Share

Bayani: Katutubong Diyos
Bayani: Katutubong Diyos
Author: Axys

Prologo

Mula sa pananampalataya, kumukuha tayo ng lakas, at sa ating pananampalataya, sila ay nabubuhay.

Totoo ang mga Diyos na ating sinasamba at pinaniniwalaan. Ang salitang Diyos ay titulo na ibinibigay sa mga makakapangyarihan at maraming taga-sunod. Gaya na lamang ng mga Diyos sa iba't ibang dako ng mundo, ang ating bansa ay mayroon ding Katutubong Diyos. Hindi nga lamang natin sila gaanong kilala dahil hindi nila nais magpakita sa atin. Subalit, lumipas man ang panahon, nandiyan pa rin sila at tumutulong sa atin.

Ang mga nasabing Katutubong Diyos ay naninirahan sa lugar na kung tawagin ay “Kawalhatian”, at mula rito ay patuloy silang gumagabay sa kanilang nasasakupan at taga-paniwala. Maging ang mga Diyos ay may sinusunod na mga alituntunin, at dahil sa Kasunduan ng mga Diyos ay nanatili sila sa Kawalhatian.

Isa na nga sa mga Katutubong Diyos na nananahan sa Kawalhatian ay si Bathala. Si Bathala, kilala rin bilang Abba at Bathalang Maykapal, ay ang pinakamataas sa lahat ng Katutubong Diyos, at siyang lumikha sa lahat. Pinagmamasdan at pinapangalagaan niya ang mga tao mula sa kaniyang tahanan, ang Kawalhatian, kasama ng iba pang Diyos. Nagpapadala rin siya ng mga Anito para gabayan at tulungan ang mga tao. Mabuti si Bathala, madali siyang matuwa lalo na kung sinusunod ang mga patakaran at ipinag-uutos niya, kaya naman ginagantimpalaan niya ang mga tao. Subalit, malupit siya kung magalit, pinapaulanan niya ng kidlat ang sinumang magkasala at lumabag sa pinapagawa niya.

Isang araw ay nagpatawag ng pagpupulong ng mga Diyos si Bathala. Ginawa niya ito dahil may nakita siyang nakababahala sa lupain ng mga tao. Lahat ng Katutubong Diyos, anuman ang posisyon at katayuan, ay inaasahang dumalo. Subalit hindi lahat ay makikita sa nasabing pagpupulong.

“Tila iilan lamang ang dumalo sa pagpupulong, gayong natitiyak ko na aking sinabi na lahat ng Katutubong Diyos ay kailangang dumalo!” nagngangalit na sambit ni Bathala.

“Ipagpaumanhin niyo po Bathala,” tugon ng isa pang Diyos, “subalit hindi makakadalo ang ilang Katutubong Diyos dahil sa kaguluhan sa kanilang lupain. Ang iba naman ay hindi matukoy ang lokasyon at nananatiling nawawala, at may ilan hindi na sapat ang kakayahan para makapunta sa Kawalhatian.”

Kawalhatian nga ang tahanan ng mga Katutubong Diyos subalit hindi sila laging narito. Ang ilan ay naglalakbay sa iba't ibang lugar. Ang ilan ay nagbabalat-kayo, nakikihalubilo sa mga normal na tao, at minsan pinagmamasdan nila ang kanilang nasasakupan mula sa kanilang sariling mata at karanasan.

“Gaya nga ng aking ikinababahala,” usal ni Bathala, “tuluyan nang nawawala at nababawasan ang kapangyarihan ng mga Diyos ng Kaluwalhatian. Sapagkat, ang mga Diyos ay nabubuhay at nagmumula ang kapangyarihan sa pananampalataya at paniniwala ng mga tao sa kanila. Kung maaalala ninyo ang dahilan ng ating paglikha sa Bahaghari, ito ay dahil ang mga tao sa Mundo ay unti unti na tayong nalilimot, kaya naman bumuo tayo ng lugar kung saan ang mga naniniwala at nakakakilala pa sa atin ay sama-samang mamumuhay ng payapa. At tila hindi na sapat ang kapangyarihan na maibibigay ng Bahaghari para sa ating lahat.”

Sa kalagitnaan ng pagpupulong ay biglang nagdilim ang paligid. Nabalot ng makapal at maitim na mga ulap ang kabuuan ng Kawalhatian. Inikot nito ang lugar ng ilang beses hanggang sa tuluyang itong nagtungo sa bulwagan at lokasyon ng pagpupulong ng mga diyos.

Ilang sandali lamang ay nagbago ng wangis ng itim na ulap. Ang nilalang ay nag-anyo bilang isang matandang lalaki na may kulay abong buhok. Nakasuot din ng itim na damit ang kanilang panauhin at may dalang itim na baston. Sa dulo ng baston ay isang bilugang bagay na gawa sa itim na usok, at patuloy ito sa paggalaw at pag-ikot.

“SITAN! Anong ginagawa mo dito?” sigaw ng isang Diyos.

“Huwag ka naman ganyan Apolaki,” sagot ni Sitan, “isa itong pagpupulong ng mga Katutubong Diyos, nakalimutan mo na bang Diyos din ako?”

Si Sitan ang Diyos na namamahala ng Kasanaan, ang lugar kung saan pinahihirapan ang mga makasalanan. Pagdating sa kapangyarihan ay kapantay siya ni Bathala. Si Sitan ang simbolo ng kasamaan at pagpaparusa.

