Share

Chapter 8

Ang pakiramdam ko ay parang masusuka. Ilang beses ko na rin ikinuyom ang aking nanlalamig na mga kamay. Ang aking paghinga rin ay hindi normal at alam ko na dahil iyon sa kaba. Tinawagan ko si Thauce para muli siyang kausapin pero hindi naman siya sumasagot, ilang mensahe na rin ang ipinadala ko at kahit isang reply ay wala. Ngayon ay narito pa rin ako sa ospital at binabantayan si Seya. Napakain ko na siya, nakatulog na rin. Pasado alas diyes na ng gabi at hinihintay ko pa rin ang sagot mula kay Thauce.

Nais ko siyang makausap at hindi na ako makakapaghintay pa ng bukas. Alam ko na hindi magiging madali pero kailangan ko pa rin na subukan na mapapayag siya sa nais ko. Hinanda ko na ang sarili ko sa maaaring galit na matanggap ko sa kaniya.

Nakukunsensya ako sa usapan namin. Hindi ko pala kaya. Hindi ko kayang lokohin si Errol. Napakabuti niya sa akin--sa aming dalawa ni Seya. Nagpadalos-dalos ako sa desisyon ko dahil ang nasa isip ko ay ang kapakanan ng kapatid ko. Hindi ko na inisip ang mararamdaman ni Errol kung sakali na malaman niya ang tungkol sa tatlong buwan na usapan namin ni Thauce.

"Ate..."

Napatingin ako kay Seya nang tawagin niya ang pangalan ko. Tumayo ako at kaagad siyang nilapitan. Kalahati ng mga mata niya ang bukas, nakaangat ang isang kamay niya na parang nais niyang kumapit sa kung saan.

"Seya? bakit?" tanong ko.

"Ate... napaginipan ko sila nanay. Ang saya namin ate, kaso bakit wala ka?"

Natigilan ako sa sinabi niya. Nag-init kaagad ang sulok ng aking mga mata. Mahigpit kong hinawakan ang kamay ni Seya na nakaangat kanina. Napalunok ako at nilakasan ko ang aking loob bago magsalita.

"K-Kinamusta ka ba nila? baka naman kaya mo sila napanaginipan ay dahil na-mimiss ka na."

Tumingin siya sa akin at tipid na ngumiti. Humawak ang kamay niya sa akin at nang napansin ko na nais niyang bumangon ay kaagad ko siyang tinulungan.

Ang totoo, pagkatapos ko na marinig ang sinabi ni Seya ay gusto kong maiyak. Alam ko ang ibig sabihin non... ng panaginip niya at ayoko. Ayokong dumating sa punto na magkakasama na sila. Huwag naman po, hindi ko kaya.

Nay, tay, wala akong ibang kasama, pakiusap huwag ninyo munang kuhanin sa akin si Seya. Paano na ako dito kung wala si Seya? hindi ko po kakayanin. Tulungan ninyo po ako, gabayan ninyo kami.

"Pero bakit wala ka doon, ate? h-hindi ka ba nila na-miss? paborito ka ng nanay, eh, ikaw ang palaging bukambibig noong mga bata pa tayo. Sigurado ako na nami-miss ka rin nila. Nalungkot nga ako, bakit kako wala ka, hinanap kita, pumasok ako sa magandang bahay pero wala ka naman. Kahit saan ay hindi kita makita sa panaginip ko. Pero alam mo, ate?"

Ngumiti ako ng tipid at tumaas ng sabay ang mga kilay ko sa kaniya. Hinawakan ko ang kaniyang kanang kamay at dinala ko iyon sa pisngi ko. Pigil na pigil ko ang pag-iyak habang nakatingin kay Seya. Mahina ang boses niya habang nagsasalita, mabibigat ang paghinga, pero pinipilit niyang tapusin ang sinasabi niya.

