Share

CHAPTER FIVE

CALISTA

"Dayne? Matagal na ba kayong magkakilala ni Patrick?"

Hindi ko mapigilang itanong sa kanya. Napayakap ako sa sarili kong katawan dahil sa pagdampi ng hangin sa mga balat ko. Kasalukuyan kami ngayong nakaupo malapit sa tent. Napatingin din ako sa kalangitan. Napakaraming bituin. Bigla ko tuloy na-miss ang Lola ko. Kumusta na kaya siya?

"Kababata siya ni Dayne slash pinsan niya."

Napatingin kaming pareho ni Dayne sa PA niya. Kahit kailan talaga ay napakapakialamera niya. Tumawa lang si Dayne samantalang ako ay sinamaan ko siya ng tingin.

"Ikaw ba ang kinakausap?"

"Hindi! Bakit? Gusto mo siya, 'no?"

Nanlaki ang mga mata ko. Kakaiba talaga ang babaeng 'to. Kakaiba ang tabas ng dila!

"Inuunahan na kita! Hindi ka pwedeng magkagusto kay Patrick! Akin siya! Naiintindihan mo? Diyan na nga kayo!" sigaw niya at umalis na. Napailing na lang ako. Anong nangyari do'n? Napakapraning!

"PA mo ba talaga 'yon, Dayne?"

Tumawa ito nang mahina.

"Gano'n talaga siya. Pero mabait 'yon."

"Saan banda?"

Muli siyang napatawa.

"Pinsan siya ni Clarisse."

Nanlaki ang mga mata ko. Tama nga ang naging desisyon ko. Pakiramdam ko ay malapit ko nang mahanap ang kasagutan sa totoong pagkatao ko.

"Pinsan? Pa'no mo siya naging PA? Kung pinsan siya ni Clarisse, eh, 'di mayaman siya 'di ba?"

"Oo, kaya nga hindi ko siya sinuswelduhan, eh. Galing 'di ba?"

Napanganga ako.

"Ang totoo niyan, si Clarisse talaga ang may pakana ng lahat." Tumingala siya sa langit habang ako ay naghihintay sa susunod niyang sasabihin. "Kinausap niya ang pinsan niya para maging PA ko, para bantayan ako." Ngumiti ito nang pilit.

Napangiti rin ako. Kaya pala gano'n na lang ang pagmamahal niya kay Clarisse. Masaya akong malaman kung anong klase ang pagmamahalan nilang dalawa. Napatingala na lang din ako sa langit.

"Kumusta na kaya siya?" biglang tanong niya.

"Alam mo, sigurado akong miss na miss ka na rin niya."

"Sa tingin mo?"

"Oo!" mabilis kong sagot. "Siguro kapag kaharap mo siya ngayon sasabihin niyang sobrang proud siya sayo."

Napatingin siya sa akin na may halong pagtataka.

"Proud?"

"Oo. Kasi kahit wala na siya, mas pinili mong tuparin ang pangarap niyong dalawa. Sana lahat positive sa buhay kagaya mo."

"Bakit, ikaw? Hindi?"

Nginitian ko lang siya.

"Bukod sa pagiging mahirap mo, ano pang istorya ng buhay mo?"

Sinamaan ko siya ng tingin. Matapos ko siyang i-motivate, pagsasabihan niya ako ng ganyan?

"Alam mo? Ang sama mo!"

Tumawa ito nang mahina.

"High school lang ang natapos ko kaya't kahit papaano ay may nalalaman ako. Magaling din akong magsalita ng english kahit na taga-bundok pa ako," pagmamalaki ko. "Kaso nga lang, hindi na ako nakapag-college dahil namatay ang Lola ko. Pero alam mo? Pangarap ko talagang makapag-aral at maging isang teacher. Gusto ko kasing tulungan ang mga bata sa amin lalo na't mahirap ang buhay roon," dugtong ko habang nakangiti.

"Hindi pa naman huli ang lahat, eh. Alam kong matutupad mo rin 'yan."

"Hindi ko alam." Tumawa ako nang mapakla. "Pero alam mo? Magmula pagkabata, pilit kong hinahanap ang kasagutan sa totoo kong pagkatao. Hindi ko nga alam kung bakit doon kami nakatira, eh! Pero ngayong wala na si Lola, oras na siguro para hanapin ko ang mga kasagutang iyon. Nagpunta ako sa lugar na ito nang walang kasiguraduhan."

