Share

Kabanata 8

Gamit ang libre kong kamay ay muli kong tinipon sa isang side ang ilang hibla ng buhok kong kumakawala dahil sa hangin. Nagpatuloy ako sa pagguhit. Bukod sa preskong hangin ay malaking tulong ang katahimikan para makapag-relax ako. Sa Clausen farm naman ay sariwa rin ang hangin pero hindi kasing-tahimik ng lugar na ito. Palibhasa'y pare-parehong wala rito ang mag-anak. Nasa paaralan sina Daimler at Madeley at may pinuntahan din ang mag-asawa. Si Nanay naman ay namalengke. Hindi na rin niya ako pinasama dahil may inatasang driver naman na makakasama niya roon kaya ako lang mag-isa ang narito. 

Nakanguso ako habang tinatapos ang drawing. Dapat ay kahapon ko pa ito sinimulan pero kasi, nananantya pa rin ako. Hindi madaling maging komportable nang ganoon kabilis sa mansion. Yesterday, I spent almost my whole day talking to Venus on the phone. Inilahad ko sa kaniya isa-isa ang mga nangyari, hindi kasama roon ang personal kong nararamdaman. Kung kahapon ay nag-aadjust pa ako, ngayon naman ay medyo okay na. Though, hindi ko pa nalilibot ang buong mansion, tanging ang mga parteng nadadaanan lang patungo sa kwarto namin. Hindi na rin naman siguro kailangan.

Mabait si Luke. Hindi niya ako pini-pressure. Wala kaming napagkasunduang exact time para tapusin ko ito pero nakakahiya pa rin. Kung hindi lang kami napalipat ay tapos ko na ito.

Dinama ko ang malamig na hanging dumadampi sa balat ko. Totoong malawak at magarbo ang hardin ng mga Clausen. Sa sobrang ganda nito'y puwede na itong gawing tourist spot. Ito ang pangalawang beses na nakita ko ito. Ang una ay iyong event ngunit gabi iyon. Ngayong umaga ay malinaw ko nang napansin ang kaibahan. Nakakabit pa rin ang light balls kung saan ko sila unang nasilayan. Marahil ay sadyang nariyan na sila bilang disenyo at tuwing gabi'y pinapailaw rin. 

Isang marahang pasada pa ng colored pencil para sa skintone at bulak panlinis para magmukhang smooth, satisfied na ako sa resulta. Nangingiti ako habang pinagmamasdan ang mukha ng babaeng iginuhit ko. Sa unang tingin ko pa lang ay inisip ko na kung anong relasyon niya kay Luke. Puwede kasing pinsan, kapatid, kaibigan, o nobya. Pero kung uusisain, hindi niya kamukha si Luke. Malayong-malayo ang hitsura niya sa mga Clausen—at least yung mga nakita ko na. So, I can say that she's not related to Luke, or to Clausen's.

Singkit ang kaniyang mga mata. Maninipis ang labi at bilugan ang mukha. Kulot ang makapal na buhok na may flower pin sa kanang bahagi. She's beautiful. Ito yung tipo ng gandang hindi nakaka-intimidate dahil sa aliwalas ng aura. Mahinhin, simple, at walang arte. Mukhang masarap kaibiganin. Wala ring siyang makeup. Tuloy ay mas na-curious ako. Stereotypical mang sabihin, hindi nga ba't ang gusto ng mga kagaya ni Luke ay iyong sumisigaw ng karangyaan? Iyong babaeng may matured na aura, sexy, may kolorete sa mukha, at intimidating? Alam ko iyon dahil ganoon rin ang gusto ni Russel. No doubt, si Denise ang inasawa niya. 

But now that this girl proves me wrong about Luke, maybe I'm just right about Russel!

Napairap ako. What about Daimler? Ano kaya ang tipo niya? Venus isn't that fierce type pero marunong din mag-ayos ang isang iyon. He'll probably like my best friend 'cause why not? She's decent, too. 

I took some shots of the portrait. Pinili ko iyong pinakamaganda ang kuha at isinend kay Ruan. Ilang segundo lang ay nag-reply na siya. 

Ruan: Woah. Awesome! 

Nakangisi kong isinara ang sketchpad ko at saglit na nakipag-text kay Ruan. Medyo humaba ang usapan namin dahilan para maisip kong wala siyang ginagawa sa mga oras na ito. 

Ako: Daanan mo rito bukas para makita mo na rin! 

I sent my reply. 

“Can I see it too?” 

Napapitlag ako. Bago pa ako makapagsalita ay naipatong na ni Russel ang mga siko sa inuupuan kong bench. Nasa likod ko siya!

“I wanna see it,” pag-uulit pa niya.