"Maganda doon sa lugar kung nasaan kami nila nanay at tatay. Maraming mga bulaklak, malamig ang simoy ng hangin, maraming mga ibon ang lumilipad at iyong bahay ay hindi katulad ng bahay natin dati. Hindi dikit-dikit at gawa sa kahoy, maganda talaga ate... parang ang yaman-yaman natin doon. Masaya sana lalo kung nandoon ka, kaso kami lang, ate."

Nakagat ko ang loob ng aking pisngi nang manikip ang dibdib ko sa narinig kay Seya. Ngayon natatakot ako na mawala sa tabi niya habang natutulog siya. Natatakot ako na baka pagbalik ko... b-baka pagbalik ko wala na 'yong kapatid ko.

"Baka kasi may ginagawa lang ako non? huwag mo nang masyadong isipin, ha?"

Tumango si Seya at nang muli niyang ipikit ang mga mata niya ay saka nahulog ang mga luha na kanina ko pa pinipigilan.

Hindi ko na alam ang gagawin ko.

Bakit kailangan namin pagdaanan itong magkapatid? nawalan na kami ng mga magulang, nahirapan sa buhay. Nang nakakaya na namin na dalawa at ngayon na malapit na si Seya makapagtapos ng pag-aaral ay saka dumating ang napakalaking pagsubok na ito.

Pakiramdam ko ibinabaon ako sa lupa unti-unti habang nakikita ko si Seya na nahihirapan, na kung ano-ano ang nararamdaman. Para akong pinapatay. Pagod na pagod na ako pero hindi ako puwedeng sumuko dahil ako lang ang inaasahan ng kapatid ko.

"Seya..." tawag ko sa kaniya. Nakatulog na siya.

Hindi mawala ang takot sa akin dahil sa muling pagpikit ng mga mata niya.

Umangat ang aking mga mata sa krus na nasa taas ng kinahihigaan ni Seya. Tahimik akong nanalangin. Diyos ko, huwag ninyo po munang kukuhanin sa akin si Seya. Siya ang dahilan kung bakit kinaya ko, kung bakit nagkaroon ako ng dahilan para ipagpatuloy ang buhay pagkatapos ng nangyari sa pamilya namin.

Hindi po ako mapapagod... p-parang awa ninyo na po. Huwag ninyo po kuhanin sa akin si Seya. Ikamamatay ko... hindi ko kakayanin.

Napayuko ako at naidukdok ang aking mukha sa gilid ng kama ni Seya. Tahimik akong umiiyak habang mahigpit kong hawak ang kamay niya. Ang bigat ng dibdib ko, parang may mga maliliit na kutsilyo ang tumatarak sa puso ko dahil sa sitwasyon namin na magkapatid. Napakasakit at napakahirap, kung bakit masyado kaming sinusubok ng buhay ay hindi ko alam. Hindi ako naging masamang tao para mangyari ito. Napakarami kong tanong na nais ng kasagutan.

"Zehra..."

Nang umangat ang tingin ko at napatingin sa pinto ay nakita ko si Errol. Ano ang ginagawa niya dito? hindi ko alam na babalik siya.

"B-Bumalik ka ulit. Hindi ka ba abala?" tanong ko.

Nag-aalala ang reaksyon ng mukha niya habang nakatingin sa akin. May hawak siyang brown na paper bag. Ipinatong niya iyon sa lamesa at nilapitan ako. Akala ko ay umuwi na siyang talaga.

"What happened? are you okay?"

Dahan-dahan akong tumango. Tumingin ako kay Seya na mahimbing na ulit na natutulog. Bumaba ang aking mga mata sa kaniyang dibdib. Natatakot akong umalis ngayon sa tabi niya dahil sa naging panaginip niya.

"Nanaginip siya, sinabi na kasama niya ang mga magulang namin pero wala ako. A-Alam ko naman ang ganoon panaginip, Errol, w-wala na 'yong mga magulang namin at matagal nang patay."

Pinalis ko ang mga luha na muling nalaglag sa aking mga pisngi. Nanginig ang mga labi ko, nais ko pa sanang magsalita pero alam kong hikbi na ang susunod na lalabas sa bibig ko.

