Share

Kabanata 2

“What is it?”

Bakit ang prangka naman yata niya? 

“Sorry, S-sir... ano... thank you sa paghatid nung gift.” Sa ibang direksyon ako nakatingin dahil hindi ko siya kayang tingnan sa mata. 

“That's from Ruan. He should be the one you're saying thanks to. Do you have anything else to say?” 

Napahiya naman ako roon. Kay Ruan pala. Gusto kong sapukin ang sarili ko.

“Sige, S-sir... magpapasalamat pa rin ako sa kaniya. P-pero ikaw yung naghatid kaya... salamat din.”

Ilang segundo ang lumipas bago siya muling nagsalita. “I'm leaving. I won't grant another favor from your boyfriend again. There'll be no next time.”

“Sir, hindi ko po siya boyfr—” 

Tuluyan na siyang nakasakay sa kotse kaya hindi na niya narinig iyon. Nang mawala na ang sasakyan niya sa paningin ko ay saka lamang ako napabuga nang malakas sa hangin. 

Boyfriend? Sinabi ba iyon ni Ruan sa kaniya? Bigla akong na-frustrate. Bakit naman iyon sasabihin ni Ruan? 

Pero... hinatid niya pa rin yung regalo para sa akin. Hindi man iyon galing sa kaniya, siya pa rin yung nag-abalang ihatid iyon. 

Tuloy ay pigil ang ngiting pumasok ako sa bahay.

Dalawang asul na invitation cards ang nabungaran ko sa aming mesa kinaumagahan. Ramdam na ramdam ko ang ganda ng tekstura niyon nang haplusin ko. Sa unahan ay nakasulat sa gintong titik ang CLAUSEN MANUFACTURING CLAN. 

Binuklat ko ang card. Nakasulat sa loob ang CMC Special Event. Nakadetalye rin ang petsa ngayon at gaganapin ito mamayang alas sais nang gabi sa mansion ng mga Clausen. 

“Bakit tayo imbitado, 'nay?”

Mula sa kusina ay bitbit ni nanay ang isang mangkok ng sinangag na kanin. Maingat niya iyong nilapag sa mesa. 

“Hindi ko rin alam.” Nagsalin siya ng kape sa dalawang tasa. 

Naupo na rin ako at nagsimulang kumuha ng pagkain. 

Bakit nga ba kami imbitado? Parang hindi naman kami kailangan sa event nila. Kung ano man yung ipagdiriwang nila, malamang ay mapupuno iyon ng mayayaman nilang bisita at mga ka-negosyo. Iniisip ko pa lang na naroon kami, nanliliit na ako. 

“Hindi ba't nabanggit ni Ma'am Navi kahapon na may event sila?” 

“Tungkol saan po?” 

“Ang alam ko ay event para kay Russel iyan.”

Muntik na akong mabilaukan. Tuloy ay napahigop ako ng kape. Binanggit pala iyon ni Ma'am Navi. For sure ay hindi ko narinig dahil abala ako sa pag-iisip ng kung ano-ano. 

“Ayokong pumunta, 'nay.”

“Naku, ayan ka na naman, Alliyah. Pinaiiral mo na naman ang hiya mo.”

“Eh, wala naman po tayong susuotin. Hindi tayo nababagay ro'n.”

Pinanliitan niya ako ng mata. “Imbitado rin sina Venus kaya hindi puwedeng hindi tayo pupunta.” 

“Wala tayong susuotin, 'nay,” napapakamot na ulit ko. 

“Hindi problema iyan. Pupunta tayo sa palengke ngayon.”

Sayang ang pera. Gusto ko sanang sabihin kay nanay pero siguradong tatanggihan niya iyon. Ugali na niya iyong makisama sa mga tao, ano man ang antas nila sa buhay. Samantala, iyan naman yung bagay na wala ako. Hindi ako sanay humarap sa maraming tao, lalo na sa mayayaman. Pakiramdam ko kasi'y kukutyain lang nila ako sa isip nila. O hindi kaya naman ay ipapahiya sa harap ng kanilang mga kasama. 

Pang-apat na sukat ko na ito ng dress pero hindi bumabagay sa akin. Ewan ko ba. Parang wala talagang babagay na kahit ano sa kutis ko. Hindi ako maputi. Hindi ako kagaya ni Venus na mayroong magandang kutis. Kumpara sa amin ay mas nakakaangat sila kaya kahit papaano'y nabibili niya yung mga gusto niya. At isa pa ay kumpleto ang pamilya ni Venus samantalang ako ay si nanay na lang ang kasama. 

Ilang sandali pa'y parami na nang parami ang mga suking pumapasok sa ukay-ukay store. Mas lalo akong nawalan ng gana. 

“Walang maganda rito, lumipat tayo sa kabila.” Hinakawan ako ni Nanay sa braso para yayain nang lumabas. 

Napapailing na sinundan ko siya. Mayroon namang magaganda, wala lang talagang bumabagay sa akin. Bukod diyan ay kaunti lang ang perang hawak ni nanay para pagkasyahin iyon sa aming dalawa.

