Share

Chapter 19

Tumayo si King sa kinauupuan.

“Iyan ba ang nakukuha mo sa babaeng ‘to? Ang maging bastos sa ‘yong mga kadugo?” maawtoridad na tanong ng lola ni King.

Sa naging hitsura ni King, alam kaagad ni Rosanna na hindi magpapaawat ang kanyang anak.

“Maraming servant ang nakatingin sa ‘tin. Hindi ba puwedeng kumain muna tayo at pag-usapan ‘to sa pribadong silid?” si Ezekiel ‘yon sa mababang tono.

“King, maupo ka na,” marahang sabi ni Rosanna. Kilala niya ang anak, mas nadadaan ‘to sa mahinahon na boses. Isa ‘yon sa dahilan bakit din ‘to nagkagusto kay Anastacia, kalmado at may kahinaan ang boses nito.

Tiningnan ni Anastacia si King, tumango siya para hudyatan ‘to na muling maupo at makinig.

Naupo naman si King kahit wala na siyang ganang kumain.

Hindi na kumibo si King, tahimik na rin naman na kumain ang kanyang mga kasama.

Pilit na lang na itinayo ni Anastacia ng diretso ang kanyang sarili. Alam niya na at dapat siyang masanay na mababa ang tingin sa mga tao ng mga bampira. Lalo ang mga pamilyang nasa mataas na uri katulad ng mga Bezarius.

Ang mahalaga sa kanya, alam niya na totoo ang nararamdaman sa kanya ng kanyang Young Master. Kung sana bumilis na lamang ang panahon at makaalis na sila sa lugar na ‘yon.

Nag-usap ang pamilya ng pribado. Ang naroon lamang para magsilbi sa mga ‘to ay si Calixto. Sa lahat, ito ang palaging kasama ng kanilang mga amo.

“Maayos ka lamang ba?” tanong ni Estella sa kanya.

Sila lamang dalawa ang nasa silid.

“Maayos lang, hindi naman ako nasaktan,” sagot ni Anastacia.

“Pero kanina ka pa buntong-hininga nang buntong-hininga,” anito pa.

Naupo sa gilid ng kanyang kama si Anastacia.

“Iniisip mo nang husto kung ano ang pinag-uusapan ng pamilya nila, ‘di ba?”

Hindi na nagkaila pa si Anastacia.

“Iniisip mo kung magagawa bang kumbinsihin ng pamilya niya ang Young Master para maging isang asawa ng Pureblood.”

Nakagat ni Anastacia ang ilalim na labi. Tama ang mga sinabi ni Estella.

Naupo ‘to sa higaan ni Kaya para makaharap siya. Marahan naman ‘tong makipag-usap sa kanya ngayon.

“Hindi ako tumututol sa nararamdaman mo. Pero bilang may pamilya akong nanilbihan sa pamilyang ‘to sa mahabang-panahon, sasabihin ko sa ‘yo kung bakit kailangan mong tanggapin na hindi kayo magiging habang-buhay dalawa.”

Nakuyom ni Anastacia ang kanyang palda. Napatungo at humanda sa paulit-ulit niya ng naririnig sa iba. Iyong mga pangungusap na pilit niyang isinasantabi dahil umaasa siya na hindi naman lahat ay may pare-parehong karanasan at patutunguhan.

“Ang pamilya ng mga Royal Blood ay para sa mga katulad lamang nila. Kahit ang mababang uri ng bampira, hindi sila puwedeng pakasalan basta-basta. Maaari lamang silang maging pangalawa, pangatlo, o pang-apat, pero ang titulo ng pagiging asawa nasa kapantay lamang nila o higit sa kanila.”

Alam ni Anastacia ‘yon noon pa man. Nasabi na rin sa kanya ni Kaya ang mga ‘yon.

“Hindi sila kasing-bilis ng buhay natin. Maaaring mahal na mahal ka niya ngayon, pero darating din ‘yong oras na lilipasan tayo ng panahon at hindi na magiging maganda sa paningin nila. Ganoon din naman sa ‘tin, gusto mo ba ng kaparehang magiging higit na bata ang hitsura sa ‘yo pagkalipas ng ilang dekada? Maging si Marie, sa haba ng panahon na ginusto at pinaglaban siya ng Young Master para lamang maging pangalawang babae niya, dumating pa rin sa punto na tinalikuran siya nito dahil sa kanyang edad.” Tumayo si Estella. “Kung mahal mo siya, hayaan mo na siyang maikasal sa isang Pureblood. Kung gusto mo siyang mahalin, ‘wag na sa komplikadong paraan na maaaring magdulot sa inyo ng trahedya. Hindi sila tututol kung magiging pangalawa ka lamang o pangatlo. Pero kung ang layunin mo ay maging natatangi sa Young Master, maging siya, inilalagay mo ang buhay sa peligro.”

Iyon ang mga salitang iniwanan sa kanya ni Estella.

Nagsimulang magbagsakan ang kanyang mga luha.

