Share

CHAPTER 6

CHAPTER 6

CLEMENTINE DESCHAMPS

Nagising ako dahil sa sikat ng araw at nakitang wala na ang hari sa tabi ko.

"Madame, maaga po siyang umalis upang pumirma ng mga dokumento." Sagot ni Fantine.

Tumango na lang ako. Hindi ko naman siya hinahanap e.

"Maligo na po kayo at mag-ayos." Tugoj ni Fantine.

Ibinaba naman sa tabi ng kama ko ni Julie at Isabelle ang isang banyerang puno ng tubig at rosas. Tinulungan naman ako ni Fantine palitan ang pangtulog ko ng manipis na damit pampaligo.

Pagka-ahon ko sa tubig ay agad nila akong binalutan ng twalya at tinulungang magbihis.

Isang simpleng mahabang pulang damit na may maikling manggas ang pinasuot nila sa akin. May burda ito ng rosas sa gitna ng dibdib at may mga itim na lasong dekorasyon sa may palda. Kapares ng damit ay pinasuot nila sa akin ang itim na guwantes. Suot ko rin ang isang simpleng kulay itim na pangyapak na may tangkong na dalawang pulgada.

"May binigay po na singsing ang hari. Susuotin niyo po ba?" Tanong sa akin ni Fantine.

"Sige." Sagot ko.

Sinuot niya sa kaliwang palasingsingan ko ang gintong singsing na may pulang bato.

"Ruby ba 'to?" Biglang tanong ko.

Tinignan niyang mabuti ang bato at umiling.

"Madalas po itong mapagkamalian pero ito po ay spinel. Pulang spinel." Sagot niya.

"Anong klaseng bato 'yan?"

"Kilala rin po ito bilang bato ng walang hanggang buhay. Sabi nila, natatanggal nito ang negatibong enerhiya at pinapalakas ang may suot." Paliwanag niya.

"Ang galing. Ang dami niyong alam." Puri sa kaniya ni Julie.

"Wala naman akong ginagawa sa mansyon noon kaya nakahiligan kong mag-aral ng iba't-ibang bato. Wala lang 'to." Sagot ni Fantine.

"Gusto ng hari na mabuhay kayo habambuhay." Tugon ni Isabelle.

"Iniisip talaga ng hari si Madame." Animo'y kinikilig na tugon ni Julie.

Napakunot naman ang noo ko sa sinasabi nila. Hindi ko alam ang mararamdaman ko pero kinakalibutan ako.

"Oops. Kukunin ko na pala ang pagkain ni Madame." Pagtakas ni Julie sa kwarto.

"Kamusta na nga pala ang kamay niyo?" Tanong sa akin ni Fantine.

"Hindi ko pa rin magalaw pero mas mabuti." Sagot ko.

"Gagaling din po kayo." Tugon niya.

Nagmamadali naman at pinagpapawisan si Julie pagkapasok niya habang hawak ang tray na may lamang tinapay at tsaa.

"Anong nangyari?" Tanong ko.

"Madame, may magsasaka pong iniharap ngayon sa hari. Hindi daw po nagbabayad ng buwis." Sagot niya sa akin.

"Nasaan sila?" Tanong ko.

"Sa harapan po ng trono, Madame."

Agad akong lumabas nang marinig ang sagot niya. Tahimik naman nila akong sinundan papunta sa bulwagan. Nang buksan ko ang pinto, lahat ng maharlika sa loob ay nagsitinginan sa akin. Habang ang magsasakang nasa harap ng hari at ang mga kasama niya nananatili pa ring nakaluhod at nakayuko.

"Clementine." Pagtawag niya sa akin ng hari dahilan upang mapatingin sa akin ang magsasaka. "Magandang umaga." Bati niya.

"Walang maganda sa umaga." Sagot ko at tinignan ang matandang lalaking gulat na makita ako. "Lalo na at may nangyayaring ganito."

"Nako. Si Monsieur Augustin kasi. Dinala niya ang magsasakang 'yan dito. May gulo tuloy." Sabi ng hari at umiling-iling.

"P-Patawad po mahal na hari ngunit ilang buwan na po siyang hindi nagbabayad ng buwis. Kailangan niya po ng akmang kaparusahan." Kinakabahan niyang tugon.

"Ilang buwan na siyang hindi nagbabayad?" Tanong ko.

