Share

CHAPTER 32 "TORN"

LUMIPAS ang mga araw naging lubusan na nga ang kaligayahan ni Jenny sa piling ni Jason. At katulad na nga ng inasahan na niya simula pa lamang nang maging nobyo na niya ang binata, ang nangyari sa kanila ay naulit na nang naulit, sa hindi na niya halos mabilang na beses. Hanggang sa kung tutuusin nga para na silang mag-asawa, kulang nalang sa kanila kasal.

Madalas mangyari iyon sa bahay nina Jason. Dahil nga wala naman itong kasama doon at isa pa doon sila madalas mag-stay.

Ang totoo ang lahat ng nangyayari sa kaniya ay purely unintentional. Although sumasagi sa isipan niya na kapag nagpunta siya sa bahay ni Jason ay posibleng may mangyari na naman. Pero hindi iyon ang tipo na nagpupunta sila doon para gawin ang bagay na iyon.

Siguro talagang mapusok lang si Jason. At siya naman ay mahina, kaya mabilis siya nitong napapabigay sa kahit anong gustuhin nito. Pero sa kabila ng lahat ng iyon, hindi parin nagbabago ang pagtingin niya sa binata. Mahal na mahal parin niya ito at mas lalo ngang pinagtibay ng lahat ng nangyayari sa kanila ang pagmamahal na nararamdaman nila para sa isa't-isa, at ang lahat ng iyon ay lingid sa kaalaman ng kaniyang ina.

Nasa kalagitnaan na nang first semestre nang gulantangin sila ng isang nakapanlulumong balita. 

Si Daniel, may sakit, Leukemia at malala na ito. 

Hindi malaman ni Jenny kung sa papaanong paraan niya pagagaanin ang sitwasyon na iyon para sa matalik na kaibigan niyang si Ara. Palagi itong malungkot at mag-isa, ibang-iba sa masayahin at palaging nakangiti na babaeng nakilala niya. 

Alam niyang mahirap ang sitwasyon na kinalalagyan nito at nauunawaan niya iyon. Hindi lang talaga niya maiwasan ang hindi mag-alala ng husto rito lalo at parang kapatid narin ang turing niya kay Ara.

Eksaktong anim na buwan mula nang ma-diagnose ang tungkol sa sakit ni Daniel ay binawian ito ng buhay. Nang mga panahon iyon ay pareho nilang alam ni Jason na naikasal na ito ng lihim kay Ara.

"Parang ang sakit ng pinagdadaanan niya, kahit hindi siya nagsasalita nararamdaman ko ang sakit. Kunsabagay ako rin naman nasasaktan kasi kaibigan nating pareho si Daniel," iyon ang mga salitang namutawi sa mga labi niya habang mula sa kinatatayuan nilang roof deck ay inaabot lang nila ni Jason ng tanaw si Ara.

Katulad ng dati, nakaupo ito sa dating lugar kung saan ito tumatambay kasama ang asawa nito. Pero sa pagkakataong ito, ibang Ara na ang nakikita  nila. Nawalan ng dahilan para ngumiti, nawalan ng dahilan para magpatuloy.

"Nami-miss ko narin si Daniel," ang narinig niyang isinagot sa halip sa kaniya ni Jason na sinundan pa nito ng isang mabigat na buntong hininga.

Tiningnan lang ni Jenny ang kaniyang nobyo at pagkatapos ay malungkot rin na nagbuntong hininga. "Sa nakikita kong nangyayari ngayon kay Ara pakiramdam ko kapag ikaw ang nawala sa akin mawawala rin sa direksyon ang buhay ko," totoo iyon sa loob niya.

Dahil sa sinabi niyang iyon ay noon naman siya tiningnan ni Jason saka nginitian. "Huwag ka kasing mag-iisip ng ganoon," ang tanging winika nito saka siyang inakbayan at hinalikan sa noo.

Hindi nalang umimik si Jenny sa winikang iyon ng kaniyang nobyo pagkatapos. Dahil ang totoo habang pinanonood niya si Ara ay nakakaramdam naman talaga siya ng takot. Na paano kung siya ang nasa sitwasyon nito? Kayanin kaya niya?

*****

LINGGO nang yayain siya ni Jason para magsimba. Katulad ng dati sinundo siya nito at ipinagpaalam sa nanay niya. Namalengke sila ng rekado para sa Beef Caldereta na kanilang lulutuin at iyon ang masaya nilang pinagsaluhan sa bahay ng binata.

Sanay na sa ganoon si Jenny at ganoon na ang kanilang routine. Hindi naman kasi niya kailangan ang mga engrande at mamahalin na date at treat sa mamahaling mga kainan. Ang gusto lang kasi niya ay kasama niya ang binata. Iyon lang at masaya na siya.

"Sleep, I love you," ang binatang iniunan pa siya sa braso nito saka siya kinabig palapit rito at mahigpit na niyakap.

"Jason, paano kapag nabuntis mo ako? Anong gagawin mo?" ngayon lang pumasok sa isip ni Jenny ang tungkol doon kaya niya naisipan itanong iyon sa binata.

Noon tila naglalambing na hinawakan ng binata ang kaniyang baba saka itinaas ang kaniyang mukha. "Pakakasalan kita tapos magsasama na tayo, dito na tayo titira. Ano sa tingin mo?"ang nakangiting nitong tanong sa kaniya.

