Share

Kabanata 7

Kung gaano kabilis ang oras ay ganoon din kabilis ang mga pangyayari. Kinabukasan ay pumutok na lang ang balitang kailangan munang ipasara ang farm dahil sa imbestigasyon. Nang araw ding iyon ay aligaga kami ni Nanay sa pag-iimpake ng mga damit. Hindi ko mapigilan ang pamamasa ng mga mata ko habang pinanonood na isakay ang mga gamit namin sa truck.

Katulong namin ang ilang mga katrabaho ni Nanay pati na rin sina Venus at Tiyo Banny.

“Saan ang punta niyo niyan?” nabusangot na anas ni Venus.

“Hindi ko pa alam, Venus. Masyadong biglaan.”

Mahigpit niya akong niyakap.

“Kahit mapalayo pa kayo, pupuntahan kita! Laging available ang tricycle ni Tiyo Banny!”

Natawa na lang ako habang sinusuklian ang yakap niya.

“It's okay! Hindi naman siguro kami mapapalayo. Maraming house for rent diyan sa tabi-tabi.”

Marahan kaming kumalas sa isa't isa.

Kahit pala paghandaan ang isang bagay, kapag nandiyan na, hindi pa rin maiiwasan ang pagkabigla. Nasa imahinasyon ko na ito. Bago pa ito mangyari ay alam ko nang malaki ang posibilidad na darating kami sa ganitong punto. 

Tumunog ang cellphone ko. Agad kong sinagot ang tawag. 

“Alliyah, nasaan na kayo?” 

“Nandito pa kami, Ruan. Paalis pa lang—” 

Mukhang may umagaw ng cellphone kaya naputol ang sasabihin ko. 

“Stay still.”

Hindi agad ako nakapagsalita nang marinig ang boses na iyon.

Hanggang sa namatay na ang tawag ay nakatingin pa rin ako sa screen ng cellphone ko, nakakunot ang aking noo.

“Anong sabi?” usisa ni Venus. Nakaunat ang kaniyang leeg na tila sinisilip ang cellphone ko pero patay na ang screen light doon. 

“Papunta na raw sila,” kabado kong sabi.

“Sino?”

“Sila Ruan.”

Dumako ang tingin ko sa gate. Natanaw ko ang iba naming kasamahan na kagaya namin ay naghahanda na rin sa pag-alis. 

“Sinong kasama ni Ruan?”

“H-hindi ko alam...”

Hindi ko alam—hindi ako sigurado. Parang imposible namang siya iyon. Bakit naman siya pupunta rito? Wala naman siyang koneksyon sa akin.

“Alliyah, tara na. Magpaalam ka na kay Venus.” Lumapit sa amin si Nanay.

Saglit niyang niyakap si Venus at nginitian ito. “Magpapakabait ka rito, hija. Hayaan mo, dadalawin ka ni Alliyah rito kapag may oras.”

Lalong bumakas ang lungkot sa mukha ng kaibigan ko. Madrama itong nagmaktol. “Mamimiss ko po kayo!”

“Ikaw rin hija. Pero 'wag kang mag-alala, magkikita pa naman tayong lahat,” paniniguro ni Nanay.

“Tatawagan kita kapag nakarating na kami sa aming lilipatan,” saad ko.

“Handa na ba ang lahat? Wala nang naiwan?” boses iyon ni Tiyo Banny.

“Wala na. Tara na, Alliyah.”

Habang papalapit sa gate ay palakas nang palakas ang kabog ng dibdib ko.

Natigil ang pagsakay ni Nanay sa truck nang dumating ang pamilyar na sasakyan.

Nakumpirma kong siya nga iyon. Nagmamadaling bumaba mula roon si Ruan at sumunod si Russel.

Dalawa silang naglalakad patungo sa amin pero sa isa lang ako nakatitig. Tuwid siyang naglalakad, hindi alintana ang putik na nagmamantsa sa kaniyang sapatos. Maging ang lahat ay natigil dahil sa pagdating nila.

“Sir!” gulat na saad ni Tiyo Banny.

Tiim-bagang na inilibot ni Russel ang paningin sa aming bahay... at pagkatapos ay tumigil ang kaniyang mga mata sa akin.

Binati siya ni Nanay pero nanatili ang tingin niya sa akin. 

“Allisa! Matagal pa ba?” inip na sigaw ng driver ng truck. 

Nilingon iyon ni Russel. 

Ang ilan naming kasama ay nauna nang umalis. 

“Heto na, sandali lang! Hijo, mauuna na kami.”

Akmang sasakay na si Nanay pero nagsalita si Russel. 

“I am here to fetch you two,” seryosong saad niya habang matalim ang tingin sa akin na para bang may ginawa akong mali.

