Share

Chapter 20

Iniwanan ni King si Anastacia. Pakiramdam niya pinasisikip ng mga nasa paligid niya ang buhay nila ni Anastacia. Iniiwasan niyang magalit dahil alam niyang minsan ay nawawala siya sa sarili dahil sa galit. Kanina nasigawan niya at kinagalitan si Anastacia, samantalang isa ‘yon sa huli na gusto niyang gawin, iyong magalit dito at pagtaasan ‘to ng boses.

Nasa kagubatan siya ng Forbidden Forest, isa ‘yon sa lagusan patungo sa mundo ng mga tao. Maaari silang maglabas-masok sa kanilang lugar. Marami ring bampira ang naninirahan sa lugar ng mga tao at nabubuhay na katulad ng isang tao. Isa lamang kuwentong pantasya sa karamihan ng mga tao ang tungkol sa bampira noon. Pero marami ng bampira ang gumaganti at pumapatay ng mga tao, iyon ay dahil napatay ang kanilang mga kapareha o kapamilya ng mga Vampire Hunter.

No’ng napunta sa kanila si Anastacia, nagsimula na rin na magkagulo ang mga tao. Mayroong grupo ng mga bampira ang pumatay ng mga tao at nagpakita sa mismong mga videos at hinamon ang mga Vampire Hunter. Dahil doon, kilala na sa lugar ng mga tao ang tunay na existence nilang mga bampira. Mas dumami na rin ang bilang ng mga Vampire Hunter.

“Saan ka patungo? Anong ginagawa ng Royal Blood sa kadiliman ng gabi?”

Hindi nilingon ni King ang lalaking nagsalita.

Naghagis ang lalaking estranghero ng tatlong magkakasunod na patalim, pero lahat ‘yon ay nasalo ni King gamit lamang ang pagitan ng mga daliri nito na umipit do’n.

Nangiti ang lalaking estranghero.

“Ilang taon ka na?” tanong nito. Naglakad ‘to patungo kay King at sumandal sa madilim na bahagi. “Hindi ka pangkaraniwang bampira. Isa ka bang Demon Vampire?”

Nilingon ni King na may panlilisik ang estrangherong nakangiti nang husto.

“Tama ako, hindi ba? Isa kang Demon Vampire?” Umayos ‘to ng tayo at lumapit kay King. “Nagtataka ka ba kung paano ko nalaman pero hindi madaling malaman ng iba?” Nagkapantay sila nito at nagkatitigan. “Dahil nakakaamoy ako ng mga isinilang na mayroong demon blood.”

Inalis ng lalaki ang gloves nitong itim at ipinakita ang marka ng isang organisasyon na kilalang berdugo na mga bampira. Isa ‘yong pentagram na itim ang tinta at may pulang kalinya.

“Matagal ka nang pinasusubaybayan sa ‘min. Hindi ito ang lugar para sa ‘yo. Alam kong katulad ka namin, dapat lang na iwanan mo na ang lugar na ‘to.”

Walang interes si King sa sinasabi nito. Iniwanan niya ‘to at nagpatuloy sa paglalakad.

“Sa lugar na ‘to, kokontrolin lang ng mga Pureblood ang buhay mo. Bakit itinatago mo ang katotohanan tungkol sa ‘yo?!”

Hindi kumibo si King at nagpatuloy lang. Pero ang tanong nito ay umuugong sa kanyang tainga.

Bakit nga ba pigil na pigil siya lalo sa kanyang kakayahan?

Mahihirapan ba siyang sagutin ‘yon? Hindi. Dahil kay Anastacia.

Simula nang makilala niya ‘to sinubukan niyang maging pangkaraniwang bampira. Iniwasan niyang huwag itong saktan, sigawan, at palaging ngiti niya ang gusto niyang nakikita nito.

“Babalikan kita.”

Naglaho na ang presensiya ng lalaking estranghero.

