Share

Cursed Casanova
Cursed Casanova
Author: Greyyvee

Prologo

Year 19XX

"Hindi ko lubos akalain na magiging patay na patay sa iyo ang unica ija ng mga Segundo."

"Kakaiba ka talaga, Perfecto!"

"Sabagay sino ba naman ang makatatanggi sa isang Casanova. Eh gayong lahat na yata ng kababaihan sa buong nayon natin e ikaw ang hanap."

"Ilan na ba ang iyong napaibig at nasaktan?"

Nakangiting napapaling si Perfecto sa naging saad ng kanyang mga kaibigan. Totoo naman lahat ng sinabi ng kanyang mga kaibigan. Pinipilahan siya ng mga kababaihan. Sadyang ganito yata ang taglay na karisma ng isang Casanova.

Hindi mo rin naman masisisi ang mga kakabaihan. Sino ba naman kasi ang aayaw sa pamilyang pinakamayaman sa buong bayan nila?

Malawak na lupain, naglalakihang mga mansyon, naliligo sa sandamakmak na pera idagdag mo pa ang pagiging maganda ng lahi ng mga Casanova.

Bagamat purong dugo ng isang Pilipino ang dumadaloy sa kanila hindi maitatago ang alindog ng isang Casanova. Pwede na nga raw silang ihanay sa mga diyos ng mga griyego e.

Mga perpektong likha. Mga pinagpalang lubos. Yan ang laging bukambibig ng mga tao patungkol sa mga Casanova.

"Ano pa bang aasahan niyo? Isa akong Casanova! Walang babae ang aayaw sa akin na maikama ko sila. Kaunting pagsilay lang ng aking mga ngiti nagmimistulang mga manok na hayok sa isang butil ang mga kababaihan sa akin." Oo aminin na natin mayabang at presko ang datingan maging ng pananalita ni Perfecto Casanova pero totoo naman kasi lahat ng kanyang sinabi.

Tumingin ito sa mga naglalakad na mga kababaihan. "Lahat ng gustuhin ko makukuha ko." Pilyong ngiti nito habang pinapasadahan ng tingin ang mga kababaihan.

"Malinaw naman sa amin iyan. Pero tama kaya ang iyong ginawa sa nag-iisang anak na babae ng mga Segundo?" nag-aalalang tanong ng isa sa mga kabarkada nito.

Napakunot ng noo si Perfecto. Medyo naasiwa ito sa naging tanong ng kanyang kaibigan. Isa sa mga pinaka-ayaw ni Perfecto ay ang kinukwestyun ang kanyang mga desisyon. Bagamat naiinis man ay tinapunan pa rin niya ito ng isang tipid na ngiti.

"Ano naman ang ikinababahala mo? Tapos na. Nakuha ko na ang aking gusto," nakangiting saad nito. "Hindi niyo alam gaano kasarap ang isang Segundo. Hindi ko nga lang maisip bakit itinatago nila ang isang napakasarap na putahe." Sumilay ang pilyong ngiti sa mga labi ni Perfecto habang sinasariwa ang init ng apoy na minsang pinagsaluhan nila ng unica ija ng mga Segundo.

Maging ang kaisa-isang anak na babae ng mga Segundo ay hindi rin nakaligtas sa mga kamay ni Perfecto.

"Paano mo pala napasunod sa gusto mo ang babaeng iyon? Ang alam ko mailap ito sa mga tao at hindi ito pinapayagang lumabas," sabat na tanong ng isa pang kabarkada nito.

"Tinatanong pa ba yan?" sarkastikong tanong ng isa pang mga kabarkada nito. Napakamot naman ito sa kanyang ulo at naiilang na napangiti ito. "Oo nga pala ano, isa palang Casanova ang kaibigan natin."

Sabay na nagtawanan ang grupo. Hindi nila alintana kung pinagtitinginan na sila ng mga tao. Kasalukuyang nasa gilid kasi sila ng kalsada kung saan nakahilera ang mga tindahan ng mga kakanin kagaya ng bibingka at suman. Simbang gabi kasi kaya maraming mga tao.

