Share

The Seven Killer Man [Tagalog]
The Seven Killer Man [Tagalog]
Author: shitloccah

[TRIST] Synopsis And Part1.1: Santa Demon Resort

SYNOPSIS

Buong akala ni Ynaria ay doon nagtatapos ang malagim na nangyari sa kanila ng mga katrabaho niya nang magpunta sila sa resort sa Laguna para i-celebrate ang ika-limang anibersaryo ng Seven Restaurant. Ngunit sa kanilang pagbabalik sa Maynila ay muling may magpaparamdam bilang pabala.

Isa-isang may mawawala. Matutuklasan ang itinatagong lihim. At sino nga ba ang may pakana?

~*~

Part1.1: Santa Demon Resort

KARARATING lamang nina Clement Hanz at Ynaria Gregorio sa labas ng resort kung saan hinihintay sila ng kanilang katrabaho, naunang pumunta ang mga katrabaho nila dahil sa excited ang mga ito. Dalawang araw lang naman sila mananatili sa resort na kanilang nireserba. 

Bumaba ng kotse si Ynaria kasunod nito si Clement. Magkatrabaho sila sa pinapasukan nilang restaurant, at dahil ikalimang anibersayo ng kanilang restaurant nagpasya ang kanilang Boss na mag-outing sila. Libre lahat ng kanilang Boss ang gastusin sa resort at pati na rin ang mga pagkain.

"Nasaan sila?" Nagtatakang tanong ni Ynaria nang madatnan nito na walang taong naghihintay sa labas ng resort.

Ngunit nanindig ang balahibo ni Ynaria nang mabasa ni Clement ang pangalan ng resort. "Welcome to Santa Demon Resort."

"Hindi ko maintindihan. Sa dami ng resort dito sa buong Laguna, bakit ito pa talaga napili ng boss natin!" Reklamo ni Ynaria.

"Ang cool ng name, kakaiba parang horror ang theme." Namamanghang komento ni Clement.

Inilibot ni Clement ang paligid sapagkat pinapalibutan sila ng nagtataasang puno. Samantalang si Ynaria ay napalingon na lamang sa labas ng gate nang maramdamang may tao sa likuran nila. Napakunot-noo ito nang makitang may batang nagtatago sa likod ng puno.

"Bakit may bata dito?" Bulong ni Ynaria

"Ynaria, pasok na tayo sa loob." Aya ni Clement. Kinuha pa nito ang kanilang mga gamit sa kotse.

"Manager Clement, may bahay ba dito?" Tanong ni Ynaria.

"Hindi ako taga Laguna kaya 'di ko alam," umiiling na tugon ni Clement. "Bakit mo naman naitanong?"

"Parang ang weird lang, kasi puro puno yung nadaanan natin at walang bahay sa paligid tapos may nakita akong bata nagtatago sa puno." Pagtatakang sambit ni Ynaria sabay dinuro pa nito ang puno.

Sinundan ng tingin ni Clement ang punong tinuro ni Ynaria kung saan may nakita itong batang nagtatago sa likod nito.

"Walang bata," ani Clement. "Alam mo gutom ka lang kaya kung anu-ano na nakikita mo. Tumawag sa akin si Boss at pinapasok na niya tayo sa loob!"

"Pero--" Hindi naituloy ni Ynaria ang sasabihin nang hilahin siya ni Clement kung kaya't wala na itong nagawa kundi ay magpatangay.

Sinalubong sina Ynaria at Clement ng kanilang katrabaho nang tuluyang pumasok sila sa loob.

"Kanina pa namin kayo hinihintay!" Bungad ni Helen Kio.

"Ang tagal sunduin ako ni Manager Clement!" Tugon ni Ynaria kay Helen. Lihim na inirapan pa nito si Clement.

"Manager Clement, mukhang napapadalas ang pagdikit mo kay Ynaria ah!"  Pabirong sambit Dylan Agon.

"Nagkataon lang na magkalapit kami ng bahay," natatawang turan ni Clement kay Dylan. "Wag mo lagyan ng malisya!" Nagpapastikuhan dagdag pa nito.

"Okay, sabi mo, e!" Kibitbalikat na sambit ni Dylan.

"Let's go guys sa cottage!" Wika ni Helen.

Pagkarating nina Helen, Dylan, Ynaria at Clement sa cottage nadatnan nila yung tatlo pa nilang katrabaho kasama ang kanilang Boss. Ang cottage na kanilang inuokupa ay tila bahay ang istilo, malaki at kapansin-pansin ang istraktura na may disenyong sinaunang panahon sa Pilipinas.

