Share

CAPITULO UNO

~Filipinas 1883~

"La misa ha terminado. Ve en paz y comparte la palabra de Dios," (Tapos na ang misa. Humayo na kayo at ibahagi ang salita ng Diyos) sabi ng paring Pransiskano nang matapos na ang misa. Kinanta na namin ang panghuling kanta para sa pagtatapos ng misa. Nagsimula nang nagsilabasan ang mga taong nagsisimba dito sa Iglesia Parroquial San Pascual de Baylon.

Ito ang opisyal na simbahan ng Obando, Bulacan. Ipinatayo ito noong 1754 ng isang Pransiskanong prayle. Ngayon, ang bagong kura paruko ay si Padre Joselito Dasmariñas na isa ring Pransiskano. Mabait ito at matulungin sa kapwa kahit ano pa ang estado sa buhay ng tao. Kaya marami rami din ang mga taong dumadalo sa misa niya.

Isa ako sa mga mangaawit tuwing misa sa dahilan na gusto kong paglingkuran ang Poon nang hindi nagiging madre. Mabibilang lang ang miyembro ng koro namin, sampu lamang kami, kasali na ako. Kami ang ikaunang koro ng aming parokya kung kaya't hindi pa kami gaanong karami. Pero kahit na kakaunti lamang kami, tinuturing namin ang isa't isa na pamilya.

Lumapit sa amin si Padre at nagsalita, "Mga hija at hijo, tayo'y magmeryenda muna," nagsisunuran silang lahat maliban nalang sa akin. Lumingon si Padre Dasmariñas sa akin, "Corazon, no te unes a nosotros?" (Hindi ka ba sasama Corazon?) umiling ako bilang sagot, "Hindi na po padre, hinihintay na po ako nila ina sa amin," nagpalitan kami ng mga ngiti bago ako umalis.

Naglalakad lamang ako sa daan nang may narinig akong palatak ng sapatos ng mga kabayo. Nagsitabihan ang mga tao para bigyang daan ang paparating na mga kabayo. Pero hindi ko alam kung bakit hindi ko maigalaw ang aking mga paa at parang naistatwa ako sa gitna ng kalsada. Nagsigawan ang mga tao sa paligid pero nakatuon ang aking mga mata sa mga paparating.

Mas lumaki ang aking mga mata nang malapit na ito sa kinatatayuan ko at ilang hakbang nalang ay makakaladkad na nila ako. Ano pa ba ang ginagawa mo?! Takbo Corazon! Takbo! Rinig na rinig ko ang malakas na kalabog sa aking dibdib pero hindi ko na maramdaman ang aking hininga.

Ipinikit ko ang aking mga mata dahil sa takot dahil alam kong ikamamatay ko na, pero walang nangyari. Narinig ko naman ang halinghing ng mga kabayo na nagpapahiwatig na tumigil ang mga ito. Dahan dahan kong binuka ang aking mata at nadatnan ang grupo ng mga guardia civil na pinangungunahan ng isang binatang Heneral.

Nakatingin silang lahat sa akin at tahimik ang mga tao wari'y naghihintay kung ano ang mangyayari kasunod. Tiningala ko ang Heneral, kitang kita sa kaniyang mga mapupungay na malatsokolateng mata ang galit at pagkairita,

"Estupida indio! Estás tratando de matarte?!" (Nais mo bang magpakamatay?!)  sigaw niya.

Tumahimik lamang ako pero hindi ko pa rin inaalis ang tingin ko sa kaniya. Kitang kita ang pagbanat ng kaniyang matalim  na panga nang magsalita siya. Manipis din ang kaniyang mga labi na pinapaligiran ng bagong ahit na bigote at balbas, at matangos rin ang ilong, at may pagkabaritono din ang boses nito. Maganda ang tindig niya at may halong kape at gatas ang kulay ng kaniyang balat. Sa unang tingin pa lang ay nangingibabaw na ang pagkaespanyol nito. Tinaasan niya ako ng kilay, "Al lado!" (Tabi!) sigaw niya ulit habang nakakunot ang noo niya. May kamay namang humila sa akin papalayo sa mga guardia civil.