Geez! Anong problema ng lalaking ito?

“Tita, sa amin na po kayo sumakay, para mas safe.”

Litong-lito man si Nanay ay wala siyang nagawa nang igiya siya ni Ruan sa sasakyan.

Umandar na ang truck at narinig ko na lang ang saad ng driver na susunod siya sa amin. 

“Let's go,” malamig na wika ni Russel.

Napapalunok ako habang nakasunod sa kaniya, ang mga mata ko'y naghahanap ng sagot sa malapad niyang likod.

Teka, ano bang nangyayari? Hindi ko ito maintindihan!

Sa kabila ng kalituhan ay nagawa ko pa ring kawayan sa huling pagkakataon sina Venus at Tiyo Banny. Ang nakangiti nilang mukha ang babaunin ko sa pag-alis. 

“Nakakahiya naman sa inyo, mga hijo. Nag-abala pa kayo. Sanay kami ni Alliyah sumakay sa truck.”

Hindi nagbago ang ekspresyon ni Russel hanggang sa nakasakay na kaming lahat.

Maging ako'y gustong mapailing sa dahilan ni Nanay. Seryoso. 

Magkatabi sina Russel at Ruan sa front seat samantalang kami ni Nanay ang nasa likod. 

“It's okay po, Tita. Mas safe kasi kung sa amin kayo sasabay kaysa sa lumang truck na iyon,” si Ruan ang sumagot.

“In that old truck, beside that random man,” mariing bulong ni Russel na mukhang ako lang ang nakarinig.

What?

Diretso ang tingin niya sa daan hanggang sa makalabas kami ng farm. 

Patuloy na nakasunod sa amin ang truck na kargado ng aming mga gamit.

Tumigil ang sasakyan sa tapat ng isang mansion. 

“Hijo, may dadaanan ka ba sa bahay niyo?” takang turan ni Nanay. 

Lumingon sa amin si Russel. “Tita, dito muna kayo titira.”

Napasinghap ako. Ano ulit? 

Dito? 

Paanong... 

“Ha? Sigurado ka ba hijo?” 

“Yeah.”

Tulala akong bumaba ng sasakyan. Nang bumukas ang malaking gate ng mansion ay saka lang tuluyang nagsink-in sa akin ang sinabi ni Russel. 

Ang nakangiting si Ma'am Navi ang bumungad doon. Sa likod niya'y nakahalukipkip si Madeley. Hindi naman siya mukhang galit. Kagaya lang ng kuya niya na masyadong seryoso na akala mo'y pinag-aaralan ang bawat bagay. 

“Nakalimutan kong sabihin sa iyo na rito na kayo dumiretso. Good thing, umuwi rito si Russel kaya napakiusapan ko siyang sunduin kayo.”

“Ma'am Navi, nakakahiya naman sa inyo. Ayos lang kung mangupahan kami ni Alliyah.”

“No. Gusto kong dito na muna kayo. Pero bago ang lahat, ayusin muna natin ang mga gamit niyo.” 

At ganoon nga ang nangyari. Sa tulong ng guards ay mabilis na naibaba at naipasok ang mga gamit namin sa loob ng mansion. At isa pa'y hindi naman ganoon karami iyon kaya mabilis silang natapos. 

Sa pag-aakalang may natira pang gamit sa truck ay bumalik ako sa labas. Ngunit ang naabutan ko lang doon ay si Russel na nag-aabot ng pera sa driver. 

Tumigil ako.

Sa ganoong posisyon ako nakita ni Russel. Lumapit siya sa akin ngunit ang tingin ko'y nasa papalayong truck.

“M-magkano po ang ibinayad niyo, Sir?”

“Russel. Just Russel and quit calling me sir,” diretsong saad niya.

Napakamot ako, hindi alam ang susunod na sasabihin.

“Uhm, it doesn't matter.”

Dahil sa hiya ay tumango na lang ako at tinalikuran siya. Ngunit nagulat ako nang hawakan niya ako sa braso at muling iharap sa kaniya.

“Fine. Five thousand,” balewalang saad niya.

Namilog ang mga mata ko. “F-five? Isang libo lang ang pera namin.”

Kahit ang pagkunot ng noo niya'y magandang pagmasdan. Geez! Nababaliw ka na, Alliyah!

“So?”

“Huh? Syempre babayaran namin iyon—”

“Tss. Really? Forget about it then.”

“P-pero—” 

“I'm serious. Don't make me repeat it, Alliyah.”

Muli na naman akong nagulat nang banggitin niya ang pangalan ko. Para akong tinatangay ng tinig niya. Pakiramdam ko'y namumula na naman ang mukha ko ngayon sa kahihiyan! 