Tumingala siya nang maramdaman ang maliliit na patak ng ulan. Lumakas pa ang hangin. Madilim na madilim pero hindi naman ‘yon balakid para sa isang katulad niyang bampira. Malinaw ang paningin nila kahit sa dilim.

“Dahil kay Anastacia kaya natutunan kong maging mahinahon, kumalma, at ipagsawalang-bahala ang sarili kong kakayahan.” Noong bata siya marami nang nagsasabi na maaaring isa siyang Demon Vampire.

Mas may puwersa raw ang kanyang pisikal na pangangatawan.

Mayroon din siyang nakapaninindig balahibong titig na kahit ang mga Maestro nila ay pinangingilabutann.

Ang Demon Vampire ay hindi namamana ayon sa kasabihang bampira. Sila raw ay mga pinipili. At ang katulad nila ay mapanganib at dapat tutukan. Pero dahil mahirap silang hawakan kaya naman sa eskuwelahan sa lugar ng Dark Island sila dapat mag-aral lalo pa at kaya nilang gumamit ng mahika mula sa Underground o iyong tinatawag ng mga taong ‘Hell’. Naroon daw ang mga katulad nilang Maestro na mas kaya silang hawakan at turuan pa.

Hindi alam ng magulang niya na natuklasan niya ng totoo ang hinala sa kanya bata pa lamang.

Sa likod niya nga lang niya naroon ang marka niya at hindi ang kadalasan na nasa harapan ng palad at pulso. Si Anastacia lang ang nakakita no’n.

Naalala niya na si Anastacia ang nakadiskubre no’n noong labing-anim sila. Sinabi niya rito na masakit ang likuran niya na parang nag-iinit. Pinatingnan niya ‘yon dito noong nasa tree house sila. Itinaas niya ang T’shirt para makita nito. Nahawakan naman nito ang marka at lalo ‘yong sumakit.

“Nagpa-tattoo ka bas a likod, Young Master?” nagtatakang tanong ni Anastacia.

“Hindi, bakit ko naman gagawin ‘yon?” tanong niya na tinitiis nang husto ang sakit.

“Kung gano’n, ano ‘tong masakit sa likuran mo? Parang itim na bilog siya at namamaga nga siya sa ngayon na parang bago lang.”

Ipinaguhit niya rito ang hitsura no’n at itinago niya ‘yon. Inalam niya ang markang ‘yon sa aklatan sa eskuwelahan at doon niya nadiskubre ang sarili.

Kaya pala may kakaiba siyang kakayahan at lakas na parang kung hindi niya minsan ilalabas ay matutupok ang buo niyang katawan. Pero para siyang nagiging maamong hayop tuwing hahawakan siya ni Anastacia. Madalas kapag gusto niyang maging bayolente dahil sa dikta ng dugo niya, kumikirot nang husto ang marka niya sa likuran. Pakiramdam niya ay sinisilaban siya ng buhay. At si Anastacia tuwing mararamdaman nito na may dinaramdam siya ay hinahaplos nito ng marahan ang likuran niya. Sa kung ano mang dahilan, epektibo ‘yon dahil nawawala ang pagkaalarma niya at frustration. Palaging tanong ni Anastacia sa kanya na tuwing masakit ‘yon ay bakit parang palagi ‘yong tattoo na kagagawa lang? Dahil sa pamamaga ng mga gilid ng marka.

“Hindi ako lalabas sa lugar na ‘to para makitulad. Kailangan kong manatiling pangkaraniwan. Kapag nalaman nila pa na isa ‘ko sa dapat mag-aral sa Dark Island, ipadadala nila ‘ko ro’n para mag-aral nang ilang taon. Kailangan kong malayo no’n kay Anastacia. At kung makabalik man ako, paniguradong magiging isa na ‘kong Knight at hindi ako makatatanggi dahil batas na ang katulad ko ay dapat manilbihan sa mga Pureblood bilang Knight. Ikatutuwa ‘yon ng pamilya ko, pero lalo akong maitatali no’n sa lugar na ‘to. Aalis kami ni Anastacia rito. Hindi na ‘ko babalik sa lugar na ‘to. Sa lugar ng mga tao, hinding-hindi kami mahuhusgahan kahit kailan.”

