Share

Chapter 4

"Saan ka noong kailangan ka namin?! Bakit umuwi ka pa?! "

Napaluhod ako sa aking kinatayuan. Nawala lahat ng lakas ko sa mga narinig. Paanong patay na ang mga kapatid ko? Paano sila namatay?

Walang tigil ang pag-agos ng luha. Tahimik akong tumatangis habang iniisip kung paano nangyari sa kanila iyon?

Nadurog nang tuluyan ang puso nang tumangis si Itay. Subrang sakit pakinggan ang mga hagulgol niya. Sinikap kong tumayo upang daluhan siya ngunit walang lakas ang mga tuhod ko. Pagapang akong lumapit sa kanya.

Nanginginig ang mga kamay na inabot ko ang palad niya ngunit tinabig niya iyon dahilan para masubsob ako sa sahig.

"Yung mga kapatid mo... Walang awa nilang pinatay.. " tumatangis na sambit niya. "Tinatawagan ka nila ng mga araw na iyon... Humihingi sila ng tulong sayo! Pero nasaan ka?! Telepono mo nakapatay! "

Sa subrang pagdamdam ko sa pagbintang nila sa akin na nagnakaw ako, hindi ko na napagtuunan ng pansin ang telepono ko. Lowbat iyon at hindi ko na-charge dahil dalawang araw akong nagkasakit. Problemado ako nang mga araw na iyon sa dami ng iniisip ko.

Kung nagkataon na bukas ang cellphone ko, siguro buhay pa ang mga kapatid ko. Siguro nagawa pa silang iligtas ng mga araw na iyon.

"Patawad.. Patawad, Itay... " humahagulgol na sambit ko.

Napapikit ako at pumalahaw nang ibalibag niya ang mesa namin. Nawasak iyon. Galit na galit siya. Hindi ko alam paano siya pakalmahin dahil ako mismo ang unang dahilan kung bakit siya galit.

Pinilit kong tumayo kahit nanghihina at lumabas ng bahay. Napatakip ako sa aking tainga na humahagulgol nang sumigaw si Itay.

"Ahhh! Bakit!? Bakit ang mga anak ko pa?! Bakit sila pa? Anong kasalanan nila?! "

Puno ng hinanakit at galit na pagsusumigaw niya. Ang sakit para sa akin na mawalan ng kapatid, paano pa kaya para kay Itay na siya ang ama? Paano pa kaya sa kanya na mahal na mahal niya ang dalawang iyon?

Humahagulgol na sinalubong namin ni Inay nang yakap ang isa't isa. Gusot at butas-butas ang kanyang damit. Magulo ang buhok at halata sa mukha na wala siyang tulog. Yumuyugyog ang kanyang balikat at ang higpit ng yakap niya.

"Wala na ang mga kapatid mo, " halos hindi na siya makapagsalita sa pag-iyak.

"Sorry, Nay. Sorry ho at wala ako para iligtas sila.... Patawad, Nay... "

Hindi ko sila matanong kung paano at kung bakit namatay ang mga kapatid ko. Si Itay hindi ko makausap. Si Inay naman tulala habang nakaupo sa lantay nakatanaw sa aming lupain kung saan madalas naglalaro ang dalawa kong kapatid.

Pinahid ko ang luha na nag unahan na nagsibagsakan. Ang bata pa nila. Marami pa silang pangarap sa kanilang sarili at para kay Itay. Pero dahil sa mga walang-hiya na pumatay sa kanila, nawakasan ang mga pangarap nila sa buhay.

Paano na kami ngayon? Si Itay at Inay? Ang mga kapatid ko ang dahilan kung bakit sila nagsusumikap. Ang mga kapatid ko ang dahilan ng saya nila tapos sa isang iglap bigla iyong kinuha.

Wala kaming sapat na pera para sa ilang araw na lamay ng mga kapatid ko. Sa kabaong palang kinapos na kami sa pera. Kaya isang araw lang namin sila nakasama at napagdesisyunan ng ilibing dahil ayaw magbigay ng palugit ang purinarya. Kailangan mabayaran namin ang kalahati ngunit wala kaming thirty thousand na pera.

Ubos na rin ang naitabi ko na pera. Pati ang naitabi nila Inay nasimot na rin. May natira pa kaming babayarin sa purinarya na forty thousand.

Wala kaming mahingan ng tulong sa kaso ng mga kapatid ko. Hangad ko ang mabigyan sila ng hustisya ngunit wala akong malapitan upang mahingan ng tulong. Sabi ng pulis na nakausap ko, ginahasa raw ang mga kapatid ko. Nanlaban sila kaya may mga bugbog silang natamo sa katawan. Hindi pa nakontento ang mga taong iyon dahil pagkatapos silang gahasain, pinatay pa nila ito. Maraming saksak sa katawan. At ang mas masakit pa, sa maisan namin sa bukirin sila tinapon.

Walang nakakita kung sino ang may gawa sa kanila. Hapon nangyari ang krimen habang papauwi sila galing sa sapa. Sina Inay at Itay ang nakakita ng kanilang bangkay nang puntahan nila ito nang makaramdam ng pag-alala dahil ang tagal nilang umuwi.