Nakakaintindi ako ng lenggwaheng Espanyol dahil ang aking inay ay isang Insulares at tinuturuan niya ako ng wikang iyon, ngunit hindi ako marunong magsalita sa lenggwaheng iyon at hindi ko maiintindihan kapag dirediretso ang pananalita nila dito. Ang aking itay naman ay isang Pilipino at siya naman ang naging guro ko sa wikang tagalog. Kami ay namumuhay lamang ng simple, si itay ay isang mambubukid sa Hacienda Fetalino at si inay naman ay tagabahay lamang. Hindi ko gaanong alam ang pamilya ni inay at itay dahil hindi nila ito ikinukwento sa akin. Wala raw akong mapapala kung malaman ko ang istorya ng kanilang mga pamilya. Nang humarap ako sa taong humila sa akin, nakita ko ang pag-aalalang mukha ni inay, "Anak, ano ba ang nangyari at hindi ka umalis sa daan, alam mo namang hindi sila titigil sa pagpapatakbo ng kabayo kahit na may taong nakaharang sa daan," sabi niya. Pinatahan ko si inay dahil parang maiiyak na siya.

Kaya pala'y tumigil ang Heneral bago pa ako makaladkad dahil may anunsiyo ito. Magkakaroon daw ng polo y servicio o sapilitang paggawa ng mga lalaking Pilipino na nagsisimula sa edad na 16 hanggang 60  ng bawat pamilya. Parang nabuhusan ng malamig na tubig ang aking katawan nang maalala kong si itay lamang ang nag-iisang lalaki sa aming pamilya. Tinignan ko naman si inay at gaya ng reaksyon ko, nag-alala din siya sa kalagayn ni itay. Nagsimula nang manghina ang katawan ni itay sa murang edad na apatnaput anim (46) pa lamang. Dahil na rin siguro ito sa kaniyang trabaho sa Hacienda. Kilala sa pagiging malupit ang Pamilyang Fetalino dito sa Bulacan.

Lagi na lamang nagpapalit ng mutsatsa kada buwan ang nag-iisang babaeng anak ni Don Antonio Prospero at Dona Griselda Catalina Fetalino na si binibining Cecilia Priscilla. Apat sila na magkakapatid, bilang nag-iisang babae at ang bunso pa ay tinagurian siyang perlas ng kanilang pamilya.

Si Koronel Antonio Patricio ang kanilang panganay, kilala siya bilang isang mahigpit at bayolenteng  opisyal ng mga guardia civil. Ang ikalawa namang si ginoong Andres Pablo ay mas kilala bilang Hukom Fetalino ay sinasabing matapobre at hindi makatarungan ngunit dahil sa koneksiyon siya pa rin ang punong hukom dito sa San Pascual.

Si ginoong Alonzo Paulo naman ang ikatlo at sa pambiharang rason, siya ay naiiba sa kanila. Siya ang kabaliktaran ng kaniyang pamilya dahil mabait, masunurin at mapagkatiwalaan siya at higit sa lahat siya ay maginoong maginoo. Isa siyang mahusay na pintor at isa na sa kaniyang pininta ay ang tanyag niyang obra na pinangalanang 'La Dama'.

Nagmamadali kaming naglakad papauwi sa bahay na nasa burol Fetalino sa labas ng Hacienda Fetalino pero pagmamayari rin ng familia Fetalino. Mahigit dalawang milya lamang ang layo ng aming bahay mula sa San Pascual at isa't kalahati naman mula sa Hacienda. Nasa paanan ng bundok nakatayo ang aming munting tahanan at yung mga kapitbahay naman namin ay sampung metro ang layo sa amin.

Naabutan namin si itay na nakahiga na sa sahig at hawak hawak ang kaniyang puso. Parang gumuho ang mundo ko nang makitang nakapikit siya. Dahil na rin siguro sa pagkataranta, agad akong lumabas at tumakbo pabalik sa bayan para tawagin si Doktor Enrique Vallestero. May inalalayang pasyente si Doktor Vallestero pero nang marinig niya ang nangyari kay itay ay tinawag niya ang isang kasamang doktor at nagmamadaling sumakay sa kaniyang kalesa papunta sa paanan ng burol Fetalino.

Naging matalik na kaibigan ni itay si Doktor Vallestero nang minsa'y magkita sila nito sa bayan. Baguhan lamang noon si itay sa Hacienda nang inutusan siyang tawagin si Doktor Vallestero nang mahulog si Priscilla sa kahoy.

Si itay ay marunong din sa panggagamot gamit ang mga halaman, ngunit dahil mahirap lamang si itay ay hindi siya nakapag-aral ng medisina sa isang colegio. At nang magkita sila ni Doktor Vallestero, agad niya itong kinuhanan ng mga halamang gamot bago pa siya sinabihan. Isang mabuting doktor itong si Ginoong Vallestero, siya ay kaedad lamang nila itay pero maagang nabyudo nang mamatay ang asawa sa hindi malamang sakit. Hindi sila nagkaroon ng anak sapagkat isang baog ang napangasawa niya, pero minahal niya pa rin ito.