"Boss Trist Waltz, sorry late kami." Paghingi agad ni Ynaria ng paumanhin.

"Sa palagay ko hindi mo na dapat sinabi 'yan." Mahinang sambit ni Clement kay Ynaria.

"H'wag ka mag-alala, hindi iyon big deal." Kalmadong tugon ni Trist. Nakaupo ito sa stool bar at may iniinom na wine.

"Oh 'di ba, sabi ko sa'yo h'wag mo alalahanin si Trist." Komento ulit ni Clement kay Ynaria.

"Boss," tawag pansin ni Ryan Cruz kay Trist. "Ang aga mo uminom ah, bakit 'di niyo hintayin maggabi para naman makapagparty-party mamaya."

"Oo nga, Boss." Sang-ayon ni Paul Jimenez.

"Basta, akong bahala sa palaro!" Singit ni Wendy Duart

"Tama na nga 'yan hayaan niyo na lang muna si Boss, okay?" Kontra ni Helen. "Let's go sa pool!" Masayang sigaw pa nito.

Si Helen ang unang lumabas sa cottage na sinundan naman nina Dylan, Ryan at Paul papunta sa pool na may 6ft. ang taas. Samantalang sina Trist, Ynaria, Clement at Wendy ay naiwan sa cottage. Napaupo na lamang si Ynaria sa pahabang sofa at nagcellphone, habang si Wendy naman ay nagtungo sa kusina. Nilapitan naman ni Clement si Trist sa stool bar.

"Ang daya mo 'di ka man lang nang-alok!" Ani Clement ang tinutukoy nito ay ang pag-inom ni Trist ng wine.

"Late ka dumating." Tipid na sagot ni Trist saka ito nagsalin ng wine sa baso nito.

"Matanong ko lang, bakit ito yung napili mong resort?" Kuryos na tanong ni Clement.

Uminom muna ng alak si Trist bago sumagot. "Welcome to my resort!"  Nakangiting anito kay Clement dahilan upang matigilan.

"A-Ano? Sayo itong resort?" Hindi makapaniwalang turan ni Clement.

"Yes, bakit nasupresa ba kita?" Natatawang ani Trist.

PAGKAGAT ng gabi nagsimulang mag-enjoy ang lahat ng trabahador ni Trist. Ang lahat ay nasa pool habang may iniinom na alak at sinasabayan pa ng pag-indak ng masayang musika. Samantalang si Trist ay heto nasa kwarto at mahimbing ang tulog dahil nalasing ito buhat nang maaga itong uminom ng alak kung kaya't hindi na nito nagawa pang makisabay sa party ng mga trabahador niya.

Mga ilang minuto pa'y nagising si Trist dahil nakaramdam ito ng inang kalikasan. Bumangon ito't nagtungo sa comfort room, pagkatapos umihi ay bumalik ito sa paghiga ngunit sa pagkakataong iyon ay 'di na nito nagawa pang matulog ulit. Sa halip yinukom nito ang kaliwang palad matapos nito maalala ang pagkamatay ng matalik na kaibigan.

Muling bumangon si Trist saka ito nagtungo sa bintana. Sinilip ang mga trabahador sa pool na abalang nagsasaya. Humugot ng malalim na hininga si Trist habang pinapapanuod ang mga trabahador. Ngunit nanindig ang kanyang balahibo nang humangin bigla sa loob ng kanyang kwarto. Sa mga sandaling iyon 'di maipaliwanag ng kanyang nadarama kung bakit tila ang kanyang paligid ay mahangin kung gayon naman ay hindi nakabukas ang aircon. Ngunit ang kanyang nararamdaman sa pagkakataong iyon ay kakaiba. Malamig at nakakatakot. Ilang saglit pa nawala ang malamig na hangin sa loob ng kanyang kwarto. Mula sa madilim na kwarto inilibot ni Trist ang paligid. Huminto ang kanyang tingin sa salamin. Bagamat madilim may naaaninag itong anino.

"S-Sino ka?" Lakas loob na tanong ni Trist kahit pa'y ang kanyang nararamdaman ay takot.

May isa pang lumitaw na anino sa pintuan ng kanyang comfort room. At pagkatapos ay isa-isang nagsipaglitawan ang mga anino sa bahaging sulok ng kanyang kwarto, hanggang sa unti-unting kanyang nasisilayan ang mga itsura nito. Nanlaki ang kanyang mga mata sa takot nang malaman nitong nagpaparamdam ang mga taong naging bahagi ng buhay niya noon. Kasama naroon ang kanyang matalik na kaibigan.

