Share

CHAPTER FIVE

HINDI alam ni Andrea kung anong oras na siya nakatulog ng gabing iyon. Madaling araw nang maalimpungatan siya. Sinulyapan niya ang wall clock. Pasado alas tres pa lang. At ewan niya kung bakit hanggang sa mga sandaling iyon ay tumatahip ang kan'yang dibdib. Pinakiramdaman niya ang paligid. Tila nakabibingi ang katahimikan.

Bumangon siya. Nagtungo sa kusina upang uminom ng tubig. Nasulyapan niya si Aling Adel sa karatig k’warto. Mahimbing pang natutulog ang matanda.

Tinungo niya ang silid ng ina. Tila may nag-udyok sa kan’ya na lapitan ito. Pinagmasdan niya ito sa pagkakapikit nito. Naupo siya sa kama. Hinaplos niya ang braso nito. Kinuha niya ang dalawang kamay at ikinulong ang mukha niya sa mga palad nito. “’Nay,” bulong niya dito. “Mahal ko kayo.” aniya habang umiiyak na naman.

Parang bata, tumabi siya sa ina at hinaplos pa ang pisngi nito. Naramdaman pa ng palad niya ang basang pisngi nito. Umiyak din ba ang nanay niya? Naantig ang kan’yang damdamin. Niyakap niya ito. Hinalikan sa pisngi. “Kalimutan na natin ang lahat, ‘Nay.” sabi pa niya. Na ewan kung bakit nasabi niya iyon. Basta kusa na lang 'yong lumabas sa bibig niya ng oras na iyon. “Hayaan n’yo na kahit wala nang magmahal sa akin. Matagal ko nang tinanggap ‘yon. Basta alam ko na mahal n’yo ako. Tama na ‘yon sa akin. Okay lang ‘Nay kahit mag-isa lang ako. Na wala akong asawa. Basta lagi lang kayong na’ndito. Hindi n’yo pa ako iiwan, ha?” mas hinigpitan niya pa ang yakap sa ina.

Maya-maya ay natigilan si Andrea. Pinakiramdaman niya ang matanda. Bakit tila hindi na yata ito humihinga? Idinikit niya ang tenga sa dibdib nito. Pagkuwa’y pinulsuhan ito. “’Nay? ‘Nay!” yugyog niya dito. “’Nayyy!!!” tila umalingawngaw sa tahimik na paligid ang sigaw at panaghoy na iyon ni Andrea.

IYON na pala ang huling gabi ng nanay niya.  Ni hindi man lamang niya nabigkas dito na sa kabila ng mga nangyari, mahal niya ito. Na mahalaga ito sa kan’ya. At pinatatawad niya na ito.

***

“ALAM ng nanay mo na pinatawad mo na siya, Andeng. Tingnan mo siya, payapa ang anyo niya. Nakangiti. Naramdaman niya ang pagpapatawad mo.” ani Aling Adel. Binibigyan ng lakas ng loob at tila konsolasyon si Andrea.

Tumango-tango ang dalaga. “Hindi man lamang kami nagkausap nang masinsinan bago siya umalis, Aling Adel.” Buong kalungkutang saad ng dalaga. Matuyo’t mabasa ng luha ang kan’yang mga pisngi. “Mahal ko ang nanay ko. Mahal ko siya...”

“Alam ko. Dahil kung hindi, disin sana ay sinuway mo siya. Tinikis. At mahal na mahal ka rin niya. Madalas niya iyong binabanggit sa akin. Kaya labis din ang pagsisisi niya.”

Naglandas na muli ang luha sa pisngi ng dalaga. Mag-isa na lamang talaga siya ngayon. Wala na'ng magulang. Walang pamilya. Kung paano siya magsisimula, hindi niya alam.

***

ANG sumunod na mga araw matapos ilibing si Aling Selya ay lubhang napakahirap. Para bang  nangangapa sa dilim si Andrea.

Kahit saang sulok sa bahay nilang iyon, para niyang nakikita lagi ang ina. May mga gabi na bigla siyang magigising. Na tila may humahaplos sa kan’ya. Yumayakap. At wala siyang gagawin kun’di ang umiyak na lamang.

