Share

THE OTHER SIDE

Mabigat ang pakiramdam ko ng magising ako kinabukasan. Sobrang bigat ng katawan ko na tila ba may nakapatong na mga hollow blocks doon. Masakit din ang ulo ko na tila ba may masong pilit iyong binibiyak. Magtatanghali na pero nananatili pa rin akong nakahiga sa kama at namamaluktot dahil pakiramdam ko ay nagyeyelo sa labas kung kaya't sobrang lamig. Sa pagkakatanda ko ay hindi ko na binuksan ang aircon kagabi at nakasara rin ang mga bintana kung kaya't walang pagdadaanan ng hangin. Pero bakit sobrang lamig? Nakatalukbong na ako ng kumot at lahat pero hindi pa rin maibsan ang lamig na nanunuot sa talampakan ko. 

Maya-maya pa ay may narinig akong kumatok sa pinto pero hindi ko iyon sinagot. Wala akong lakas na magsasagot sa mga pangungulit nila ngayon.

"Yue," boses iyon ni Alaric. 

Oo nga pala. Ngayon na kami babalik sa mansyon. Kailangan ko ng bumangon at magbihis. Ayoko pa sanang bumalik pero hindi ko sila pwede i-delay. Baka hindi na sila pumayag kapag nagpaalam akong uuwi sa susunod. 

Inipon ko ang lahat ng lakas ko para bumangon. Kumikirot pa rin ang ulo ngunit hindi ito ang tamang oras para indahin iyon. Bago ko subukang tumayo ay sinagot ko muna si Alaric. Ayokong makita niya ako sa ganitong estado. Hindi ko pa rin nakakalimutan ang mga sinabi niya kagabi. 

"Saglit lang, lalabas na rin ako," sagot ko na pinilit pasiglahin ang boses. Sana lamang ay hindi siya makahalata. Pero tingin ko ay malabo iyon.

"Hihintayin kita sa baba."

Napalingon ako sa pinto sa naging sagot nito. Kung ganoon ay hindi nga niya pinahalata. O baka naman pinapaniwala lamang niya akong hindi niya iyon nahahalata. Magkagayonman ay binalewala ko nalamang iyon at pinilit tumayo. 

Nagawa ko pang makapagbihis sa kabila ng pananakit ng ulo at pagkahilo. Hindi ko na makayanang maglakad ng diretcho kung kaya't nangabay na lamang ako patungong banyo at maging nang makabihis ako. Ngunit paglabas ko ng banyo biglang kumirot ang ulo ko. Kasabay noon ang biglang pag-alon ng paligid ang pagdilim ng paningin ko. Tuluyan ng bumigay ang tuhod ko at pakiramdam ko ay papanawan na ako ng ulirat. Sinubukan ko pang kumapit sa hamba ng pinto ngunit hindi sapat ang lakas ko kung kaya't humulagpos ang kamay. 

Inasahan ko nalang ang pagbagsak ko sa sahig ngunit makalipas ang ilang sandali ay hindi ko iyon naramdaman. Sa halip ay malalamig na mga kamay na nakapulupot sa katawan ko ang siyang pumigil sa akin sa pagbagsak. Maya-maya pa ay agad akong binuhat nito. Hindi ko na kailangang alamin pa kung sino iyon dahil na rin sa pabango nito. Si Alaric iyon. 

Hindi nga ako nagkamali. Naramdaman na niya kanina, hindi lamang siya nagsalita. Sa ganitong ugali niya ay mas lalo tuloy lumalakas ang kutob kong alam niya nangyari kagabi. Nakapagtataka lang na kung ganoon nga ay hindi kaya naramdaman ni Kieran ang presensya ni Alaric? May nililihim sa akin ang dalawang ito. Siguro ay kailangan kong palabasin na wala akong alam. Baka-sakaling sa ganoong paraan ay malaman ko iyon.

Napadaing ako at napahawak sa ulo ng kumirot iyong muli. 

"Stop thinking too much," sita ni Alaric na siya kong ikinagulat. Nakakabasa rin ba siya ng isip?

"Huwag mo akong tignan ng ganyan, Yueno. Hindi ko nababasa ang isip mo. Pero iyang reaksyon mo ay kayang-kaya kong basahin," litanya nito bago lumakad palapit sa kama. 

Tama nga naman siya. Hindi ko nga sinasabi, ipinahahalata ko naman sa emosyon at reaksyon ko. How stupid of me. Hindi lang emosyon at isip ang kailangan kong kontrolin. Pati na rin ang magiging reaksyon ko. Napahugot ako ng malalim na hininga saka napasandal sa matipunong dibdib ni Alaric. Ngayon ko lang napansin na matigas pala iyon. Ngunit mas matigas ang kay Kieran. Nag-init bigla ang pisngi ko sa naisip. May sakit na ako at lahat-lahat ay ito pa rin ang iniisip ko. 

