Share

Chapter 10

Chapter 10

NANG makapasok si Rina sa unibersidad agad siyang dumiretso sa opisina nila ng kanilang organization na kinabibilangan sa loob ng paaralan. Bumungad sa kanya ang hindi maipintang mukha ng mga kasamahan niya roon.

“A-ayos lang kayo?” hindi niya alam kung ngingiti ba siya o hindi.

“Hindi mo pa ba alam ang balita?” tanong ni Alexis sa kanya.

Napailing siya. “Hindi, bakit ano bang balita at ano ang nangyari?”

“Nabaril si Mr. Sanchez kagabi diba, wala si Hendrix ngayon dahil nasa kulungan ang ama niya.”

Namilog ang mga mata ni Rina sa kanyang narinig pero naghihintay siya ng kasunod galing sa kasamahan niya. Sa pagkakaalala niya isa sa mangingisda sa bayan nila ang ama ni Hendrix at sikat na gumagawa ng processed food galing sa isda kaya isa sila sa kilalang pamilya sa bayan, dahil sa pag-aangat ng ilang tagalabas galing sa kanilang produkto galing sa kanila.

“Ang ama ni Hendrix ang nakabaril kay sir Filan na ngayo’y nasa kulungan, hindi na pumasok si Hendrix dahil binabantayan niya ang ama sa kulungan,” wika ni Mia.

“Kung hindi dahil sa pagiging gahaman ng mga Sanchez hindi mangyayari ito, bakit naman kasi nila kukunin ang hindi sa kanila? Para yon sa mga mangingisda, dyan lang naman sila kumukuha ng pagkukuhan ng pera para sa pamilya nila…”

“Tumigil ka nga at baka kung sino pa ang makarinig sayo at masabihan ka pang sinisiraan ang mga Sanchez,” saway ni Mia kay Alexis.

“Tama naman ako,” saka na lang naupo si Alexis sa isang tabi malungkot sa sinapit ng pamilya ng kaibigan lalo na’t si Hendrix at Alexis ay matalik na magkaibigan.

“Baka may magagawa ang pamilya mo tungkol dito? Hindi ba’t sila ang unang tumutulong sa mahihirap, baka magawan ng paraan lalo na ang papa mo kawawa naman kung makukulong ang ama ni Hendrix, paano na lang kung na set-up sila, maraming possible na mangyari,” wika ni Mia habang nag-aalalang nakatingin kay Rina.

“Hindi ko pa alam, ngayon ko lang din nalaman ang balita para tutulungan natin ang pamilya ni Hendrix at siya,” iyon na lamang ang nasabi ni Rina sa mga kasama.

*

Sa buong maghapon ay hindi mapakali si Marina sa lahat ng nangyayari, natapos ang klase niya na wala siyang gaanong naintindihan. Agad siyang lumabas ng unibersidad para hanapin ang kaibigan si Hendrix lalo na’t hindi naman ito sumasagot sa mga tawag at text na pinapadala nila rito.

Hindi na siya nagdalawang-isip pa na hindi pumunta sa presinto dahil alam niyang doon lang niya makikita ang kaibigan. Sandali lang ang biyahe niya hanggang sa makarating siya roon, hindi pa siya nakakapasok sa gate ng pulisya nang makita niyang nakaupo sa labas ng gusali si Hendrix, nakayuko habang sapo ang mukha ng mga kamay.

Habang naglalakad siya saka lang umayos ng upo ang binata at saka napansin ang kanyang pagdating na bahagya pang nagulat nang makita siya.

“Anong ginagawa mo rito?” tumayo ang binata na may gulat sa mga mata ngunit hindi maikakailang wala pa itong maayos na tulog dahil sa malalalim na mga paa.

“Hindi ka raw pumasok.”

Napaiwas si Hendrix dahil din sa hiyang sinapit ng pamilya.

“Alam mo naman siguro ang nangyari sa amin, nagkakasakit na si mama, nasa kulungan si papa, hindi rin makapasok sila Henry at Honelyn sa nangyari. Kinulong nila ang ama sa hindi naman niya kasalanan, walang dalang armas o kahit na ano ang mga kasama niya, pero nang i-check-up sila ng mga pulis may mga nakitang baril sa kanilang mga dala, wala kaming baril kaya paano mangyayari iyon?” muling napaupo si Hendrix sa inis at galit.

