Share

CHAPTER 7

“LUKAS, pasensya ka na kanina, ha? Si Nanay kasi ipinakilala kang boyfriend ko sa mga kapit-bahay.”

Halos hindi makatingin si Lalaine nang sabihin iyon kay Lukas. Sobra talaga siyang nahihiya ng mga sandaling iyon na para bang gusto na lang niyang maglaho na parang bula. Pero hayun nga at wala siyang choice kung hindi kausapin ang lalaki tungkol doon. Katatapos lang nilang maghapunan at nagpapababa pa ng kinain habang nakaupo sila ni Lukas sa veranda. Ang Nanay Melba naman niya at bunsong kapatid ay nag-aayos ng pinagkainan.

Sa tulong ng liwanag na nagmumula sa poste ng ilaw, kitang-kita ni Lalaine kung paano kumibot ang labi ng lalaki. Akala niya ay may sasabihin ito ngunit nanatili lang itong tahimik. Hindi tuloy niya malaman kung ayos lang ba sa lalaki o kung nagagalit ito dahil ipinakilala itong nobyo niya.

Lihim na bumuntong-hininga si Lalaine at saka itinuon na lang ang paningin sa madilim na kalangitan. "Alam mo Lukas, medyo matagal-tagal din tayong magkakasama," ani Lalaine habang nakatingala pa rin sa madilim na kalangitan na wala ni isa mang bituwin nang mga oras na iyon. "Ang sabi ni Doc Macaraig, aabutin hanggang six months ang itatagal ng pagkawala ng memorya mo. Kaya kung ako sa'yo, sanayin mo na ang sarili mong kasama kami. Nahihirapan kasi kaming kausapin ka dahil hindi ka masyadong nagsasalita. Hindi namin malaman kung ano ang nasa isip mo. O kung ano ang gusto at ayaw mo. Nakakaintindi ka naman ng Tagalog, 'di ba?" pagpapatuloy ni Lalaine saka muling bumaling sa lalaki. Pero pakiramdam niya ay biglang uminit ang kanyang pisngi nang makitang nakatingin pala ito sa kan'ya. Naging abnormal tuloy ang tibok ng kanyang puso na ipinagpalagay na lang niyang marahil ay sa kaba. Diyos ko! Wag mo itong gagawin lagi, Lukas. Baka atakihin ako sa puso! saad ni Lalaine sa isipan.

"At ano naman ang sasabihin ko?" saad ni Lukas na nauna nang nagbawi ng tingin. "I don't even know what my name is."

Nanatiling nakatingin lamang si Lalaine sa lalaki kaya natunghayan niya ang lungkot na rumihistro sa gwapong mukha nito. Maging ang tinig ni Lukas ay mababakas ang kalungkutan. Muling tuloy siyang nakaramdam ng awa at simpatya para sa lalaki. Parang pati ang kanyang dibdib ay bumigat dahil sa nakikitang kalungkutan kay Lukas.

"Alam ko kung gaano kahirap ang pinagdadaanan mo, Lukas. Kaya nga kailangan mong makisalamuha sa mga tao paligid mo. Sabihin mo kung ano ang nasa isip mo, o kung ano ang nasa loob mo para matulungan ka namin na gumaling," wika naman ni Lalaine saka marahang tinapik-tapik ang lalaki sa balikat.

"What if my memory never comes back?" tanong ni Lukas na bakas pa rin ang kalungkutan sa tinig. Nanatili lamang din itong nakatingin sa kung saan at panay ang buntong-hininga.

"'Wag mong isipin na hindi ka gagaling. Kailangan mong gumaling Lukas, para makabalik ka sa pamilya mo. Alam kong nag-aalala na sila lalo na ang Mama mo. Kailangan mong magpagaling at magpalakas. Tutulungan ka namin, okay? Tutulungan kita," paniniguro ni Lalaine sa lalaki.

Sa sinabing iyon ni Lalaine ay nilingon siya ni Lukas. Tiningnan siya nito nang may pagtatanong. "Why are you doing this?  You don't even know who I am."

Oo nga naman Lalaine Louis Fernandez! Bakit mo ito ginagawa? tanong ng munting tinig sa isipan ni Lalaine. Subalit wala siyang maapuhap na isasagot sa tanong na iyon dahil maging siya ay hindi alam kung bakit. Kung tutuusin, sobra-sobra na ang naitulong niya sa lalaki. Subalit heto siya, nagprisinta pang kupkupin ang lalaki kahit alam niyang hindi iyon madali.

"D-Dahil ako ang guardian mo?" ani Lalaine na bahagya pang nautal sa hindi niya malamang dahilan. Mulinring naging abnormal ang tibok ng kanyang puso habang nakatingin sa lalaki.