Napahilamos ako sa aking mukha sa kawalan ng pag-asa na mabigyan pa sila ng hustisya. Nilibot ko ng tingin ang maliit naming bahay. Wala nang maingay, wala nang nag-aasaran, wala nang pinupuri palagi si Itay. Wala ng buhay ang masaya naming bahay. Tinitignan ko si Inay at Itay sa labas ng bahay. Nakaupo sila doon nakatanaw sa malayo. Pati sila nawalan rin ng saysay ang kanilang buhay nang mawala ang dalawa kong kapatid.

Ayaw ko man silang iwan, pero kailangan. Kailangan ko maghanap ng trabaho dahil may utang pa kaming babayaran sa purinarya. Napabayaan na ni Itay ang maisan namin. Naintindihan ko naman sila. Na hanggang ngayon nagluluksa parin kami sa pagkamatay ng dalawa kong kapatid.

Tatlong araw na ang nakalipas mula nang ilibing sila. Ngayon lang ako nagkataon na buksan ang di-keypad ko na cellphone.

Maraming text galing kay Maureen.

[Ate, kamusta ka? Miss ka na agad namin ni Beatriz. ]

[Ate, naka perfect ako kanina sa quiz namin. Si Beatriz din ang taas ng mga scores niya ayaw pa awat. ]

[Ate, alam mo ba naiinis ako kay Itay kapag naririnig ko na pinagkumpara ka niya sa amin ni Beatriz. Natatakot naman ako na sumagot baka sumama ang loob niya. ]

[Proud na proud ako sayo, ate ko. Napakaswerte ko dahil naging ate kita. Wala akong maipintas sayo. Ikaw ang the best ate in the world. ]

[Hayaan mo, ate. Magsumikap ako sa pag-aral nang makabawi ako sayo. Sa lahat ng sakripisyo at pagsisikap mo. ]

[Ang lahat ng ito, alay ko sayo. Mahal na mahal kita, ate. Miss na miss na rin kita. ]

[Ingat ka sa trabaho. Alagaan mo palagi ang sarili mo. Kapag may oras ako dalawin kita riyan. ]

Isang impit na iyak ang pinakawalan ko yakap ang cellphone ko nang mabasa ko ang mga mensahe ni Maureen. Mahal na mahal ka rin ni ate. Mahal na mahal ko kayong dalawa ni Beatriz. Kung alam ko lang na iyon na pala ang huling araw na makasama ko kayo, sana hindi nalang ako pumasok sa trabaho nang araw na iyon. Sana hindi ako umuwi kaagad. Sana nagkwentuhan muna tayo. I'm sorry...

[Ate tulong. ]

[Te myaak sumnd a min tlng]

[Te]

[Tulong te]

Nanginginig ang kamay ko habang binabasa ang mga sumunod niyang mensahe. Hindi ko maintindihan ang mga text niya. Siguro taranta siya habang tinitipa niya ito. Kung bukas lang ang cellphone ko ng mga sandaling iyon sana na hingan ko sila ng tulong. Sana natulungan ko sila. Ang mga sumunod niyang mensahe labing limang minuto ang lumipas.

[Wag mo sukuan si Itay, ate ha. Mahal ka no'n. Ingatan mo palagi ang sarili mo. At palagi mong tandaan na nandito ako proud na proud sayo. Mahal na mahal kita. ]

Ang huling mensahe ng kapatid ko na nagpadurog lalo sa akin. Sa lahat ng pwedeng mawala bakit siya pa? Bakit sila pang dalawa ni Beatriz kung pwede namang ako. Matagal ko ng tanggap na malayo ang loob ni Itay sa akin. Na hindi ako ang anak na magpapasaya sa kanya. Na kulang ang sakripisyo at pagmamahal ko para maging proud siya. Tanggap ko na iyon. Kaya kung may mawala man sa pamilya namin dapat ako yun. Hindi ang dalawa kong kapatid.

Nagkulong ako sa kwarto ko. Kahit harapin ko ang mga magulang ko parang wala rin naman ako. Hindi nila ako nakikita, hindi nila ako maramdaman. Siguro nasanay na sila na palagi akong wala. Kaya kahit nandito ako, parang wala lang sa kanila..

Paano kung ako yung namatay. Masaktan rin kaya si Itay ng ganito? Madudurog rin kaya siya? Hindi rin kaya niya matanggap? O, baka mas madali niyang matanggap kapag ako ang nawala?

Kinabukasan pagkatapos kong maghanda ng agahan umalis ako papuntang bayan. Maghahanap ako ng trabaho. Hindi na ako pwedeng lumayo sa mga magulang ko gayong ganito ang sitwasyon nila. Hindi bale ng maliit ang sweldo basta maibigay ko lang ang pang araw-araw na pangangailangan nila. Matingnan ko rin ang kalagayan nila.

"IT graduate ka? " tanong ng may ari ng malaking grocery store na pinag-apply-an ko sa akin.

