Share

Capitulo Veinte Uno: Mitya ng Huling Kabanata

“Isang linggo, Victoria,” paglilinaw ni Mateo kay Vahlia. Ngayon ang araw ng pag-alis ni Mateo papunta sa Maynila. “Magbabalik ako pagkatapos ng isang linggo.”

“Maghihintay ako,” nakangiting sagot naman ni Vahlia habang tinatanaw ang kalesang papalayo sa kan'ya. Lumingon ang asawa nito at kumaway pabalik. Simpleng tumango si Vahlia, pilit na iwinawaglit ang kakaibang pakiramdam na dumadagundong. Tulad ng kahapon ay tila may kung anong hindi magandang mangyayari, masama ang kan'yang kutob.

“Bumalik na po tayo sa loob, Señora. Mahamog pa po rito sa labas,” anyaya ni Karolina. Alas-cuatro pa lamang ng umaga kung kaya’t hindi pa sumisikat ang araw. Sa bawat paghakbang ng kan'yang mga paa ay mas lalong lumalakas at bumibilis ang tibok ng kan'yang puso sa hindi mawaring dahilan.

“Señora? May nararamdaman po ba kayong hindi maganda?” puna ni Karolina nang mapansin ang mabagal na paglalakad ni Vahlia at ang paghawak nito sa kan'yang dibdib na tila ba nahihirapang huminga. “W-Wala lang ito, Karolina. M-Mauna ka na muna sa loob, may titignan lamang ako.”

              Tinignan siya nito nang may pag-aalangan, ngunit wala siyang ibang magagawa kundi ang sumunod sa Señora kung kaya’t patango na lamang siyang naglakad pabalik sa loob ng mansiyon. Nang masigurong nakapasok na ang tagapagsilbi ay mabilis na naglakad si Vahlia sa makakapal na palumpong  ng mga gumamela.

‘A-Anong nangyayari sa akin?’ katanungang umiiral sa kan'yang isip. Kasabay ng kakaibang pakiramdam ay ang biglaang pag-iinit ng kan'yang lalamunan, maya-maya pa’y bumulwak ang sariwang dugo mula sa kaniya. Nanlalaki ang mga mata nitong nakatingin sa ilang bulaklak ng puting gumamelang nababahiran ng dugo.

“Mitya ng huling kabanata,

Sinumpaang siyang magiging katapusan.

Sa pagtutugma ng nakatakda,

Kapalit ay hindi inaasahan.”

                 Mga tulang tila iniukit sa magkakalapit na sangang sadyang inilantad upang mabasa. Lipon ng mga salitang nagdala ng kakaibang daloy ng malamig na hangin sa buong paligid. Kasabay ng biglaang paglabas ng nakamamanghang liwanag mula sa suot nitong pulang kuwintas ay ang pagsikat ng araw sa silangan na siyang mas lalong nakapagpakaba sa kaniya.

“S-Señora?” biglang sulpot ng isang boses sa kan'yang likuran. Dagling napatalon sa gulat si Vahlia nang makita sa Flora, nagtataka ang hitsura nito sa nagiging asta ng kanilang Señora. “Tila hindi po maayos ang inyong pakiramdam, mas makabubuti kung pumasok na po muna tayo sa loob.”

“S-Sige,” utal na pagsang-ayon ni Vahlia bago muling nilingon ang parte kung saan siya sumuka ng dugo. Laking-gulat niya nang wala siyang makitang bakas ng pulang likido at tanging mga tubig na namuo mula sa hamog. Wala na rin sa mga sanga ang mga salitang kanina’y malinaw na nakaukit.

“Maaari ni'yo po kaming sabihan, Señora. Kanina pa po namin napapansin na hindi kayo mapakali, ano po ba ang problema?” tanong ng Tagapagsilbi. Nagpilit naman siyang ngumiti at umiling sa tanong ni Flora. Wala siyang maaaring pagsabihan ng tungkol sa bagay na ito, hindi man niya alam kung ano ang magiging kahihinatnan sakaling may makaalam ng kan'yang sikreto ay batid niyang magiging katapusan na iyon ng lahat.