Dahan-dahan akong ibinaba ni Alaric sa kama saka kinumutan. Agad akong nakaramdam ng kaginhawahan ng tuluyang lumapat sa nalambot na higaan ang likod ko. 

"A-Alaric," nahihiyang tawag ko. Nakita niya pa tuloy ako sa ganitong sitwasyon. Hindi kasi ako nag-iingat. 

Nabigla ako ng salatin niya ang noo ko. Halos magsitayuan ang balahibo ko sa lamig ng palad nito. Parang gusto ko na ulit magkayungkot at magtalukbong dahil lalo akong nilamig. Hindi naman nakaligtas sa paningin ko ang pag-aalalang nakapinta sa gwapong mukha nito. 

"Masyadong mataas ang lagnat mo, nagpalit ka ba agad ng damit kagabi?"

Tumango lamang ako. Ayokong magsalita dahil baka masundan pa iyon ng usapang may koneksyon sa nagdaang gabi. 

Hindi ko malaman kung napikit ba ako at naidlip ng ilang segundo o nakurap lang ang mga mata dahil narito si Alaric sa tabi ko at may hawak na maliit na palanggana. Ibinaba niya iyon sa may bedside table saka dinampot ang bimpong nakababad doon at piniga. Matapos ay inilapat iyon sa noo ko. How thoughtful of him to do this. Well, he has always been this thoughtful. Bakit pa ba ako nagtataka?

"Salamat nga pala," naiilang na sabi ko. Hindi ko na matandaan kung kailan ako huling nagpasalamat sa kaniya. 

Nalukot ang perpekto nitong kilay. "Para saan?"

Para saan nga ba? "Wala lang. Gusto ko lang magpasalamat sa lahat ng naitulong mo sa akin."

Napabungisngis ito na tila may nakakatawa sa sinasabi ko. Napakagwapo pa rin nito. Walang kupas. Katulad ng una ko itong makita. Dinaman ko ang puso. Kumakabog iyon ngunit hindi kasing lakas kapag nasa paligid si Kieran. Kailan lamang ay sa kanya ito nagwawala. Ngayon ay sa iba na. Ganoon ba talaga kabilis magbago ang puso? Kung tutuusin ay kung hindi lamang dahil sa pamilya niya at sa biglaang pagdating ni Kieran, marahil ay sa kanya pa rin ito tumitibok. 

 "Anong nakakatawa?" wari ay tinatarayan ko siya.

"Nothing," anito habang pinipigil pa rin ang pagngisi. Tila balewala rito ang kunwa'y pagtataray ko. Kung sabagay ay sanay na ito sa akin. Sa lumipas na mga araw ay palagiang kami ang magkasama. Kung hindi ako biglang gugulatin at mang-aasar naman ito. Malayong-malayo sa inakala kong ugali nito noong una kong nakilala ito. He had a black aura emitting from his body back then, giving me goosebumps. He even looked so menacing that time. Kung paano at bakit ganoon ang nakita ko ay hindi ko alam. 

Iningusan ko lamang ito. Bilang ganti ay agad nitong ginagap ang ilong ko saka iyon pinanggigilan. 

"Cute," anito na hindi pa rin binibitawan ang ilong ko.

"Aray ko, Alaric. Masakit," daing ko habang pilit na tinatanggal ang kamay nito sa ilong ko. Hindi ko malaman dito kung bakit lagi na lamang nitong pinanggigigilan iyon. Ano bang meron sa ilong ko? Cute daw. Hindi lang ako cute.

Sa inis ay hinampas ko ang kamay nito. Alam kong parang kagat lang ng lamok ang sakit noon pero wala akong pakialam. Himas-himas ko ang ilong ng bitawan na nito iyon. Pakiramdam ko tuloy ay kasing pula na iyon ng mansanas. Sinamaan ko pa ito ng tingin.

"Hindi ako cute," inis na sabi ko. " Maganda ako."

"I know." 

Halos bulong lamang iyon. Biro lang sana iyon ngunit mukhang sineryoso niya. Bigla akong kinabahan nang malingunan ko ang seryoso nitong mukha. Pati ang mga mata nitong ngayon ay mataman nang nakatingin sa akin  ay wala ng bahid ng kapilyuhan. Pakiramdam ko ay may gusto siyang iparating na hindi niya masabi. Agad akong nakaramdam ng pagkailang. Bakit ba iba ang pakiramdam ko sa mga tingin ni Alaric? Kung hindi ako nagkakamali ay kagabi iyon nagsimula. Nang magbitaw siya ng mga matatalinhagang salita.