Ipinaglaban ko 'yong buhay namin ni Seya. Kahit gaano kahirap non sa murang edad iginapang ko siya. Mas lalo ko siyang ipaglalaban ngayon.

Pero hindi ko maiwasan. Napapatanong ako sa Diyos, bakit? ano ang ginawa kong kasalanan? bakit nangyayari ito sa amin ng kapatid ko?

Lahat naman ginawa ko, naging mabuti akong kapatid, kahit sobrang hirap at kahit naisakripisyo ko ang sariling pag-aaral para maghanap ng trabaho at maibigay ang mga pangangailangan ni Seya ay ginawa ko. Para lang kay Seya, para magkaroon ng maayos na buhay ang kapatid ko. Sabay kaming bumuo ng pangarap, sabay kaming nananalangin araw-araw na gabayan kami ng aming mga magulang at ng Diyos.

Pero bakit?

B-Bakit?

Napayuko ako nang manlabo ang mga mata ko dahil sa luha. Sunod-sunod ang naging pagtulo non.

"Don't think too much, it's nothing, okay? gagaling si Seya, malalagpasan ninyo itong magkapatid."

Napatingin ako kay Errol. Nandito siya simula umpisa. Tinutulungan ako at si Seya. Paano ko pa maitutuloy ang usapan namin ni Thauce kung ngayon pa lang ay kinakain na ako ng konsensiya ko? hindi ko na kaya.

"M-May gagawin ka ba ngayong gabi?"

Kailangan kong puntahan si Thauce. Kailangan ko siyang makausap.

"May pupuntahan lang ako, k-kung ayos lang sa 'yo ay maaari ba na ikaw muna ang magbantay kay Seya? s-sandali lang ako, pangako."

Tumingin si Errol sa may lamesa kung saan niya ibinaba ang paper bag na hawak kanina. Nang ibalik niya ang mga mata sa akin ay ngumiti siya ng tipid at tumango.

"I am not busy at oo naman maaari na ako ang magbantay kay Seya, pero bago ka umalis ay puwede ba na kumain ka muna. Hindi ka pa naghahapunan, hindi ba?"

Mariin kong napagdikit ang mga labi ko sa sinabi ni Errol sa akin. Bumili pa siya ng pagkain. Nakadalawang balik na siya dito. Kung tutuusin ay hindi naman niya ito dapat ginagawa.

"Errol..."

Napayuko ako dahil sa pag-aalala sa kontrata na pinirmahan ko. Hindi ko na kayang ituloy... lalo pa at nasasaktan ako sa tuwing maaalala na gagamitin ko siya para lamang sa kapakanan ng kapatid ko.

"Zehra, alam mo naman kung bakit ko ito ginagawa, hindi ba? gusto kita, Zehra. I really like you."

Hinawakan ni Errol ang kamay ko kaya napatingin ako sa kaniya. Bigla kong naalala ang sinabi sa akin ni Thauce. Ito naman ang gusto niya, hindi ba? na mapalapit ako kay Errol, na makuha ko ang atensyon nito.

B-Baka payagan na niya ako na hindi na ituloy ang usapan namin at pagtrabahuhan ko na lang ang pera pampagamot ni Seya. Pati na ang pambayad sa ospital na ito.

"Hindi ako nagmamadali sa sagot, maghihintay ako. Hihintayin kita."

Tumango ako sa kaniya at naglakad papunta sa lamesa. Katulad ng nais ni Errol ay bago ako umalis ay kumain ako kasama siya. Madalas akong napapatingin kay Seya at tumitingin sa kaniyang dibdib. Hindi mawala ang kaba sa dibdib ko dahil sa sinabi niyang panaginip.

"Saan ka ba pupunta? gabi na rin, Zehra, hindi ba maaaring bukas na?" tanong sa akin ni Errol.