Hindi ako makalingon. Nakasabit sa magkabilang gilid ko ang kaniyang mga braso. Bukas man ang espasyo sa harap ko, pakiramdam ko'y ikinukulong pa rin ako ng mga iyon. Dahil sa posisyon ay naiimagine kong bahagya siyang nakayuko ngayon.

Gosh! Kanina pa kaya siya? Hindi ko man lang namalayan ang pagdating niya. 

Nabasa pa yata niya ang conversation namin ni Ruan!

Kasabay ng paglunok ay dahan-dahan kong binuklat ang sketchpad ko, revealing the gorgeous face of the girl na hinangaan ko. 

“Hmm. So, it's true. You're indeed great.”

Pakiramdam ko'y sobrang lapit ng mukha niya sa akin dahil nagmistulang bulong iyon.

“T-thank you.” Talagang hindi ko maiiwasang mautal.

Si Russel lang naman ito, yung lalaking hinusgahan ko kanina lang!

“K-kilala mo ba siya?” sa wakas ay naitanong ko.

“I don't know her. Maybe she is Luke's new fling.”

Nag-init ang pisngi ko. Hindi ko alam kung dahil sa hiya o inis. Fling, huh? Ganoon ba talaga ang turing nila sa mga babae? I was praising the innocent girl just a while ago and now he's calling her a fling? 

Dahil sa biglang pagkulo ng dugo ko ay padabog akong tumayo at nagmartsa paalis doon. Nakumpirma ko nang hindi ito dahil sa hiya kundi dahil sa inis! 

Maging ang kotse niyang nadaanan ko sa garahe ay nagawa kong irapan. 

Padarag kong inilapag ang sketchpad sa bubog na mesang nasa sala. Umalingawngaw iyon dahil sa katahimikan. Dumiretso ako sa kusina para kumuha ng tubig sa refrigerator dahil pakiramdam ko'y bigla akong nauhaw.

Diretso kong nilagok ang laman ng baso. Muntik na akong masamid nang ang bulto ni Russel ang bumungad sa akin pagkasara ko ng ref.

“You mad?” inosenteng tanong niya. Bahagya ring nakakunot ang noo na tila ba isang palaisipan sa kaniya ang bigla kong pag-alis sa garden. 

Prenteng nakatayo sa gilid ko, ang mga kamay ay nasa magkabilang bulsa ng suot na slacks.

“No!” Gusto kong sapukin ang sarili ko dahil sa pagtaas ng boses ko.

Hindi ko mapigilan!

Tinalikuran ko siya. Nagtungo ako sa lababo para hugasan ang baso... at syempre para rin makaiwas sa tingin niya. 

“You are.”

Ngayon naman ay nakahalukipkip na siya habang nakasandal sa gilid ng ref. Sa sobrang guwapo niya sa paningin ko ay nagmumukha pa rin siyang modelo.

Seriously, Alliyah? Modelo ng ref?

I tched. 

Marahan kong ibinalik ang malinis nang baso sa pinagkuhanan ko.

Akmang lalampasan ko na siya nang iharang niya ang sariling katawan sa dadaanan ko. Sa sobrang lapit ay muntik na rin akong mapasalpok sa kaniya. 

“A-ano ba!”

Sa halip na mapanatili ang inis ay mas nangingibabaw na ngayon ang paghuhurumentado ng puso ko.

Taksil na puso. 

“What have I done?” Nakayuko siya, sinusubukang simpatin ang mukha ko pero hindi ako kumilos. 

Napako ang tingin ko sa dibdib niya. Naaamoy ko rin ang parehong pabangong naamoy ko sa restaurant. 

Mula sa inis ay napunta sa kaba hanggang sa nagbalik sa labis na hiya. Ang kapal naman ng mukha kong magpasuyo? Bigla akong nagsisi sa sariling kaartehan. 

"W-wala, Sir.”

“I said Russel. Tss.” Muli niyang pinagkrus ang mga braso.

Nagawi ang atensyon ko sa mga kamay niya. Napansin kong wala siyang ibang suot ni isang alahas o anuman. Tanging relos lang ang nakasuot doon. Kumunot ang noo ko. Bakit wala siyang singsing? Hindi ba't engaged na sila ni Denise? 

Napaangat ako ng tingin dahil sa labo ng iniisip. Ito ang unang beses na natitigan ko ang mga mata niya. Those eyes are too dark like dark holes concealing so many mysteries.

Bumaba ang tingin ko sa nakaawang niyang labi. Para akong hinigit pataas nang bumuka ang kaniyang bibig.

“Are you done memorizing me?”

Sa sobrang hiya ay napapaling ako sa ibang direksyon.