Umiling-iling si Lukas sa sinabi niya na para bang hindi makapaniwala. "What if I'm a bad person? Am I a murderer? At kaya ako pinagtangkaang patayin dahil doon?" tanong muli kay Lalaine ng lalaki.

Ang totoo ay naisip na rin iyon ni Lalaine, na baka nga masamang tao ito kaya pinagtangkaan ang buhay nito. Pero kaagad din niyang inalis sa isipan ang haka-haka na iyon dahil hindi masamang tao ang tingin niya kay Lukas. Oo nga't masungit ito pero ramdam niyang hindi ito masamang tao. Isa pa, kung kriminal ito o wanted ay sana nalaman na iyon ng mga pulis na humahawak sa imbestigasyon.

Ang iniisip lamang ni Lalaine ay paano kung kabaliktaran ang nangyari? Paano kung pamilya pala nito ang may pakana ng lahat? Kung hindi, bakit hanggang sa mga sandaling iyon ay hindi pa rin siya nahahanap ng mga ito? Mukhang mayaman si Lukas at makikita sa anyo nito na hindi ito basta-bastang tao. Subalit wala ni isa man lang ang nakakakilala kay Lukas. Hindi naman liblib ang San Miguel at parte lamang din ng Vizayas ang kanilang probinsya. Bakit hindi mahanap kung nasaan ang lalaki? Pero ang lahat ng iyon ay isinaisip na lamang ni Lalaine. Ayaw niyang sabihin iyon kay Lukas dahil makakasama ito sa pagpapagaling nito.

"Hindi na mahalaga kung masamang tao ka man bago mawala ang memory mo," nakangiting sagot ni Lalaine kay Lukas na noon ay tila naghihintay ng isasagot niya. "Ang importante ay magpagaling ka. Kailangan mong gumaling para malaman mo kung ano ang dahilan kung bakit nangyari sa'yo. At saka hinihintay ka na ng pamilya mo, baka nag-aalala na sila." Hindi na kumibo pa si Lukas matapos niya itong sabihin. Nanatili na lang ito nakatingala sa madilim na kalangitan.

Mayamaya pa'y narinig ni Lalaine ang tinig ng kanyang Nanay Melba. "Lalaine, anak. Pumasok na kayo rito at mahamog na. Nakaayos na ang kwarto ni Lukas. Samahan mo siya roon at nang makapagpahinga na siya! "

"Opo, Nay!" sagot naman ni Lalaine saka binalingan ang lalaki at inabot ang kamay para alalayan ito. "Lika na. Kailangan mo nang magpahinga at makainom ng gamot," ani Lalaine na sinamahan pa ng matamis na ngiti. Sandali namang pinagmasdan ni Lukas ang nakalahad niyang kamay at saka inabot. Lihim namang napangiti si Lalaine dahil doon. Ang lambot ng kamay niya! Daig pa ang kamay ng babae, wika ni Lalaine sa isipan.

Inalalayan ni Lalaine na makatayo si Lukas mula sa pagkakaupo sa bangkong yari sa kawayan, at saka isinampay ang braso nito sa kanyang balikat. Lihim pang napapiksi ang dalaga nang maramdaman niyang tila may munting boltahe ng kuryente ang dumaloy sa kanyang katawan nang kusang ipulupot si Lukas ang braso nito sa kanyang baywang.

Pagpasok sa loob ng kabahayan ay napanguso si Lalaine nang makitang nakangiti ng mapanukso ang kanyang Nanay Melba at bunsong kapatid. Alam niya ang nasa isip ng mga ito, marahil ay iniisip ng mga itong nagkakamabutihan na sila ni Lukas. Hindi na lang niya pinansin ang mga ito at saka nagtuloy-tuloy ng pasok sa dating kwarto ng kanyang mga magulang na ngayon ay ginawang pansamantalang silid ni Lukas. Marahan niyang inalalayan na maupo  ang lalaki sa gilid ng kama saka binuksan ang electric fan at itinapat rito. Pawis na pawis kasi ito na marahil ay dahil sa maalinsangang panahon.

"Pagpasensyahan mo na 'tong bahay namin. Siguro walang-wala ito sa bahay niyo pero 'wag kang mag-alala, komportble naman rito saka malamig kapag madaling-araw," ani Lalaine kay Lukas na noon ay inililibot ang paningin sa loob ng maliit na silid.