“Wala naman, Flora. Nahihilo lamang ako nang kaunti, ngunit huwag mo na akong alalahanin pa dahil—”

“Ha?” Napatakip si Flora sa kan'yang bibig sa posibleng dahilang biglaang pumasok sa isipan niya, “Hindi kaya’y nagdadalang-tao na po kayo, Señora?”

“Anak ng—hindi ah. Wala pang nangyayaring—basta 'yong ganoon. Hindi ko na babanggitin pa, alam mo na iyon.”

“H-Hala, namumula po kayo, Señora. Hindi kaya’y muntikan nang—”

“Wala nga… Tigil-tigilan mo ako, Flora,” umiirap siya sa pagbabanta kay Flora na ngayo’y humahagikhik.

“Ahy, Señora. Sigurado po kayo? Halos isang linggo na po kayong kasal, wala pa rin kayong ginaga—”

“Flora, ang iyong bibig!” sita ni manang Delia nang maabutan sila nito sa may antesala. “Bakit ganiyan ang lumalabas sa iyong bibig? Hindi magandang pakinggan lalo na’t dalaga ka pa. Hayy, mga kabataan nga talaga. Señora Victoria, may sulat nga palang ipinadala mula sa hacienda Esperanza.”

“Sige po, manang Delia. Mamaya ko na po babasahin, kain na muna tayo.” Naunang umupo si Vahlia sa kan'yang puwesto. Sumunod naman sina Karolina at Flora nang mailapag na nila ang mga pagkain sa hapag, ganoon din ang ginawa ni manang Delia.

              Buong araw ang iginugol ni Vahlia sa labas ng hardin sa paglipas ng mga araw, nagbabasa ng ilan sa mga librong nakatambak sa silid nila ni Mateo. Nakakapanibago ang mga ginagawa niya ngayon. At kung makikita man ito ng old version niya ay siguradong matatawa ito sa kaniya. Hindi na nga niya akalaing magugustuhan niya ang pagbabasa ng libro. Hindi lang 'yong mga pangkaraniwan pagkat ang mga binabasa na niyang libro ay mga makakapal pa na pwedeng-pwede nang ihampas.

“Señora! Naririto po si binibining Cielo,” sabi ni Flora habang tumatakbo papalapit kay Vahlia. Alas-tres na ng hapon at nakakapanibagong bibisita ang kapatid ni Mateo, ang babaeng madalas tumaas ang kilay at tignan siya mula ulo hanggang paa.

“Sige, sabihin mo dumiretso na siya rito,” utos niya suot-suot ang pilit na ngiting kakailanganin niya sa oras na makaharap ang hipag. Inayos niya ang ilang nakaharang na mga libro at tumayo upang salubungin ang ngayo’y nagmamartsa nang si Cielo papalapit sa kaniya.

Ahora bien, ¿qué está tramando la buena esposa de mi hermano? (Ngayon, ano namang pinagkakaabalahan ng magaling na asawa ng aking Kapatid?)” Bahagyang tumaas pa ang sulok ng kaniyang labi habang naglalakad nang diretso ang tingin kay Vahlia.

“Magandang umaga, Cielo. Ano’t napadalaw ka rito?” ngiting-ngiting salubong ni Vahlia sa hipag. Maya-maya pa’y huminto sa paglalakad si Cielo at tiningnan siya mula ulo hanggang paa.

                Napapangisi na lamang si Vahlia. Hindi kagarbuhan ang suot niyang saya ngayon, malayong-malayo sa kasuotan ng Hipag. Simpleng puting camisa at kulay berdeng saya, berdeng kulay lang din ang panuelong suot niya, habang si Cielo ay maayos na nakatali ang buhok, napapalamutian ng pañuelo at ilang aguhilya. Napakaganda rin ng suot niyang saya at camisa, kulay ginto ang panuelong nasa kaniyang likuran. Idagdag pa ang kumikinang na mga kuwintas, hikaw at pulseras.

“Bakit tila hindi mo ninanais na dalawin ko ang tahanan ng aking kapatid? Asawa ka lamang ni Mateo, ngunit hindi ka makahihigit sa akin na kan'yang kapatid.”

