Share

ENTANGLEMENT

Galit ang unang rumehistro sa mukha ni tiya nang marinig ang sinabi ko. Kumuyom din ng mariin ang kamao niya na bukod sa pinipigil na galit ay tila nagpipigil din sa kung anong maaari nitong gawin. 

"Kasalanan ko din ito," maya-maya ay saad niya. "Alam ko nang delikado sila kay Cassius pero wala man lang akong ginawa."

Hinamas ko ang likod nito para iparating ang simpatya. Kung ako man ay sinisisi ko rin ang sarili ko sa naging pagkamatay ni Kirius. "Huwag mong sisihin ang sarili mo, tiya. Walang may gusto sa mga nangyari."

"Hindi, Yue. Masyado akong nagpakakampante na hindi sila gagalawin ng mga Cayman dahil sa mga Älteste. Hindi ko man lang naisip may kakayahan si Cassius para manipulahin ang mga pangyayari."

"Hindi ko sukat akalain na magagawa ni Cassius iyon nang dahil lamang sa pagkabigo niya sa mama mo."

"A-anong ibig mong sabihin, tiya?" naguguluhan kong tanong.

"Dahil sa kagustuhan ng mama mong kahit papaano ay malaman ang lagay ni Cassius noong nagkahiwalay sila ay binantayan ko ang lalaki. Labis-labis ang pagtutol ko roon pero hindi ko rin napanindigan dahil sa mama mo. Natatakot siyang baka hindi tumupad ang mga elders sa kasunduan nila kaya't nagmakaawa siya na kung maaari ay bantayan ko si Cassius."

"Ganoon kamahal ni mama si Cassius." Saad ko. Hindi para sabihin kay tiya kundi para sa sarili. Naalala ko na naman ang pagmamakaawa ko noon para sa buhay ni Kieran. Marahil ay ganoong din siya noon o mas higit pa.

Tumango naman si tiya. "Noong una ay hindi ko alam na nasa ilalim ng pagmamanipula ni Lucinda si Cassius kaya't lalong nagatungan ang galit ko sa kanya. Ngunit nang magtagal at makakawala si Cassius ay agad nitong hinanap ang mama mo. Alam ko ang lihim na pagpuslit ni Cassius dito sa Magji para lang makita ang mama mo. Hindi ko iyon ipinarating sa mga elders alang-alang sa mama mo."

"Nantili pa rin ang pagmamasid ko kay Cassius noon kahit na tinalikuran na siya ng mama mo. Hindi ko alam pero may pakiramdam ako na hindi maganda ang mangyayari. At hindi nga ako nagkamali nang hinala. Nakita ko kung paanong mula sa sinasabi ng mama mo na mabuti si Cassius hanggang sa naging masama ito. Sa nakita kong pakikipagsabwatan niya sa mga rogue, mukhang gustong maghiganti ni Cassius. Hindi lang sa Älteste kundi maging sa mga elders."

"Kung ganoon nga ang nangyari kay Cassius, tiya, ibig sabihin ay hindi siya ang blood traitor," napapaisip kong sambit a kanya.

Tila naman napagtanto rin nito ang sinabi ko. "Sabagay ay may punto ka. Kung ganoon ay mali ang hinala ko. Pero magkaganoon man ay parte na rin siya ng pag-aalsa ng mga rogue."

Tumango ako bilang pagsang-ayon. "May palagay akong mas mataas pa kay Cassius ang blood traitor, tiya. At nasa malapit lang iyon. Kaya nga kailangan mong ipaalam sa Älteste ang mga nalalaman mo tiya."

Bigla itong natahimik at iniwas ang tingin. Sumagi sa isip ko ang nakita kong litrato saka napatingin muli kay tiya. May bahid na ngayon ng lungkot sa mga mata niya. Lumalakas tuloy ang hinala ko. 

"Hindi maaari."

"Bakit?" 

"Dahil hindi ako maaaring makialam sa bagay na iyan."

"At bakit?" mababakasan ang pagtutol sa tinig ko. "Dahil ba kay Idris?"

Naging tahimik pa rin ito. "Wala ka bang dapat ipagtapat sa akin tungkol sa litratong ito?"

Humugot ito ng hininga bago magsalita. "Ano pa ba ang dapat kong ipagtapat? Alam ko namang nabasa mo na ang sulat."