Itinali ko ang aking buhok at nagsimulang magligpit ng pinagkainan namin.

"S-Sa bahay, kukuha ako ng mga damit at may mga papel rin na hinihingi sa akin ang ospital na hindi puwedeng ipagpabukas," pagsisinungaling ko.

Pupuntahan ko si Thauce. Hindi pa rin siya sumasagot hanggang ngayon, ayoko na rin ipagpabukas pa ang pag-uusap namin dahil hindi ako makakatulog kaiisip sa kontrata na pinirmahan ko.

Mabuti na lang rin at alam ko kung saan siya nakatira. Ibinigay niya sa akin ang address niya at cellphone number.

"Should I call a cab for you? gabi na kasi, it's not safe to go out at this hour, Zehra," sabi ni Errol at kinuha niya ang cellphone niya.

"N-Naku, hindi na, sanay naman ako ng ganitong oras, Errol. Nagtrabaho ako sa bar at minsan ay mas hatinggabi pa ang uwi ko. Kaya ko naman, tatawag na lang ako kapag nakarating na ako sa bahay. Pasensiya ka na rin dahil ikaw pa ang pagbabantayin ko kay Seya, sandali lang naman ako."

Itinapon ko sa basurahan ang mga pinaglagyan ng pagkain. Nilinis ko ang lamesa. Nang tumingin ako sa orasan sa aking cellphone ay nakita kong mag-aalas diyes trenta na ng gabi. Sinulyapan ko ang mga mensahe ko kay Thauce pati na ang ilang missed calls ko. Wala pa rin siyang sagot sa mga iyon.

"Are you sure?" paninigurado niya.

"Oo, babalik rin ako kaagad, pasensiya na talaga, Errol," sabi ko.

Nilapitan niya ako at hinawakan ako sa aking pisngi.

"Anything for you, Zehra... kahit ano, basta para sa 'yo.

Halata sa kaniyang mukha ang pag-aalala. Habang nakatingin ako kay Errol ay naalala ko ang pinag-usapan namin ni Thauce. Ang pera na ibabayad sa akin, ang natanggap kong isang daang libo pati na ang pagpirma ko sa kontrata.

"Make Errol fall for you hard. Siguraduhin mo na mababaliw siya sa 'yo at hindi kaniya kayang iwan."

"Nakikita ko na may gusto na sa 'yo si Errol. Isa pa, he's not that hard to love."

Pero mali pa rin.

Maling-mali ang naging desisyon ko. Maling-mali na gamitin ko si Errol. Kaya hangga't hindi pa nagsisimula ay kailangan ko nang umatras sa usapan namin ni Thauce.

Nagpaalam na ako kay Errol. Umalis ako ng ospital at kaagad na pumara ng Taxi. Pinuntahan ko ang bahay ni Thauce. Nanlalamig ang mga kamay ko. Hindi rin normal ang paghinga ko. Itinapat ko ang aking kamay sa aking kaliwang dibdib at dinama ang mabilis na pagtibok ng puso ko.

"Kaya mo ito, Zehra, kakayanin mo."

Sa kaba na nararamdaman ay hindi ko namalayan na nakarating na pala ako sa bahay ni Thauce. Nagbayad ako at bumaba na ng taxi. Tinungo ko ang guard house. Bumaba ang isang guard at lumapit sa akin.

Napatingin ako sa malaking gate. Ang taas non.

"Miss? ano ang kailangan mo?" tanong sa akin ng guard.

"A-Ah... kakausapin ko po sana si Thauce."

Alam kong kahina-hinala na ganitong oras ko pa nais na kausapn si Thauce.

"Para saan?" tanong ng guard.

"T-Tungkol po sa trabaho, hindi na po kasi maaaring ipagpabukas," sagot ko.

Lumingon ang guard sa kasama niya. Kabado ako, mukhang hindi ako makakapasok. Apat ang guard dito sa labas ng bahay niya.

"Ano ang pangalan mo, miss?" tanong nito.

