Share

Chapter 6

Kumapit si Inay sa braso ni Itay nang makita nito ang nag aapoy sa galit na mata ni Itay. Na anumang oras susugurin niya si Juancho. May ibinulong si Inay sa kanya dahilan para unti-unti itong kumalma.

"Nandito na pala ang anak ko," wika ni mayor.

Nang tingnan ko si Juancho, mukha itong sabog. Magulo ang buhok, gusot ang damit at pula ang mga mata. Amoy alak at sigarilyo pa. Mukhang inumaga sa inuman o kung saan man siya galing.

"Pumasok muna kayo sa loob at doon nalang natin ipagpatuloy ang pag-uusap, " saad pa ni mayor at inakay ang anak papasok sa kanilang tahanan.

May pabilog na mesa na gawa sa semento dito sa kanilang bakuran. Doon kami dinala ni mayor. Nagpahanda rin siya ng meryenda para sa amin ngunit wala doon ang atensyon namin. Mukhang hindi na makapagpigil si Itay kaya diritsahan niyang itinanong si Juancho.

"May kinalaman ka ba sa pagkamatay ng mga anak ko?"

Mahinang tanong ni Itay ngunit ramdam ko ang pagpigil nito sa galit niya dahil nasa teretoryo nila kami.

Nanlaki ang mata ni Juancho at malakas na napasinghap. "Pinagbibintangan mo ba ako na ako ang pumatay sa anak mo?"

"Hindi. Tinanong ko lang kung may kinalaman ka ba dahil nakita ko ang pitaka mo doon sa maisan namin. Tatlong dipa mula kung saan nakahandusay ang katawan ng mga anak ko. "

Nagtangis ang kanyang mga ngipin ngunit kalaunan sumilay ang pagngisi nito na nakaloloko. Kumuyom ang mga palad ko sa galit na naramdaman. Hindi nga nagkamali si Itay. Mukhang may kinalaman nga siya sa pagkamatay ng mga kapatid ko.

Sumandal siya sa upuan at dumikwatro pa. Humalukipkip ito at pinapakita sa amin na walang kabuluhan ang mga sinasabi namin laban sa kanya.

Bumuntonghininga siya. "Ninakaw ang walet ko. Malamang yung nangnakaw na iyon ang may gawa sa mga anak niyo, " tumayo siya. "Sa susunod na babalik kayo dito at akusahan ulit ako... Makikita niyo ang hinahanap niyo, " pagbabanta niya.

Nagpupuyos sa galit ang puso ko na lumabas sa kanilang tahanan. Si Inay hindi magkandauga sa pagpigil kay Itay na huwag mag eskandalo. Nang maka uwi kami doon nagsusumigaw si Itay. Nanatili lang ako sa aking silid at tinakpan ng unan ang magkabilang tainga ng hindi ko marinig ang mga sigaw niya.

Akala siguro ni Juancho hindi namin alam na nagka interes siya kay Maureen kaya ganoon nalang ang pagbabanta niya kanina. O, 'di kaya ay alam niya kaya niya kami binantaan dahil natatakot siya na mabulgar ang kawalanghiyaan na ginawa niya.

Hindi ko alam kung paano o ano ang gagawin ko para sa hustisya na hinahangad namin. Natatakot ako lumapit sa mga pulis at isuko ang isang ebidensya na hawak namin. Paano kung bayaran nila ang mga pulis na iyon. Ang mga jugde na hahawak sa kaso dahil anak siya ni mayor? Mabaliwala lahat ng ipinaglalaban namin.

Walang bahid ng kasamaan ang pangalan ng mayor at ang pamilya niya. Kaya malabo na paniwalaan kami kung mag akyat kami ng kaso laban kay Juancho. At isa pa, hindi sapat ang ebidensya na hawak namin.

Akala ko tatahimik na si Itay at tanggapin ang katotohanan na wala kaming laban kay Juancho. Ngunit nagkamali ako. Nang mabenta ang mga mais, ginamit niya ang pera na iyon para kumuha ng judge para sa kaso ng mga kapatid ko. Wala na akong nagawa kundi suportahan nalang siya sa gagawin niya.

"Sinabi ko naman sayo, Warlito. Na wag kang padalos-dalos sa desisyon mo. "

Dinig kong sabi ni Inay sa dismayado na tono. Sinilip ko sila sa bintana. Nakayuko si Itay nakasabunot sa kanyang buhok. Si Inay pabalik-balik sa paglalakad. Aligaga, at mukhang malaking problema ang hinaharap.

"Paano na ngayon iyan? Nasayang lang iyong pera natin na ibinayad sa judge. "

Ngayon naintindihan ko na kung bakit ganyan sila.

"Hindi ko kasalanan kung bakit biglang nag-resign sa trabaho ang judge na iyon! " sigaw ni Itay. "Sa tingin mo kagustuhan ko ang nangyari sa kanya? Pasensiya, Judith kung ang dali kong nagtiwala. Dahil sa puntong ito hangad ko lang ang hustisya para sa mga anak kong namayapa.. "

Malamang binayaran ni Juancho ang judge na iyon kaya nag-resign sa trabaho. Sa laki ng ibinayad, sino pa ang tatanggi? Sa panahon ngayon mabilang lang sa daliri ang taong mapagkakatiwalaan lalo na kung pera ang labanan.