"Lahat naman kasi ng bagay nagagawan ng paraan. Lunurin mo lang ng mga matatamis na pangako at mga salita makukuha mo na. Kunin mo ang kiliti ng mga kababaihan at hindi naman kaiba ang isang Segundo sa mga babaeng naikama ko." Presko at puno ng kumpyansa ang boses nito.

"Ano kaya ang itsura ng dalagang Casanova nang malaman niya na pinaglaruan mo lang ang damdamin niya," tanong naman ng isa pang kaibigan niya.

Hindi nakaimik si Perfecto nang marinig ang tanong na ito. Ano nga ba ang naging reaksyon ng dalagang Segundo? Bigla itong napatitig sa kawalan ng maalala ang itsura nito nang malamang laro-laro lang ang lahat ng pinakita nito sa dalaga.

Blangko. Blangko ang mukha ng dalaga. Walang emosyon ang mga mata ng dalagang nakatingin sa kanya ng diretso. Inasahan na ni Perfecto na sasampalin siya nito at pagsasalitaan ng mga masasamang salita ngunit taliwas sa inaakala niya ay isang ngiti lamang ang ibinigay ng dalaga bago ito naglakad palayo sa kanya.

"H-Hindi ko alam," mahinang bulong nito sa kanyang sarili.

"Mare, alam mo ba ang kumakalat na balita ngayon?"

"Anong balita na naman ba iyan? At saan mo naman narinig yan?"

"May kaguluhan ngayon sa mansyon ng mga Segundo!"

Awtomatikong napadako ang tingin ni Perfecto sa dalawang ginang na naglalakad nang marinig nito ang salitang Segundo.

Hindi naman niya ugaling makinig sa tsismis ng ibang tao ngunit nang marinig niya kung ano ang pinag-uusapan ng dalawa ay parang may kung ano sa kanya na nagtulak na pakinggan ito.

"Kanina bago ako magpunta rito. Nalaman ko sa biyenan ko na wala na raw ang kaisa-isang anak na babae ng mga Segundo."

"Ha? Bakit daw? Ano nangyari? Saan pumunta?"

Mahinang napahampas ang ginang sa balikat ng kanyang kaibigan. "Ano ka ba? Patapusin mo nga muna kasi ako," nakangiwing saad nito, "natagpuang patay ang unica ija ng mga Segundo sa kanyang kwarto. Naliligo ito sa sariling dugo. Natagpuan na lang na wala na itong buhay at may sugat ito sa kanyang pulsuhan. Nagpakamatay daw ito."

Agad namang napakrus ang kausap na ginang sa kanyang narinig. " Susmaryosep! Hindi kaya mamalasin ang ating bayan sa nangyaring ito? Di ba may alam sa mahika ang pamilyang iyon?"

Nang marinig ni Perfecto ang pag-uusap ng dalawa tila naging estatwa ang katawan nito. Napako ang kanyang tayo sa kinalalagyan nito. Biglang bumilos ang tibok ng puso nito kasabay nito ay ang panlalambot ng kanyang mga tuhod.

"Patay na si Amira?" hindi makapaniwalang tanong nito sa kanyang sarili. Alam niya sa sarili niya na siya ang dahilan nito.

Kanina lang nakausap pa niya ang dalaga pero ngayon wala na ito. Muling sumilay sa kanya ang mga blangkong mata at ngiti ng dalaga sa kanya kanina. "Hindi ko akalain na ganito pala ang kahulugan ng mga ngiting iyon."

Napailing ito. "Hindi ito totoo. Hinding hindi ako maniniwala hanggat hindi ko ito nakikita!" Matigas na saad nito sa kanyang sarili.

Tinawag pa siya ng kanyang mga kaibigan pero hindi na niya nilingon ang mga ito at agad na nagtungo sa mansyon ng mga Segundo.

Ngunit pagdating niya sa tahanan ng mga Segundo tila may kung anong sumuntok sa puso nito nang makita niya ang kumpol ng mga tao.

Biglang nanghina ang mga tuhod nito at bumigat ang kanyang mga hakbang.

Nakipagsiksikan siya sa mga tao para makita kung ano ang nagyayari. Tila sinisipa ng isang dosenang kabayo ang puso nito nang masilayan ang eksenang kanina pa niya iniiwasan.

 Patay na si Amira.