"Hindi ko binasa ang sulat. Sadya lang na nauna kong nakita ang litratong ito pagkatapos ay pumasok ka na kaya't hindi ko na nabasa."

"Bakit hindi mo basahin?"

"Bakit kailangan ko pang basahin kung maaari mo namang ikwento sa akin lahat. Kung bakit hindi ka maaaring makialam sa sa issue na lahat naman ng nilalangan ang makikinabang," matigas kong saad.

Pamuli ay bumunting hininga na naman ito. "Mag-ina nga talaga kayo ni Tessmarie. Parehas na matigas ang ulo nyo," anito na tila ba sumusuko na sa kakulitan ko. 

Napangisi naman ako pero hindi na sumagot. Dinampot nito ang litrato sa coffee table sa harap namin, kung saan ko iyon ibibinaba kanina, saka pinagkatitigan iyon. Kita ko ang pagsungaw ng samu't saring emosyon sa mga niya. Ngunit mas nangibabaw ang kislap ng pagmamahal doon. 

"Isang beses kong sinundan si Cassius sa Palazzo gamit ang astral spell. Naghinala kasi akong bigla sa ikinilos ni Cassius dahil mukhang palihim din siyang pumasok noon sa Palazzo."

"Alam kong delikado ang gagawin ko kaya nagdoble ingat ako ng panahong iyon. Kahit na nasa spirit form ako ay kailangan ko pa ring mag-ingat dahil masyadong malalakas ang gift ng mga Älteste. Hindi pa ako ganap na mage noon at nasa ilalim pa rin ng pagsasanay kaya hindi pa ganoong kalakas ang kapangyarihan ko."

"Sinundan ko si Cassius sa kung saan-saang pasilyo. Nahirapan pa nga ako dahil sa sobrang bilis niyang kumilos. Nahinto lamang siya ng matagpuan na niya ang pakay niya. Kumatok siya sa isang pintuan duon habang palingon-lingon sa paligid. Nang bumukas iyon ay narinig ko ang isang boses ng lalaki, tinanong muna nito kung nakasisiguro ba si Cassius na walang nakapaligid bago pinapasok ito sa loob."

"Nang susundan ko na ito ay narinig ko ang boses ng isang lalaki. Sigurado akong isa iyong Älteste dahil nakikita niya ako. Walang kakayahan ang ordinaryong bampira na makakita ng isang astral form lalo na't hindi iyon ang gift niya. Agad akong natakot noon para sa buhay ko. At lalo na kung malalaman iyon ng mga elder mage. Ang mas ikinatakot ko noon ay nagawa niya akong hawakan at ipaharap sa kaniya. Doon ko nakilala si Idris."

Pinagmamasdan ko lamang ang paiba-ibang emosyong nasa mata ni tiya habang nagkukwento siya. Naaliw ako sa kung paano iyon magpapalit sa galit, takot at ngayon ay tila ba nangingislap iyon lalo na ng mabanggit ang pangalan ni Idris. Nakatitig lamang siya sa lamesa at marahil ay inaalala ang mga pangyari.

"Hindi ko makalimutan ang galit sa mga mata niya ng makita niya ako. Takot na takot ako noon na kulang nalamang ay magmakaawa ako sa kanya huwag lamang akong isumbong. Ngunit napalitan din agad ang galit na iyon ng kahambogan. Pero mas lalo akong natakot ng walang ano-ano'y hinablot niya ang kamay ko ay hinila kung saan. Ikinabahala ko ang paghawak niya sa aking iyon. Imposible akong mahawakan dahil nasa astral body ako ngunit nagawa niya iyon. Dinala niya ako sa isang silid saka doon kinausap. Inakusahan pa niya akong isang espiya ngunit nagawa ko siyang kumbinsihin na nagkakamali siya ng tingin sa akin. Matapos noon ay nawala na sa paningin ko si Cassius. At ligtas naman akong nakaalis doon.”