**

Hindi makatulog si Anastacia. Umalis si King. Wala ‘to sa tree house, doon niya nga ‘to hinihintay. Nagalit ‘to sa kanya. Hindi ito nagagalit nang gano’n.

“Bakit ko ba pinasama ang loob niya?” nanghihina ang kanyang pakiramdam sa sobrang pag-aalala.

Bumaba siya sa tree house at naglakad-lakad. Baka nasa paligid-ligid lang ang kanyang Young Master. Hindi talaga siya mapakali.

Alam niyang bawal silang lumabas nang gano’ng oras dahil mapanganib. Pero suot naman niya ang proteksiyon niyang collar sa leeg. Kinakabahan siya at pinanlalamigan dahil sa lakas ng hangin pero hindi naman niya magawang bumalik dahil mas gusto niyang mahanap ang kanyang Young Master.

Lumabas siya sa bahagi ng likuran ng mansion. Iyon lang ang daanan na puwede niyang daanan.

“Young Master? Nasaan ka na? Patawarin mo na ‘ko…” mahinang tawag niya. Malakas ang pandinig ng bampira kaya maririnig na nito siya kung ‘di naman ‘to nakalalayo.

Ang likuran na bahagi na nilabasan niya ay madamo pero hindi naman kahabaan. Mukhang iyon ay inaalagaan din ng mga Butlers.

Hindi pa siya nakalalabas sa mansion, iyon ang totoo.

Ang unang beses na nakalabas siya ay ngayon lamang at ang huling tungtong niya roon bago ang gabing ‘yon ay nang unang dalhin siya sa mansion ng mga Bezarius.

“Young Master—” Nayakap niya ang sarili dahil sap ag-ikot ng malamig na hangin malapit sa kanya. Nagtindigan ang kanyang balahibo sa lamig.

Naglalakad siya at sinusundan lamang ang ilaw sa poste na nakikita niya sa daanan. Patungo ‘yon sa mapunong lugar. Hindi naman siya sigurado kung kagubatan ba ‘yon, hindi naman siya papasok sa loob dahil alam niyang mapanganib.

Pero dahil sa kaalaman na baka naroon ang Young Master niya’y nagmadali siya.

“Young Master? Nariyan ka ba?” aniya nang mapahinto sa isang sign.

Hindi niya maintindihan ang nakasulat dahil isa ‘yon sa sulat ng mga bampira. Pero dahil pulang marka ang ginamit, ipinagbabawal ang pagpasok marahil ang ibig sabihin no’n.

Lumakad siya nang kaunti pa at binalewala ang sign.

“Young Master?!”

Bumibigat ang pakiramdam ni Anastacia. Pero hindi naman siya lalayo. Kaunti lang talaga. Iyon ang tingin niya. Pero nang bumalik siya ng tingin sa pinanggalingan para bumalik ay nabigla siya na malayo na siya sa mga poste ng ilaw. Hindi niya ‘yon gaanong napansin dahil sa nasanay ang mata niya sa dilim.

“Sino ‘yan?!” tanong niya nang tila may dumaan na mabilis sa kanyang harapan.

Inikot niya ang paningin, nangingilabot siya lalo. Pakiramdam niya may nakatingin sa kanya.

Nagulat si Anastacia nang may malaking hayop ang papalapit sa kanya. Napaatras siya. Tila ‘yon alamid pero mas malaki at mas mataas sa kanya. Naglalaway ‘to at may malalaking pangil. Dilaw na dilaw ang mga mata nito. Inikutan siya nito. Tila namimili kung anong unang kakagatin sa kanya.

Hindi magawa ni Anastacia na tumakbo. Pakiramdam niya ang binti niya’y nabaon sa kinatatayuan.