"Sana kase nakinig ka sa amin ng anak mo.. "

Tinalikuran siya ni Inay. Mabuti nalang malayo kami sa mga kabahayan. Walang makakarinig sa mga sigaw ni Itay. Kung ano ang nangyayari sa amin dito.

Hinimas ko ang maliit na impis kong tiyan. Kahit anong stress at pagod hindi ako binigyan ng alalahanin ng anak ko. Siguro naintindihan niya ang sitwasyon ko. Nakikita niya kung ano ang kalagayan ko. Sa ngayon siya lang ang kakampi ko. Siya lang ang karamay at lakas ko. Siya lang ang mayroon ako kaya iingatan ko siya at mamahalin hanggat humihinga ako.

"Nay, ano na ang mangyayari sa kaso? " tanong ko. Hindi kasi siya pumayag na sumama ako sa kanila dahil buntis ako. Baka ma stress ako doon at ma apektuhan ang anak ko.

Wala mang tinapos ang mga magulang ko pero may alam naman sila sa batas kahit papaano. Nakaiintindi sila, nakauunawa at higit sa lahat hindi madaling sumuko kapag alam nilang sila ang nasa tama. Natatakot lang ako dahil malaking tao ang binabangga namin.

"Hindi ko alam. Kinakabahan na ako sa mga ginagawa ng Itay mo. Malamang alam na ng pamilya ni Juancho na lumapit kami sa mga judge na maaring makatulong sa amin. Natatakot ako sa kanilang maging hakbang.. "

Pinakalma ko siya. Kahit ako kinakabahan din. Sa ginawa ni Itay hindi malabo na walang ibang taong nakaalam. Baka nga kalat na ang balita na ito sa bayan. Na may kinalaman si Juancho sa pagkamatay ng mga kapatid ko.

Palaging wala rito sa bahay si Itay. Hindi namin alam kung saan siya pumupunta, kung ano ang ginagawa niya. Umaalis siya ng maaga at uuwi sa gabi. Ilang beses na siyang pinagsabihan ni Inay ngunit hindi naman siya nakikinig. Hindi siya nagkukwento kay Inay kung ano ang ginagawa niya.

Hanggang sa dumating na nga ang kinakatakutan namin. Isang hapon pumunta dito si Juancho galit na galit at hinahanap si Itay.

"Mangmang! Lumabas ka sa lungga mo! " sigaw nito sa labas ng aming bahay.

Kami lang ni Inay ang narito dahil hindi pa umuuwi si Itay. Hindi namin alam saan nagpunta. Pumasok si Inay sa aking silid. Puno ng takot at pag alala ang mukha. Lumapit siya sa akin.

"Kahit anong mangyari wag na wag kang lalabas. Naintindihan mo ba ako? "

"Pero, Nay.. "

"Makinig ka sa akin... Alalahanin mo buntis ka. Pakiusap anak. Isipin mo ang anak mo. "

"Inutil! Mangmang! Lumabas ka! " sigaw ulit ni Juancho. "Binalaan na kita pero sinasagad mo ang pasensya ko! Lumabas ka! "

Napatakip ako sa aking tainga. Pilit kong kinakalma ang sarili dahil nagsisimula nang manginig ang mga kamay ko.

"Aba't ang lakas naman ng loob mo na pumarito sa pamamahay ko! "

Napatayo si Inay nang marinig ang boses ni Itay. "Dito ka lang, " wika niya nang akma akong susunod sa kanya.

Sumilip ako sa bintana. May hawak na itak si Itay. Parehong nag aapoy sa galit ang mga mata nila ni Juancho. Na kaunting kalabit nalang ay sasabog na silang dalawa.

"Hindi ka ba titigil sa pagdiin sa akin diyan sa pagkamatay ng anak mo?! Kung tutuusin nararapat lang iyon sa kanya dahil isa siyang malan-",

" Warlito! "

"Itay! "

Halos talunin ko na ang bintana nang biglang sugurin ni Itay ng sundok si Juancho. Malaki ang katawan ni Juancho kumpara kay Itay. Matanda na siya at mahina kaya wala siyang laban kay Juancho.

"Papatayin kita! " at sinuntok ulit ang mukha ng lalaki. Hindi naman ito umilag at hinayaan lang si Itay na pagsusuntukin siya.

Hindi makalapit sa kanya si Inay. Tila napako ito sa kanyang kinatayuan. Maski ako nakatingin lang ako sa kanila, umiiyak.

"Papatayin kita! " tila wala ng lakas ang pagsuntok ni Itay. Kusa siyang huminto.

Hinimas ni Juancho ang kanyang panga. Malaki ang ngisi sa labi ngunit ang kanyang mga mata makitaan ng matinding galit.

"Ang taas ng lipat niyong mga mahirap. Ngayon, tamasin mo ang inyong malakas na pagbagsak! " wika nito at malakas na sinuntok sa sikmura si Itay.

