Share

CHAPTER FOUR

NANG masigurong wala na si Alec ay nakangising isinara ni Kathleen ang pintong gawa sa plywood. Sumandal siya roon pagkuwa'y nangingislap ang mga matang itinaas ang kanang braso habang nakalahad ang kamay. Pinagmasdan niya ang kulay pulang pintura sa kuko niya at ibinaba ang kamay. Hinipan niya ang mga kuko bago bumungisngis. 

Kathleen look around the small hut. Simpleng-simple lang iyon. Gawa sa pinagdikit-dikit na mga kawayan ang dingding niyon at pinatuyong talahib naman ang bubong. May dalawang bintana sa magkabilang bahagi at ang sahig naman ay gawa rin sa kawayan. Bahagya iyong nakaangat sa lupa kaya mayroon iyong maliit na silong. Walang aircon at tanging ang nag-iisang ceiling fan lang ang naroroon. May hindi kalakihang papag sa isang bahagi na may sapin na manipis na kutson. Isang personal refrigerator at isang maliit na mesang gawa rin sa kawayan pati ang dalawang upuan. Bukod doon ay wala nang ibang gamit sa loob ng kubo ni Alec. 

Bumuga ng hangin si Kathleen at napakamot sa tenga. Ano pa nga ba ang aasahan niya? Bukod sa naroroon siya sa Hunter's camp ay nasa paanan pa sila ng bundok at napapaligiran ng nagtataasang mga punong-kahoy. 

Suminghot sa hangin si Kathleen. Amoy na amoy sa loob ng kubo ang natural na amoy ng katawan ni Alec. Napangisi si Kathleen. Muli niyang iginala ang paningin sa paligid. And, to her surprise, everything around is in order. Malinis at ang tanging kalat na nakita niya ay ang kulay puting T-shirt na nakapatong sa ibabaw ng kutson.

Humakbang palapit roon si Kathleen at dinampot ang damit ni Alec. Hinaplos-haplos niya ng hinlalaki ang tela niyon bago dinala sa ilong para amoyin. Napapikit siya nang punuin ang ilong niya ng nakakalasing na amoy ng katawan ni Alec. Muntik nang magmura ng malakas si Kathleen. Humalo ang natural na amoy ng katawan ni Alec sa pawis nito na naging dahilan para halos mawalan siya ng katinuan. 

You're such a pervert, Kathleen! 

Mula sa pagkakapikit ay napadilat si Kathleen at wala sa loob na umismid. Umirap siya bago ipinasyang umupo sa higaan ni Alec. May katigasan iyon dahil manipis lang ang kutsong nakasapin sa papag na kawayan. 

"P'wede nang pagtiyagaan kaysa wala." bulong ni Kathleen sa sarili. 

Hinubad ni Kathleen ang suot na sapatos at medyas. Inilagay niya iyon sa isang tabi bago inalis ang pagkakatali ng mahabang buhok. Inalis din niya ang suot na makapal na sweater at inilagay sa gilid ng papag. Pagod na pagod ang kanyang katawang lupa at namimigat na ang kanyang mga talukap. Gusto niyang matulog habang wala pa si Alec. Umalis ang lalaki dahil may biglaang meeting ito at ang ilang hunters kaya ang balak nitong paghagis sa kanya palabas ng kampo ng Hunter's Cavalry ay hindi natuloy. Bago siya nito tuluyang iniwan kanina ay nagbanta itong hindi pa sila tapos mag-usap. 

"Tsk!" Mahinang turan ni Kathleen bago humiga sa may katigasang higaan. Napangiwi siya ngunit ipinasyang ipagsawalang-bahala na lang ang nararamdamang discomfort. 

Muli niyang inabot ang damit ni Alec na binitawan niya kaninang naghubad siya ng sapatos. Ilagay niya iyon sa tapat ng dibdib at ipinikit ang mga mata. 

"See you in my dreams, popcorn..." she mumbled in a tired tone. 

