Share

CHAPTER FOUR

CHAPTER FOUR

 NAGPAS’YA nang pumasok si Andrea. Hatinggabi na. May klase pa siya bukas. Mabuti na lang, nakapag-advance siyang gumawa ng lesson plan niya para sa susunod na ilang araw.

Sinilip niya pa muna ang ina sa k’warto nito. Himbing na himbing na ito. Parang gusto niya itong lapitan. Yakapin. Tabihan sa pagtulog ngunit pinigil niya ang sarili. Saka na siguro. Kapag handang-handa na siyang sabihin dito na pinatatawad niya na ito. 

Nagtungo na siya sa sariling silid. Umusal siya ng dasal bago nahiga. Isang panalangin na sana, baguhin ng Diyos ang puso niya na waring pinatigas na ng maraming hinanakit sa buhay.

Ipikit-idilat niya ang mga mata pero madamot sa kan’ya ang antok. Hindi mawala sa isip niya ang mga ipinarating sa kan'ya ng ina sa pamamagitan ni Aling Adel.  At bigla, kung bakit rumehistro uli sa utak niya ang imahe ng lalaking una at huli niyang minahal. Si Carlos.

Dahil ba hanggang sa mga sandaling ito, naroroon pa rin ang panghihinayang sa kan'ya? Na hindi sila nito nagkatuluyan?

Siguro nga.

Paano niya ba makakalimutan ang araw ng nagkasira sila nito nang tuluyan?

“Bakit kailangang sundin mo lagi ang nanay mo, Andrea? Kailan ka magkakaroon ng sariling desisyon? Hindi ka na bata. Nasa hustong edad at isip ka na para lagi na lang magpadikta sa kan’ya!” galit si Carlos noon.

“H-hindi ko siya kayang suwayin, Carlos. Ang laki na rin ng isinakripisyo ng nanay ko para sa akin matapos kaming iwanan ng tatay ko.”

“Hindi mo kasalanan na iniwan kayo ng ama mo! At kung nagsakripisyo man sa ‘yo ang nanay mo, normal lang ‘yon. Dahil magulang mo siya. May obligasyon siya sa ’yo! Ang hindi normal, ang diktahan ka niya dahil sa sinakripisyo niya sa ‘yo! Hindi niya pag-aari ang buhay mo, Andrea!”

Iyak siya ng iyak noon. Tama si Carlos pero may magagawa ba siya? Baka itakwil siya ng kan'yang ina oras na si Carlos ang piliin niya. Kung bakit, ganoon na lamang ang takot niya sa kan'yang nanay.

“Kung may natitira ka pang respeto sa pagkatao mo Andrea, at kung talagang totoo na mahal mo ako, sasama ka sa akin. Mamayang gabi, hihintayin kita sa terminal ng bus. Iuuwi kita sa probinsiya namin. Magsisimula tayo roon ng bagong buhay. Ikaw lang at ako.” Kinabig pa siya ni Carlos. Hinalikan sa noo bago ito tumalikod sa kan'ya.

Naiwan siyang nakatulala. Hindi alam kung ano ang iisipin at gagawin. Nakahanda ba siyang sumuway sa ina alang-alang sa pagmamahalan nila ng nobyo?

Bago tuluyang dumilim, sa wakas ay nakabuo ng mabigat na desisyon si Andrea. Sasama siya kay Carlos. Eh, ano kung itakwil siya ng nanay niya? Pasasaan ba, mapapatawad din siya nito. Iiral at iiral pa rin ang damdaming ina nito na nagmamahal sa kan'ya bilang anak. Sabi nga, walang magulang na nakatitiis sa anak. 

Mas mahalaga ang pagmamahalan nila ni Carlos. Doon nakasalalay ang kaligayahan niya. At, parang hindi niya kakayanin na mawala si Carlos sa buhay niya.

Nag-empake siya makaraang gumawa ng maikling sulat para sa ina. Nakasaad doon ang paghingi ng tawad at pang-unawa.

Ngunit laking gulat niya nang pagbukas niya ng pinto ng kan’yang k’warto, naroroon lang pala ito. Tila inaabangan talaga ang kan'yang paglabas.

“’N-nay?” sambit ni Andrea. Bakas sa anyo ang takot.

“Aalis ka? Sasama ka sa lalaking iyon?” matigas ang anyo ni Aling Selya. “Makikipagtanan ka?”