“Ano?” Tumaas ang parehong kilay ni Vahlia. “Sa aking pagkakaalam ay wala pa akong sinasabing hindi ka maaaring tumuntong dito.”

             Dahil sa walang maisagot ay umirap ang Hipag nito, “Nais ko lamang bisitahin ang mansiyon ni kuya Mateo, sa aking pakiwari’y burara ang naging Asawa nito.”

“Ah talaga ba? Kung gayo’y malaya ka namang libutin ang buong bahay, binibining Cielo,” nakangiting suhestyon nito at iminuwestra ang daanang patungo sa likod bahay. Humugot naman ng malalim na hininga si Cielo at nagpumilit na rin ng ngiti, konting-konti na lamang ay mawawaglit na ang pilit na ngiting nakapaskil sa kan'yang labi sa labis na inis. “Nauubusan na ako ng pasensiya sa iyong Babae ka, ngunit hindi na bale. May araw ka rin sa akin,” napapairap na sabi nito at ikinumpas ang pamaypay nito.

“Matanong ko lang, Cielo. Bakit tila napaka-init ng iyong dugo sa akin? Maaari ko bang malaman ang dahilan?” singit ni Vahlia nang akmang hahakbang papalayo ang Hipag.

“Sasabihin ko lamang kapag aking gugustuhin,” mataray na aniya. Sa sinabing iyon ni Cielo ay kumibit na lamang ang balikat ni Vahlia, sa kaunting minuto ng kanilang pag-uusap ay pumasok pabalik ang kan'yang Hipag sa loob ng bahay.

“Hindi ka ba mananatili nang kaunti pang oras, Cielo? Magpapahanda ako ng miryenda.”

                 Tumigil sa paglalakad si Cielo at hinarap pabalik si Vahlia, “Sino bang nagsabing aalis ako?”

“Ah ganoon ba, akala ko kasi ay aalis ka ngang talaga.”

“Nais mo talaga akong paalisin. Huwag kang mag-alala, Victoria. Saglit lamang akong mananatili.” Kumibot pa ang kan'yang pulang-pulang labi na dinampian ng atsuete, nagtuloy-tuloy siyang maglakad sa pasilyong patungo sa comedor (dining room). Nakisabay naman si Vahlia sa paglalakad ng Hipag na ngayo’y nakatingala sa mga kuwadrong nakasabit sa dingding.

               Napakaganda ng mga nakapintang mga larawan, tila isang mahusay na pintor ang siyang gumawa ng bawat isa sa mga nakasabit sa dingding. Kadalasa’y mayroong mga pirma ang bawat obra maestrang ipinipinta, ngunit ang anim na naglalakihang mga kwadrong ito ay kapwa walang mga pirma o palatandaan ng kung sinong gumuhit sa mga ito.

“Ginawa nga niya,” unti-unti ay sumilay ang mga ngiti sa mga labi ni Cielo. “Ipinangako niyang walang ibang hihigit sa amin ni Ina, kahit pa ang babaeng mapapangasawa niya ay hindi papantay sa pagpapahalagang mayroon siya sa amin. At ang mga larawang aking ipinintang narito sa kan'yang tirahan ang siyang patunay.”

                 Nakangiting tumango naman si Vahlia, mukhang naiintindihan na nito kung bakit palagi siyang tinatarayan ng Hipag nito. Siguro ay masiyado lamang niyang pinakaiingatan ang kapatid at ang pagiging mataray ang siyang paraan niya.

“Kaya ba ganito ang iyong pakikitungo sa akin?” nakangising tanong ni Vahlia habang magkakrus ang mga braso nito. Bumalik naman ang supladang ekspresyon ni Cielo nang muli niyang lingunin si Vahlia, “Ano sa tingin mo?”

“Matagal ko na ring napapansin, a—”

“Tatanungin kita, mahal mo bang talaga ang aking Kapatid?” putol ni Cielo sa dapat sana’y sasabihin ng kaharap.

“Ano bang magiging patunay ko kapag ang aking sagot sa iyong tanong ay ‘oo’?”