“Sa pagtataka ko ay nasundan pa ang palihim na pagpunta doon ni Cassius. Hindi ko na sana siya susundan ngunit may kung anong nagtutulak sa akin na sundan siya roon. Kaya hayun at sinundan ko siyang muli sa astral form pa rin. At sa kamalas-malasan ko ay nakita akong muli ni Idris. Ngunit may kutob na ako noon na tila ba inaabangan niya ang muli kong pagsulpot doon. Pamuli ay hinuli na naman niya ako at dinalang muli sa isang silid. Doon na niya ako kinausap at pinagbantaang kapag hindi ko sinunod ang gusto niya ay sisiguraduhin na niyang makakarating iyon sa elder mage. Natakot ako noon pero mas kinakabahan ako sa kung anong maaari niyang gawin sa akin sa silid. Nakahinga lang ako ng maluwag ng hinayaan niya akong makaalis doon. Nagngingitngit ako noon sa galit sa kaniya dahil sa pananakot niya sa akin. At doon na nagsimula ang bangayan naming dalawa. "

Bakas ang saya sa mga mata ni tiya Arsellis. Panaka-naka pa siyang napapangiti. Hindi ko tuloy mapigilang mahawa sa ngiti niya. Mukhang mahal na mahal niya si Idris.

"Naaalala ko pa, para kaming aso't pusa noon. Magmula ng araw na iyon ay lagi na niyang ginagamit sa akin ang pananakot niyang isusuplong daw ako sa mga elder mage kung hindi ko daw siya susundin.”

“Ano naman ang inuutos niya sayo?” kuryosong tanong ko. 

“Kung ano-ano. Kesyo paglinisin niya ako ng napakakalat niyang silid. Ipagsulat siya ng iba’t ibang dokumento. Hanggang sa mapikon na ako dahil nahalata ko noon na ginagawa na niya akong alipin. Nagkasagutan kami noon at hindi na ako muli pang nagpunta doon. Tapos isang araw nagsimula nalang akong makatanggap ng mga sulat. Hanggang sa umabot na sa elder mages ang nangyari sa pagitan namin ni Idris. Pinarusahan ako noon. Ikinulong ako sa kulungan ng Magji ng isang buwan. Galit na galit si ama noon. Nangyari na daw kay Tessmarie, bakit daw hinayaan ko daw mangyari sa akin. Ilang beses din nilang tinanong kung bakit ako nagpupunta ng Palazzo pero hindi ko sinabi sa kanila. Dahil doon ay hinatulan akong parusan sa panlalatigo. 

Nahigit ko ang hininga. Isipin ko pa lamang iyon ay nasasaktan na ako, paano pa kaya kung ako ang nasa sitwasyon ni tiya. Naikuyom ko ang palad. Hinayaan ng sarili nilang ama na danasin niya ang ganoong kasakit na parasu para lang makaalis sa kahihiyan. Lalo akong nakaramdam ng lungkot ng tignan niya ako sa mga mata. Na para bang nasasalamin ko lamang ang lungkot na nakikita ko sa kaniya. 

“Hindi iyon alam ng mama mo na nakulong ako dahil nasa mundo na siya ng mga tao. Hindi ko na rin ipinaalam dahil ayokong mag-alala siya sa akin. Sa bawat hagupit ng latigo sa likod ko ay ang paglatay din ng katotohanang mahal ko na si Idris. Iyak ako ng iyak noon matapos niya akong parusahan. Hindi ko alam kung dahil ba sa parusang ipinataw nila sa akin kaya ako umiiyak o dahil sa realisasyong iyon.”

Ilang sandali pa siyang natahimik bago ulit nagsalita. Para bang dinadamdam pa rin niya ang lahat ng nangyari. Nasa mga mata niya ang pait. Bigla ay nakaramdam ako ng awa para sa kaniya. Hindi man lamang siya tinulungan ng ama niya para iligtas sa parusa. Hindi ako makapaniwalang may lolo akong ganoon ang ugali. Hindi ko tuloy malaman kung ituturing ko pa siyang lolo. 

“Nang makalaya ako at makauwi sa bahay ay nakatanggap akong muli ng sulat mula kay Idris. Nakasaad doon na namimiss na daw niya ako at kitain ko raw siya dahil may importante siyang sasabihin. Ilang beses ko pang pinag-isipan kung pupunta ako pero mas nanaig ang kagustuhan kong makita siyang muli. Kinakabahan pa ako noon ngunit sumibol sa puso ko ang pag-asang baka mahal din niya ako. Napaka-reckless ko ng panahong iyon, Yue. Kahit alam kong ipinagbabawal ay itinuloy ko pa rin. Tulad nga ng sinabi ni ama, nakita ko na ang kinahinatnan ng kapatid ko pero umasa pa rin ako na magkaiba kami ng tadhana. Pero ako yata ang may pinakamalas na sinapit sa aming dalawa.” Pagak pa siyang natawa pagkasabi noon. 