Ramdam na ramdam ko ang malalakas na pintig ng puso ko. Paano ba naman kasi ako makakaraan? Russel naman!

“P-paraanin mo kasi ako...” pabulong kong sabi na malamang ay narinig pa rin niya.

“I will. Sabihin mo muna sa akin kung anong problema.”

“W-wala nga! K-kung nagtataka ka sa biglang pag-alis ko, n-nauhaw lang ako!”

“Hmm. Kailangan mo palang magdabog kung ganoon?”

“H-hindi, nagmamadali lang kasi ako.”

“Look at me.” Lumapat ang mga kamay niya sa magkabilang balikat ko. Marahan niya akong pinapatingin sa kaniya. Dumaloy ang boltahe sa buong katawan ko dahil sa munting haplos na iyon.

Napabuga ako. Hindi niya halata. Hindi niya halatang naiilang ako sa kaniya!

“Alliyah...” pangungulit niya. 

Unti-unti nang nanlalambot ang mga tuhod ko sa interaksyon naming ito. 

Kabado akong tumingin sa kaniya. 

“Tell me...” Bakas ang magkahalong pagtataka at pagiging desido sa paraan ng pagtingin niya. 

"H-hindi mo kasi sinagot nang maayos yung t-tanong ko...” sa kabila ng kabang nararamdaman ay naisatinig ko. 

“What's wrong with my answer, then?”

Para akong hinihigop ng mga titig niya. Ganito. Ganito ako karupok.

“Y-you... you judged the innocent girl!”

“Paano ko siya hinusgahan? Hmm?” 

Bumaba ang mga kamay niya sa magkabilang siko ko. Nararamdaman na rin yata niyang malapit na akong mawalan ng balanse. 

“A-ang sabi mo ay fling siya ni Luke.”

“And you got mad because of that?” 

Pinanliitan ko siya ng mata. 

“Bakit, mali ba? Babae iyon, Russel! Ganoon lang kadali para sa 'yo na tawagin siyang gano'n? H-hindi mo kasi alam ang nararamdaman ko!” 

Mas lalong naging seryoso ang tingin niya bagama't nananantya ang kaniyang mga mata. “Ano bang nararamdaman mo? Tell me...”

Pigil ang hiningang nagbaba ako ng tingin. Doon ko napagtantong sumusobra na yata ako. Gosh! Bakit naman pati yung nararamdaman ko ay binanggit ko pa rito!

Ano ba, Alliyah! Nakakahiya ka!

“K-kalimutan mo na. Hindi na importante 'yon...” pangungumbinsi ko. 

Nagtiim-bagang siya. “Everything about you matters to me.”

Agad akong nailigaw ng sariling reaksyon. Hindi agad ako nakapagsalita. 

“Hon?”

Kapwa kami natinag ni Russel nang mangibabaw ang boses ni Denise na nagmumula sa sala. Nilukob ako ng sobrang panghihinayang. Kanina lang ay pilit akong kumakawala kay Russel pero ngayon ay parang gusto ko na lang manatili sa kaniya... Na para bang ayoko siyang hayaan kay Denise. 

Palakas nang palakas ang tunog ng takong sa sahig hudyat para mapalayo ako nang tuluyan kay Russel.

He gritted his teeth at tamad na nilingon si Denise.

“Why are you here?”

Kahit ako yung nasa likod ay ako pa ang unang tiningnan ni Denise. Naroon na naman ang matapang niyang tingin na tila nagsasabing may ginawa na naman akong mali. Matapos ang tingin sa akin ay ngumisi siya. Inubos niya ang distansya sa pagitan nila ni Russel at walang pasabing hinalikan ito sa labi. 

“I missed you!” 

Hindi ko makita ang reaksyon ni Russel. In the first place, bakit nga ba iisipin ko pa iyon? Hindi na dapat iyon importante. Engaged sila, malaya silang gawin ang gusto nila. Kaya dapat wala rin akong pakialam. 

Ang kaninang halo-halong nararamdaman ko ay biglang nawala na parang bula. Isa lang ang umusbong at nanatili. 

Kirot sa dibdib. 

Tahimik akong tumalikod. 

Mula rito sa kusina, may daan naman siguro palabas... o palayo sa kanila? 

I think I should know more of the places here nang sa ganoon ay hindi ako malito at hindi rin ako maligaw kung sakali. Iyon ang idinidikta ng isip ko pero sa ibang tono iyon itinitibok ng puso ko. Pareho lang naman silang gumagana, sa magkaibang dahilan nga lang. 

Yeah, right.

You should know your place, Alliyah.  

Comments (1)
goodnovel comment avatar
Diamonica DM
fugget naalala ko yong crush ko na hindi nageexist dahil dito
VIEW ALL COMMENTS

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status