“Isa pa hindi nila hinayaan na magkaroon ng attorney si papa at ang mga kasama niya. Pumunta lang naman sila papa sa bahay ng mga Sanchez na ibalik sa kanila ang palaisdaan nang bigla silang pagtutulakin ng mga body guard ng Sanchez.”

Magsasalita pa sana si Rina nang may tumawag sa kanyang pangalan kaya napalingon siya sa pinang galingan ng boses. Bahagya siyang nagulat nang makita ang ama at ang legal team nito sa provincial office nilang mga attorney. Seryoso ang mukha ng ama niya na lumapit sa kanila.

“Anong ginagawa mo rito?” tanong ng ama ni Rina sa kanya.

“Binibisita ko lang ang kaibigan ko, kayo po?”

“Kailangan kong makausap ang ama ni Hendrix at bibisita na rin, umuwi ka na. May aasikasuhin pa akong trabaho at tulungan ang pamilya nila”

Tumango-tango si Rina habang nakangiti sa ama. “Opo,” gumaan ang pakiramdam ni Rina nang malamang tutulong ang ama sa pamilya ni Hendrix. “Maraming salamat.”

Tumango na lamang ang ama nito saka pumasok sa loob ng presinto.

“Kita mo iyon, makakalaya ang papa, tutulungan siya ni papa, magaling sila, kaya huwag ka nang mag-alala,” saka kinuha ni Rina ang kamay ng kaibigan.

“Salamat,” pero hindi pa rin magawang ngumiti ni Hendrix.

*

Imbes na umuwi si Marina ay agad siyang dumiretso sa hospital kung na saan si Filan, gusto niyang makausap ito dala ang binili niyang blueberry cheesecake sa malapit na coffee shop doon. Marami pa ring local media na nagbabantay at mga body guard kaya gumawa siya ng paraan na hindi siya mapapansin. Doon siya sa mismong likod ng hospital pero nagkamali siya nang makitang mas maraming body guard doon.

Napakagat labi si Rina bago siya naglakad papalapit sa mga body guard na bahagyang nanginginig ang kamay na nakahawak sa box ng cake. Huminto siya na may ngiti sa labi.

“Hi, andito pala ako kasi pinapahatid ni mama yung cake para kay sir Filan.”

Walang sagot ang mga kaharap ni Marina.

“Anak ako ni vice mayor Mrs. Hidalgo,” dagdag niya uli.

“Ngunit bawal ang bisita ngayong oras.”

“Hindi ako magtatagal at aalis din ako. Kailangan ko lang maihatid ito.”

Nagkatinginan ang dalawa at saka tumango ang isa para sabihing pinapasok si Marina. Binigyang daan siya kaya nakahinga siya ng maluwag kaya nakapasok na siya. Hindi nagtagal nang makarating na siya sa floor kung na saan ang silid ni Filan, may ilang body guard doon pero agad din siyang pinapasok. Tahimik lang na nakaupo sa kama habang nakasandal ang likod ng binata sa kama habang may binabasa.

Napasulyap ito sa kanya nang makitang pumasok siya at nagsara ang pinto sa likuran niya. Halatang may gulat sa mga mata ni Filan pero napalitan ito ng pagkaseryoso at nangungusap na mga mata.

“Anong ginagawa mo rito?”

Inilapag ni Rina ang dala niya at saka siya bahagyang lumapit pero hindi gaanong kalapit, iyong tama lang para magkausap sila.

“Kumusta ka na?”

“Diretsuhin mo ko, Ms. Hidalgo, hindi ka haharap sa mga body guard kung wala kang importanteng sasabihin.”

Napalunok si Rina hindi niya alam kung bakit kinakabahan siya ng ganu’n sa lakas ng kalabog ng dibdib niya.

“Tungkol sa pamilya ni Hendrix, ang mga Filimon.”

“Ano naman sa kanila?”

“Gusto kong bawiin mo ang kaso.”

Sandaling napatitig si Filan kay Marina at saka ito natawa pero agad ding tumigil nang makaramdam ng sakit mula sa sugat.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status