Share

A Wife's Revenge
A Wife's Revenge
Author: Latte

Minari Miranda's Pov

Nakahiga ako sa ilalim ng puno habang nakapikit ang aking mga mata at maiging pinapakinggan ang pagsipol ng hangin na bumubulong sa aking tainga na kay sarap din namang damhin. Nang bigla akong makarinig ng paghakbang ng nagmumula sa mga sapatos na animoy palakas ng palakas habang siya ay palapit ng palapit sa akin. 

Yung liwanag ng araw na tumatama sa aking mga mata ay bigla na lang ding nagdilim nung siya ay humarang sa aking harapan at tahimik na pinagmamasdan ang aking mukha.

Ilang saglit pa ay naramdaman ko na parang may humahalik sa aking labi, imbis na magulat at matakot ay tila ba'y nakaramdam ako ng tuwa at kilig mula sa aking puso. Dahil yung lalaking humahalik sa akin ngayon ay ang asawa ko, ang lalaking hinahangaan ko lang nuon at pinapangarap na makasama sa panghabambuhay.

"Alam kong gising ka, bumangon ka na diyan." Rinig kong sambit ni Lemuel habang nakatingin pa rin siya sa akin.

Subalit imbis na imulat ko ang aking mga mata ay mas pinili ko ang manatiling nakapikit, hanggang sa hindi ko namalayang nakaidlip na pala ako roon.

Ang payapa ng kapaligiran at ang sarap ng simoy ng hangin habang umiidlip ako sa mga hita niya at habang nagbabasa naman siya ng paborito niyang libro.

Isa ito sa mga paborito kong gawin kapag magkasama kaming dalawa, iyon ang maidlip sa tabi niya.

Ngunit ang magandang panaginip na iyon ay bigla ring naglaho nang maramdaman kong may pilit na gumigising sa aking balikat.

"Hoy, Ale gising! bawal matulog dito." Mabilis akong napamulat ng aking mga mata at napabangon mula sa mahabang bangko na kinahihigaan ko ngayon nang marinig ko ang boses niya.

"Ikaw na naman? ilang beses ba kitang sasabihan na bawal matulog dito. Nang dahil tuloy sa'yo ay walang maupuan ang ibang tao na gustong maupo rito. Wala ka bang sariling bahay at bakit palagi na lang kitang nadadatnang natutulog diyan? saan ka ba talaga nakatira?" ang dinugtong pa ng guwardiyang nagbabantay sa parkeng iyon. Ngunit hindi ko na lang siya gaanong tinuonan ng pansin at tumayo na ako upang lisanin ang lugar na iyon na para bang walang nangyari.

Yung dating tagpuan at madalas naming tinatambayan nuon ni Lemuel ay nagmistula nang parke ngayon at yung matayog na punong nakatayo roon ay naglaho na rin at pinalitan na lamang ng mahabang bangko na puwedeng upuan ng mga taong gustong magpahinga muna roon ng sandali.

Pero kahit malaki na ang ipinagbago nito ay palagi pa rin naman akong nagpupunta roon natutulog, kagaya ng mga nakagawian ko nuon.

Pansin kong nakatingin sa akin ang bawat taong makakasalubong ko sa daan at kung minsan ay nahuhuli ko silang pinagtatawanan ako.

Hindi ko rin naman sila masisisi kung natatawa sila sa itsura ko ngayon. 

Yung dati kasing prinsesa na tinitingala ng lahat at pinipilahan ng mga kalalakihan ay isang dakilang losyang na ngayon.

Buhaghag ang buhok, walang kaayos-ayos sa sarili, maluwag ang suot na damit at may mahabang panjama na animoy kumupas na ang kulay dahil parang araw-araw na lamang isinusuot.

Hindi ko inakalang magiging ganito na lang ang buhay ko, magmula no'ng mag-asawa ako. Daig ko pa nga raw yung may sampung anak kung pabayaan ko na lang ang sarili ko.

Pero kahit ganito na ang itsura ko ngayon ay hindi pa rin naman nagbabago ang pagmamahal na nararamdaman para sa akin ni Lemuel. Asawa pa rin naman ang trato niya sa akin at nakikita ko na hindi malaking isyu sa kaniya kung ano man ang maging itsura ko.