Kailan ba ako masasanay?

“Son, babalik ka na ba sa opisina?” boses iyon ni Ma'am Navi. 

Napaatras ako. 

“Yeah, marami pa akong gagawin.” 

“Okay. Take care! Let's go inside, hija.”

Gulantang pa rin ako. Ni hindi man lang napangalahatian ng mga gamit namin ang napakalaking guest room. Kahit nung tapos na kami sa paglilinis ay pinoproseso ko pa rin ang nangyari. Mula sa farm, para bang isang kurap lang at narito na kami sa mansion. 

Ngunit kahit pa ganito ang kinahinatnan ay hindi ko pa rin magawang matuwa. Posible pala talagang mas magkalapit pa kami ni Russel gaano man kalala ang pag-iwas ko. Malaking problema nga ito.

“Kakain na raw, Alliyah.” Bahagyang binuksan ni Nanay ang pinto para sabihin iyon. 

“Susunod na po ako.”

Muli kong nilibot ang paningin sa kabuuan ng silid bago ako tuluyang bumaba. Hindi pa rin ako makapaniwala. 

Naabutan ko sa parihabang mesa ang mag-asawang Clausen at ang magkapatid na sina Daimler at Madeley, sabay-sabay nang kumakain. 

Sa sobrang busy namin kanina ay hindi ko namalayang gabi na pala at dinner na ngayon. Naalala kong hindi ko pa napapasalamatan si Ruan sa pagtulong niya. 

“Kain na, hija,” nakangiting yaya ni Ma'am Navi. 

Naupo ako sa bakanteng upuan sa tabi ni Daimler. Nag-angat ito ng tingin, nakaangat ang sulok ng labi. 

“What a world,” aniya sa pagitan ng pagnguya.

Tiningnan ko siya at nginitian. “Hi, Daimler.”

Dapat ko yatang parangalan ang sarili ko dahil nagagawa kong umakto nang maayos kahit sa loob ko'y hindi ako kumportable. 

Nilagyan ni Nanay ng kanin at ulam ang plato ko. Tahimik akong kumain. 

“Gusto ko ulit magpasalamat dahil pinatuloy niyo kami rito,” marahang wika ni Nanay. 

“It's so fine, Allisa. Actually, gusto ko rin sanang makiusap sa 'yo. Aalis kami ni Ridley sa isang araw. Hindi kami sigurado kung kailan ang balik namin kaya naisip kong makisuyo sa 'yo. Baka puwede mo munang bantayan ang mga bata?” 

“Walang problema. Maliit na bagay lang iyon kumpara sa naitulong niyo sa amin.”

“Salamat, hindi kasi namin puwedeng iwan ang dalawang bata rito,” turan ni Sir Ridley. 

“Dad, I'm no longer a kid,” giit naman ni Daimler. 

Nagtaas ng kilay ang kaniyang ama. “Hangga't hindi mo kayang bantayan ang kapatid mo ay bata ka pa rin, Daimler.”

“Dad, she's no longer my problem. She's just a brat!” 

Gusto kong matawa pero pinigilan ko. I can also say that Madeley is a bit spoiled. Halata iyon sa kung paano siya umakto. 

“Madeley, puwede bang kumain ka muna?” iritadong puna ni Sir Ridley.

Gaya ni Russel, ang mga mata nito'y madilim na animo'y maaaring makasugat sa tititigan nito.

Magkakadugo nga sila.

Matapos ang buntong-hininga ay umikot ang mata ni Madeley bago muling nagsalita pero nanatili ang atensyon sa kaniyang cellphone. “Kuya Russel is bothering me. Blame him, Dad.”

Tumaas ang kilay ni Sir Ridley. 

“At kailan pa siya natutong mangulit?”

“Ngayon lang, Dad. He's asking me so many things about—”

“Madeley.”

Napunta ang lahat ng atensyon namin sa biglang pagpasok ng lalaking kababanggit lang ni Madeley. Tanging ang pang-ilalim na polo na lang ang kaniyang suot dahil nakasampay sa kaniyang balikat ang makapal na coat. Ang isang kamay ay nakahawak doon samantalang ang isa'y nasa bulsa ng kaniyang slacks.

Napamura ako sa isip ko. Bakit ang guwapo niya? 

Seryoso itong nakatingin sa kaniyang kapatid na para bang nagbabanta.

Napapikit ako. Nandito na naman siya.

“Well...” mapang-asar na bulong ni Daimler. Nakangisi ito sa akin na para bang marami siyang nalalaman! 

Nakagat ko ang labi ko dahil sa napagtanto. 

Malamang, Alliyah. Simula ngayon ay madalas mo nang makikita si Russel dahil bahay nila 'yan!

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status