Chapter 2

PAGKABABA sa kotse ay si Gab agad ang bumungad sa akin. Halatang galit na galit at gusto na akong saktan.

Tinignan ko ang oras sa suot na relo. “Hindi ako late,” ang sabi ko sa kanya.

“Tang*na mo!” isang malutong na mura ang sinagot niya sa akin. Buti na lang at pabulong niya iyong sinabi dahil baka marinig siya ng staff na nasa paligid.

“Bakit na naman?!” ang reklamo mo.

Hinawakan niya ng mahigpit ang braso ko na kulang na lang ay baliin. “Ngumiti ka,” ang utos niya sa akin.

Kahit gustong-gusto ko ng mapaaray sa sakit ng pagkakahawak niya ay sumunod ako. “Masakit, gag*!” ang pabulong kong reklamo. Gusto nang tanggalin ang kamay niya.

“’Di ba sabi ko sa ‘yo ‘wag mo munang puntahan ‘yang babae mo… putulan kita ng ano r’yan, eh, makita mo.”

“May pangalan siya.”

“Wala akong pakialam kung may pangalan man siya o wala. Babae mo naman ‘yan kaya wala akong paki. Ang akin lang baka may makakita sa ‘yong paparazzi.”

“Wala naman, eh, at saka maingat ako. Walang makakahuli sa ‘kin.”

“Dapat lang dahil mapapatay muna kita bago may makahuli sa ‘yong paparazzi,” ang pagbabanta niya sa akin na lagi ko namang hindi siniseryoso. Palagi naman siyang nagbabanta sa akin pero hindi naman magawa-gawa.

“Oo na, oo na… tapos ka na? Kasi magpapa-ayos pa ako sa make-up artist.”

Ngiting-ngiti si Gab sa akin kaya agad akong kinilabutan. Iba ang hatid na kilabot sa akin ng ngiti niya… may hatid na kamatayan.

Napa-sign of the cross tuloy ako nang makalayo sa kanya.

Akala ko ay hanggang doon lang ang kilabot na mararanasan pero nagkamali ako. Dahil kahit inaayusan na ako ng make-up artist ay napapansin ko naman sa reflection ng salamin ang mga titig ni Gab. Nandoon pa rin iyong ngiti niya. Na may kasama pang bulong, “Ang kati ng kamay ko ngayong araw.”

“Po?” ang tanong naman ng make-up artist na nag-aayos sa akin.

“Wala, bigla kasing nangati ang kamay ko… parang may gustong saktan.”

Nakita ko sa reflection ng salamin na naguluhan iyong make-up artist.

“Ituloy mo na ‘yang ginagawa mo,” ang utos ko—baka bigla na lang akong bumulagta kapag nagtagal pa ako rito kasama si Gab.

NAKAPUWESTO na ako at pati ang partner para sa scene na ito. Hinihintay na lang namin ang cue ng director.

“Nakahanda na ba ‘yang pisngi mo?” ang tanong ni Kim—co-artist at ang ka-loveteam ko sa dramang ginagawa namin.

“Siyempre hindi, sinong tao ang gustong masampal?” ang sagot ko.

“Dapat kasi nagkontra-bida ka para ikaw ‘yong nananakit,” ang komento niya.

“Nagsalita ang babaeng laging papel sa drama ay kawawa.”

“Ako na kaya ang sumampal sa ‘yo sa halip na si Jessa.”

Inismiran ko lang siya at hindi na pinansin.

“Wow! Salamat, ah… hindi ko alam kung bakit kita naging kaibigan ng ilang taon.”

“I love you, Kim,” ang komento ko na lang.

“Yuck! Nakakasuka.”

Tinawanan ko na lang ang reaksiyon niya sa sinabi ko.

“Kim, Aaron, handa na ba kayo?” ang tanong ng staff na lumapit sa amin.

Tumango lang kaming dalawa bilang sagot at naghanda na.

“Okay, ulitin ko lang ang scene niyo ngayon… kumakain kayo ng biglang dumating si Jessa at susugurin ka Kim.”

“Okay,” ang sagot ni Kim habang nakatingin sa script.

“Tapos aawatin mo naman si Jessa—" sabay tingin sa akin. "At sasampalin ka pagkatapos… nakausap ko na si Jessa sa scene na ito. Kailangan niyo itong ma-perfect para hindi ka masampal ng paulit-ulit.”

Tumango naman ako kahit gusto kong sabihin na ‘nobody’s perfect’.

“Sige, akin na ang mga script niyo at magsisimula na raw sabi ni Direk.” Umalis din siya matapos makuha ang script.