"Z-Zehra po, Zehra Clarabelle."

Tumalikod ang guard at naglakad pagkatapos ay nakita ko itong kinausap ang mga kasama niya. Nang maglakad ang guard pabalik sa akin ay inaasahan ko nang paaalisin ako nito.

"Pasok na po kayo."

"P-Po?"

Hindi ako makapaniwala sa naging sagot nito sa akin. Hindi naman nagreply si Thauce hindi rin niya nasagot ang tawag ko. Paanong puwede na akong pumasok?

"Nasa listahan po ng expected visitors ang pangalan ninyo. Kauuwi lang rin po ni Sir Thauce. Pasok na po kayo."

Kaya naman pala... mukhang ipinalagay doon ni Thauce.

Tumango ako at naglakad na nang buksan nila ang gate. Mahigpit kong hawak ang sling bag ko habang naglalakad papunta sa bahay ni Thauce. Ang totoo ay napakalayo non sa gate. Natatanaw ko pero alam ko na ilang minuto ko pa iyon lalakarin bago ako makarating.

"Ang luwang dito... tapos siya lang ang nakatira?"

Hindi ko mapigilan na hindi ilibot ang mga mata ko sa paligid. Madilim pero nabibigyan ng liwanag ng mga lanterns ang paligid. Modern style ang disenyo kahit dito sa labas. Sa itsura pa lang ay alam mong bilyon ang halaga ng lahat ng nasa paligid na ito.

"Ang yaman talaga niya... ang isang daang libo ay akala mo piso kung bitawan."

Nang makarating ako sa harapan ng bahay ni Thauce ay napansin ko na nakaawang pinto. Napatingin ako sa paligid.

"Bakit bukas?"

Lumapit ako doon at pumasok. Isinarado ko ang pinto at napatingin ako sa loob. Hindi na ako kumatok dahil bukas na rin naman ang pinto. Pero, sino ang nag-iwan non? si Thauce?

"M-Magandang gabi..."

Tahimik ang paligid. Luminga ako. Nandito naman na daw siya sabi ng guard.

"Thauce?"

Naglakad ako at nang magawi ako sa likod ng sofa ay nagulat ako nang makita siya doon na nakahandusay.

"T-Thauce!"

Sobra ang kaba na naramdaman ko nang makita ko siyang walang malay.

Dinaluhan ko siya. Akala ko ay kung napaano na. Ngunit nang makita ko ang namumula niyang mukha pati na nang maamoy ko ang alak sa kaniya ay nailayo ko ang aking sarili. Lasing... at hindi lang siya basta lasing. Lasing na lasing. Mukhang nawalan ng malay at hindi na nakaabot sa kwarto dahil sa kalasingan.

"Thauce... uy..."

Luminga ako sa paligid. Paano ba ito? hindi ko rin naman siya makakausap kung ganito ang lagay niya. Kung magpapatulong ako sa mga guard ay aabutin ako ng ilang minuto papunta at pabalik. Hindi maaaring magtagal si Thauce dito sa sahig.

"T-Tumayo ka," sabi ko sa kaniya. Hinila ko siya sa kamay at buong lakas kong iniupo.

"Hmmmm..." ungol niya. Hindi siya kasi maaaring matulog dito sa sahig dahil tiyak na magkakasakit siya. Malamig ang semento.

"Tayo, tumayo ka, Thauce, ang bigat mo..." sabi ko habang pinapatayo siya.

Mabuti naman at tinulungan niya rin ako. Inalalayan ko siya na makahiga sa sofa. Nang bitawan ko siya ay hinihingal ako dahil sa hirap. Ang bigat-bigat niya. Bakit ba siya nagpakalasing ng ganito?

"Saan ba ang ang kusina mo dito--ay!"

Patalikod na sana ako para hanapin ang kusina niya para makakuha ng palanggana na may maligamgam na tubig nang hilahin niya ang kamay ko.