“Pumunta agad ako sa lugar na sinabi niya sa sulat. Kabado ako noon at puno ng pag-asa. Nagbabaka-sakali pa rin na parehas kami ng nararamdaman. Na baka mahal din niya ako. Kahit nanghihina dahil sa tinamo kong parusa ay hindi ko inalintana. Nang makarating ako doon ay agad ko siyang nakita. Tila ba nawala lahat ng sakit na nararamdaman ko ng makita ko siya. Siguro nga ay sabik din siya sa akin ng mga oras na iyon kaya niya ako nayakap.”

“Napakasarap makulong sa mga bisig niya, Yueno.” 

Hindi ako makaimik. At mas lalong hindi ko malaman ang gagawin ko nang makita ko ang pagsungaw ng butil ng luha sa kanyang mga mata. Gusto ko siyang aluin pero hindi ko alam kung papaano. Nang siguro ay mapansin niya iyon ay mabilis niya iyong pinahid.

“Naku, nakita mo pa akong ganito,” aniya saka sinundan ng pagak na tawa. Ngayon ay sigurado ko ng hanggang ngayon ay mahal pa rin niya si Idris. Marahil ay tulad ni mama, sobrang minahal din niya tiya ang Ȁlteste na iyon. Kung sabagay, sa mga Ȁlteste, sa tingin ko ay si Idris lang ang may matinong ugali.

“Nalaman ni Idris ang nangyaring pagpaparusa sa akin. Galit na galit siya noon na parang gusto na niyang sugurin ang mga mages. Pero pinigilan ko siya agad. Iyon pala ay hindi na niya kailangan pang puntahan ang mga elders dahil hindi ko namalayang nasundan pala nila ako. Parang lalo kong pinasidhi ang naging galit nila ng panahong iyon. Takot na takot ako noon. Napaisip pa ako noon kung ganoon din kaya ang takot na naranasan ni Tessmarie para kay Cassius.”

Naalala ko noong panahong binawi nila ako kay Kieran. Kung ganoon ay naranasan na rin pala niya iyon. 

“Alam ko ang iniisip mo, Yue,” anito na lumingon sa akin. “Na ganoondin pala ang naranasan ko pero hindi ako nakinig sa iyo. Sa totoo lang ay natakot ako, Yue. Natakot ako na baka matulad ka sa amin ng mama mo. Iyon nga lang ay hindi ka lang simpleng mage. Kundi ikaw ang Dovana.”

Hindi ako agad nakaimik dahil totoo ang sinabi niya. Akala ko nga ay nabasa na niya ang nasa isip ko e. Ngunit bago pa mapunta sa akin ang usapan ay ibinalik kong muli sa kanya ang tanong. “Anong nangyari nang mahuli kayo ng mga mage?”

“Tulad ng ginawa nila sa mama mo. Ang kaibahan lang ay ako ang ipinanakot nila kay Idris. Dahil alam nilang makapangyarihan si Idris ay ginamit nila ako. Pero kung tutuusin ay kayang-kaya talaga nila iyong gawin sa akin. Binantaan nila si Idris na kung hindi ititigil ang pakikipagkita sa akin ay ipapapatay nila ako.”

“That’s too much!” Hindi ko napigilan ang sarili kong ilabas ang galit. 

“Kumalma ka, Yue,” anito saka tumayo at umikot sa lamesa nito dala ang litrato ni Idris. “Wala naman na iyon ngayon, Yue. Ilan sa mga elders na iyon ay wala na.”

Nakaramdam ako bigla ng galak at nakakita ng pag-asa sa sinabi niya. Ibig sabihin ay wala na ang mga nagpapatupad ng ganoong batas sa Magji. Maaari na nilang ipagpatuloy ang naudlot nilang pagmamahalan. Bigla akong nakaramdam ng kilig. Kung ang kay mama ay hindi nagkaroon ng pag-asa, kay tiya naman ay mayroon pa. “Kung ganoon ay may pag-asa na kayo ni Idris. Maaari ko siyang kausapin--”

“Yue,” putol niya sa akin. Seryoso ang mukha niya at tila hindi nagustuhan ang sinabi ko. “Tulad ng sinabi ko sa iyo noong nakaraan, don't May mga bagay na kailangang hayaan na lamang at ibaon sa limot.”

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status