Ilang beses kong hinimas ang mukha para ihanda sa sampal mamaya.

“Okay! Humanda na ang lahat…” ang sigaw ng director. “In 3…2…1…action!”

PASAKAY na kami sa elevator nang mag-ring ang cellphone ni Gab. Agad kong nakita ang pangalan ng isang babae na naka-registered sa caller ID.

“Mauna ka na sa taas… sasagutin ko lang ‘to,” ang utos niya sa akin.

Siguradong isa na naman iyon sa mga fling na tinataguan niya.

Pagkarating sa tamang floor ay agad akong nagtanong sa secretary ni Mr. Ben—ang CEO ng T. R. Entertainment Company.

“Nasa loob ba si Mr. Ben?”

“Lumabas lang po sandali, pero ang bilin sa akin ay papasukin ka raw agad sa loob,” ang sagot naman nito.

Tumango lang ako at nagtuloy-tuloy na sa loob ng office. Medyo natigilan pa ako nang makita ang anak ni Mr. Ben.

“Nandito ka pala,” ang bati ko sa kanya agad.

“Hello…”

Tumaas ang kilay ko ng akalang may sasabihin pa siya. “Ngayon na lang ulit kita nakita after…”—ilang months na nga ba? Hindi ko na matandaan.

“7 months, 12 days and 4—“

Bigla akong natawa. “Grabe, tinandaan mo talaga?”

Bahagya siyang tumalikod sa akin… marahil nahihiya.

“Hinihintay mo si Daddy?” ang pag-iiba niya ng usapan.

Umupo ako malapit sa tabi niya at agad napansin ang balikat niyang naninigas.

Naalala ko tuloy noong huli kaming nagkita.

Inamin niyang crush niya ko. Grabe ang itsura niya noon… parang paiyak na.

Hindi ko tuloy alam ang gagawin… maraming beses ng may nag-confess sa akin. Pero bukod tanging siya lang ang nag-confess at pagkatapos ay umiyak.

Mabuti na lang at hindi nagtanong si Mr. Ben matapos niyang makitang umiiyak ang anak… baka wala akong maisagot kapag talagang nagtanong ito.

“Hanggang ngayon ba crush mo pa rin ako?” ang tanong ko pabalik.

“Hala!” ang tangi niya lang nasagot at agad yumuko.

Natawa tuloy ako ng malakas. “Ang cute-cute mo talaga kapag nahihiya,” ang komento ko pa.

“Kaya ayokong magpunta rito, eh! Tutuksuhin mo lang uli ako."

“Eh, ba’t ka kasi nag-confess? Alam mo namang tutuksuhin talaga kita.”

Tinignan niya ako ng masama. “Crush lang naman, eh… at saka pawala na rin ‘to. Baka sa susunod nating kita ‘di na kita crush,” ang tugon niya.

“Huwaw! Lupet, ah,” ang nasabi ko na lang at pagkatapos ay niyakap siya. “Na-miss kita,” ang bulong ko.

Yumakap din siya pabalik sa akin. “Ako rin.”

“Ikaw kasi, eh… dapat hindi ka nagkakagusto sa akin… ‘yan tuloy hindi mo ako nakita ng ilang buwan.”

“At kasalanan ko pa? ikaw kaya ‘tong masiyadong pa-fall.”

Tinignan ko ang mukha niya. “O, ba’t naging kasalanan ko? Kapatid lang kaya tingin ko sa ‘yo… ‘yun pala may pagnanasa ka na sa ‘kin.”

Bigla niyang hinampas ng ilang beses ang balikat ko. “Ang kapal mo! Hindi ka naman gwapo!”

“O, ba’t ikaw? Maganda ka ba?” balik asar ko sa kanya.

“Sabi mo kaya kanina ang cute ko!”

“Magkaiba ‘yun—” bigla niya akong tinulak… naku, mukhang nagtampo na talaga.

Ilang sandali kaming natahimik bago ako nag-decide na kausapin siya ulit. “Balita ko ay mag-o-on-the-job training ka na this month?”

Magsasalita pa sana ako dahil mukhang wala siyang balak kausapin ako nang ilang sandali lang ay sumagot siya, “Yup, this month na… sana lang maging maganda ang experience ko.”

“Sigurado ‘yan… ikaw pa.” Sabay gulo sa buhok niya.

Dahil siya iyong batang nakilala ko ten years ago na laging positibo ang tingin sa buhay… kahit sobrang toxic na ng mundo.

***<[°o°]>***

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status