Natahimik kaming dalawa. Hindi ko alam kung sino ang mauunang magsalita sa amin.

"Don't you think, Cali, na kaya tayo pinagtagpo kasi kailangan natin ang isa't isa?"

"Ha?" takang tanong ko.

"Nasaan ka kaya ngayon kung hindi kita dinala sa bahay ko no'ng gabing 'yon?"

Napaisip ako. Oo nga. Tama siya. Nasaan kaya ako ngayon? Namamalimos na siguro ako sa kalsada ngayon dahil wala naman kaming bahay rito. Nagpapasalamat din ako, kung hindi dahil sa kanya hindi ko makikilala si Clarisse. Palagay ko kasi, may kinalaman siya sa totoo kong pagkatao. At alam kong matutulungan ako ni Dayne sa bagay na iyon.

"Gano'n lang ang buhay, Cali. Kung ano man 'yang dala-dala mo, sigurado akong mahahanapan mo rin ng solusyon iyan."

"Sinasabi mo lang naman 'yan kasi wala ka sa posisyon ko. Hindi mo alam ang pinagdaanan ko."

Gusto kong maiyak sa mga oras na 'to. Pa'no niya nasasabi ang mga bagay na 'to? Para akong nabunutan ng tinik sa sinabi niyang 'yon.

"Hangga't mayroon bagong umaga, patuloy lang ang buhay. Kung pakiramdam mo hindi ka buo ngayon, sigurado akong may darating na isang tao para buoin ka."

Ngumisi ito.

"Alam mo, masyado nang seryoso ang pinag-uusapan natin. Maiba ako, totoo ba ang sinabi ni Klaire?"

"Ano?"

"May gusto ka ba kay Patrick?" diretsahang tanong niya. 

"Ako?" gulat na gulat kong tanong. "Nagpapatawa ka ba? Hindi, 'no!" Napaiwas ako ng tingin dahil naramdaman ko ang biglaang paglakas ng tibok ng puso ko! Bakit ba pagdating sa lalaking 'yon, kakaiba ang pakiramdam ko?

"Dayne! Clarisse!"

Napatingin kaming pareho ni Dayne sa lalaking kumakaway palapit sa amin. Kahit medyo malayo at gabi na ay tanaw na tanaw ko ang nakangiting si Patrick dala ng liwanag ng buwan at ilang ilaw. Bigla akong kinabahan. Hindi ako mapakali sa kinauupuan ko dahil sa ngiting iyon. Bakit gano'n na lang ang epekto no'n sa akin?

"Hindi pala gusto, ah." Nabaling ang atensyon ko kay Dayne nang bigla itong bumulong sa tainga ko. 

"Anong ginagawa niyo rito?"

Gulo-gulo ang buhok ni Patrick ngayon ngunit hindi nito nabawasan ang pagkapogi niya.

"Nagpapahangin lang," simpleng sagot ni Dayne.

Umupo naman si Patrick sa tabi namin at nasa gitna nila akong dalawa. Kung nakilala ko lang ang dalawang 'to noon, sigurado akong pwede na akong mamatay sa kilig. 

Napatingin ako kay Patrick nang bahagyang magdikit ang braso naming dalawa.

"Mabuti na lang at okay na okay ka na, Clarisse. Sobra akong nag-alala sayo nang mabalitaan ko ang nangyari sayo."

Nagkatinginan kami ni Dayne. Katulad noon, bigla na namang nalungkot ang ekspresyon nito.

"O-Oo naman. Thank you sa concern, Patrick. Mabilis ang naging recovery ko dahil sa sobrang pag-aalaga sa 'kin ni Dayne."

Kitang-kita ko ang pagkagulat ni Dayne sa sinabi ko. Kahit ako ay nagulat. Hindi ko alam kung saan ko ba nakuha ang mga salitang iyon.

--**--

"CUT! Good job, Clarisse! Bumalik ka na nga sa dati!"

Halos tumalon ako sa tuwa nang marinig ko ang komento ni Direk sa pag-arte ko! Mahigit dalawang linggo na kaming nagtatrabaho para sa pelikulang ito. Masasabi kong maraming eksena na ang nangyari at hindi ko rin inaasahang makakaya ko. 

Nakita ko ang pagkindat sa akin ni Dayne. Kitang-kita ko ang tuwa sa mga mata niya. Unti-unti na ring nagbubunga ang mga plano niya para kay Clarisse. Hindi ko pa rin lubos maisip kung hanggang kailan ang pagpapanggap na ito. 