Tumigil ang isang kotse sa tapat namin. Dahan-dahang bumaba ang salamin niyon. Natigil ako nang mukha ni Ruan ang nalantad sa paningin ko.

“Alliyah!” masiglang tawag niya. Nakaplastar din ang malawak niyang ngiti.

“Nay, sandali,” pigil ko kay Nanay bago pa siya mapalayo. Nilingon niya ako at nang makita niyang bumaba si Ruan mula sa kotse ay naglakad siya pabalik sa kinatatayuan ko. 

“Oh, Ruan. Bakit narito ka sa palengke?” takang tanong ni nanay.

“Galing po ako sa bahay niyo pero hindi ko kayo naabutan. Si Tiyo Banny ang nagsabi sa 'kin na narito kayo.”

“Bakit ka nga ba napadpad sa amin?” muling usisa ni Nanay.

Pumihit ang tingin ni Ruan sa akin. “I have something for Alliyah po.”

Wala na kaming nagawa ni nanay nang mag-insist si Ruan na ihatid kami pauwi.

Kaya naman pala, may gusto siyang ibigay.

“Naku, ano ka ba, hijo. Nag-abala ka pa.”

Kumikinang yung dress na hawak ni Nanay. Iyon daw yung susuotin niya mamaya.

Nang buksan ko ang hawak kong kahon ay tumambad sa akin ang light blue one shoulder dress. Namamanghang kinuha ko iyon upang usisain. Mayroong ilang diamonds sa parteng baywang at laylayan nito. 

“Nagustuhan mo ba?” ani Ruan sa tabi ko.

“Sobra na ito, Ruan. Hindi ko pa nga nabubuksan iyong regalo mo kagabi. Oo nga pala, maraming salamat doon.”

Pero bukod sa regalo ay bigla ko ring naalala yung taong naghatid no'n. 

Hindi ko alam kung bakit ganito na kalala ang pagtingin ko kay Russel. 

“Ayos lang. Naisip ko rin na baka wala kang maisusuot mamaya.”

Wala talaga, Ruan. 

“Salamat dito, hijo. Napakabait mo talaga,” nakangiting anas ni Nanay. 

Nakilala ko si Ruan sa isang art competition last year. Hindi ko naitanong kung anong ginagawa niya roon pero nakita ko siyang pumipirma ng kung ano sa front table. Naapakan ko yung sapatos niya nung magpapasa na ako ng entry ko. Sa halip na mairita ay nginitian niya ako at pinuri pa ang ginawa ko.

Doon nagsimula yung pakikipag-usap niya sa akin. Nalaman kong nagtatrabaho siya sa kompanya ng mga Clausen at malapit din sa isa't isa ang kanilang mga pamilya. 

Sigurado akong close sila ni Russel kahit hindi niya nababanggit sa 'kin lalo pa't nakiusap siya kay Russel kagabi na ihatid yung regalo niya. 

Dahil sa nabuksang topic ay naikuwento ko sa kaniya na nagtatrabaho si Nanay sa farm ng mga Clausen kapalit ng libreng pagtira namin doon. Hindi ko alam kung para sa kaniya ay magkaibigan ba kami o hindi pero sa tuwing may art competition ay isinasabay niya ako. Ang masasabi ko lang ay masyado siyang mabait sa akin. 

At ito ang ikalawang beses na nagtungo siya rito sa bahay. Naipakilala ko na siya noon kay Nanay kaya naman hindi na siya iba sa amin.

“You're welcome po.”

Nang magsimulang dumilim ang paligid ay gumayak na kami nanay. Umalingawngaw ang maingay na boses ni Venus na mukhang kapapasok lang sa bahay.

“Hi, Tita!”

“Aba, napakaganda mo ngayon, ah.”

“Thank you po!”

Nahawi ang kurtina ng kuwarto ko at iniluwa niyon si Venus.

“Wow! Ang ganda ng suot mo, friend! Saan mo 'yan nabili?”

“Bigay ni Ruan. Pati yung suot ni nanay, galing din sa kaniya.”

“Naks ha! Nanliligaw?”

Umiling ako. Inayos ko ang pagkaka-ponytail ng buhok ko.

“Hindi? Sure?”

“Hindi nga. Alam mo namang bawal pa ako sa mga ganiyang bagay...”

“Sabagay, ano. Tsaka si Russel nga pala yung gusto mo.”

Awtomatikong napalingon ako sa kaniya. Pinanlakihan ko siya ng mata. “Ang bibig mo naman, Venus. Baka marinig ka ni Nanay,” mariing saway ko.

Humalakhak siya. “Owkey! Pero in fairness ha! Ang ganda mo ngayon. Kung ako sa 'yo, susulitin ko na ang chance na 'to para mapansin niya.”

Sa isip ko'y... hindi na ako umaasa. Sapat na sa akin ang makita siya kahit hindi niya ako pansinin. Kung ano man yung nararamdaman ko, hanggang doon na lang iyon. Masyado siyang mataas para pangarapin. 

