THE THIRDS MINI-SERIES (FILIPINO ROMANCE)
THE THIRDS MINI-SERIES (FILIPINO ROMANCE)
Author: Jessica Adams
THE THIRDS BOOK 1: THE LAST WALTZ (KABANATA 1)

FOUNDATION Ball, bahagi iyon ng pagdiriwang ng Foundation Month sa St. Joseph University. Wala talaga sa plano niya ang pumunta kundi lang niya naipangako sa bestfriend niyang si Hara dahil hindi siya nakapanood noong nagdaang Rock Fest.

Napabuntong hininga si Vinnie saka nangalumbabang pinanood ang maraming pares na nagsasayaw sa dance floor ng malaking auditorium ng SJU.

At dahil sa lamyos ng mga tugtugin ay hindi na niya mabilang kung ilang beses na siyang naghikab dala ng antok at boredom.

“Hey, are you okay?” si Hara nang daluhan siya nito.

“Mukha ba akong okay? Gusto ko ng umuwi, inaantok na ako,” angal niya.

“Ang kj mo ah! Bakit kasi panay ang tanggi mo sa mga nag-aalok sayo ng sayaw?”

“Eh sa hindi ko sila type eh!” inis niyang sagot.

Umikot ang mga mata ni Hara. “Wow ah, alam mo bang iyong tinanggihan mo kaninang naka pulang long sleeves ay Mr. Business Administration?”

“Kahit anong Mister pa siya, wala talaga ako sa mood. Sana di nalang ako pumunta di sana nananaginip nako ngayon,” nakasimangot niyang turan.

  Magsasalita pa sana si Hara pero napigil ang mga sasabihin pa nito nang lapitan nanaman ito ng isang gwapong binata.

“Wait lang ah?” nakangiti nitong sabi na tinanguan lang niya.

Naiwan siyang nanunulis ang nguso saka dinampot ang baso ng juice at uminom.

Kung may isang Prince Charming na lalapit sakin ngayon para alukin akong magsayaw ng waltz, pwede pa siguro.

“ANO nakailan ka? Nabilang mo ba?” ang tanong sa kanya ni Dave nang daluhan niya ito sa mesa nila.

“Hindi eh, pero isa lang ang sigurado. Lahat magaganda at seksi,” may kapilyuhan niyang turan.

Tinawanan iyon ni Dave.

“Mabuti pa si Raphael ano?” anitong tinapunan ng tingin ang kababata nilang nagsasayaw kasama ang tatlong linggo narin nitong nobya na si Louise.

“Darating din iyong para satin, huwag kang mainip,” aniya.

“Darating, e diba may Irene kana? Oo nga pala ba't hindi mo siya kasama?”

“Galit sakin, para natanong ko lang kung sino iyong madalas na tumatawag sa kanya bigla ng nagtaas ng boses at inaway ako kahit nasa restaurant kami,” napabuntong hininga pa siya nang maalala ang ginawang iyon ng nobya.

Nangalatak si Dave. “Iba yan pare, baka siya na ang karma mo?”

Tumawa siya ng mahina at piniling huwag ng sagutin ang sinabi ng kaibigan. Kahit gusto niyang sabihing wala siyang ibang nararamdaman kay Irene maliban sa simpleng atraksyon.

Nasa ganoong ayos siya nang may mahagip ang kanyang mga mata sa di kalayuan makalipas ang ilang sandali.

Kasabay niyong pumailanlang ang hudyat na ng pagtatapos ng programang iyon. Isa iyong waltz music o mas kilala sa tawag na The Last Waltz.

Tradisyon na ang The Last Waltz sa SJU sa kahit anong pagtitipon sa unibersidad na may pasayaw. Sariling komposisyon ito ng namayapa na at dating musical director ng SJU Orchestra at tinugtog rin mismo ng SJU Orchestra. 

Hindi siya nag-aksaya ng panahon. Tumayo siya saka naglakad palapit sa kinaroroonan ng babaeng kahit may suot na salamin sa mata ay napakalakas ng dating sa kanya.

Kulay dilaw ang simpleng dress na suot nito at maganda ang naging contrast niyon sa itiman nitong buhok. Nang makalapit siya rito ay nakita niya ang pagkailang sa mga mata nito. Napangiti siya, halatang mahiyain ang dalaga.

“Hi,” aniyang nakangiti. Noon siya nito nilingon saka pinaglipat-lipat ang paningin sa mukha at kamay niyang noon ay nakalahad sa harapan nito. “napansin ko mag-isa ka. Can I have this dance with you?”

Isang pilit na ngiti ang pumunit sa mga labi ng dalaga. At sa kabila ng nakikita niyang pag-aalinlangan sa mga mata nito ay malugod parin nitong tinanggap ang alok niya.

Weird pero lihim niya iyong ipinagpasalamat dahil kung tumanggi ito, iyon ang unang pagkakataong tinanggihan siya ng isang babae.