***********

PAGKATAPOS ng meeting kasama ang ilang may matataas na tungkulin sa east branch ng Hunter's cavalry camp ay nagmamadali ang mga hakbang na lumabas ng hindi kalakihang kubo si Alec na siyang nagsisilbing conference place nila kapag may importanteng meeting kagaya ngayon. Bukod sa magandang resulta ng operation ni Daecon sa Mystic Shadow ay maayos ding sumuko ang mga rebeldeng taong-lobo. Kasalukuyan nang nasa rehabilitation camp ang mga ito sa west branch ng Hunter's Cavalry camp. Pinag-usapan din nila ang mas lalong humihigpit nang pagpili ng mga bagong recruit na hunters.

"General Villarreal!" 

Napatigil sa paglalakad si Alec at napalingon sa pinanggagalingan ng tinig. Kumunot ang noo niya nang makita si General Yamamori. Ito ang ang naiiwan sa camp kapag nasa headquarter siya ng CAU o nasa isang misyon. Ang alam niya ay malapit na itong magretiro. Kung hindi siya nagkakamali ay dalawang taon na lang at tuluyan na itong magpapaalam. Isa iyon sa dahilan kung bakit personal siyang pumupunta sa training ground ng mga bagong recruit na hunters. Gusto niyang malaman kung may isa sa mga ito ang may posibilidad na sumunod sa yapak niya bilang isang batang heneral. 

"General Yamamori!" bati niya sa may katandaan nang heneral ngunit maayos pa rin ang tindig. 

Lalong lumalim ang pagkakakunot ng noo ni Alec nang mapansin ang kakaiba at malawak na ngiti ni General Yamamori. May bahid din ng panunukso ang kislap mg mga mata nito nang tuluyang makalapit sa kinatatayuan niya. Kinutuban si Alec ngunit mas pinili niyang huwag munang magsalita. 

"Congratulations, General!" kaagad na bati nito sa kanya at mas lalong lumawak ang pagkakangiti. Hindi pa nakontento ay tinapik pa nito ng mahina ang balikat niya. 

"Saan naman, General?" patay-malisyang tanong ni Alec sa kaharap. 

"Naku, huwag ka na nga'ng magkunwari. Alam na naming dumating ang asawa mo."

Awang ang mga labing napatunganga si Alec kay General Yamamori. Inaasahan na niya ang magiging sagot nito pero nabigla pa rin siya. Ang bilis naman yata nitong nalaman samantalang magkasama naman sila sa meeting kani-kanina lang at wala naman siyang napansing kakaiba rito maging sa iba pa nilang kasama. 

"Ano ang ibig mong sabihin, General Yamamori?"

"Balitang-balita na rito sa loob ng kampo ang pagdating ng asawa mo. Hindi mo naman kami inimbita sa kasal ninyo, General Villarreal." tumatawang ani ni General Yamamori. "Pero ayos lang naman basta ipakilala mo siya ng pormal sa amin mamaya. Nagpahanda na ako kay Floy ng pulutan at alak para mamayang gabi. Huwag mong kalimutan, ha." dugtong pa nitong ang tinutukoy ay ang kapitan nito. 

"General Yamamori, mal—"

Hindi natapos ni Alec ang sasabihin nang itaas ng kaharap ang kamay ito at mahinang iwinasiwas. 

"Naku, ano ka ba? Wala iyon. Kahit hindi kami nakapunta sa kasal ninyo, magcelebrate na lang tayo rito sa kampo."

"Hindi iyon ang—"

"Basta magkita na lang taya mamaya sa open ground. Dalhin mo ang misis mo." Ani ni General Yamamori. "Tutuloy na ako. May kailangan pa akong puntahan sa Besmoth." turan nito.

At, bago pa muling makakibo si Alec ay tuluyan nang tumalikod ang matandang heneral at umalis. Naiwan si Alec na nakasunod ang paningin kay General Yamamori ngunit ang isip ay lumipad patungo sa babaeng naglagay sa kanya sa alanganing sitwasyon. 

If only he could kill her... 

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status