Iyon ang inakala ko nuon. 

Dahil habang lumilipas ang panahon ay para bang nararamdaman kong paunti-unti na siyang lumalayo sa akin. 

Hindi ko na maramdaman yung pagmamahal na paulit-ulit niyang sinasabi sa akin nuon at parang hindi na siya yung lalaking nakilala ko at pinakasalan non.

Palagi lang siyang nakatutok sa cellphone niya kapag kinakausap ko siya. Napapansin ko rin na umiiwas siya ng tingin sa mga mata ko at palagi siyang nakatalikod sa akin kapag magkatabi kaming dalawa sa kama. Kaya madalas ay ako na lang ang yumayakap sa kaniya kahit parang nauulila ako sa pag-aaruga niya sa akin nuon.

Hindi man niya aminin sa akin ng harap-harapan ay nararamdaman ko naman na paunti-unti na siyang nanlalamig sa akin.

Wala na yung dating sabik at init ng pagmamahal na nararamdaman namin nuon sa isa't-isa. Para bang naging ordinaryo na lang ang lahat, pati ang bawat paglipas ng isang araw na hindi kami magkatabing natutulog sa kama o magkasabay na kumakain sa harap ng hapag-kainan ay parang normal na lang din sa aming dalawa. 

Magluto, malinis, magligpit, maglaba at mag-abang sa pagdating niya ang naging ikot ng buhay ko sa pang-araw araw na lang na ginawa ng Diyos.

Nakakainip, oo.

Lalo na't napakatahimik ng buong bahay kapag ako lang ang mag-isa roon sa loob.

Kaya madalas ay lumilibot na lang ako sa labas upang libangin ang aking sarili o 'di kaya naman ay pupuntahan ko yung madalas naming pinagtatambayan nuon.

Sa ganoong paraan ko nililipas ang bawat minuto o oras na mayroon ako. Pagsapit ng ala-singko ng hapon ay tsaka ako babalik ng bahay upang maghanda ng pagkaing kakainin namin para sa hapunan at madalas maraming pagkaing nasasayang dahil hindi siya umuuwi ng bahay.

Abala sa trabaho o marami siyang trabaho na kailangang tapusin, ang madalas at paulit-ulit niyang dinadahilan sa akin. 

Gayunpaman, ni minsan ay hindi ako nagalit sa kaniya. Wala siyang narinig na ano mang mabibigat na salita mula sa akin kahit parang lumalabo na ang pagsasamahan naming dalawa bilang mag-asawa. Ayokong magtanim ng galit mula sa kaniya dahil alam ko namang marami siyang ginagawa sa kumpanya nila at malamang pagod na rin ang kaniyang katawan dahil sa buong maghapon na pagtatrabaho. Kung kaya't pinapalipas ko na lang ang hindi niya pag-uwi sa bahay ng isang araw, dalawang araw o kung minsan pa ay mahigit isang linggo. 

Ngunit nitong mga nakaraang araw ay napapansin ko na napapadalas ang hindi niya pag-uwi sa bahay o kung uuwi man siya ay parang napadaan lang at aalis din kaagad pagkatapos niyang makapagpalit ng kaniyang damit.

Habang lumilipas ang araw ay para bang mas lalo pa siyang napapalayo sa akin. Hindi ko na siya magawang makausap ng matagal, ni hindi ko na nga siya makasama kapag may mahahalagang okasyon kagaya na lamang ng anibersaryo ng kasal naming dalawa.

Kinakabahan na ako. Ibang kutob yung nararamdaman ko ngayon. Hindi ko man maipaliwanag ng malinaw, ngunit parang hindi na pangkaraniwan yung kabang nararamdaman ko mula sa aking dibdib. Lalo na nung naamoy ko ang kuwelyo ng puting polo niya na sinuot niya kagabi, no'ng siya ay umuwi at bigla na lang ding umalis.

Isasama ko na dapat ito sa mga maruruming damit na lalabhan ko, ngunit tila ba'y bigla kong naamoy mula sa polo niya ang matamis na pabango mula sa babae.