Mahusay itong magsayaw ng waltz. At habang nagsasayaw sila ay nanatili lang itong nakayuko at hindi siya tinapunan ng sulyap minsan man. Ramdam niya ang panginginig ng kamay nito kaya naisip niyang huwag nalang magsalita para hindi ito mailang sa kanya.

The same reason kung bakit minabuti niyang huwag ng tanungin ang pangalan nito. Why he had this strange feeling na hindi iyon ang una at huli nilang waltz. Kahit iyon din ang unang pagkakataong hindi siya nambola ng babaeng kasayaw niya.

It seems that my wait is over.

Naisip pa niya pagkuwan saka wala sa loob na napangiti.

TWO WEEKS LATER

PANAY ang tingin ni Vinnie sa suot na relo. Talagang late na siya, dahil kahit paliparin pa ng traysikel driver ang motor nito ay hindi parin siya aabot.

Bakit naman kasi nagpuyat pa ako kagabi eh alam ko namang may report ako ngayon!

Hilig kasi niya ang manood ng mga drama sa TV tuwing gabi. At iyon ang dahilan kung bakit siya  tinanghali ng gising.

Bukod sa traffic na ay nasa may simbahan palang sila ng St. Joseph Cathedral na may kalayuan pa sa St. Joseph University kaya hindi napigilan ang mapasimangot.

Kahit naman kasi itext ko si Hara para ipasabi kay sir Giron na male-late ako hindi rin 'yun panigurado ng tatanggaping ni sir.  Ano ako boss na pwedeng hintayin ng mga empleyado kahit late na sa meeting?

First year BS Psychology student siya sa SJU. Iyon ay sa kabila ng pagpipilit ng tatay niya na maging Accountant siya. Wala kasi doon ang interes niya, kahit pa sabihing mahilig siyang mag-ipon ng pera.

Paaral siya ng kuya niyang si Lloyd. Walong taon ang gap nila ni Lloyd, pero hindi iyon naging hadlang para maging malapit sila ng husto. SJU graduate rin ito at ngayon ay isa ng magaling na Arkitekto sa Amerika.

Doon ito ipinadala ng pinagtatrabauhan nitong kumpanya sa Maynila.

Hindi sila hirap sa buhay dahil maganda naman ang kita ng babuyan nila na parehong pinagyayaman ng mga magulang nilang sina Melchor at Selma. Pero dahil nga binata at walang nobya, si Lloyd na ang sumasagot sa lahat ng gastusin niya sa pag-aaral.

Kapalit ang pangako niyang hindi makikipagnobyo hangga't hindi pa nakakapagtapos. Bagay na sinang-ayunan naman niya dahil kung siya ang tatanungin wala pa naman talaga sa isip niya ang pakikipag-nobyo.

Kumusta na kaya siya ngayon? Naiisip kaya niya ang kuya ko? Sinayang lang niya ang pagmamahal ni kuya sa kanya.

Si Cassandra ang babaing tinutukoy niya. Ang long time college girlfriend noon ni Lloyd na binalak pa nitong pakasalan. Naging saksi siya mismo sa pagmamahalan ng dalawa kahit nang mga panahong iyon kung tutuusin ay napakabata pa niya.

Nakita niya kung paano minahal ng kuya niya ang dating nobya. At masaya siya kapag nakikita niya ang kakaibang kislap sa mga mata ni Lloyd noon. Hindi naman nakakapagtaka iyon, kasi magkapatid sila. Gaya nga ng madalas niyang marinig sa nanay nila. Isa lang ang pusod nila kaya kung ano ang maramdaman ng kuya niya ay ganoon rin ang sa kanya.

Kaya naman nasaktan din siya ng husto nang malamang ipinagpalit ito ni Cassandra sa ibang lalaki na napag-alaman pa niyang mas bata ng apat na taon sa kuya niya.

Maraming gwapo, maraming ring mayaman. Pero iyong magmamahal ng husto. Iyong kahit buhay niya kaya niyang ibigay para sayo. Iyon siguro ang mahirap hanapin. Parang si Kuya. Sana may makilala akong kagaya niya someday.

Sa isiping iyon ay napalabi ng wala sa loob.

Wow  Audi!

Nang matanawan niya ang kulay silver na kotseng nakaparada sa tapat ng gate ng simbahan, hindi iyon malayo sa kanilang kinaroroonan. At iyon rin ang tila nagpabalik ng isip niya sa kasalukuyan.

Muli niyang sinipat ang suot na wrist watch. Saka walang anumang sinuri ang repleksyon niya sa rear view mirror na nasa loob ng traysikel.

Pagkatapos ay hopeless na nagbuntong hininga saka isinandal ang ulo sa headrest ng traysikel.

Lord, maghimala kayo please?

Pikit mata niyang dasal.

Comments (1)
goodnovel comment avatar
Jacob Bravo
love this!
VIEW ALL COMMENTS

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status