Nagsusumigaw, umiiyak ang tanging nagawa namin ni Inay nang walang awa na pinagsusuntok ni Juancho si Itay. Tumalsik ang dugo sa kanyang bunganga at para na itong lantang gulay. Umuubo ito na bumagsak sa lupa. Doon na tumakbo si Inay palapit sa kanya ng namilipit ito nang sipain siya sa likod ni Juancho.

"Tama na... Tama na... " umiiyak na sambit ni Inay.

Ngunit tila bingi si Juancho. Nanlaki ang mata ko nang may hinugot siyang baril sa kanyang likuran at tinutok iyon kina Inay.

"Wag! " sigaw ko. "Wag, please. Wag.. "

Binundol ng kaba ang puso ko nang ngumisi ito na parang isang baliw. Dahan-dahan niyang inangat ang kamay at tinutuk sa akin ang kanyang... Baril.

Kasabay ng pagpikit ko siya ring pagputok ng kanyang baril. Biglang tumigil ang paghinga ko. Wala akong ibang narinig kundi ang malakas na kabog ng puso ko at ang pagpalahaw ni Inay. Nang imulat ko ang aking mata tumambad sa akin ang duguan na katawan ni Itay. Wala na si Juancho at ang kanyang sasakyan.

Napanganga ako. Hindi malaman ang gagawin. Ang mata ko puno ng luha habang nakatitig kay Itay na duguan. Napahagulgol ako. Sa kabila ng mga masakit na salita ni Itay sa akin. Sa mga paraan niya na para bang wala akong halaga na anak sa kanya. Pero sa puntong ito nagpaka-ama siya sa akin. Dahil si Itay ang sumalo ng bala na dapat ay para sa akin.

Pagapang na lumabas ako ng bahay dahil sa kahinaan. Yakap ni Inay si Itay at walang tigil sa pag iyak.

"Itay... "

Nanginginig ang kamay na inabot ko ang pisngi niya. Hinahabol nito ang kanyang paghinga. Kitang-kita ko ang paghihirap niya. Umaagos ang dugo sa kanyang bibig. Nang tingnan ko kung saan siya natamaan, para akong mawalan ng hininga. Sa kaliwang dibdib siya natamaan sa tapat ng kanyang puso. Nakatakip ang kamay ni Inay doon ngunit ayaw matigil ang pag agos ng dugo.

"D-Dalhin ki..kita sa hos...pital, 'Tay. "

Kahit nahihirapan sinikap niyang iangat ang kanyang palad papunta sa aking pisngi. Lalo akong napahagulgol.

"Mahal na mahal kita, anak... "

Mahinang usal niya. At nang sandaling iyon tumigil na ang kanyang paghinga.

"Itay! Itay, gising.. "

"Warlito... "

Ngunit kahit akong yugyog ni Inay sa kanya hindi na muling nagmulat ang kanyang mata.

"Itay, gumising ka... Pakiusap, Itay.. "

Kung hindi dahil sa akin hindi siya namatay. Kung hindi niya sinalo ang bala na dapat sa akin tumama buhay pa sana siya ngayon. Bakit puro kapahamakan ang dulot ko sa pamilyang ito? Bakit ipinanganak sa pamilyang 'to ang isang malas na katulad ko? Bakit hindi nalang ako yung namatay? Bakit hindi nalang ako?!

"Itay... Sorry po.. Sorry po, kasalanan ko ang nangyari sa inyo. Itay!! "

Niyakap ako ni Inay nang hindi maawat ang pag iyak ko. Ang sakit sakit. Bakit kailangan may mawala sa pamilya ko? Bakit kailangan sila pa ang mawala kung pwede naman ako? Hindi ko matanggap na sila pa ang nawala habang gusto pa nilang mabuhay. Bakit hindi nalang ako dahil ako ang malas sa kanila?

"Kasalanan ko... Kasalanan ko ang nangyari sa kanila.. Bakit hindi nalang ako ang namatay! Bakit kailangan sila pa! " pagsusumigaw ko. "Bakit hindi nalang ako, Inay? Bakit kailangan si Itay, si Maureen at Beatriz pa ang nawala kung pwede namang ako?! "

Tanging iyak at mahigpit na yakap lang ang sagot ni Inay. Hindi ko matanggap ang nangyari. Ang hirap tanggapin ng lahat. Hawak ko ang kamay ni Itay habang tumatangis. Hindi pa ako nakabawi sa kanya pero bakit kinuha na siya kaagad sa akin? Hindi ko pa nga nasabi sa kaya kung gaano ko siya ka mahal tapos...Niyakap ko ang duguan niyang katawan. Sa kanyang huling hininga hinintay niyang makita at mahawakan ako upang masabi sa akin ang katagang ni minsan hindi ko narinig mula sa kanya. Ang katangang...

'Mahal na mahal kita, anak. '

Sa huling pagkakataon, pinaramdam niya sa akin na mahalaga ako sa lahat. Na handa siyang ibuwis ang kanyang buhay. Ang sakit lang dahil namatay siya sa hustisyang kanyang ipinaglalaban na hindi namin makamit dahil wala na siya sa aming buhay.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status