“P-patawarin ninyo ako, ‘Nay. Ayoko sanang gawin ito pero binibigyan ninyo kami ng dahilan ni Carlos para gawin ito.”

“A, ganoon? Kasalanan ko pa pala?” Sarkastiko ang tono ni Aling Selya. “Puwes, sulong! Lumayas ka!

Iwanan mo ako! Wala kang pinagkaiba sa ama mo! Gagawin mo ring miserable ang buhay ko!”

Nagwala na naman si Aling Selya. Naging hysterical na muli ito. Lahat ng makapang gamit ay ibinabato, ibinabalibag. Hanggang may makuha itong gunting. Tangkang i****k sa sarili.

Natakot si Andrea. Nataranta. “’Wag, ‘Nay! Huwaggg!!! Parang awa n’yo na, ‘wag n’yong gagawin ‘yannn!!!” umiiyak na sigaw ng dalaga.

“Kung iiwan mo rin lang ako, mas mabuti pang mamatay na lang ako. Hindi ko kaya, anak. Hindi ko kaya na muling mag-isaaa!!!” sobra ang pagtangis ng matanda. Anumang sandali ay tila desidido talagang saktan ang kan’yang sarili.

“Hindi. Hindi na kayo mag-iisa. Hindi na ako aalis, ‘Nay. Hindi na ako sasama kay Carlos! Pangako!" unti-unting nilapitan ni Andrea ang ina na biglang kumalma nang marinig ang sinabi niyang iyon.

Nanginginig na dahan-dahang kinuha ni Andrea ang gunting sa kamay nito. At mabilis itong niyakap ng mahigpit habang pareho silang nagsisikip ang dibdib sa labis na tens'yong kap’wa nararamdaman nang mga sandaling iyon.

“H-hindi mo na ako iiwan?” ani Aling Selya. "Hindi ka na aalis?"  Para itong batang yumupyop sa dibdib ng anak. “P-pangako, anak?”

Tumango si Andrea. Sunod-sunod. Nanatiling tigmak sa luha ang mga mata.

At matapos ang senaryo na iyon, dinala ni Andrea ang ina sa ospital. Nagkaroon ito ng nervous breakdown at labis na sinisi ng dalaga ang sarili dahil sa nangyari.

Doon na din natapos ang kabanata ni Carlos sa buhay niya. Hanggang mabalitaan niya isang araw, na umalis ito upang magtrabaho sa ibang bansa. Kahit saglit, hindi na niya tinangka na makipag-usap pa rito. Kahit napakasakit na nauwi sa wala ang pagmamahalan nila. Lihim na lamang siyang humingi ng tawad sa nobyo.

At mula noon, umikot na lamang ang buhay niya sa kan'yang ina. Sa bawat araw na lumilipas, pilit niyang pinaglalabanan ang lungkot. Itinatak na niya sa isipan, hanggang doon na lamang siya. Hanggang ganoon na lamang siya.

Ang nanay niya, hayon. Tila kuntento naman sa ganoong buhay nila. Tatanda ito na kasama siya. At tatanda rin siya na kasama ito. At isang araw, lilisan na rin ito sa buhay niya. Maiiwan siyang nag-iisa.

Maraming pagkakataon na gusto niya itong sumbatan lalo na kapag nakakaramdam siya ng pagkabagot sa buhay niyang iyon. 

Maraming beses na gusto niya itong pakitaan ng hindi maganda. Para maramdaman nito ang ginawa nito sa buhay niya.

At maraming beses niya ring inisip na iwan na lamang ito, pero sa huli, nananaig ang kunsensiya niya. Paano ito kapag nawala siya?

Matanda na ang nanay niya. At siya lang ang inaasahan nito na makasama hanggang sa wakas ng buhay nito.

At kung maaari nga lang, makaharap niya sana ang ama niya na sobrang nagdulot dito ng kalungkutan at poot kung bakit sa pamamagitan niya, parang gumanti rito ang kan'yang ina. Pero sa kaibuturan ng puso niya, ni anino ng ama niya na umabandona sa kanila, ay ayaw niyang makita. Nasusuklam din siya sa tatay niya. 

Pag-iyak. Iyon na lamang ang lagi niyang ginagawa. Sa sobrang kalungkutan na umaalipin sa pagkatao niya bawat araw...

Comments (2)
goodnovel comment avatar
Bebot Gamotin
napakalungkot isipon
goodnovel comment avatar
Bhie Rambonanza In
hirap ng sitwasyon mo Andrea...
VIEW ALL COMMENTS

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status