Hindi na niya tinapos ang bakasyon na kusang ibinigay sa kan’ya ng  eskwelahan para sa kan’yang pagdadalamhati. Lalo siyang makadarama ng kahungkagan kung nakapirmi lang siya sa bahay. Papasok na siya uli. Sa pagtuturo, malilibang pa siya. Masaya siya sa piling ng kan’yang mga estudyante.

“Ano ang plano mo ngayon?” tanong sa kanya ni Meldy, ang isa sa co-teacher niya at malapit na kaibigan. Ninang din siya ng panganay na anak nito.

Nasa canteen sila noon. Nanananghalian.

Nagkibit balikat si Andrea. “Hindi ko alam. Tuloy ang buhay. Ganoon lang naman, ‘di ba?”

Ginagap nito ang palad niya. “Gusto mo, pasamahan kita sa inaanak mo? Para naman may nakakausap ka sa bahay n’yo. Doon muna siya mag-stay sa’yo o uuwi after ng class niya.”

Tumawa si Andrea. “Matatakot sa bahay ‘yon. Minsan nga nag-text sa akin ‘yon, eh. Kung nagpaparamdam daw ba ang lola Selya niya. Sagot ko’y parang nagpaparamdam nga. Kasi feeling ko kako, ‘di ako nag-iisa. Na may kasama pa rin ako lagi sa bahay.”

Natawa rin si Meldy. “Anong sabi?”

“Plano nga daw sana niya na samahan ako roon minsan. Kaso nagpaparamdam daw pala ang nanay kaya ayon, umatras ang loka. Baka raw hilahin ang paa niya.”

Nagtawanan ang magkaibigan.

“Pero, ‘di nga? Nagpaparamdam talaga ang Nanay Selya sa’yo?” hinaplos-haplos pa ni Meldy ang mga braso. “Naku, kinikilabutan naman ako!”

Natawa na lang si Andrea.

“Bakit hindi mo na lang ituloy ‘yong plano mo noon na mag-abroad?” ani Meldy pagkuwan. “In demand ang teachers abroad, mare. Wala nang pipigil sa’yo ngayon. Saka may chance na mapa-asenso mo na ang sarili mo. ‘Di gaya dito sa school natin, hanggang ngayon, ‘yong demand natin sa gobyerno hindi pa rin mapagbigyan.”

“Para ano pa at aalis ako rito? Wala namang dahilan para magsikap pa ako. Aanhin ko ang maraming pera wala naman akong pamilya?”

Naaawa si Meldy sa kaibigan. “Malay mo, sa ibang bansa ka pala makahanap ng lalaking makakasama mo habangbuhay?” hirit pa nito. “Magkakaroon ka pala roon ng forever?”

“Puro ka kalokohan.” Tumawa na lang uli si Andrea. “Matanda na ako, mare. Hindi na ako umaasa na makakatagpo pa ng magmamahal sa akin ng totoo.”

“Loka! ‘Kala mo naman gano’n na siya katanda? Wala ka pang k’warenta, ‘no? ‘Yong iba nga d’yan lampas singk’wenta na humihirit pa? Saka hindi naman halata na magku-k’warenta ka na, a? Maganda ka, mare. At hindi pa kumukupas ang ganda na ‘yan. Maniwala ka sa akin, makakabihag ka pa!”

Inirapan niya ang kaibigan. “Naku, tara na nga. Malapit nang matapos ang lunch break. Baka nagbabatuhan na naman ang mga students ko!”

Matapos ang kan’yang klase, sa jeep na sinasakyan pauwi, kanina pa pinagmamasdang mabuti ni Andrea ang mag-inang sa harapan niya nakaupo. Natutuwa siya sa batang babae na tant’ya niya ay nasa tatlong taon gulang pa lamang. Napakalambing nito sa nanay. Habang nakakalong ito, panay-panay ang halik nito sa ina na ikinangingiti niyang mabuti.

Napansin siya ng babae sa pagmamasid niya sa mga ito. Itinuro siya nito sa bata.

“Say ‘hi’ to Ma’m, baby.”

“Hi!” sabi naman ng bata. Kumaway pa ito kay Andrea.