Hindi kaya, kumapit lang ang gamit na pabango ng babaeng empleyado niya sa kaniyang damit? ang binulong ko non sa aking isipan.

Subalit imposible naman na ganoong kalakas ang amoy na iyon kung kumapit nga lang sa polo niya.

Imposible rin namang gumamit siya ng pabango, dahil isa sa mga pinakaayaw niya ay ang makalanghap ng mabagsik na amoy ng pabango. 

Pamilyar sa akin ang amoy na ito, dahil minsan ko na rin ginamit ang pabangong iyon. Ngunit magmula no'ng pinagbawalan niya akong gumamit ng kahit ano mang uri ng pabango ay hininto ko na rin ang paggamit ng kung anu-anong klase ng pabango.

Alam ko ring napakaistrikto niya pagdating sa mga empleyado niya. Sigurado ako na pinagbawalan din niya ang mga ito na gumamit ng kahit ano mang pabango, gayung hindi ito kaaya-aya sa kaniyang pang-amoy at nasisira lamang ang araw niya.

Kaya paanong nagkaroon ng matamis na amoy ang damit na pinaggamitan niya?

Magmula noong magsama kaming dalawa bilang mag-asawa ay ngayon ko lang ulit naamoy ang matamis na pabangong ito. 

"Hindi kaya nambababae ang asawa mo?" ang sinabi ni Vanessa sa akin, matapos kong maikuwento sa kaniya ang mga bumabagabag sa aking isipan.

Kasalukuyan kaming nakaupo sa parke at sa mahabang bangko habang pareho kaming may iniinom na isang plastik na palamig. 

Si Vanessa ay isa sa mga matatalik kong kaibigan. Nag-aaral pa lamang kami sa hayskul ay talagang magkadikit na kaming dalawa. Halos sa kaniya ko rin nilalabas ang mga problema ko at tangging siya lang din ang makakapagpagaan sa kalooban ko. Subalit iba na ang sitwasyon naming dalawa ngayon. Hindi na kami kagaya nuon na malayang nakakakilos at nakakagalaw sa kahit ano mang bagay na gusto naming gawin sa aming mga buhay.

Parehas na nagsariling buhay at nag-asawa. Ang kaibahan lang sa aming dalawa ay nagbunga ang pagmamahalan nila ng asawa niya na nasundan pa ng dalawa, habang ako ay naghihintay pa rin kung kailan ako mabibiyayaan ng supling mula sa itaas. 

Madalas akong nakikinig sa mga pinapayo niya sa akin, ngunit sa mga sandaling iyon ay para bang hindi ko nagustuhan ang mga salitang binigkas niya mula sa kaniyang bibig.

"Nasisiraan ka na ba? hindi kailanman magagawa ni Lemuel sa akin 'yon!" bigla akong napatayo at medyo napataas din ang tono ng boses ko.

"Mari," ang tawag niya sa akin.

"Walang perpektong lalaki sa mundo. Kahit yung pinakamabait na tao sa buong mundo ay nagkakasala at nagkakamali rin. Hindi iba ang asawa mo roon o kahit ang asawa ko pa." Dugtong pa niya na mas lalo kong ikinainis sa kaniya.

"Kahit ano pa ang sabihin mo, Vane. Hinding-hindi magagawa ng asawa ko ang mga binibintang mo sa kaniya." Pagkatapos kong sabihin sa kaniya 'yon ay tumalikod na ako at lumakad papalayo sa kaniya.

Alam kong hindi wasto ang pinakita kong pag-uugali sa kaniya, pero hindi ko lang napigilan ang sarili kong emosyon lalo pa’t nung sinabi niya sa akin na hindi iba si Lemuel sa mga lalaking manloloko.

Naniniwala pa rin ako sa asawa ko at malaki ang tiwala ko sa kaniya na hindi niya ako kailanman lolokohin at alam kong hindi kailanman sumagi sa isipan niya ang ipagpalit ako sa ibang babae, sapagkat sumupa kaming dalawa nuon sa harap ng maraming tao na mamahalin namin ang isa't-isa, magpakailaman.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status