The Billionaire Who Watched me Die
Sa loob ng limang taon ng kasal, buong puso at kaluluwa na ibinigay ni Theariza Huston ang sarili upang maging karapat-dapat na asawa ng makapangyarihang si Alexander Huston. Tiniis niya ang malamig na tingin ng pamilya nito, ang mga bulong sa likod ng kanyang likod, at ang sakit ng paulit-ulit na tanong—“Bakit hanggang ngayon wala pa rin siyang anak?”
Araw-araw niyang pinilit maging perpektong asawa. Nagdasal. Umiyak nang palihim. Umasa na balang araw ay muli siyang titingnan ng kanyang asawa tulad ng dati—na may pagmamahal.
Ngunit habang lumilipas ang mga taon, unti-unting naging malamig ang lalaking minsang nangakong siya lamang ang mamahalin.
Hanggang dumating ang araw na tuluyan siyang sinukuan.
Sa utos ng pamilya Huston, napilitan siyang tanggapin ang isang surrogate mother—ang perpektong si Althea Montoya. Maganda. Elegante. At may kakayahang ibigay ang tagapagmanang hindi niya kayang ibigay.
Ngunit ang babaeng iyon ang naging simula ng kanyang pinakamadilim na bangungot.
Sa kanyang unang buhay, ninakaw sa kanya ang lahat—ang kanyang dignidad, ang kanyang asawa, at maging ang kanyang karapatan bilang legal na asawa. At sa huli, pinatay siya ng mismong mga taong pinili niyang mahalin at pagkatiwalaan.
Ngunit hindi doon nagtapos ang kanyang kwento.
Nagising siyang muli… sa nakaraan.
Sa kanyang ikalawang buhay, sinubukan niyang baguhin ang kapalaran. Naging maingat siya. Lumayo. Nanahimik. Ngunit kahit anong gawin niya, tila nakatakda pa rin ang kanyang kamatayan.
Muli siyang pinatay.
Ngayon, sa kanyang ikatlong buhay, bumalik siya na may dalang galit, alaala, at katotohanan.
Hindi na siya ang mahina at umiiyak na babae na umaasa sa pagmamahal ng isang lalaking hindi marunong magmahal.
Sa pagkakataong ito, hindi na siya magmamakaawa.
Gaganti siya.
Makakamit nga ba niya ang paghihiganting matagal niyang inaasam?
O ang kanyang ikatlong buhay ang magiging huling pagkakataon para sa isang pagmamahal na matagal na niyang inilibing?