"Hindi niyo ko matatakot!" Nauutal na sambit ni Trist. "Mga patay na kayo!" Matapang na dugtong pa nito. Kasabay ng mariing magpikit nito ng kanyang mga mata. At sa kanyang muling pagdilat ay naglaho ang mga kaluluwang nagparamdam sa kanya.

UMAHON sa pool si Ynaria na sinundan naman ni Helen. Nagtungo silang dalawa sa kusina upang uminom ng tubig at mawala ang hilo na kanilang nararamdaman dulot ng pag-inom nila ng alak. Nang matapos uminom ay nanatili pa rin sa kusina sina Helen at Ynaria, saka sila umupo sa sink.

"Ynaria, sinong nagugustuhan mo sa mga kasama nating lalaki?" Walang pakundangan na tanong ni Helen.

Natatawang umiling muna si Ynaria bago sumagot sa tanong ni Helen. "Wala. Wala akong gusto sa kanila. saka trabaho lang talaga ang hanap ko at hindi pag-ibig."

"Talaga? Paano kung may manligaw sa'yo isa sa mga kasamahan natin, anong gagawin mo?" Dagdag tanong pa ni Helen.

"I don't think so." Tipid na sagot ni Ynaria.

"Halimbawa, paano kung parehong manligaw sina Boss at Manager Clement sa'yo. Oh anong gagawin mo?"

Bumaba sa sink si Ynaria saka muling umiling. "Posible 'yang sinasabi mo!" Natatawang pagtanggi nito.

Napabuga na lamang ng hininga si Helen dahil sa kawalang pangungumbinsi kay Ynaria. "Diyan ka na nga, punta lang ako sa comfort room." Ani Helen. Saka ito nagtungo sa comfort room.

Bumuntong hininga si Ynaria at umiling nang iwan siya ni Helen. "Imposible yung mga sinasabi niya." Kibitbalikat na sambit ni Ynaria.

Natigilan si Ynaria nang maramdamang malamig ang paligid kasabay ng pagtaas ng kanyang balahibo. Sa mga sandaling iyon muling naramdaman ni Ynaria ang presensyang kanina pa nito naramdaman sa labas pa lamang ng resort. Nakita ni Ynaria ang bata sa tapat ng pintuan ng cottage. Deretsong nakatingin ito sa kanya kung kaya't 'di niya maiwasang magtaka.

"Anong ginagawa mo dito?" Tanong ni Ynaria sa bata.

Sa halip sumagot ang bata may tinuro ito sa labas. Napakunot-noo si Ynaria sa kawalang ideyang ipinapahiwatig ng bata. Biglang tumakbo ang bata dahilan upang ito'y kanyang sundan. Tila naglaho ang bata na parang bula nang mapunta siya sa gate at hanapin ang bata ngunit sa kasamaang-palad ay 'di niya ito nakita. Siya'y nananatiling nakatayo sa harap ng gate ngunit bakas sa mukha ang pagtataka kung bakit dinala siya ng bata sa gate.

Humugot ng hininga si Ynaria bago nito buksan ang gate ngunit sa pagkakataong iyon biglang sinalakay ng matinding kaba si Ynaria nang hindi nito mabuksan ang gate. Nang mga sandaling iyon muli niyang naramdaman ang malamig na hangin dahilan upang matigilan at manindig ang kanyang balahibo. Nakikita niya sa gilid ng kanyang mga mata ang kaluluwang hindi matahimik. Matiim nakatingin ang mga ito sa kanya habang nakapalibot ang mga ito sa kanya. Sa paraan ng pagtingin ng mga ito sa kanya ay tila may ipinapahiwatig ito sa kanya, ngunit 'di niya matukoy kung anong ibig sabihin ng mga ito; tulad na lamang sa batang kanyang nakikita.

Biglang bumukas ang gate dahilan makaramdam ng takot si Ynaria, sa pagkakataong iyon hindi niya alam kung anong gagawin sapagkat nais man niyang umalis mula sa kanyang kinatatayuan ay 'di niya magawa.

"Ynaria, wag kang matakot okay? Mga kaluluwang hindi matahimik ang mga iyan!" Pagpapalakas loob ani Ynaria sa sarili. Ngunit kahit anong gawin niya ay nananaig ang takot.

