang nanay ni Andrei kasama ang bunsong anak nito na si Anthony. Magkasundo naman sila ng kapatid na ito ni Andrei, sadyang ang dalawang nakatatandang kapatid nito ang mga kontrabida sa buhay nila. Mabuti na lamang at hindi rin makakauwi si Esther dahil hindi pinayagan ng amo nya na makauwi upang pumunta sa libing kaya tahimik ang naging huling hantungan ni Andrei.

Hindi na rin nya binanggit pa sa matanda ang naging sagutan nila ni Hilda kamakailan upang mabawasan na rin sa isipin at lungkot na nararamdaman nito.

“Ate Glay, ano na ang plano mo ngayon? Paano si Nigel? Sino ang mag-aalaga sa kanya? Napakabata pa niya.” Tanong ni Anthony sa kanya habang umu-usad ang karo papunta sa simenteryo.

“Sa totoo lang, Ton-ton, hindi ko pa talaga alam. Basta ang alam ko lang ay kailangan kong kumayod para sa kanya. Ini-isip kong umalis na sa lugar na ito at maghanap ng bagong matutuluyan, malayo sa mga mata ng mga ate mo. Kaysa naman araw-arawin nila ako sa bahay at awayin ng awayin. Baka hindi ko makaya at sumunod ako sa kuya mo. Ayoko namang mangyari iyon. Kawawa si Nigel kung pati ako ay mawawala rin,” malungkot na sagot nya kay Anthony na puno na rin ng pagod ang boses.

Halos ilang araw na rin s’yang walang ma-ayos na tulog mula pa nu’ng unang araw ng lamay. Kaya naman pagod na pagod na ang buong katawan ni Glayscent, idagdag mo pa na kailangan n’yang asikasuhin maging ang anak.

Nang makarating ang karo sa simenteryo ay lumapit ang nanay ni Andrei kay Glay.

“Anak, ito lamang ang mai-tutulong ko sa inyong mag-ina. Ipandagdag mo ito sa pang araw-araw ninyong gastusin. Maliit na halaga lamang ito pero sana ay makatulong.” Iniabot ng matanda ang isang sobre kay Glay, nang sulyapan nya ito ay tumambad sa kanya ang ilang bungkos ng pera na agad naman n’yang ibinalik sa matanda.

“Hindi ko ho ito matatanggap nanay. Pinagpaguran n’yo po ito sa paglalako ng mga gulay. Ipambili n’yo na lamang po ito ng mga kailangan n’yong maintenance na gamot. Makakahanap din po ako ng matinong trabaho.” Pilit n’yang ibinabalik ang sobre sa matanda ngunit mapilit ito.

“Parang awa mo na anak. Tanggapin mo na ito, sa pamamagitan man lamang nito ay masuklian ko ang kabutihan ni Andrei. Napakaswerte ko at naging anak ko sya. At alam kong maswerte rin sya sa’yo dahil napaka buti mong asawa. Gusto ko lang na may maitulong sa iyo at ito lamang ang alam kong paraan. Gustuhin ko mang alagaan si Nigel ay alam kong hindi ka titigilan ng mga anak ko. Mas Mabuti na rin na ikaw mismo ang mag-palaki sa kanya dahil alam kong mabuti kang tao. Kaya tanggapin mo na ito. Para kay Nigel.” Iniabot nya muli kay Glayscent ang sobre na hindi na nito nahindian pa.

“M-maraming Salamat po nanay, malaking tulong na po ito para sa amin ni Nigel. Pangako po na ipangsisimula namin ito ng apo n’yo upang hindi po masayang ang pinaghirapan ninyo. Salamat po talaga.” Nag-aalangan man ay masaya na rin nya itong kinuha dahil alam n’yang sa sitwayong ito ay hindi nya kailangan ang pride. Mas kailangan nya ang perang magbibigay sa kanilang mag-ina ng pagkain sa hapag.

Ilang sandal pa ay inilibing na nga si Andrei, kasama sa pag-libing nito ang pangako ni Glayscent na hinding hindi sya susuko hangga’t hindi naiaahon sa kahirapan ang anak.

Kinaumagahan ay agad na umalis sina Glayscent at Nigel sa kanilang tinutuluyan. Nais n’yang makapagsimula muli, malayo sa mga taong gusto s’yang ilugmok lalo sa kahirapan. Mga taong wala namang ambag sa kanilang buhay ngunit kung makapagsalita ng masakit ay gano’n gano’n na lamang.

Lumuwas sila ng Maynila ni Nigel ng walang siguradong destinasyon. Ang alam nya lamang ay kailangan n’yang makahanap agad ng trabaho upang matustusan ang pangangailangan ng isang taon n’yang anak. Pagkaraa’y nakahanap siya ng maliit na paupahan upang tuluyan nila ni Nigel.

Sumunod ay humanap sya ng mga trabaho na maglalaan lamang sya ng Ilang oras, katulad na lamang ng home service na pag mamanicure at pedicure sa mga kapitbahay nya, bit-bit ang anak sa pagbabahay-bahay. Pinasok nya rin ang pagtitinda ng mga kakanin sa lansangan kasama parin si Nigel habang nasa katirikan ng araw o rumagasa man ang malakas na buhos ng ulan.

Buong taon n’yang ginapang ang buhay nilang mag-ina sa iba’t-ibang uri ng trabahong kanyang pinasok.

~~

“Glay, palinis naman ako ng paa. Nananakit na ang mga daliri ko. Puro ingrown na siguro,” sambit ng kanilang kapitbahay na nagtatrabaho sa isang malaking bar sa Maynila.

“Sige, pagkatapos ko rito, saglit na lang ito Shierra,” tugon nya habang ma-ingat na kinukutkot ang kuko ng isa pang customer.