“Simple lang, ang makitang pinahahalagahan mo si Mateo dahil sa nararamdaman mong tunay at hindi dahil sa kayo’y ipinagkasundo lamang,” nakapameywang na anas niya.

“Paano kung ang dalawang iyan ang aking tugon sa iyong katanungan?” ngiti ni Vahlia na siyang ikinakunot-noo naman ni Cielo. “At anong ibig mong sabihin?”

               Sumandal sa kabilang pader si Vahlia at itinuon ang paningin sa may hardin na namumukadkad ang daan-daang bulaklak ng mga gumamela. “Hindi ko siya makikilala kung hindi ko siya nakatagpo sa gubat. Hindi ko ako mahuhulog sa kan'yang bitag kung hindi kami ipinagkasundo. At hindi ko siya magagawang mahalin kung hindi kami ikinasal. Kung sa ibang kuwento’y nakakatawa ang tagpo naming ito, ngunit para sa amin ay tila ito ang istoryang nakatakda sa mga kabanata ng aming kuwento.”

“Paano kung mangyari ang hindi inaasahan? M-Mananatili ka pa rin ba sa kan'yang tabi? Mamahalin mo pa ba ang aking Kapatid?” tanong ni Cielo na tila ba nangangamba sa kung anong bagay. Bakas sa kan'yang mga mata ang alinlangan at takot na siyang agad namang napansin ni Vahlia. “Bakit, Cielo? May hindi ba magandang mangyayari?”

“W-Wala naman, masama lamang ang aking kutob nitong mga nakaraang araw. M-Maaari ba kitang makausap tungkol sa isang bagay?” Sa puntong ito ay sumeryoso na ang mukha ni Cielo, walang bakas ng katarayan o pagiging maldita niya.

“Tungkol saan?”

                Bahagya nitong hinila ang braso ni Vahlia at iginiya sa may azotea. “Ano na sa tingin mo ang hitsura ng hinaharap? Ganito pa rin ba? Mga indiyong inaalila? Mga prayleng mapagmataas? Hindi pantay na antas ng kabuhayan?” biglaang tanong nito. Saglit na hindi nakapagsalita si Vahlia, nakakapagtakang tanungin ito ni Cielo. Ano kaya marahil ang dahilan?

“Siguro’y ganoon pa rin, may mga ipinagbago man at ikinaunlad ngunit hindi mababago ang mga tao. Nananatili ang pang-aapi at pagtatangi, ang tao ay tao pa rin. Puno ng hangarin, masama man o mabuti. Ang panahon sa hinaharap ay mahirap ilarawan, parehong may kabutihan at kasamaan,” sagot niya ksabay ng malungkot na ngiti. Ang katotohanang mahirap pagtaguan lalo na’t nabubuhay tayo sa mundong ibabaw.

“Ganoon pala.” Mahinang napatawa si Cielo, “Mukhang magiging mahirap nga ang pagpapasiyang aking gagawin. Paano kung nagmahal ka sa isang taong hindi mo yata makakasama habang buhay? I-Itutuloy mo pa ba?”

              Naguguluhan man at nagtataka sa katanungang nagmumula sa katabing nakatitig sa harding napupuno ng mga gumamela ay sinagot niya ito. Bumuntong hininga muna, tutal ay parehas naman ang katanungang iyon sa sitwasyong kinalalagyan niya ngayon. “Pag-ibig ang siyang nakataya, kung ako ang tatanungin. Kahit sa maikling panahon na makakasama ko ang taong pinahahalagahan ko ay sasapat na sa akin iyon, kahit hindi sa pinapangarap na habambuhay. Kahit bilang lamang ang mga araw na nakalaan para makasama ko ang taong mahal ko ay pipilitin kong dalhin ang mga ala-alang sabay naming binuo sa aking puso’t isipan. At kung sumapit na nga ang puntong kinatatakutan ko, ang pagdating ng nakatakdang oras kung saan kinakailangan ko nang bitawan ang kan'yang mga kamay, pangalan niya ang huli kong sasambitin.”

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status