“Hello.” sagot niya. Lalo siyang natuwa dito. “You’re so sweet, baby. What’s your name?”

“Angel.” Bibong tugon agad ng bata.

“Where’s ‘po?’ Nawawala na naman ang ‘po?’ anang ina nito.

“Angel, po!” sabi uli ng bata.

Tumawa si Andrea. “Wow! Nice name. Beautiful just like you. And how old are you?”

Nag-m’westra sa daliri niya ang bata. “Three. Three, po!”

Lalong natawa si Andrea. “I’m impressed! Sana maging pupil kita someday, ano?”

“Saan po kayo nagtuturo, Ma’m?” tanong ng ina.

“D’yan lamang po sa Central.”

Tumango-tango ang babae. “Naku, sana nga po maging teacher kayo ni Angel pag nag-aaral na siya. Mu’kang mabait po kasi kayo, eh.”

“Pag tulog lang po.” Biro ni Andrea. At bago siya bumaba ng jeep, pinisil niya ang mabilog na pisngi ng bata dahil sa tuwa niya rito. “Take care, baby Angel. And God bless you and your mommy.”

“Thank you, Ma’m!” sabi naman ng nanay ng bata.

“Babay!” kumaway pa ang bata kay Andrea.

Nang gabing iyon, hungkag uli ang pakiramdam ni Andrea sa muling pag-iisa sa bahay nilang 'yon. Hanggang kailan kaya siya magiging ganoon? Mananatili na lamang ba siyang mag-isa habang buhay?

Naalala niya ang mag-inang nakasakay niya kanina sa jeep. Kung gaano ang kasiyahang ibinibigay ng batang iyon sa kan’yang nanay.

Ang cute ng batang ‘yon. Na lalo pang pina-cute ng pagiging bibo nito. Napapikit siya. In-imagine ang sarili na siya ang nasa katayuan ng babaeng iyon. Na siya ang nanay ng batang iyon. Napakasaya niya siguro.

Kung sana, mayroon siyang asawa. Kung sana, mayroon siyang mga anak. O, kahit isang anak lang.

Anak?

Bakit nga ba hindi? Bakit hindi siya mag-anak?

Pero paano? Sino ang magbibigay sa kan’ya ng anak?

Ipinilig-pilig niya ang ulo. Naloloka na yata siya. Kung ano-anong kalokohan ang pumapasok sa utak niya. Napaka-imposible ng iniisip niya. Paano siya magkaka-anak? Wala naman siyang nobyo? Lalong wala siyang asawa. Saka matanda na siya. Kung magkaka-nobyo uli siya o magkaka-asawa, magbuntis pa kaya siya?

“Wala ka pang k’warenta!” parang narinig niya uli ang tinig ni Meldy sa pag-uusap nila kanina.

Sabagay nga. At hindi pa siya nagmi-menopause! Malakas pa ang regla niya. Normal pa ang buwanang dalaw niya!

Muli, paano? Magpa-paskel ba siya sa harapan ng bahay nila ng ganito? WANTED: MANLILIGAW! ASAP! Paano kung ‘di niya magustuhan ang manliligaw sa kan’ya?

O kaya ganito – WANTED: BABY MAKER!

Gustong batukan ni Andrea ang sarili. Nababaliw na nga yata siyang talaga sa mga walang k’wentang bagay na iniisip niya.

Walang k’wenta? Hindi walang k’wenta ang mangarap na magka-anak. Kailangan niya ng anak. Iyon ang magpapa-kumpleto ng pagkatao niya. Iyon ang magpapasaya sa kan’ya. Iyon ang makakasama niya sa kan’yang pagtanda! At iyon ang magpapalimot sa kan’ya nang lahat ng kabiguan niya sa buhay.

Napasulyap siya sa larawan ng ina na nakasabit sa dingding.  “Patawad, ‘Nay. Kung mali man ang mga naiisip kong ito.” usal niya.

Mga Comments (1)
goodnovel comment avatar
Bhie Rambonanza In
hala buhos luha ko d2 un nlng pala ang huling gabi ng nanay ni Andrea at naiwan na syang mag-isa
Tignan lahat ng Komento

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status