Hindi niya gustong mapahamak ang kanyang Young Master.

Kahit kailan hindi niya gustong masaktan ‘to.

Natatakot din siya na talikuran nito kung sakaling ang edad nila ay maging malayo sa isa’t isa.

**

Nagimbal si King sa sinabi ng kanyang lola.

Nakaupo sila sa magkatapatang sofa. Kasama nito ang kanyang ama sa kanan at sa kaliwa silang mag-ina.

“Kung hindi ka pipiliin ng Pureblood princess, hindi ko ipipilit sa ‘yo. Pero kung pipiliin ka niya at pinakitaan mo siya ng ‘di maganda at ipahiya ang angkan natin, sinasabi ko sa ‘yo na hindi mo na makikitang buhay ang babae mo. At wala akong pakialam kung samahan mo pa siya sa kamatayan. Mas mahalaga sa ‘kin ang pangalan ng angkan na iniingatan natin.”

Hindi makapaniwala si Rossana sa narinig.

“Hindi kayo dapat nagbibiro ng ganyan kay King—”

“Kaya lumalaki ang anak mong ganyan dahil sa pagkunsinti mo! Kung una pa lang ay pinigilan mo na ‘yan, hindi na ‘yan aabot sa pambabastos sa ‘tin!”

Naikuyom ni King ang mga palad. Nagtiim-bagang siya. Galit na galit ang hitsura.

“Tingnan mo, Ezekiel, nakikita mo kung paano ako tingnan ng anak mo?” malakas ang boses na tanong ni Margarita sa anak.

 “Bakit mo ipinipilit ang gusto mo sa ‘kin?!”

Nagitla si Rossana sa anak. “King, that’s your gradmom!”

“Tingnan mo? Maging kayo hindi pinakikinggan niyan! Kung sana pumayag kayong ako ang nag-alaga sa batang ‘yan! Sinabi ko na hindi ninyo siya kayang palakihin, lalo na no’ng bata siya na puro kaso ang ginagawa niya sa eskuwelahan. Kung maaga pa lang putol na ang sungay niyan!”

Hindi nagugustuhan ni Rosanna ang paraan ng ina ng kanyang asawa sa pakikipag-usap sa kanilang anak. At naiirita pa siya na hindi makakibo ang asawa niya. Maging siya rin naman ay takot sa ina nito.

“Mom, mas nakikinig siya kung mahinahon—”

“Rossana, hindi na bata ang anak mo! Nag heat na ‘yan, ano mang oras magkakaanak ‘yan sa alipin niya! At hihintayin mo pa bang mangyari ‘yon? Hindi lahat ng Pureblood gusto ng may kahati. Napakagandang oportunidad sa mga pamilya natin kung makakapasok tayo sa mga pamilya ng Pureblood!”

Tatayo si King pero hinawakan ‘to ni Rossana.

“Huwag mo nang lalong gawing komplikado ang lahat,” may pakiusap na sabi niya sa anak.

Tumayo si Margarita.

“Sinasabi ko sa ‘yo, ipapapatay ko ang babaeng alipin sa pinakamasakit na paraan kung hindi ka pupunta sa lugar ng mga Pureblood para maging isa sa lalaking pagpipilian. Kung ipahihiya mo rin ang pamilya natin at gagawa ka ng bagay para hindi ka gustuhin ng isa sa mga prinsesa, sinasabi ko sa ‘yo na wala akong sinabi na hindi ko ginawa. Hindi ba, Ezekiel?”

Hindi nakakibo si Ezekiel.

Alam ni Rossana kung paano kinontrol ni Margarita ang anak, kaya nga sila nagpakasal nito. Kahit pareho nilang hindi gusto ang isa’t isa. Sa kanyang parte, hindi naman naging mahirap ‘yon lalo at wala siyang minamahal no’n kompara kay Ezekiel.

“Kung sinuway ako ng ama mo, hindi sana ay patay na ngayon ang matandang si Marie,” ngumisi ang babae.

Iyon ang servant ng mga ‘to na kinahumalingan nito nang husto.

“Magpapahinga na ‘ko, gusto ko ng magandang resulta ng usapan na ‘to.”

Inihatid na ni Calixto si Margarita palabas hanggang silid nito.

Galit na galit si King. Kitang-kita ni Rossana ang kamay nitong kuyom na kuyom. Maging ang mga mata nitong nanlilisik at pulang-pula.

 Hinawakan niya ang palad nito.

“Puntahan mo na si Anastacia, matulog na lang muna kayo sa tree house para makahinga ka ng maluwag.”

Tumayo si King at lumabas ng silid na walang paalam.

“Hindi mo rin siya pinipigilan talaga sa pagkakabaliw kay Anastacia,” pun ani Ezekiel.