Lakas loob pumihit si Ynaria upang harapin ang mga kaluluwang nagpaparamdam sa kanya, ngunit sa kanyang pagharap ay mukha ni Trist ang bumulaga sa kanya. Gulat niya itong tinignan kasabay ng paghabol ng kanyang hininga na animo'y sumali ng fun run.

"Ynaria, ayos ka lang?" Nag-aalalang ani Trist. Inalayan pa nito si Ynaria na hindi naman nito nagawa pang tumanggi. "Anong nangyari sa'yo at anong ginagawa mo dito?"

Yumukong umiling si Ynaria saka nito hinarap si Trist. "Wala," sagot ni Ynaria. Tila nabunutan ito ng tinik nang maglaho ang mga kaluluwa pero hinanap nito ang bata.

"May hinahanap ka?" Tanong ni Trist nang mapansin nito na may hinahanap si Ynaria sa paligid. "Maaari mong sabihin sa'kin?" Dagdag pa nito.

"Hindi na mahalaga iyon," tugon Ynaria. "Balik na ko sa loob." Dugtong pa nito at iniwan si Trist.

NAGISING ng 1am si Ynaria nang makaramdam ito ng pagkauhaw. Katabi nito sa pagtulog sina Helen at Wendy, habang sina Clement at Dylan ay magkasama sa kabilang kwarto. Maging sina Paul at Ryan ay nasa isa pang kwarto. Si Trist naman ay mag-isa lang sa sarili nitong kwarto. Bumangon ito't lumabas ng kwarto, tinungo ang sink ng kusina at uminom ng tubig. Natigilan ito nang makarinig ng kaluskos mula sa kung saan kung kaya't pumihit ito paharap. May naaninag siyang ilaw mula sa katabing pinto ng comfort room. Muli nitong naramdaman ang matinding kaba nang bumukas ang pinto ng kusa. Lakas loob itong pinuntahan ni Ynaria subalit nagtaka ito nang malaman na mayroong hadgan pababa.

"May tao ba d'yan?" Ani Ynaria. Sinisilip pa nito kung talagang may tao sa baba.

Bagamat maliwanag, dahan-dahan bumaba ng hagdan si Ynaria sinisigurado nito na hindi maiistorbo ang taong nasa baba. Nang tuluyang bumaba si Ynaria inilibot nito ang paligid. Halatang bodega ito dahil sa makalumang amoy, puro alikabok at malamig sa buong paligid. Inikot ni Ynaria ang buong paligid hanggang sa huminto ito sa ilalim ng hagdan ng dumako ang paningin nito sa isang album na kulay pula. Nakapatong ang album sa ibabaw ng desk. Nilapitan niya ito't pinagpagan saka niya ito kinuha at binuklat. Nagulat ito nang makita ang mukha ng taong pamilyar sa kanya. Sa mga sandaling ito tanging katanungan ang bumalot sa kanyang isipan, hindi mawari kung anong uunahin sapagkat nakaramdam ito ng takot.

Binuklat pa ni Ynaria ang kasunod nitong pahina. Mga taong hindi niya kilala. Bumuntong hininga siya't sinarado ang album kasabay ng pagpatong nito sa ibabaw ng desk. Pagtalikod ay bigla na lamang nagpatay sindi ang ilaw kung kaya't nagsimula siyang kabahan. Nanlalamig ang kanyang mga kamay nang muli nitong nilibot ang paligid. Sa pagkakataong iyon ay hindi siya nag-iisa. Muling nakita ni Ynaria ang mga kaluluwang nagparamdam sa kanya sa gate. Mga nakatayo ito sa gilid ng hagdan at matalim na nakatitig sa kanya. Sa takot niya ay tumakbo ito paakyat ng hagdan ngunit bigla na lamang sumarado ang pinto nang lalabas na sana siya. Sa sobrang takot aligagang pinihit nito ang doorknob ngunit bigo ito nang hindi bumukas ang pinto. Nilingon ni Ynaria ang mga kaluluwa naroon pa rin ang mga ito at nakatingin lang sa kanya. Nagsisimula na siyang magpanic at maiyak dahil sa takot.

"Tulong! Buksan niyo 'tong pinto!" Sigaw ni Ynaria kasabay ng sunod-sunod nitong pagkatok. "Hindi ako makalabas, tulong! Tulungan niyo ko!" Pagmamakaawa pa nito. Sa pagkakataong iyon parang gripong nagsipagtulo ang kanyang mga luha. Nawawalan ng pag-asa na baka walang tumulong sa kanya.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status