Tumango ako. "Opo, naging kahera narin ako sa Baliwag, isang taon ako doon. "

"Sakto, kulang ako ng kahera. Sa lunes ka na magsimula. Pero mababa lang ang sahod ko sa mga baguhan. "

"Walang problema ho, ma'am. Maraming salamat ho. "

Hindi na mahalaga sa akin kung malaki o maliit ang sweldo. Ang mahalaga may trabaho ako. Habang pauwi ako, may nakasalubong akong dalawang babae na nakasuot ng kaparehong uniform ni Maureen at Beatriz. Magkapatid yata sila dahil nagbabangayan sila habang naglalakad. Ganito rin ang mga kapatid ko, parang mga aso't pusa kapag magkasama. Hindi ko namalayan na tumutulo na pala ang luha ko habang nakatitig sa kanila.

"Ate, ayos ka lang? " tanong ng babae na kaparehong uniform ni Beatriz.

Ngumiti ako at tumango. "Umm, masaya lang ako dahil natanggap ako sa trabaho. "

"Congrats po. I'm sure proud sayo ang parents mo, " sabi naman nung kapareho ni Maureen na uniform. "I'm proud of you. Ingat ka, ate. "

Kumaway silang dalawa at nagpatuloy sa paglakad. Napahikbi ako. Ganoon si Maureen sa akin. Si Beatriz kapag nakita niyang malungkot ako. Pakiramdam ko mga kapatid ko ang nakasalubong ko. Lumingon silang dalawa muli sa akin at kumaway. Kumaway ako pabalik at ngumiti sa kanila.

"Thank you Maureen, Beatriz. Mahal na mahal kayo ni ate. "

Kahit malabo pa sa tubig baha na isang araw maging proud din si Itay sa akin, hindi ko siya tatalikuran. Hindi ko sila pababayaan ni Inay. Ako nalang ang natira sa kanila. Hindi na ako maghahangad at aasa na mabago ang tingin sa akin ni Itay, kontento at tanggap ko na hanggang doon nalang iyon. Mahal ko silang dalawa ni Inay. Mas mahalaga na makapiling at maiparamdam ko sa kanila ang pagmamahal ko kaysa ang paghangad ko na mabago ang tingin ni Itay sa akin.

"Guenne... "

Natigil ako sa paglalakad nang may tumawag sa akin. Binundol ng kaba ang puso ko nang makilala ko kung sino iyon. Si manager, doon sa bar na pinagtatrabahuhan ko dati.

"Gueene, buti nalang nakita kita, " aniya.

"Bakit ho, ma'am? " kinakabahan na tanong ko. Baka ipakulong niya ako. Pero na settled na namin iyon bago ako umalis sa trabaho.

"I'm sorry, Gueene. "

Nagulat ako nang humingi siya ng tawad. Para saan?

"I'm sorry for accusing you. Hindi ako nagpa imbestiga at nakontento nalang sa kuha ng CCTV. I'm really sorry, Gueene, "malumanay niyang sabi. " Si Shara ang kumuha ng pera. Nakita sa isang kuha ng CCTV at nakita rin pala siya ni Rody. Sinadya kitang puntahan dito nang malaman ko iyon. Wala na kasing tao doon sa bording house mo, " kinuha niya ang puting sobre at inabot sa akin. "Dinagdagan ko yan. Nabalitaan ko kasi ang nangyari sa mga kapatid mo. "

"Salamat ho, ma'am. Huli man na naniniwala kayong wala akong kasalanan, salamat parin ho, " I smiled. " At sa pera. "

Iyon lang naman ang gusto ko noong una, ang mapatunayan na wala akong ninakaw ngunit hindi nila ako pinagbigyan. Pero ayos lang, diyos nga nagpapatawad ako pa kaya?

Hindi ko na sana tatanggapin iyong pera na galing kay Zen, pero nangangailangan ako. Pangtubos ko na iyon sa kulang namin doon sa purinarya. At kung may matira, para na iyon sa pang araw-araw namin na gastusin.

Pinapabalik ako ni manager sa bar ngunit sinabi ko na kailangan ako ng mga magulang ko dito.

"Kung gusto mong bumalik, bukas ang Luminous Bar para sayo. "

Pagkatapos naming mag-usap dumiretso na ako sa purinarya para magbayad. Pagka uwi ko ng bahay tulog na ang magulang ako. Wala silang kain dahil hindi man lang nagalaw ang niluto kong pagkain kaninang umaga.

Lumipas ang mga araw ganoon parin ang mga magulang ko. Matamlay, walang buhay at walang pakealam sa sarili. Hinayaan ko lang dahil nagluluksa pa sila. Hanggang sa unti-unti kahit papaano nakakausap na ako ni Inay. Maaga na siyang gumising para ipagluto ako dahil may trabaho ako. Sinasabayan sa pagkain, nag-uusap. Unti-unti ng bumabalik ang kanyang sigla. Si Itay nalang ang inaalala ko.

"Ikaw ba ay nagdadalang-tao? " tanong ni Inay nang manakbo ako sa lababo at sinuka ang lahat ng kinain ko. .

Bab terkait

Bab terbaru

DMCA.com Protection Status