Agad niya akong pinakuha ng dahon ng bayabas at pakuluin ito habang hinihilot niya ang dibdib ni itay na ngayo'y nakahiga sa mahabang upuang gawa sa kahoy na nasa sala. Maghahapon na nang umalis si Doktor Vallestero at ibinilin sa amin na ipainom kay itay ang pinakuluang katas ng bayabas. Gustuhin man niyang bantayan si itay ngunit hindi na raw siya magtatagal pa dahil marami pa siyang mga pasyenteng naghihintay sa kaniya.

Gabi na nang makabangon si itay at sinabihan siya ni inay tungkol sa polo y servicio na magsisimula bukas sa Ciudad de Cavite pagkatapos niyang inumin ang isang baso ng katas ng bayabas. Sumali ako sa kanilang usapan pero tinaboy nila ako, "Hindi ka maaaring makinig sa usapan ng mga matanda Corazon, pumasok ka na sa iyong kwarto," sabi ni itay sa akin ng mahinahon. Pero lumagi lang ako sa kinatatayuan sa gilid nila at naramdaman kong dahan dahan nang tumulo ang mga luha kong kanina ko pa tinatago, "Hindi ka maaaring sumama i-itay , malubha na ang iyong s-sakit. Maawa po k-kayo sa inyong sarili," lumuhod ako sa harapan niya.

"Bakit ang tigas ng ulo mo? Hindi ka maaaring sumali sa aming usapan. Pumasok ka sa iyong kwarto kung hindi papaluin kita," hindi pa rin ako nakinig sa kaniya at nanatili pa rin akong nakaluhod.

Tumayo si itay at akma akong sasampalin ngunit bigla niyang hinawakan ang puso niya at napatigil sa paglalakad. Tumakbo naman kami ni ina sa kaniya at tinulungang makaupo. Hawak hawak pa rin niya ang kaniyang puso.

"Hindi ka dapat nakikinig sa usapang hindi ka naman kasali Corazon, baka ikapahamak mo pa ito," sabi niya sa akin, "May mga bagay na mas mabuting nananatili kang walang alam."

Binigyan ko siya ulit ng isang basong naglalaman ng katas ng bayabas, "Ika'y matulog na pagkatapos mong maghugas ng mga kinainan anak," sabi ni inay sa akin, "At marinig ka sa iyong itay, hindi niya nais ang iyong kapahamakan ng dahil lang sa pagiging pilya mo." dagdag niya pa.

Akay-akay ni inay si itay papunta sa kwarto nila habang nililigpit ko ang mga gamit sa sala at kusina. Hindi na nakakain si itay dahil sa nangyari kamakailan lang. Kaya hinugasan ko na ang mga kinainan namin ni ina bago pa matulog.

Habang naghuhugas ako, sumagi sa isipan ko ang pinakanakakatawang ideya. Ang pagsali sa polo y servicio para mailigtas si itay . Ngunit kung pag-isipan ng mabuti'y maaari kong gawin iyon, apatnapung (40)  araw lang naman ang serbisyong iyon. At kailangan ko lamang magpanggap na lalaki, hindi naman kalakihan ang dibdib ko at maaari kong putulin ang aking buhok.

Buo na ang aking isipan, ako'y magpapanggap bilang isang lalaki. Madaling araw na nang bumangon ako para maghanda sa aking pag-alis. Pinutol ko na ang aking mahabang buhok at tinapigan ko ng makapal na tela ang aking dibdib. Inilagay ko na rin ang liham na  para kina inay at itay sa aking higaan. Nilalaman doon ang paghihingi ng tawad at paniniguradong babalik ako ng ligtas at sana'y huwag na nila akong puntahan pa. Nag-isip ako ng mga pangalang panglalaki na gagamitin ko pero napagdesisyunan kong Paco na lang ang gamitin. Tumikhim ako, humarap sa maliit na salamin.

"Ako si Paco Alfarero," gamit ang panlalaking boses.

Sa ilang mga sandali ng pagpupunyagi sa pagpalalim ng boses, sa wakas at nahanap ko na kung paano magtunog lalaki. Hindi ko nilakasan ang pagbigkas ng mga salitang iyon dahil baka magising sila. Inilabas niya ang isang maliit na kwaderno at nagsimula nang magsulat.

Agosto 30, 1883

Ako ay kinakabahan sa aking gagawin, tama ba ito? Ngunit para ito sa aking itay   . Ito na siguro ang pinakamahirap na desisyong gagawin ko sa tanang buhay ko. Kaya ko ito, para kay itay   . Sana'y patawarin ako nila itay  at inay lalong lalo na ng Panginoon sa gagawin kong ito at nawa'y gabayan niya ako sa aking paglisan sa aming tahanan.

Corazon

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status