"Next week, humanda na kayo dahil pupunta tayo sa probinsya. Doon ang next shooting natin. Okay! So, see you on monday. Magpahinga kayo nang mabuti!"

Umalis na si Director Felix. Bigla akong na-excite dahil sa sinabi ni Direk. Sa probinsya rin kasi kami nakatira ni Lola noon. Bigla ko tuloy na-miss ang buhay roon.

"Let's go."

Sumunod ako kay Dayne at nagtungo kami sa kotse niya. Habang naglalakad kami ay puro sigawan ang mga tao. Maraming nanunuod sa amin habang nagsh-shooting. Halos lahat ng tao ay puro pangalan ni Dayne at Clarisse ang sinisigaw. Talagang napakasikat nilang dalawa.

Sa bawat taong tinititigan at tinitilian ako, hindi ko maiwasang matakot dahil baka malaman nila ang totoong pagkatao ko. Paano kung malaman nila ang totoo? Ano kayang mangyayari sa akin? Sa amin?

"Dayne, ganito ba talaga kayo kasikat?"

"Base sa nakikita mo, oo.

Pinaandar niya ang sasakyan. Nag-play rin siya ng music na talagang nakaka-relax sa pandinig. Humikab ako at pinikit ang mga mata.

"Nakakapagod ang araw na 'to," nasambit ko habang nakasandal at nakapikit ang mga mata.

"Let's go to the mall."

Napamulat ako dahil sa narinig. Tila nawala lahat ng pagod ko.

"Talaga, Dayne?"

Para akong batang binigyan ng lollipop sa sobrang tuwa. Buong buhay ko hindi pa ako nakakapunta sa ganoong klaseng lugar.

"Para ma-relax ka naman."

Hininto ni Dayne ang sasakyan at agad kaming nagtungo sa loob. Hanggang ngayon ay manghang-mangha ako sa mga nakikita ko. 

"Anong mukha 'yan? Don't tell me ngayon ka lang nakapasok sa lugar na ganito." Tumawa ito. "Mahirap ka talaga," dugtong pa niya.

Magsasalita pa sana ako nang may biglang lumapit sa aming dalawang teenager.

"Pwede pong magpa-picture?"

Abot tainga ang ngiti nilang dalawa. Muntik ko ng makalimutan na artista pala ang kasama ko at gano'n rin ang tingin nila sa akin.

Pumayag kami ni Dayne na makipag-picture sa dalawa. Inakbayan ako ni Dayne nang mag-flash ang camera habang ako naman ay napatitig sa kanya dahil sa ginawa niyang iyon. Kasabay naman no'n ang sunod-sunod na pagsulputan ng mga tao sa paligid namin. Nagkakagulo silang lahat at nagsisigawan!

Napangiwi ako nang maramdaman ko ang pagyapak ng ilang tao sa mga paa ko.

Hanggang sa maramdaman ko na lang na hinawakan ni Dayne ang isa kong kamay at nginitian ako nito. Nailang tuloy ako nang gawin niya 'yon.

Halos gumapang kami sa sahig makalusot lang sa mga taong pinagkakaguluhan kami. Nakahinga na lang ako nang maluwag nang makalabas kami. 

Hindi ko tuloy maiwasang isipin, sa araw-araw ba na ginawa ng Diyos, ganito ba sila parati?

"I think that's a bad idea."

Napakamot siya sa ulo. 

Nabaling ang atensyon ko sa kamay namin na magkahawak pa rin. Napansin niya yata akong nakatingin sa kamay namin kaya bigla niya itong binitawan.

"Let's go?"

Tumango ako.

"Clarisse?"

Napalingon ako sa nagsalita. Isang hindi pamilyar na mukha ang tumambad sa akin. Nagulat na lang ako nang agad ako nitong niyakap.

"Oh my God, Clarisse! Kumusta ka na? Na-miss kita!"

Napatingin ako kay Dayne na bakas ang pagkagulat at pag-aalala.

Sino na naman kaya ang babaeng 'to? Bakit hindi man lang siya ipinakilala ni Dayne sa akin?

Mga Comments (1)
goodnovel comment avatar
Jocelyn Pioquinto Armario
ayan kasi dayne alam mo naman na sikat kayo dinala mo pa talaga si cali/clarisse sa mall
Tignan lahat ng Komento

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status