Magsasalita na sana ako ng biglang bumukas ang pinto at iluwa noon si Mama. Nasa mukha nito ang pag-aalala. Marahil ay naramdaman niyang may kakaiba sa akin kaya agad na pumunta dito. Nakahinga naman ako ng maluwag dahil doon. Why am I feeling like  Mom saves the day?

Madilim na naman sa labas ng magising ako. Bahagya ko pang kinusot ang mga mata bago bumangon. Nakatulugan ko pala si Mama kanina. Hindi ko na din namalayan dahil sa dire-diretcho niyang pagkukwento na may halong sermon. Kung sabagay ay mas pipiliin ko na iyon kaysa manatili dito kasama si Alaric. Hindi ko alam kung bakit bigla nalang akong natakot sa emosyong nakita ko kanina sa mga mata niya.

"You're thinking too much again." 

Gulat akong napalingap sa paligid. Naroon ito at nakasandig sa may dingding malapit sa pinto. Hindi ko agad ito napansin marahil ay dahil na rin sa lampshade lamang ang nakabukas kung kaya't may kadilim din doon.

"W-wala naman akong iniisip," kaila ko saka tumingin sa ibang direksyon.

Kinabahan na naman ako nang magsimula itong maglakad palapit sa akin. Bakit ba ako kinakabahan? Alam ko namang hindi ako sasaktan ni Alaric pero hindi iyon ang dahilan. Ibang bagay na may koneksyon sa puso.

 Agad kumilos ang kamay nito at sinalat ang noo ko nang makaupo sa tabi ko. Bigla na lamang akong nailang ng wala man lang dahilan.

"Are you feeling well now?"

Mabilis akong tumango ng hindi tumutingin dito. Marahil ay ramdam niya ang pagkailang ko. Paano naman ang gagawin ko? Hindi ko iyon mapigilan. Hindi ko rin naman ito ginusto.

Agad na sumagi sa isip si Kieran. Ganitong oras siya kung magpakita. Paano kung bigla na lamang itong similip sa bintana at makita ni Alaric. Hindi. Bahagya kong ipinilig ang ulo. Nakakalimutan ko na namang mga bampira sila at malalakas ang pakiramdam. Siguradong malalaman agad iyon ni Kieran kung sakaling magpunta ito. Ngunit paano ko siya kikitain kung ganitong ayaw akong iwan ni Alaric. Gusto ko man siyang paalisin pero hindi ko yata magagawa iyon. 

Nakakahiya dito. Mukhang kanina pa ito naroon at binabantayan ako. Parang may mainit na bagay na humaplos sa puso ko sa isiping iyon. Pero baka dahil na rin sa siya ang nagbabantay sa akin kaya siya nandito. 

Bahagya akong napapitlag ng maramdaman ang malamig na kamay nito sa baba ko. Ipinaharap ako nito sa kanya. Agad namang naglaho ang pagkailang na nararamdaman ko ng makita ko ang lungkot sa mga mata nito. Bakit?

"Iniiwasan mo ba ako, Yue?" 

Hindi ako agad makasagot dahil totoo iyon. Pero mas pinili kong ngumiti sa kanya at magsinungaling. "Hindi. Bakit naman kita iiwasan?"

"Mabuti naman kung ganon," ngumiti rin ito pabalik ngunit hindi nawala ang lungkot sa abuhin nitong mga mata. 

"May problema ba?" hindi ko napigilang itanong. Kahit na kalahating parte ng utak ko ay may kutob na sa dahilan, ang kalahati naman ay hindi mapigilang mag-alala dito. Napalapit na rin naman ito sa akin at naging tagapagligtas ko pa. 

Umiling lamang ito. Maya-maya ay kumilos ito at lumapit sa akin. Hindi naman ako kumilos at nanatili sa kinauupuan ko. Wala akong ideya sa kung ano ang balak niyang gawin pero nasisiguro kong hindi niya tatawirin ang hindi dapat tawirin. 

Nang makalapit ito ay unti-unti nitong ibanaba ang ulo. Hindi naman ako kumukurap at pinagmamasdan lamang ang susunod niyang gagawin. Kinabahan ako ngunit mas pinili kong manatili sa kinalulugaran. 

Nagulat man ay hindi ko na ipinahalata nang idikit niya ang noo sa noo. Hindi na ako nagsalita ng makita kong ipinikit niya ang mga mata. Kung ano man ang pinagdadaanan ni Alaric ay tanging ito lamang ang ma-i-o-offer ko. 

"Hindi ka na mainit," sabi nito. 

Pagkasabi noon ay hindi pa rin siya tumitinag kung kaya't marahan nalamang ako tumango at hinayaan siya. Sa kabila ng lahat ay ito lang ang kaya kong gawin para sa kanya. 

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status