Inagilan siya nito na nagpaluhod kay Anastacia sa takot. Tumakbo ‘to palayo at muling tumakbo pabalik sa kanya, sa pagkakataong ‘yon ay nakahanda na ‘tong sagpangin siya.

“Young Master!” sigaw ni Anastacia sa sobrang takot.

Kakagatin nito ang ulo niya!

“Aaaaaaaaaaah!” sigaw ni Anastacia sa takot.

Pero singbilis ng kidlat ang tila tumama sa tiyan ng malaking hayop at tumilapon ‘to.  Narinig din ni Anastacia ang malakas na tunog ng mga buto ng hayop. Maging ang mga tinamaan nitong punong-kahoy ay nagbagsakan sa lakas ng puwersang tumama rito.

Nalaki ang mata ni Anastacia nang makita kung sino ang nasa kanyang harapan.

“Young Master…”

Nakatalikod ‘to sa kanya.

Humarap ‘to sa kanya na may pulang mga mata pero iba ang dating ng panlilisik no’n. Halata ang galit sa mukha nito.

Narinig ni Anastacia ang ingay nang malaking hayop na tila ‘to nasaktan at namimilipit nang husto.

Nagawa ba ‘yon ni King mismo?

May ganoon ‘tong kakayahan?

Malaki ang hayop na ‘yon pero hindi man lamang ‘to nagalusan.

Sinuntok nito ang hayop dahil kita pa niya ang ayos ng kamao nito.

“Sinong nagbigay sa ‘yo nang pahintulot na lumabas, Anastacia?”

Pinanlamigan si Anastacia sa boses nito. Ibang-iba ang hitsura nito ngayon. Maging ang boses nito’y naging malamig.

“H-hinahanap kita, nag-aalala ako sa ‘yo.” Pilit siyang tumayo.

“Sa susunod, hindi ka aalis sa lugar kung saan kita iniwanan.”

Lumakad na ‘to. Sinundan ‘to ni Anastacia. Naramdaman niyang nanlalamig ‘to. Halata na hindi pa rin nawawala ang galit nito.

“Pasensiya ka na, Young Master. Hindi na mauulit ‘yon.”

Hindi ‘to kumibo.

“Hindi naman kita gustong ipamigay. Ayoko lang naman na mapahamak ka pa.”

Lumingon ‘to sa kanya. “Napag-isipan ko na, susundin ko ang gusto mo. Pupunta ‘ko sa lugar ng mga Pureblood hanggang mapili akong asawa ng prinsesa. At kung pumayag siyang maging pangalawa kitang asawa, magsasama pa rin tayo. Pero kung hindi, palalayain na kita at pababalikin sa lugar mo.”

Tumalikod na ‘to sa kanya.

Hindi magawang makausap ni Anastacia.

Parang may mabigat na dumagan sa kanyang dibdib.

Maging ang mga mata niya’y nagsimulang mag-init.

Nakagat niya ang kanyang labi para pigilin ang mga luha.

Pinagmamasdan niya lang ‘tong lumayo sa kanya.

“Bilisan mo, bumalik na tayo sa loob. At sa susunod, bago mo 'ko alalahanin, isipin mo muna kung may kakayanan ka sakaling kailanganin mo 'kong iligtas."

 Tila 'yon palasong tumama sa puso ni Anastacia.

Masakit ang sinabi nito. Totoo naman ang sinabi nito. Wala siyang kakayahang iligtas 'to. Tahimik siyang lumuluha habang nakasunod dito. Hindi rin naman siya nito nililingon. Sa likuran pa rin sila dumaan.

Gusto niya 'tong kausapin pero alam niyang galit pa rin ito sa kanya.

Pakiramdam niya tuloy habang naglalakad 'to sa kanyang unahan ay nagsisimula na rin silang magkaroon ng malaking pagitan.

At ang pinakamasakit din sa mga sinabi nito, iyong palalayain siya nito.

Para bang madaling option na lamang dito ang paalyain siya. 

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status