"T-Thauce!" bumagsak ako sa kaniyang ibabaw at nagulat ako nang gising na siya. Malamlam ang mga mata niya na nakatingin sa akin.

Nang aalis ako sa ibabaw niya ay mahigpit niyang ikinapit ang kamay sa baywang ko.

"Stay."

Napasinghap ako nang bumaba ang kamay niya sa aking pang-upo.

"A-Ano ba ang ginagawa mo, Thauce--hmmpp!"

Nanlaki ang mga mata ko nang bigla niyang sakupin ang mga labi ko. Hindi ako kaagad nakabawi dahil sa gulat. Ang kamay niya na nasa aking pang-upo ay mahigpit na ngayon na nakayakap sa likod ko habang patuloy niya akong hinahalikan.

"Hmmmpp!" inilalayo ko ang sarili ko sa kaniya pero hindi ko magawa dahil sa mahigpit na hawak niya sa akin.

Ano ba ito? bakit niya ako hinahalikan? d-dahil ba lasing siya? hindi niya ba ako nakikilala?

"Thauce, ano ba!"

Nakapagsalita ako at muli kong sinubukan na lumayo pero kinuha niya ang pagkakataon na iyon para mas mapalalim ang halik sa akin. Nalulunod ako, pilit kong inilalayo ang aking mukha pero nakahawak ang kamay niya sa aking batok.

Ngayon lang ako n*******n ng lalake ng ganito at hindi ko inaasahan na ang magiging unang halik ko pa ay si Thauce. Kahit kailan ay hindi sumagi sa isip ko ito.

"Hmm..."

Dahil sa lalim ng paghalik niya sa akin ay napaungol ako. Naramdaman ko rin na nalaglag ang tali sa buhok ko dahil sa kamay ni Thauce na naroon.

"Uhhm..."

Ang kaninang agresibong paghalik niya sa akin ay unti-unting naging marahan. Maingat na kaysa kanina. Nadala ako. Hindi ko namalayan na tumutugon na ako sa halik niya. Sinusundan na ng mga labi ko ang paggalaw ng mga labi ni Thauce sa akin. Para na rin akong lasing, ang amoy ng alak ay nakakahilo pero iba ang pakiramdam lalo na dahil sa mga halik na ibinibigay ni Thauce.

Ano ba ang ginagawa mo, Zehra?

Mahigpit ang kapit niya sa aking batok habang ang isang kamay ay nasa aking likod at gumagapang pataas at baba.

Ang bilis ng tibok ng puso ko. Parang lalabas na sa loob ng dibdib ko. Mahigpit akong napakapit sa damit ni Thauce habang patuloy ang paghalik niya sa akin. Nang mauubusan na ako ng hangin ay inilayo ko ang sarili sa kaniya.

Hinabol niya pa ang mga labi ko at nang magkatinginan kaming dalawa ay nakagat ko ang aking pang-ibabang labi. Lasing na lasing siya, halata sa mukha niya! nang makita ko na pumikit ang mga mata ni Thauce ay nagsalubong ang mga kilay ko. Pagkatapos ay nakita ko ang mabagal niyang paghinga at nang mapagtanto na tulog na siya ulit ay nanghihina akong napaupo sa sahig.

"A-Ano ang nangyari?"

Napahawak ako sa mga labi ko na namamanhid. Pakiramdam ko ay nakalapat pa rin doon ang mga labi ni Thauce.

"Zehra!" mahina kong kastigo sa sarili ko.

Hindi ako makapaniwala na bumigay ako sa mga halik niya! Hindi ito ang ipinunta ko dito!

Mabilis akong tumayo at inayos ko ang sarili ko. Hinawi ko ang mahaba kong buhok at tinungo ko ang labas ng bahay niya. Diret-diretso ako. Tumatakbo habang nakahawak sa mga labi ko. 

Mga Comments (1)
goodnovel comment avatar
Jocelyn Pioquinto Armario
kayo talaga ang nakatadhana zechra at thauce
Tignan lahat ng Komento

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status