Share

That Summer...the Rain Pours
That Summer...the Rain Pours
Author: LorieMeTangerine

PROLOGUE

"Gwynette! Gwynette!” sa araw na iyon ay isang tinig ang maririnig. Mula iyon sa isang dalagitang halos hindi na makahinga dahil sa impit na pag-iyak na naglalakad sa ilalim ng matinding sikat ng araw. Aligagang palakad-lakad sa kalsada at halos mabangga na niya ang mga taong nakasasalubong niya.

 Mapapansin ding wala siyang suot na tsinelas o anumang sapin sa paa dulot ng mabilisang pagtakbo o paglakad. 

 Pagod na pagod na siya. Kanina niya pa hinahanap ang kanyang kapatid. Hindi na niya alam kung saan ito hahanapin. Nagkasugat sugat na rin ang kanyang paa dahil sa mahigit na isang oras na ring paghahanap. 

 Ano nalang ang sasabihin niya sa kanyang ina pag-uwi sa bahay mamaya? Paano niya sasabihin ditong nawawala ang kanyang kapatid?

 Dahil na rin sa matinding pagod ay napahinto siya sa plaza ng kanilang bayan. Napaupo siya sa isang bench na naroon. Magpapahinga muna siya roon sandali pagkatapos ay muli niyang hahanapin ang kanyang kapatid.

 Hindi niya na rin maintindihan ang sariling mararamdaman nang mga panahong iyon. Napakatindi ng sikat ng araw ngunit heto siya at tila nilalamig na nangangatog ang mga tuhod. Ang sobrang kaba na nararamdaman niya nang mga oras na iyon ay walang katumbas sa kabang hatid sa kanya ng mga palo ng kanyang ama noong nabubuhay pa ito.

 Maraming mga katanungan ang naiisip niya nang mga oras na iyon. Paano kung hindi niya mahanap ang kanyang kapatid? Dahil sa mga isiping iyon ay napayuko siya at niyakap ang sariling mga tuhod habang hindi na napigilan ang kanyang mga masaganang luha sa pagpatak.

 Nasa ganoong sitwasyon siya nang maramdaman niyang may pumapatak na tubig sa kanya na nagmumula sa itaas. Nagtaka siya dahil tag-init noong mga panahong iyon pero bakit mayroong ulan?

 Hinayaan nalang niya na mabasa siya ng ulan. The rain became her comfort in her sorrow that day. Tila nakikisimpatya ang ulan sa nararamdaman niyang takot at pangamba. 

 Maya-maya pa’y naramdaman niyang hindi na pumapatak ang ulan sa kanya kaya dulot ng pagtataka ay napaangat siya ng tingin----ang inaasahan niya’y tumigil na ang ulan ngunit nagulat siya sa kanyang nakita.

 Isang binatilyo na kasing-edad din niya ang nakatayo ngayon sa kanyang harapan na may dalang kulay dilaw na payong at nakahandang proteksyunan siya laban sa ulan.

 “Nakapagtataka…” ang tanging nasabi lang nito at ngumiti sa kanya.

Sa gitna ng malakas na pag-ulan nakipagtitigan siya sa lalaking ni minsan man ay hindi na niya nakilala pa…

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status