Share

Chapter 9.2

Maagang pumunta si Ashley sa Fiasco Residence pero napag-alaman niyang maagang umalis si Troy. Pinuntahan niya sa opisina ngunit hindi pa pumaroon ang binata ayon sa bodyguard at sekretarya nito. Naiinis siya at hindi alam kung saan pupuntahan si Troy. Tinawagan niya pero hindi sumasagot.

Buntonghininga siya't muling nagmaneho. Kailangan niyang makausap si Troy patungkol kay Zsammsey at nang hindi ito maging hadlang sa mga pinaplano niya.

Nagpunta siya sa Southville para doon magtanong sa tatlong magkaibigan. Pagkarating niya sa tambayan ay natuwa siya nang makita ang sasakyan ni Troy sa labas. Nagmadali siyang bumaba ng sasakyan at naglakad papasok sa tambayan. Libre siyang nakapasok dahil iniwang nakabukas ang pinto.

Dumiretso siya sa hagdan dahil posibleng nasa itaas ang mga ito at hindi siya nagkamali. Tila ba alam ng mga ito na parating siya dahil pare-parehong nakatingin sa gawi niya ang apat.

"Hi boys!" bati niya sa apat. Kumakain ang mga ito at para bang bigla na lang nawala sa mga ito ang kaniyang presensya.

"Ano at naparito ka?" tanong ni Micmac.

"Masama ba?" Maarte niyang tanong sabay ikot ng mga mata.

Huminto siya sa mismong harap ni Troy at humalukipkip. Nagkatitigan sila pero unang umiwas ang lalaki. Guwapo pa rin ito kagaya noon at hindi nagbabago ang pangangatawan. Halatang alagang-alaga nito ang kalusugan upang mapanatili ang macho at malusog na katawan.

"Hindi na nagpupunta si Clavier, dito," sabi ni Rey habang humihigop ng kape. Ni isa sa mga ito ay walang tumingin sa kaniya at parehong nakatuon sa kanilang kape.

"Alam ko!" Mataray niyang sagot dito. "Si Troy ang ipinunta ko rito at hindi siya," dagdag niya at sumeryosong nakatingin kay Troy.

Nag-angat ng tingin si Troy sa kaniya. "Bakit, ano ang kailangan mo sa akin?" tanong nito.

"Gusto ko lang sabihin sa iyo, na bantayan mo 'yong girlfriend mo, para hindi niya landiin si Clavier!" sabi niya.

"Ano'ng sinabi mo?" Naningkit ang mga mata ni Troy bago tumayo.

"Ang sabi ko, bantayan mo si Zsammsey para hindi niya landi--- ah! Ano ba!" Asik niya nang mahigpit na hinawakan ni Troy ang kaniyang braso.

"Hindi malandi si Sam!" Giit ni Troy at hinigpitan ang paghawak sa braso niya.

"Ano ba! Nasasaktan ako!" Pagpupumiglas niya dahil sa sakit ng pagkakahawak nito. Halos abot sa buto ang sakit.

"Huwag na huwag mong sabihin ang salitang iyan dahil kung meron mang malandi sa inyong dalawa, ikaw 'yon!" Singhal ng lalaki at patapon siyang binitiwan. Napaatras siya at muntik na matapilok sa suot na 4 inches na takong.

"Pati ba naman ikaw, kumakampi sa babaeng 'yon? Pare-pareho lang kayo ni Clavier!" Singhal niya at kislot noo na hinipo ang kaniyang namumulang braso.

"At kanino ako dapat kumampi? Sa iyo? Bakit, ikaw ba ang girlfriend ko?" Nakangising tanong ni Troy.

“May pinagsamahan din naman tayo, Troy. Bakit ka ganiyan!”

Umalis siya na may masamang tingin sa lalaki at muntik nang mahulog sa hagdan dahil sa pagmamadaling bumaba. Bumuga siya ng hangin at umupo sa hagdan habang hinihilot ang joint sa kaliwang paa.

"Hindi na ba siya magbabago?" boses ni Rey.

"Mahirap paamuhin ang isang Tigre," boses ni Winston.

“Walang tatagal sa kaniya dahil sa kaniyang masamang ugali,” boses ni Troy.

“Kung nagpakabait lang sana siya, siguro nagkatuluyan sila ni Clavier,” boses ni Micmac.

“Panira ka, dude! Kahit magpakabait iyon, useless lang dahil walang gusto sa kaniya si Clavier!”