"Pitong buwan na po, Madame."

"Nang mga nakaraang buwan... May nangyayaring rebolusyon. Inaasahan mo bang makakapagbayad siya sa mga ganoong panahon?" Taas kilay kong tanong.

"K-Kahit po may rebolusyon, dapat pa rin po siyang magbayad. Depende na lang po kung rebelde rin siya." Sagot niya sa akin.

"Marahil nga ay rebelde rin siya."

"Magsasaka rin siya diba? Kaya malamang."

"Walang duda. Kaya siya pinagtatanggol."

Rinig kong bulungan nila na nakapagpangisi sa akin.

"Monsieur..." Tugon ko at lumapit sa kaniya. "May mga bagay na sigurado ako."

"Ano po?" Tanong niya habang nakayuko.

"Nang mga nakaraang buwan na may rebolusyon, lalong nagtaas ng buwis ang pamahalaan upang gamitin laban sa mga rebelde. Sobrang taas na ng buwis ngunit dinoble mo pa ito ng singilin mo ang mga magsasaka sa nayon niyo. Maraming umangal ngunit ang lalaking 'yan na sinasabi mo ay walang sinabi at binayaran na lang ang buwis na hinihingi mo kahit ang pamilya niya mismo ay wala na ring makain." Lintanya ko.

"P-Paano mo..." Tugon niya at inangat ang tingin sa akin.

Ilang sandali niyang tinignan ang mukha ko at labis na gulat ang bumakas sa kaniya nang makilala ako.

"Hindi rin siya rebelde." Tugon at humarap sa mga tao. "Alam niyo kung bakit?"

Walang nagtangkang sumagot sa akin, kaya muli naman akong lumapit sa tabi ng hari habang tinitignan ang magsasakang sinasabi nila.

"Masyadong mabuti ang taong ito at hindi ko siya hahayaang kumapit sa dahas. Hindi ko siya hahayaang mapahamak." Tugon ko habang umiiling.

Tinignan ko ang mga mata niya. Kita ko ang saya sa mata niyang makita at ang lungkot dahil sa mga katagang binitawan ko. Matanda at payat na ang anyo niya, kupas na ang damit, at sira na ang suot niyang pangyapak. Makikita mo rin ang makakapal na kalyong bumabalot sa mga kamay nya sanhi ng labis na pagta-trabaho.

Lumapit ako sa kaniya at hinawakan ang mga kamay niya. Inalalayan ko siyang tumayo at ilapit sa hari.

"Hindi ko hahayaang may mangyaring masama sa aking ama." Tugon ko at diretsong tinignan sa mata ang hari.

Nagbulungan ang mga tao matapos marinig ang sinabi ko. Halatang hindi nila inaasahan na mangyari 'to.

"May gusto ka bang sabihin, Monsieur Agustin?" Tanong sa kaniya ng hari.

"K-kamahalan..."

"Francis." Pagtawag ko sa pangalan ng hari.

"Sino ka para kausapin na parang kauri mo lamang ang mahal na hari?!" Galit na tugon ng reyna.

"Walang problema sa akin, Sofia. May problema ka ba?" Malamig na tugon ng hari.

Hindi na nagtangka pang sumagot ang reyna ngunit bakas sa mukha niya ang labis na pagka-inis.

"Sa tingin ko ay kailangan na nating palitan ang kolektor ng buwis sa nayon namin." Pagtuloy ko sa sinasabi ko.

Halatang namutla siya sa sinabi ko at agad na lumapit sa akin upang magmakaawa.

"M-Madame! Maawa ka!"

"Naawa ka ba sa mga magsasaka nang dayain mo sila na magbayad ng dobleng buwis?"

"Mga kawal. Alis niyo ang taong 'yan dito." Utos ng hari.

Agad nila siyang dinampot at hinila palabas habang nagmamakaawa pa rin sa amin.

Isa-isa kong tinignan ang mga maharlika sa kwartong ito at bawat isa sa kanila ay iniwasan ang tingin ko.

"Mas makapangyarihan ka, mas matatakot sila sa'yo." Bulong sa akin ni Francis.

"Mga k-kamahalan..." Nauutal na tugon ng aking ama.

"Samahan mo ang iyong sa ama sa iyong silid, kasama ang mga kasamahan niya." Sabi ng hari.