“Si Anastacia ang pinakikinggan niya. Kung gagawin ko ang ginagawa ng ‘yong ina, nasisiguro kong lalayo ang loob niya sa ‘kin. Nag-iisa natin siyang anak. Noon pa man, malaking problema na natin ang ugali ni King, ang sabi ng Maestro ay maaaring may inner demon siya kaya gusto nila siyang ilipat sa Leviathan. Pero hindi ko gusto, hindi Demon Vampire si King. Dala lang ‘yon ng kabataan niya. Bakit ko siya pag-aaralin sa lugar na hindi ko alam kung uuwi siyang buhay pa at kilala ako?” Sumandal si Rossana sa upuan. “Nang dumating si Anastacia, nagsimula siyang magkaroon ng pakialam sa paligid niya. Natatakot siyang masira si Anastacia katulad ng mga laruan niya kaya unti-unti natutunan niyang maging mahinahon. Malaki ang naitulong ni Anastacia kay King. At magiging malaking komplikasyon sa kanya kung masasaktan ang taong ‘yon. Hindi kailanman eepekto kay King ang paraan ng iyong ina.”

**

Palabas na si Estella nang mabigla siya nang makita sa likuran ng pintuan si King.

“Young Master, bakit ka narito? Sana ay nagsabi ka na lamang—”

Dumiretso ‘to sa loob ng silid. Lumabas na lamang siya at isinara ‘yon.

Binalikan ng tingin ni Estella ang nakasaradong pintuan.

Napansin niya na nanlilisik ang mata ng Young Master at maging ang hitsura ito ay mukhang hindi gusto ng konbersasyon mula sa kanya. Mukhang sa ibang silid siya matutulog pansamantala.

Si Anastacia may ay nabigla nang makita si King.

Lumuhod ‘to sa kanya at niyakap siya sa katawan.

Hindi na kumibo si Anastacia, sa hitsura pa lamang nito at gawi na ihiga ang ulo sa kanyang hita ay alam na niyang may dinaramdam ‘to.

Hinawakan niya ang buhok nito at hinaplos ‘yon.

“Maayos lang ako, alam kong minamahal mo ‘ko. Hindi mo ‘ko kailangan na isipin nang husto. Sundin mo sila, ayokong nakikitang nahihirapan ka. Ano man ang maging puwesto ko basta hindi ka mawawala sa ‘kin ay tatanggapin ko.”

Nag-angat ng mukha si King, galit ‘to.

“Hindi! Ikaw lang ang gusto ko, ikaw ang pakakasalan ko! Bakit tinatanggap mo ang desisyon ng iba para sa ‘tin?!”

Nagulat si Anastacia, hindi ‘to nagalit ng ganoon o sinigawan man siya.

Nakita ni King ang pagkabigla ni Anastacia. Alam niyang naging sobra ang kanyang pagsigaw. Tumayo na lamang siya at planong umalis para kalmahin ang kanyang sarili.

Tumayo rin si Anastacia para pigilin ‘to sa braso.

“Mahal na mahal kita kaya ayokong mahirapan ka pang mamili! Alam ko naman na magkaiba tayong dalawa, at masuwerte na ‘ko na minahal mo ‘ko. Naging masaya ako sa ‘yo kaya—”

Galit na lumingon si King.

“Kung mahal na mahal mo ‘ko bakit kakayanin mong magkaroon ako ng iba?! Kung ako nga, hindi ko maisip na magkaroon ka ng iba dahil baka makapatay ako, pero ikaw pumapayag? O dahil hindi mo ‘ko ganoon kagusto katulad ng iniisip ko at sinasabi mo!”

Nabigla muli si Anastacia. Ang galit nito ay alam niyang hihigit pa kung magpapatuloy siya. Pero sa kung ano mang dahilan hindi niya magawang matakot dito.

“Mahal na mahal kita kaya ayokong mahirapan ka! Maging ang maliitin ka ng iba, ayokong mangyari ‘yon dahil ako ang pinili mo! Ayoko rin ng komplikasyon sa pagitan mo at ng pamilya mo.” Sa unang pagkakataon lumakas ang boses ni Anastacia. Pero pigil na pigil nito ang luha.

“Anong pakialam natin sa iba?! Anong karapatan nilang diktahan tayo?!”

“Young Master, gawin mo na lang akong pangalawa. Pakiusap,hindi mo kailangan isipin ang nararamdaman ko dahil tanggap ko ang posisyon na ‘yon sa ‘yong buhay.”

Lalong nagngitngit si King.

“Alam mo bang napakabihira sa Pureblood ang pumayag na may pangalawa ang asawa nila?”

Natigilan si Anastacia.

“Sa palagay mo ba gugustuhin ko ring mag-asawa ng babaeng hindi ko gusto?”

Hindi makakibo si Anastacia. Mula sa galit nitong hitsura ay mukhang nasaktan niya ‘to.

“Kung hindi mo ‘ko gustong ilaban ka, wala ‘kong magagawa. Pero ‘wag kang sumama sa mga gustong diktahan ako.” Binawi nito ang braso sa kanya.

“Young Master—”

Misa_Crayola

Thank you sa gems! Thank you for reading this story. Much appreciated din po kung i-rate ninyo siya or even leave comment! Thank you sooooomuch!

| Like

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status