Malapad at matamis ang ngiting pumunit sa mga labi ni Jenny dahil sa tanong na iyon ng binata saka pagkatapos ay magkakasunod na tumango. "Mahal na mahal kita, at wala akong ibang gusto kundi ang makasama ka sa habang buhay," pagsasabi niya ng totoo.

Sanay na si Jenny sa ganoon. Kahit kung minsan naiisip niya na para bang siya ang mas higit na nagmamahal kay Jason at siya ang mas mukhang patay na patay rito, walang kaso iyon sa kaniya. Masaya na siyang nararamdaman niya ang pag-ibig nito para sa kaniya. Siguro hindi lang talaga showy ang nobyo niya habang siya naman ay masyadong expressive sa kung ano ang tunay niyang damdamin para rito.

"Matulog ka na, mamaya kapag nagising ka at wala ako sa tabi mo malamang lumabas lang ako para ibili ka ng meryenda," ang binatang hinalikan siya sa mga labi.

Nang bumitiw si Jason sa pagkakahalik sa kaniya ay noon naman tuluyan at mariing ipinikit ng dalaga ang kaniyang mga mata para magpatangay na sa nararamdaman niyang antok.

*****

NAGISING siya kinahapunan na wala si Jason sa tabi niya. Napangiti doon si Jenny at pagkatapos ay bumangon at sinimulang isuot ang mga damit niyang katulad ng nakagawian na ay isinampay ng binata sa sandalan ng silya sa may study table nito.

Nang makapagbihis ay agad na inagaw ang pansin niya ng mga librong nakapatong sa ibabaw ng mesa. Kahit hindi na niya buklatin ang mga iyon alam niyang puro numero ang makikita niya sa bawat pahina kung sakali.

Hindi naman siya mahina sa Math pero alam niya at sigurado siya na walang sinabi ang dunong niya sa pagko-compute kung ikukumpara siya sa kaniyang nobyo.

Napangiti doon si Jenny saka parang wala lang na naupo sa silya at kinuha ang isa sa marahil apat na libro. Binuklat niya iyon at hindi nga siya nangkamali. Pero dahil ito ang mundo ng lalaking pinakamamahal niya, kahit wala siyang maintindihan sa mga nakasulat doon ay okay lang.

Nasa ganoong ayos siya nang mapuna ang isang tila bond paper na nakaipit sa sumunod na libro na nakapailalim sa hawak niya ngayon. 

Sa hindi maipaliwanag na kadahilanan ay biglang kumabog ang dibdib niya kasabay ng tila ba maliit na boses na nag-u-udyok sa kaniyang kuhanin ang papel at basahin. Kaya ganoon nga ang ginawa niya.

Siguro exam paper lang iyon.

Pero iba ang naramdaman niya nang buklatin niya ang papel at tumambad sa kanya ang isang pamilyar at napakagandang sulat-kamay na animo'y computerized dahil sa pagka-perpekto niyon. 

Nanlamig ang buong katawan ni Jenny at kahit tutol sa loob niya ay sinimulan niyang basahin ang sulat na ginawa ni Jason para sa matalik na kaibigan niyang si Ara.

*****

Dearest Ara,

Hindi ko alam kung tama ba itong nararamdaman ko para sa iyo pero sa tingin ko gusto na kita. Unang beses pa lang kita nakita hindi ko maitatanggi na nagustuhan na kita. Para sa akin isa ka sa pinakamagagandang mukha na nasilayan ko. At hindi naging mahirap para sa akin ang tuluyang mahulog sa iyo dahil sa likas na kabutihan at pagiging busilak ng kalooban mo.

Kung sakali, sana mabigyan mo ako ng pagkakataon para maipadama ko sa iyo kung gaano kalinis ang hangarin ko. Payagan mo sana akong ligawan ka. Sana magkaroon ng chance na makita mo rin ako hindi bilang kaibigan kundi bilang isang lalaki na may malinis at tunay na hangarin at pagtingin sa iyo. Hihintayin ko ang sagot mo. 

Always,

Jason

*****

KUNG ilang beses siyang huminga para pagluwagin ang naninikip niyang dibdib ay hindi na masabi ni Jenny. 

Kanina habang binabasa niya ang sulat ay hindi niya napigilan ang mapaiyak dahil sa labis at hindi makaturungang sakit na kaniyang nararamdaman. Nag-ulap ng husto ang kaniyang mga mata kaya hindi na niya napansin na napatakan pala ng kaniyang mga luha ang sulat kaya kumalat ang ilang bahagi ng tinta na natuluan at nabasa.

"Ang daming babae Jason, bakit ang best friend ko pa?" puno ng hinanakit niyang sambit saka mabilis na lumipad ang paningin niya sa itaas na bahagi ng papel.

Gusto sana niyang malaman kung kailan iyon isinulat ni Jason pero nabigo siya. Hindi naka-indicate doon ang petsa na hinahanap niya.

Kung tutuusin hindi narin naman mahalaga kung kailan, kasi kahit ano pa ang malaman niya hindi narin magbabago ang nararamdaman niya, nasaktan na siya. At noon nga naisip ni Jenny na wala nang dahilan pa para mag-stay doon. Kaya naman sa mabibilis na kilos ay minabuti niyang umalis na at umuwi, bago pa man siya abutan ni Jason.

Sa ngayon ayaw muna niya itong makita. At kahit kailan hindi na niya ito gugustuhing makita pa.

Bab terkait

Bab terbaru

DMCA.com Protection Status