Lihim pang nagpalasamat si Lalaine sa kanyang Nanay Melba habang pinagmamasdan ang kabuohan ng silid. Maliit lamang iyon kung tutuusin subalit malinis. Bagong palit ang kurtina, kobre-kama at punda, at maging kumot. Lahat iyon ay magkakasing-kulay at magkakapareho ang disenyo. Sa tingin niya ay bagong bili iyon ng kanyang nanay. Si Nanay talaga! ani Lalaine na lihim na napailing at nangingiti. Ang tokador naman, mesa at silyang yari sa narrang kahoy ay pawang malilinis din. May maliit ding banyo ang silid na iyon bagaman malinis.

"I want to go to the bathroom," mayamaya'y sabi ni Lukas.

Tumango naman si Lalaine saka itinuro ang naturang banyo. "'Yon ang banyo. Pagkatapos mo, lilinisan ko na ang mga sugat mo. Sabi ni Doc Macaraig ay kailangang linisan araw-araw ang sugat mo para hindi maimpeksyon."

"Okay," sagot naman ni Lukas saka marahang tumayo at tinungo ang nakasarang banyo. Si Lalaine naman ay isa-isang isinalansan sa tokador ang damit na pamalit ni Lukas. Damit iyon ng kanyang yumaong Tatay Lukas at ito ang ipinahiram ng kanyang nanay para may masuot ang lalaki. Hiling niya lang na sana ay magkasya ang mga damit sapagkat katamtaman lang ang pangangatawan ng kanyang ama samantalang si Lukas ay may kalakihan.

Habang naghihintay sa paglabas ni Lukas sa banyo ay kinuha muna ni Lalaine ang medical kit. Ayon kay Doc Macaraig ay kailangang linisan ang sugat ni Lukas araw-araw upang hindi maimpeksyon. Hindi pa kasi gaanong magaling ang sugat nito at ang iba ay sariwa pa.

Inilapag ni Lalaine ang medical kit sa mesang katabi ng kama at saka naupo sa kahoy na silya habang hinintay ang lalaki. Mayamaya pa'y bumukas na ang pinto ng banyo at iniluwa nito si Lukas na mukhang bagong ligo dahil tumutulo pa ang kulot na buhok nito. Subalit hindi kaagad nakahuma si Lalaine nang tumambad sa kan'ya ang lalaki na walang damit pang-itaas at tanging  jersey shorts lang suot. Tuloy ay malayang naglalakbay ang makasalanang mga mata ni Lalaine sa matipuno nitong dibdib pababa sa mala-pandesal nitong mga abs kahit pa nga halos puro sugat at galos ang katawan nito dahil sa tama ng baril. Diyos ko! Maghunos-dili ka Lalaine Louis! saway ng munting tinig sa kanyang isipan.

"Why are you looking at me?"

Nang marinig ito ay napapahiyang nagbawi ng tingin si Lalaine sa lalaki. Lihim pang sinisi ng dalaga ang sarili dahil pansamantala siyang nawala sa wisyo dahil sa nakita. Ang rupok mo Lalaine! sisi niya sa sarili. Hindi naman iyon ang unang pagkakataon niyang nakakita ng hubad na katawan dahil ang ex-boyfriend niyang si Roy ay nakita na rin niyang walang pang-itaas nang minsang company outing ang kanilang pinagtatrabahuhan. Subalit pagdating kay Lukas ay para siyang sinisilihan na hindi mawari, bagay na hindi naman niya naramdaman sa dating nobyo. Ramdam din niya ang pag-init ng kanyang pisngi at mabilis na tibok ng kanyang puso.

Nagkunwari si Lalaine na bubuksan ang medical kit saka pilit na ngumiti sa lalaki na para bang wala siyang nakita ng mga sandaling iyon. Pilit din niyang pinakakalma ang sarili kahit pa nga gusto na niyang lamunin ng lupa dahil sa matinding hiya.

"L-Lika na, maupo ka na rito at gagamutin ko na ang mga sugat mo," anyaya ni Lalaine sa lalaki. Lihim niyang hiling na sana lang ay hindi napansin ng lalaki na kinakabahan siya ng mga oras na iyon.

Tahimik namang tumalima si Lukas saka naupo sa silyang katapat niya. At kahit nanginginig ang kamay ni Lalaine ay hindi niya iyon ipinahalata sa lalaki. Pilit niyang pinakakalma ang sarili lalo pa't halos isang metro lamang ang layo nila sa isa't isa ni Lukas.

"You seem nervous. Is this the first time you've seen a man without a top?" tanong ni Lukas habang titig na titig sa kan'ya.