"Salamat." Sagot na nakapaglaki ng mata ng hari.

Nang pumasok na sa utak niya ang sinabi ko, napakurap na lang siya at napangiti.

Inalalayan ko naman ang aking ama papunta sa aking kwarto, habang ang iba naman ay kasama nila Fantine. Pagkapasok sa aking silid ay agad silang namangha sa laki at ganda nito. Hindi rin nila maialis ang tingin sa mga mamahaling gamit na naka-ayos sa kwarto.

"Ama, umupo po tayo." Tugon ko at inalalayan siyang umupo sa sofa na nasa harap ng kama ko.

"Kamusta ka na, anak? Sinaktan ka ba nila?" Tanong niya.

Ngumiti ako at tinago ang kaliwang kamay ko sa kaniya.

"Maayos lang po ako. Kamusta si ina? Ang mga kapatid ko?" Tanong ko rin.

"Sa ngayon, may sakit ang ate mo. Hindi namin alam kung ano dahil hindi kami makalapit sa doktor." Problemadong sagot niya.

"Ama, kung papayagan ako ng hari ay sasama akong bumalik sa inyo upang bisitahin kayo at ang mga kasamahan natin."

"Clementine, bumalik ka na lang. Pakiusap. Kailangan ka namin. Kailangan kita." Tugon ni Bern, kasama ni ama.

Kababata ko siya. Isa ring magsasaka at sa kaniya ko pinagkatiwala ang pamilya ko bago ang rebolusyon.

"Kahit wala ng magbago. Bumalik ka lang sa amin." Sagot naman ni Angeline, kapatid ni Bern.

"Hindi na ko pwedeng bumalik." Sagot ko sa kanila.

"Bakit? Ayaw mo na ba sa'min? Gusto mo na dito?" Tugon ni Angeline.

"Angeline!" Galit na pagsaway sa kaniya ni Bern.

"Mawalang-galang na." Pagsabat ni Fantine. "Nauunawaan kong malapit kayo noon ngunit isipin niyo ang mga sasabihin niyo sa isang marquise."

"Hindi na siya isang magsasaka o rebelde, babae siya ng hari." Tugon naman ni Julie.

"Maaaring ayos lang kay Madame na sabihan niyo siya ng ganiyan pero kapag nalaman ito ng hari ay hindi na namin masasabi pa." Ani naman ni Isabelle.

Dahil sa mga sinabi nila, nanahimik na lang si Angeline at hindi na nagreklamo pa dahil sa takot.

"Anak. Ayos lang sa akin kahit ano pa ang desisyon mo. Masaya na ko kung mabibisita mo kami kahit ngayon lang."

"Ama..."

"Bago pa mabuo ang alyansa niyo na mag-umpisa ng rebolusyon, hindi na ko payag na sumapi ka sa kanila. Hindi dapat dahas ang gamiting solusyon sa isa pang dahas. Pagkatapos, nang malaman kong namatay ang naunang pinuno at ikaw ang pinalit nila, nanghina ako. Doon pumasok sa utak ko... Paano kung matalo kayo? Paano kung manalo nga kayo pero mawawala ka naman sa akin? Hindi ko kaya. Kahit isa sa inyong magkakapatid, ayokong may mawala. Ang inyong ina at ang tatlo mo pang kapatid na lang ang yaman ko sa mundo." Tugon niya habang lumuluha.

Dahil sa bigat ng emosyon na pinapakita mismo ng aking ama ay hindi ko na rin kaya pang itago ang lungkot ko at tumangis sa harap niya.

"Siguro dahil ayaw ko ay... Alam kong ibang landas ang kailangan mong tahakin kung gusto mo talagang makamtan ang pagbabago. Hindi ko alam kung ito, pero sundin mo lang ang sasabihin ng tadhana sa'yo."

"Ama, wala na kong susundin pa. Ako mismo ang gagawa ng sarili kong tadhana tungo sa gusto kong pagbabago. Kaya huwag na kayong umiyak." Tugon ko at pinahid ang mga luha niya.

Kinuha ko naman ang panyong inabot sa akin ni Isabelle at pinunasan rin ang mukha kong basa ng luha.

"Ang hari... Kamusta ang pagtrato niya sa'yo?" Tanong ni Bern.

"Mabuti naman." Sagot ko at ngumiti.