Mula sa likuran ni Sitan at nagpakita na rin ang iba pang Katutubong Diyos na namamalagi sa Kasanaan, sila ang mga alagad ni Sitan. Ang una ay si Mangagaway, siya ang Diyosa ng mga Karamdaman. Mayroon siyang suot na isang kwintas na gawa sa mga bungo ng tao, at bigkis na gawa sa mga pinutol na kamay at paa ng tao. Nag-aanyong tao siya at gumagala sa lupain ng mga tao, nagpapanggap bilang isang manggagamot, subalit sa halip na kagalingan ay masamang karamdaman ang kaniyang ibinibigay.

Ang ikalawang alagad ni Sitan ay si Mansisilat, ang Diyosa ng Pagkasira ng Tahanan. Pinaka-ayaw niya ang makakita ng isang masayang tahanan kaya naman pipilitin niya itong sirain. Gaya ni Mangagaway ay gawain niya na magpanggap bilang mangagamot o pulubi para makapasok sa tahanang nais niyang sirain. Gamit ang kaniyang kapangyarihan, nagagawa niyang maging magkagalit ang mga mag-asawa.

Ang ikatlong alagad ni Sitan at tanging lalaki ay si Mankukulam. Ang kaniyang gampanin ay ang gumawa ng sunog tuwing gabi, lalo na kung madilim ang paligid at masama ang panahon. Katulad ng ibang alagad ni Sitan, siya ay nagbabalat-kayo rin bilang isang manggagamot. Kapag napasok na niya ang bahay dito na niya sisimulang sunugin ito, kapag agarang naapula ang sunog, buhay ng naninirahan dito ang magiging kapalit.

At ang huling alagad ni Sitan ay si Hukluban, ang Diyosa ng Kamatayan. Siya ang pinakamakapangyarihan sa mga alagad ni Sitan. Nagagawa niyang magpalit anyo sa kung ano man ang kaniyang naisin. May kakayahan din siyang bawiin ang buhay ng isang tao sa isang kumpas lamang ng kaniyang kamay, at magagawa din niyang pagalingin ang isang tao ng walang kahirap-hirap. Bukod pa dito, kung ano man ang kaniyang sambitin ay magkakatotoo.

“Bathala, alam mong unti unti nang naglalaho sa kaisipan ng mga tao ang presensya nating mga Katutubong Diyos. Alam mo ang mangyayari sakaling wala nang nakakakilala sa mga Diyos,” paliwanag ni Sitan. “Ilang libong taon na ang nakaraan nang paghatian natin ang mga lupain. Nangako ako na babalik ako upang kunin ang iyong kapangyarihan at pinamumunuan, ngayo'y nandito ako at nagbabalik upang hamunin ka.”

“Subalit hindi maaaring maglaban ang mga Diyos,” sagot ng isa pang Diyos.

“Kailanman ay hindi naisusulat sa Kasunduan ng mga Diyos na hindi maaaring maglaban ang mga Diyos,” pahayag ni Sitan. “May mga alituntunin at panukala na dapat tayong sundit. At batid kong alam mo ang aking tinutukoy.”

“Hayaan ninyong ipaliwanag ko sa mga tulad ninyong mabababang Diyos ang nilalaman ng Kasunduan ng Diyos,” pagpapatuloy ni Sitan. “Hindi lamang maaaring maglaban ang Diyos kung hindi sila magkapantay ng kapangyarihan. Subalit maaari mo silang pahinain gamit ang bilang ng mga naniniwala sa kaniya. Gaya na lamang ng nangyari ilang daang taon, nang mabahag ang iyong buntot, noong sinubukan kang talunin ng isang Diyos mula sa ibang lupain. Sa halip na ipaglaban mo ay nagtago ka sa bago mong lupain at hindi na kasing lakas ng dati.”

“Subalit ibahin mo ako dahil hindi kita hahayaang tumakbo kung saan. Kaya naman sa mga susunod na araw, papakawalan ko ang aking mga alagad, maging ang mga nilalang ng Kasanaan. Sakaling magapi ng mga pinamumunuan ninyo ang aking mga nilikha, tatanggapin ko ito bilang patunay na higit ang lakas at kapangyarihang taglay ni Bathala. Ngunit, kapag hindi kayo nagtagumpay, magpapaalam na kayo sa Kawalhatian, at ang lahat ng inyong kapangyarihan at nasasakupan ay magiging sa akin na. Hiling ko lamang na seryosohin ninyo ito, at kayo ay maghanda upang hindi kayo kaagad na magapi. Sa ganitong paraan ay magiging kapapanabik ang digmaang magaganap sa pagitan ng mga Diyos. Hanggang sa susunod nating pagkikita.”

Namayani ang malagim na paghalakhak ni Sitan. Muling nabalot ng kadiliman ang Kawalhatian. Ilang sandali lamang at ito'y naglaho gayundin naman si Sitan at alagad dito.

“Apolaki,” pahayag ni Bathala, “magpadala ng pahayag sa lahat ng kampo ng Bayani. Sabihan na palakasin ang lahat ng hukbo at sumailalim sa matinding pagsasanay. Ipagbigay alam sa kanila ang darating na panganib, subalit tiyakin mo na pawang mga Bayani lamang ang makaka-alam at ang mga may matataas na posisyon. Hindi na dapat ito magdulot ng takot at pangamba sa mga mamamayan. Higit sa lahat, kakailanganin natin ng pinakamalalakas na Bayani ng bagong panahon.”

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status