Share

CHAPTER SIX

NAPADILAT siya ng mata nang maramdaman niya ang pagkabasa sa kaniyang mukha ng malamig na tubig upang maging dahilan ng pagkakabalikwas niya at mapaubo siya ng ilang beses.

Ramdam niya ang isang pares ng mga mata mula sa kaniyang kinahihigaang sementadong lapag ng kulungan. Madilim sa kaniyang kinaroroonan kaya hindi niya maaninag nang husto ang mukha ng taong nakatunghay sa kaniya. Ang huling naalala niya'y pinagtulungan siyang bugbugin ng mga kasama niya sa kulungan.

Marahan niyang inilibot sa kabuuan ng silid ang kaniyang mga mata na patuloy pa rin sa pag-adjust sa madilim na kinaroroonan.

Mula sa kinasasadlakan, naaninag niya ang isang bombilya na nakabitin sa ere, kung saan may lamesa na nakatapat mula roon. May mga nagkalat na gamit doon. Naramdaman niya ang paghila ng kung sino man sa kuwelyo niya, ramdam niya ang hapdi at kirot na galing sa mga sugat at pasa niya. Naramdaman din niya ang mahigpit na pagsabunot ng kung sino sa kaniyang buhok dahilan upang maitaas niya ang mukha. Nanatili lamang nakapikit ang mga mata ni Varun dahil nasilaw siya sa liwanag na dulot ng bombilya.

"Ihanda mo ang sarili mo, Varun. Pasensya ka na’t napag-utusan lang ako," sabi ng lalaking kasama niya sa silid na iyon.

Ang mga sumunod na tagpo ay halos nagbigay sa kaniya ng hindi matatawarang paghihirap. "Aahh! P-pakiusap, k-kung sino k-ka man, p-pakawalan mo na a-ako," pagmamakaawa ng binata. Tuluyan nang nakasarado ang talukap ng kaniyang mga mata dahil sa labis na natamong bugbog sa kaharap. Ramdam ni Varun ang pag-agos ng masaganang dugo mula sa pumutok niyang kilay.

Marahan niyang pinagapang sa magaspang na lamesa ang mga kamay. Napaigik siya kasabay ng panginginig ng kalamnan niya nang maramdaman niya ang pagpukpok ng martilyo sa kaniyang mga daliri. Hindi na niya namalayan ang paglandas ng masaganang luha sa kaniyang mga mata. Hapong-hapo na siya. Ang gutom at pagkauhaw na kaniyang nararamdaman ay lalong sumidhi. 

Lalo siyang nawalan ng pag-asa dahil sa patuloy na pag-torture sa kaniya. Hindi niya akalaing sasapitin niya ang ganitong kalupitan sa mga taong hindi naman niya kaanu-ano. Bagama't walang kapatawaran ang pinagdadanaan niya ngayon, dalangin niya na sana makaalis siya at mabuhay pa. Ngunit tuluyang naglaho ang kakaunting pag-asa na iyon na maulinigan niya sa tabi ang pagkasa ng baril sa gilid na bahagi ng ulo niya. Ramdam niya ang pagdampi ng malamig na bagay na iyon sa sentido niya. Lihim nalang siyang nanalangin.

"Paalam, Varun. Patawad, pare," naisatinig nito.

Ngunit bago pa man makalabit nito ang gatilyo ay bigla na lamang ang pagbubukas ng pinto. Nakaulinig siya ng mga nag-uusap na tinig. Maski mga pagbukas at pagsara ng pinto ay hindi rin nakaligtaas sa pandinig ng binata.  Kahit hirap na hirap sa sitwasyon ay pinaigi niyang makiramdam sa paligid. Naging tahimik ang paligid niya sa sumunod na sandali nang maramdaman niya ang muling pagbukas ng pinto.

"Nakakasiguro ka ba, panyero, sa gusto mong mangyari?" ang halos pabulong na tanong ni Ginoong Crisanto sa kasamang lalaki.

"Oo naman, kaya kung maari ay ipasakay mo na siya sa aking kotse. Gagabihin ako masyado pauwi ng Maynila kung magtatagal pa ako rito," sagot naman nito dito.