"Dapat hindi na lang ako pumayag noon na umanib ka. Sana ngayon ay kasama na kita." Seryoso niyang tugon habang diretsong nakatingin sa mga mata ko.

"Ngunit akin na siya."

Lahat kami ay napalingon sa hari. Hindi namin napansin na dumating pala siya.

"Kamahalan." Bati sa kaniya ni Fantine at tumungo kasabay ang dalawa pa.

Wala namang ibang nagawa ang dalawang magkapatid at ang aking ama kundi ang lumuhod.

"Kayo ang ama ni Clementine. Tumayo po kayo." Magalang na tugon niya sa aking ama.

Tumingin sa akin ang aking ama na tila nagtatanong kung anong gagawin. Inalalayan ko na lang siyang tumayo at muling umupo sa tabi ko.

"Alam mo ba kung nasaan ka?" Tanong ng hari kay Bern.

"Nasa palasyo po, kamahalan." Mahinang sagot nito.

"Tama ka. Palasyo ko 'to. Lahat ng nandito ay akin. Kahit si Clementine pa."

Napaangat ng tingin sa kaniya si Bern at halatang hindi ito natutuwa sa mga narinig niya.

"Malinaw ba o kailangan ko pang ulitin?"

"Francis." Pagtawag ko sa kaniya upang sa akin naman mabaling ang atensyon niya. "Bibisitahin ko ang pamilya ko."

Nilagpasan niya si Bern at lumapit sa akin. "Walang problema." Sagot niya.

Napangiti ako sa naging sagot niya at maging ang aking ama ay natuwa.

"Pero..." Tugon niya at maingat na hinawakan ang kaliwang kamay ko kung nasaan ang singsing. "Umayon ka kung sino ka."

"Anong ibig mong sabihin?"

"Nakita ko kung paano ka i-trato kanina. Baka kapag bumalik ka roon ay bulyawan ka rin." Tugon niya at tumingin kay Angeline bago muling binalik ang tingin sa akin. "Marquise ka at hindi ka na isang magsasaka. May katungkulan ka at higit na mas mataas ka sa kanila. Ikaw ang pinakapinapaboran kong babae sa palasyo, wala silang karapatang i-trato ka na parang ka-uri ka lang nila. Kapag nalaman kong napagtaasan ka ng kahit isa sa kanila ay sisiguraduhin kong ibaba ko siya sa impyerno."

"Kung 'yan ang gusto mo. Susundin ko para bisitahin ang pamilya ko." Sagot ko sa kaniya.

"Alphonse." Pagtawag niya sa tauhan niya.

Pumalakpak ito at pumasok ang iba pang katulong sa silid na may dalang mga kahon.

"Tumayo na kayo at tulungan niyo ang amo niyo." Tugon ng hari kay Fantine.

"Salamat po." Sagot nila at tumayo upang tumulong.

"Tatlong maliliit na kahon po ito at dalawang malaki. Laman po ng unang kahon ay mga ginto. Ang pangalawa naman po ay mga alahas. Ang pangatlo naman po ay mga pampaganda. Ang dalawang malaking kahon naman po ay parehong mga damit ang laman. 'Yon lamang po, Madame." Paliwanag sa akin ni Alphonse.

"Sasama rin sa'yo sila Fantine upang siguraduhin ang kalagayan mo. Hindi ka rin tutuloy sa bahay niyo. Tutuloy ka sa palasyo ko malapit sa inyo." Sabi ng hari.

"Bakit kailangan pa?" Kunot-noong tanong ko sa kaniya.

"Tandaan mo. Bibisita ka lang at hindi ka titira roon."

Tinignan ko ang aking ama at tumango na lamang siya sa akin.

"Ang plano ko nga palang paaralan-"

"Ako na ang bahala." Sagot niya.

"May isa pa kong gusto." Tugon ko.

"Sabihin at ibibigay ko."

"Imbes na bigyan mo ko ng kung anong mamahaling gamit... Bigyan mo na lang ako ng sapat na dami ng pagkaing maaari kong ibigay sa kanila sa pagbisita ko."

"Bibigyan kita pero sa'yo pa rin ang mga gamit mo." Sagot niya sa akin.

"Alphonse. Narinig mo ang gusto niya." Tugon niya sa kaniyang alalay na agad namang tumango.

"Bibigyan kita ng isang linggo at babalik ka sa akin." Mahina niyang tugon at hinalikan ang noo ko.