Mabilis na umiling si Lalaine habang ang paningin ay ipinako niya sa bulak na nilalagyan niya ng Betadine. "Hindi 'no? 'Yong ex-boyfriend ko noon madalas din walang pang-itaas. Pawisin kasi 'yon palibhasa gym instructor siya," pagsisinungaling ni Lalaine. Hangga't maaari ay ayaw niyang tingnan si Lukas dahil baka mahalata nito na kakaiba ang ikinikilos niya at paghinalaan pa siya ng kung ano.

Si Roy gym instructor? Eh ni hindi nga niya nakitang nag-jogging man lang ang bwisit na 'yon sa loob ng isang taon nilang magkarelasyon! saad ni Lalaine sa kanyang isipan habang ipinagpapatuloy ang paglilinis at paglalagay ng gamot sa sugat ng lalaki. Lihim pang napangiwi si Lalaine nang makita kung gaano kalalim ang mga sugat ni Lukas na likha ng tama ng baril.

May tatlong tama ng baril ang lalaki sa katawan, ang isa ay malapit sa puso. Na ang sabi ni Doc Macaraig ay himalang hindi nadaplisan ang puso ni Lukas. Mayroon din tama ng baril ang lalaki sa likod, sa binti, at balikat. Sabi pa ng doktor na kung sino mang gumawa nito kay Lukas ay talagang intensyon nitong talagang ang lalaki. At kung hindi kaagad n'ya ito nasaklolohan ng araw na iyon, marahil ay hindi na ito mabubuhay lalo pa't napakaraming dugo ang nawala sa lalaki.

"So you had a boyfriend, huh?" tanong pa ni Lukas. Sa pagkakataong iyon ay nag-angat ng tingin si Lalaine saka tinaasan ng kilay ang lalaki kahit pa naroon pa rin ang kaba at pagkailang na nararamdaman.

"At anong akala mo sa 'kin? Pangit? Walang magkakagusto? " tanong niyang nakasimangot. Nakita naman niya kung paano sumilay ang simpleng ngiti sa labi ng lalaki. Marunong palang ngumiti ang loko! ani Lalaine sa sarili na hindi maalis ang pagkakapako ng mga mata sa mukha ni Lukas. Kumibot-kibot pa ang labi nito na para bang may gustong sabihin pero sa huli ay hindi na ito sumagot pa. Hindi na rin nagsalita pa si Lalaine at ipinagpatuloy na lang ang ginagawa hanggang sa matapos iyon. Nilagyan rin niya ng gasa ang mga sugat ni Lukas para hindi mapasukan ng mikrobyo at maimpeksyon.

"Okay na. Tapos na kitang gamutin, pwede ka nang magpahinga," nakangiting saad ni Lalaine saka tumayo na at isa-isang iniligpit ang mga ginamit sa pag-gamot.

"Thank you," simpleng sagot naman ni Lukas.

"Nar'yan nga pala sa tokador ang mga damit ni Tatay. Wala kaming damit na maipapahiram sa'yo kaya sana pagtyagaan mo muna. Ibibili na lang kita kapag nakapagtinda na ako ulit," wika pa ni Lalaine saka tinungo na ang pinto bitbit ang medical kit. "Magpahinga ka na rin, Lukas. Goodnight," nakangiting dagdag pa niya kay Lukas.

"Goodnight."

Simpleng ngiti naman ang isinagot ni Lalaine sa lalaki matapos ay isinara na ang pinto at nagtuloy-tuloy sa sala subalit muli siyang napanguso nang madatnan doon ang kanyang Nanay Melba at si Lawrence na gising pa pala at nanonood ng TV. Katulad ng dati, isang mapanuksong ngiti na naman ang ibinigay sa kan'ya mga ito.

"Nay naman eh!" nakasimangot na wika ni Lalaine sa kanyang nanay.

"Aba'y bakit anak? Wala naman akong sinasabi ha?" maang namang sagot ng matanda saka parang wala lamang na ipinagpatuloy ang panonood ng telebisyon.

"Si Ate Lalaine namumula, Nay!" nanunuksong sabat naman ng kapatid niyang si Lawrence.

"Tse!" ani Lalaine saka nakangusong nagmartsa patungo ang kusina bibit ang medical kit.

Pero bakit hindi sinagot ni Lukas kung pangit ba ako? Pangit kaya ako sa paningin niya? tanong naman ni Lalaine sa isipan habang ibinabalik sa kabinet ang dala-dala. Subalit kaagad ding ipinilig ni Lalaine ang ulo dahil sa naisip. Tse! Wala naman akong pakialam kung pangit ako sa paningin n'ya! Wala naman akong gusto sa kan'ya!

Comments (1)
goodnovel comment avatar
Monatskii Xtra
Ang Ganda sobra Sana may next chapter na hehe
VIEW ALL COMMENTS

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status