Habang sakay kami ng tricycle ni Tiyo Banny ay naroon ang kaba sa d****b ko. Ngayong gabi ay pupunta ako sa lugar kung saan naroon ang taong nagpapabilis ng tibok ng puso ko.

“Narito na tayo,” ani Tiyo Banny matapos patayin ang makina ng tricycle.

Nakalulunod sa ganda ang entrance pa lang ng kanilang mansion. Nakahilera sa magkabilang gilid ang naglalakihang light balls na silang nagpaliwanag sa lugar. 

“Nasaan ang invitation card niyo?” 

Hindi ko kaagad nagustuhan ang tono ng guwardiya. Para bang sinusuri niya kami sa pamamagitan ng matalas na tingin. 

“Naku, Sir. Hindi po namin dinala. Hindi po namin alam na kailangan iyon,” sagot ni Nanay. 

“Hindi kayo puwedeng pumasok,” mariing turan nito.

“Bakit po sila, hindi niyo hinihingian ng invitation card?” tukoy ko sa mga bisitang malayang nakapapasok sa loob.

“Tinatanong pa ba iyan?”

Mapangutya.

Ito na nga ba yung sinasabi ko. Dapat talaga hindi na kami nagpunta rito.

“Hindi ba't nagtatrabaho kayo sa farm?” muling usisa ng guwardiya.

“Oo,” tipid na sagot ni Tiyo Banny.

Nilingon ko si Venus at nahuli ko ang pagtirik ng mata niya. “Ang arte naman nito. Akala mo naman mataas ang posisyon,” iritadong bulong pa niya.

Siniko ko siya. “Uwi na lang tayo?” dismayado kong sabi. Kung ganito lang din naman ang trato sa amin dito, mas mabuti pang bumalik na lang kami sa bahay. 

“Pasensya na pero hindi kayo puwedeng pumasok kung wala kayong maipakikitang invitation card. Parte  ng trabaho ko ang manigurong walang makapapasok na masasamang loob sa event.”

Nalukot ang mukha ko sa narinig. Ang sama ng ugali niya. Dahil ba hindi kami mukhang mayaman ay hindi na kami katiwa-tiwala? Maling-mali naman yata ito! 

“May problema ba rito?”

Napapitlag ako nang biglang sumulpot si Ruan sa tabi nung guwardiya. Nakahinga ako nang maluwag dahil doon. 

“Ah... Sir, gusto ko lang po sanang makita yung invitation card nila.”

Napailing si Ruan. “Mga bisita ko sila. Ayos na ba iyon?” 

Tila napapahiyang tumango ang guwardiya. “Pasensiya na po, Sir. Hindi ko po alam.” 

“Alliyah.” Dinaluhan ako ni Ruan sabay yaya sa amin na pumasok na sa loob. 

“Mabuti at dumating ka, hijo. Kung hindi ay mapipilitan kaming umuwi,” ani Tiyo Banny. 

“Pagpasensiyahan niyo na po yung guard, sadyang ganoon ang ugali no'n. Palibhasa'y tauhan ng mga Lewisham,” aniya ngunit ako na lang ang nakarinig. 

Sinamahan kami ni Ruan at iginiya kami sa napili naming table. Nasa parteng likuran iyon. Ako ang nag-insist na rito kami pumuwesto dahil mahirap nang magkaroon ng spotlight  kung sa unahan kami uupo. At isa pa'y dayo lang kami rito. 

“You're beautiful. Bagay sa 'yo,” puri ni Ruan sa akin. 

Ngumiti lang ako bilang sagot. Hindi ako sanay na pinupuri.

Nanatili si Ruan sa table kasama namin. Aba, wala bang ibang gagawin ang isang ito? 

Bukod sa blue and black motif, nagustuhan ko rin ang ayos ng stage. Hindi iyon masyadong decorated, sakto lang. Siguro ay dahil na rin para sa isang lalaki ang special event na ito. Base sa marangyang ayos ng lugar ay napapaisip ako kung ano ba yung ipagdiriwang ngayon. Wala namang ibang nakasulat sa invitation card kundi special event lang. 

Natahimik ang paligid kasabay ng pagbaba ng mag-asawang Clausen mula sa grand staircase. Sumunod sa kanila ang magkapatid na Clausen na sina Daimler at Madeley. 

Agad nilang dinaluhan ang mga bisita. 

Sa paglipas ng sandali ay pabigat nang pabigat ang nararamdaman ko. Palagi na lang akong dinidiktahan ng puso ko na animo'y may sariling isip ito, ni hindi ko ito magawang kontrolin.

“Good evening, ladies and gentlemen,” panimula nung emcee na siyang nakatayo sa stage. Natahimik ang paligid. 

“Let's all welcome Russel Clausen and Denise Lewisham!” 

Kasabay ng masigabong palakpakan ay ang panlalambot ng tuhod ko.

Denise.

Sino si Denise?

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status