Kasalukuyang binubuhat ngayon palabas ng mansyon ang malamig na bangkay ng nag-iisang anak na babae ng mga Segundo.

Ang dalagang itinuturing na bulaklak ng kanilang bayan kahit na ito'y mailap sa mga tao at labis na inalagaan ng mag-asawang Segundo ay isa ng malamig na bangkay.

Pagsisisi ang tanging namayani sa buong pagkatao ni Perfecto. Hindi niya namalayan na umaagos na pala ang kanyang mga luha. Isang bagay na kailanman ay hindi niya inisip na magyayari. Umiiyak ba ito dahil sa pagsisisi? Tanging si Perfecto lang ang may alam.

"Ikaw!"

Isang galit na sigaw ang umagaw sa atensyon ng lahat. Napadako ang tingin ni Perfecto sa pinagmulan ng sigaw na iyon.

Lumapit ang nagmamay-ari ng sigaw sa kanya at agad siya nitong pinagsasampal.

"Kung hindi dahil sa iyo buhay pa sana ang aking anak! Napakawalang puso mo! Isa kang mamamatay tao!"

Nagpupungos sa galit ang ina ni Amira. Hindi gumalaw sa kanyang kinatatayuan si Perfecto at tinanggap lamang nito ang mga hampas at masasakit na salitang ipinupukol sa kanya ng ina ni Amira.

Tama ito. May karapatan siyang magalit at masaktan. Dahil kung hindi dahil sa kagaguhan niya ay buhay pa sana ang dalaga.

"Tama na yan! Kahit patayin mo pa ang hayop na ito kailanman ay hindi nito maibabalik ang buhay ng ating anak." Pag-aawat naman ng asawa nito, ang ama ni Amira Segundo.

Matalim ang mga mata nitong nakatingin kay Perfecto habang yakap yakap ang kanyang asawa na kanina pa umiiyak.

"Sana masaya ka sa ginawa mo sa anak ko, Mr. Casanova," sarkastikong saad ng ama ni Amira.

"Bakit ang anak ko pa?! Ano bang kasalanan niya sayo?!" Sigaw ng ginang sa kanya habang patuloy pa rin ang pag-iyak.

Napayuko at napatitig na lang sa sahig si Perfecto. "P-Patawad..." Ang tanging salitang lumabas sa kanya habang patuloy ang pagtraydor sa kanya ng kanyang mga luha.

"Patawad? Maibabalik ba ng patawad mo ang buhay ng anak ko?! Kailanman ay hinding hindi kita mapapatawad!" Matigas na tugon ng ginang sa kanya. "Bitawan mo ako, Ronaldo!" Nagpumiglas ito sa pagkakayakap sa kanya ng kanyang asawa at lumapit ito kay Perfecto.

"I-ikaw...kahit kailan hinding hindi ko ibibigay ang pagpapatawad sa iyo. Isa kang mamamatay tao," saad nito sabay duro sa binata. "Tumingin ka sa akin! Harapin mo ako!" Sigaw nito habang niyuyogyug ang magkabilang balikat ng binata.

Nanatiling nakayuko si Perfecto. Hindi niya alam kung anong mukha ang maihaharap niya sa mag-asawa.

"Tama na yan. Huwag mo ng sayangin ang oras mo sa taong iyan. Kailangan tayo ng anak natin." Pagsusumamo ng asawa nito.

Napangiti ng tipid ang ginang. "Tama ka. Kailangan tayo ng anak natin. Pero hindi ako makakapayag na mamatay na lang ang anak natin ng ganoon na lamang. Kailangan niyang magdusa at pagbayaran ang ginawa niya sa anak natin!"

Agad namang napahawak sa kanyang kamay ang asawa nito at naiiling na nakatingin sa asawa nito. "Tama na, huwag mo ng ituloy dahil hindi ito magugustuhan ng anak natin."

"Huwag mo akong pigilan! Para sa anak ko ito...at ikaw!" Tumingin ito kay Perfecto. Humakbang siya palapit kay Perfecto. "Mula ngayon isinusumpa ko! Lahat ng mga panganay na Casanova ay mamalasin! Walang lalaking Casanova ang liligaya kailanman! Pagdating sa edad na trenta ang lahat ng panganay na Casanova ay mamamatay!"

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status