Wala nang nagawa si Crisanto at dali-dali na niyang minanduhan ang mga tauhan na buhatin si Varun. Malakas na pagsara ng pinto ng kotse ang nadinig niya. Kasabay ng pagsasalita ng lalaking kausap kanina ni Crisanto.

"Huwag kang mag-alala, iho, nasa mabuti ka nang mga kamay sa ngayon," huling turan na naringgan niya bago siya lamunin ng pagal na diwa. Tuluyan siyang nakatulog sa mga sandaling iyon.

Hindi niya alam ngunit naramdaman ng binata ang kapayapaan...

NAPATINGIN sa kaniyang suot na relo si Varun. Kasalukuyan siyang umiinom sa bar. Iinom lang siya ng ilang shots para madali siyang makatulog mamayang pag-uwi niya. Dahil alam niyang magiging mailap na naman sa kaniya ang pagtulog, lalo't tuluyan na niyang nakaharap si Pamela.

Hindi niya maipagkukunwaring magiging labis na napakahirap sa kaniya ang mga susunod na hakbang na nais ng lalaking kumupkop at nagbihis sa kaniya. Kung saan, utang na loob niya mismo ang buhay niya rito. Agad na niyang inilagay sa kaharap na lamesa ang bayad niya. Hindi na niya pinagkaabalahang kuhanin ang sukli.

Mabilis niyang pinaharurot ang dalang sasakyan sa highway. Hindi alintana ng binata ang sunod-sunod na busina ng mga nilagpasan niyang sasakyan. Makaraan ang ilang minuto, agad na niyang narating ang malaking mansyon. Agad siyang binati ng security guard at tinanguan niya lamang ito. Matapos niyang maiparada ang sasakyan ay dali-dali na siyang lumakad papasok ng mansyon.

"Oh, Varun, andito ka na pala! Kumain ka na ba? Gusto mo bang ipaghain kita ng hapunan?" tanong sa kaniya ng matandang Mayordama na si Anita.

Pinaluwag niya ang suot na kurbata maski ang suot niyang suit ay isinampay na niya sa balikat. Init na init siya sa mga sandaling iyon.

"Huwag na, manang. I’d rather go to him," maiksi niyang hayag.

Agad na siyang pumanhik sa ikalawang palapag kung saan naroroon si Haime, ang lalaking tumulong sa kaniya. Marahan siyang kumatok at nakita niya ang personal nurse nito at ang Doctor nitong abala sa pag-aasikaso kay Haime. Pinaglandas niya ang naawang mata sa lalaki. Kasaluyan itong nasa coma. Tanging mga makina na lamang ang nagdudugtong sa buhay nito.

Agad na nginitian siya ng Doktora na tila naman napasin nito ang nais niya. "Okay, Varun. Tapos naman na kami ni Hans kaya maaari mo nang makausap si Mr. Villaruel.”

"Sige, salamat, Samantha," bigkas niya. Naramdaman pa nito ang marahang pagdampi ng palad nito sa balikat niya. Napabuntong-hininga siya matapos niyang mapagmasdan ito. Tuluyan ng bumagsak ang pangngatawan nito. Ang sabi ni Samantha sa kaniya ay malabong magising pa ito. Mariin niyang ikinuyom ang kamao. Hindi niya alam kung magagawa niya ang hinihiling nito. Nais nitong paibigin niya ang bunsong anak ni Crisanto. Nais ni Haime na parusahan niya ito, upang sa ganoon ay makaganti ang lalaki sa pagtataksil ng kaibigan nitong si Crisanto. Kung saan inagaw lang naman nito ang nag-iisang babaeng minahal nito.

Dahan-dahan siyang lumapit sa picture frame na nakaibabaw sa katabing lamesa nito kung saan kitang-kita niya ang nakangiting mukha ng ina ni Pamela at ni Haime. Mula sa likuran ng isip niya nagtatago roon ang isang agam-agam. Hindi niya batid kung mapapanindigan niya ang gagawin. 

Paano niya magagawang hindi matablan kay Pamela kung sa tuwing malapit ito'y tila siya nilalasing ng sariling pagnanasang nadarama niya sa babae?

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status