Humiwalay na siya sa akin at mabilis na lumabas kasama ang mga katulong niya.

"Mukha ngang masaya ka na." Mapait na tugon ni Bern.

"Julie, ihatid mo muna ang mga bisita sa labas at alalayan mo ang ama ni Madame." Utos ni Fantine rito na kusang-loob niyang sinunod.

Ayaw pa sanang sumama ni Bern ngunit wala na rin siyang nagawa at sumunod na lang.

"Madame, may nakaraan ba kayo ng lalaking 'yon?" Tanong ni Fantine.

"Meron." Sagot ko. "Ipinangako ng mga magulang namin na ikakasal kami sa isa't-isa."

"May nararamdaman ka ba sa kaniya?" Tanong ni Isabelle.

"Basta ang alam ko lang noon ay siya ang pakakasalan ko dahil sa kasunduan. Kumportable ako sa kaniya dahil kaibigan ko siya at hanggang doon lang."

"Mabuti naman po." Tugon ni Fantine na nakahinga ng maluwag.

"Madame, magkwento po kayo tungkol sa pamilya niyo para may ideya po kami bago sila makilala." Sabi naman ni Isabelle.

"Nakita niyo naman kanina na ang aming ama ay mabuti sa amin. Ebidensiya ang kalyo sa mga kamay niya at ang mga luha niyang itinatangis para sa amin. Ang aming ina, malakas na babae. May sariling paninindigan at tunay niyang mahal ang aking ama. Mula siya sa may kayang pamilya ngunit mas pinili niyang makasama ng masaya ang aking ama kaysa mabuhay ng miserable sa iba." Pagkwento ko sa mga magulang ko.

"Dama ko sa inyong tono ang pagmamahal sa kanila." Komento ni Isabelle na ikinangiti at ikinatango ko.

"Ang mga kapatid ko naman..."

"Ang panganay namin ay si ate Clemance. Mahina ang kaniyang katawan at lagi siyang may sakit. Dahil sa karamdaman niya ay nanatili na lang siyang nakaratay sa kama at hindi na makalabas. Naging malungkutin siya at mainitin ang ulo. Sa aming pamilya, ako lamang ang mahinahon niyang nakakausap at hindi tinataboy."

"Ako naman ang sumunod sa kaniya. Dahil sakitin si ate, ako ang tumayong panganay. Ako ang gumagawa ng mga gawaing-bahay at tumutulong minsan sa sakahan. Nakita ng aking ina ang pagtiya-tiyaga ko at tinuruan niya kong magbasa at magsulat, umaasa na baka ako ang bumago ng buhay namin. Lumaki akong matapang gaya ng aking ina at dahil banat ang buto ko sa init ng araw, lumaki akong malakas."

"Sumunod sa akin si Cayenne. Basagulero at napakatigas ng ulo. Hindi siya nakikinig sa mga magulang namin at nagagalit kapag pinagsasabihan. Hindi rin siya marunong sumeryeso at rumespeto ng babae. Kung maaari ko lamang siyang alugin hanggang sa maayos ang pwesto ng utak niya ay gagawin ko. Gago siya. Ang hirap na nga ng buhay namin, dadagdag pa."

"Ngunit kung may Cayenne sa buhay namin, natutuwa akong dumating si Corbeau. Siya ang bunso at katulong ng aking ama sa mga gawain niya. Kung minsan pa nga ay kumukuha pa siya ng iba pang trabaho upang makatulong sa mga panggastos namin. Napakaganda ng boses niya at 'yon ang ginagamit niya upang mapatulog kami sa gabi kahit walang laman ang mga sikmura namin."

"Ang hirap po pala ng buhay niyo." Tugon ni Isabelle.

"Hindi lang kami. May iba pa nga na mas malala ang pinagdadaanan sa amin." Sagot ko.

"May awa ang Dios, Madame." Payo sa akin ni Madame.

Napangisi ako at sumagot.. "Madame, patawarin mo ko ngunit hindi ako naniniwala sa Kaniya."

"Sa dami ng hirap na pinagdaanan namin. Sa dami ng pagluhod at pagtawag namin sa pangalan Niya. Hindi ko alam kung maniniwala pa ko."

"Madame..."

"Mag-ayos na tayo ng gamit. Tulungan niyo ko."

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status