Ilang sandali pa ay natapos na s’yang linisan ng kuko ang unang customer nya, inabutan sya nito ng isang daan para sa kamay nito. Nilingon nya si Shierra na busy naman sa pagkalikot sa cellphone nito.

“Shierra, halika na. Tapos na ako dun sa isa. Teka lang at babanlian ko muna ng mainit na tubig ang mga gamit ko bago kita linisan ha.” Hindi na nya hinintay pa ang tugon nito at dali-dali s’yang tumayo upang linisan ang mga gamit, pagkatapos niyon ay muli s’yang umupo sa bangkito na kanyang ginagamit upang madaling malinisan ang mga paa ng kanyang customers.

“Naku, nakakainis talaga ‘tong matandang ito! Anong petsa na wala pa rin ang ayuda ko. Hulas na ang ganda ko!” Matinis na boses nito bumungad sa kanya pagka-upong pagka-upo nya sa bangkito.

“Bakit? Anong nanyari, Shierra?” tanong nya sa kapitbahay.

“Hay naku! ‘Yung matandang ka-chat ko kasi, hindi raw makapagpapadala sa akin ng anda dahil may bagyo sa kanila at sarado ang mga padalahan. Nakakainis!” may pagmamaktol sa kanyang tinig habang patuloy na nakaharap sa kanyang cellphone.

“Nasa ibang bansa pala ang nobyo mo?” sagot naman nya habang inuumpisahan na n’yang linisin ang paa ni Shierra.

“Excuse me Glay, hindi ko sya jowa. Kinu-kwartahan ko lang sya para may pantustos ako sa totoong jowa ko! Nag-aaral pa kasi day! Hahaha!” Matinis na tawa ang umalingawngaw sa tainga ni Glayscent dahil sa malakas na paghalakhak ng kausap.

“Nagtu-two-timer ka?”

“Hindi ah, Hindi naman ako naikakama nu’ng nasa ibang bansa noh, kaya technically hindi kami mag jowa. Syempre pag jowa mo dapat kinakama mo noh. Ikaw talaga Glay, parang hindi naka experience ng jugjug. Hahaha!” Muling hagalpak ng tawa nito.

“Pasensya na. Hindi ko kasi naranasan ‘yan.”

“Gusto mo ba? Sabagay, mukha ka namang dalaga. Maganda ka rin, hindi nga lang kasing ganda ko, pero pwde ka na. Gusto mo bang kumita ng mas malaki? May alam ako.” Pag-aalok ni Shierra sa kanya. Napa-isip naman sya sa trabahong gustong i-alok nito sa kanya.

“Anong trabaho naman iyon? Baka ilegal yan ha? Kung ilegal ‘wag na lang,” umiiling pang sabi nya.

“Gaga! Hindi! Alam ko namang hindi ka papayga sa ilegal. Tska ikaw na lang ang meron si baby Nigel noh, di kita ipapahamak. Dontcha worry, okay?”

“Pag-iisipan ko, Shierra.”

Naputol ang usapan nila ni Shierra nang marinig ni Glay na isinisigaw ang kanyang pangalan.

“Ate Glay! Ate Glay! Si Nigel po!” Humahangos na sabi ni Nenita, isa sa mga kalaro ni Nigel sa kanilang lugar.

Agad na napatayo si Glayscent at lumapit kay Nenita.

“Anong nangyari sa kanya?” kinakabahang tanong nya sa bata.

“Nandu’n po sya dumudugo ang ulo, nahulog po kasi sa upuan habang naglalaro kami!” Nang marinig nya ito ay mabilis na tumakbo si Glayscent patungo sa kinaroroonan ng anak.

Nang makita nya ito ay nanlumo sya sa kalagayan ng anak. Umaatungal ito ng iyak habang ang ulo ay napalilibutan ng dugo. Agad nya itong kinarga at isinugod sa pinaka malapit na hospital pang bayan kasama si Shierra.

Kinailangang tahiin ang sugat ng bata dahil sa may kalaliman ang natamong sugat nito. Iminungkahi rin ng doctor na isailalim sa CT scan ang bata upang masiguro na walang anumang naging epekto sa ulo ang aksidente. Pumayag naman sya at naghintay ng resulta.

Magkahawak kamay sila ni Shierra habang hinihintay ang resulta ng ginawang CT scan kay Nigel. Maya-maya ay dumating na ang doktor at lumapit sa kanila.

“Ms. Clemente, sa CT scan ni Nigel, may Nakita kami tumor sa utak ng bata. Kailangang maalis ang tumor sa utak bago pa ito lumala at maging kanser. Sa ngayon ay bibigyan ko muna kayo ng mga gamot na kailangang inumin ni Nigel habang hindi pa sya nao-operahan. Pero sana po ay sa lalong madaling panahon ay matanggal na ang tumor ng bata.” Halos mabingi si Glayscent dahil sa kanyang narinig.

Hindi sya makapaniwala na sa murang edad ng kanyang anak ay mararanasan na nito ang ganitong sakit. Hindi nya malaman kung saan sya nagkulang o kung ano ang mga kakulangan nya bilang ina, at humantong sa ganito ang kalagayan ng anak. Bigla na lamang s’yang nilayasan ng lakas at lupaypay na napaupo, mabuti na lamang ay agad s’yang nasalo ni Shierra.

Mga Comments (5)
goodnovel comment avatar
Chrysnah May
Nice ang introduction ...
goodnovel comment avatar
leeeigh_
ang ganda ng pagkakasulat, medyo nakakapanibago pero nakakahook!!
goodnovel comment avatar
Miss A.
lovee this
Tignan lahat ng Komento

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status