Mga salitang narinig ni Ashley mula sa taas at nagtawanan ang mga ito. Nagtangis ang kaniyang paningin dahil sa mga sinabi nila.

"I need to go. May meeting pa ako," dinig niyang paalam ni Troy.

Agad tumayo si Ashley at nagmadaling lumabas ng tambayan. Sumakay siya sa kaniyang kotse bago pa man nakalabas si Troy. Pinukulan niya ng masamang tingin ang lalaki habang naglakad ito papunta sa kotse. Huminto ito saglit at nilingon ang kinaroroonan niya bago binuksan ang pinto at pumasok.

“Nakakainis! Bakit ba ayaw niyang maniwala? Totoo naman na nilalandi ng Zsamssey na 'yon si Clavier!” Sinapak niya ng tatlong beses ang manibela dahil sa inis. “Akin lang si Clavier! Akin lang! Gagawin ko ang lahat para bumalik siya sa 'kin!”

Naalala niya noong kolehiyo pa lamang siya. Malaki ang pagkagusto niya kay Clavier noon kaya kahit nagmukha siyang tanga ay hinahabol niya palagi ang lalaki. Para lang siyang palamuti sa paningin nito na basta lang may matatawag na girlfriend sa harap ng mga tao lalo na sa mga kaibigan nito. Hindi dumaan sa pangliligaw sa kaniya si Clavier dahil noong nalaman ng mga kaibigan ng lalaki na crush niya si Clavier ay binubuyo lang sila at ngingiti lang ito tuwing tatanungin kung anong mayro'n sa kanilang dalawa. Nag-assume siya na okay na sila lalo't hindi naman siya ipinagtabuyan ni Clavier tuwing didikit siya rito pero hindi rin pinapansin. Masakit sa pakiramdam na hindi pinapansin ang kaniyang presensya lalo na sa tuwing kasama ni Clavier si Zsamssey noon. Malaki ang mga ngiti nito na kailan man ay hindi naibigay sa kaniya kahit kaunting ngiti man lang. Naiinggit siya kay Zsamssey dahil ito lang ang laging kasama ni Clavier kahit saang lakad. Daig pa nila ang magkasintahan noon. Hindi siya nakikita ni Clavier kapag silang dalawa lang at mas na-out of place siya tuwing nasa paligid si Zsammsey dahil halos naroon ang atensiyon ng lalaki sa babae.

Kaya noong nagpunta siya sa States ay nakilala niya si Troy. Kahit badboy ito ay nahulog siya sa binata dahil pinaramdam sa kaniya na nariyan ang lalaki para sa kaniya. Napapansin siya palagi nito. Noong nanligaw sa kaniya si Troy ay sinagot niya kaagad pero hindi nagtagal ang kanilang relasyon. Isa at kalahating taon lang sila, pero kahit naghiwalay ay nanatili ang kanilang pagkakaibigan. Pero ngayon ay tila nagbago na ang pakikitungo ng lalaki sa kaniya at alam niyang dahil iyon kay Zsammsey. Nagulat nga siya no'ng nalaman niyang girlfriend ni Troy si Zsammsey.

“Ano ba kasi ang karisma ng babaeng 'yon at nakukuha niya ang atensyon ng mga lalaki? Ugh! Malandi talaga!” Nagpapadyak siya dahil sa sobrang pagkainis.

“Hindi ko hahayaan na mapunta lahat sila sa iyo, Zsamssey! Sa iyo na si Troy pero sa akin si Clavier! Hindi mo puwedeng sirain ang mga plano ko!”

Pero kinaiinis niya ay hindi pa rin siya mapansin-pansin ni Clavier. Ano ba'ng dapat niyang gawin upang pansinin siya nito? Ano ang dapat niyang gawin para bigyan rin siya ng halaga at matatamis na ngiti tulad ng ibinibigay nito kay Zsamssey?

"Aaahh!" Histerya niya. "Kung kaya ko lang sana buhatin itong sasakyan ay matagal ko nang ginawa para itapon sa mukha ng babaeng iyon!"

Tumunog ang cellphone niya kaya natigilan siya't sinipat ang bag sa kabilang upuan. Ikinalma niya ang sarili at kinuha ang bag at binuksan.

"Hello?"

"Magkita tayo."

"Sobrang init ng ulo ko ngayon."

"Eh 'di palamigin natin!"

"Wala ako sa mood okay?"

"Sige na, honey..."

"Okay, papunta na ako riyan." Ibinaba niya ang cellphone at pinaandar ang kotse. Minaniobra niya ito paliko at nang makalabas sa highway saka ito pinaharurot.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status