Share

Chapter 9

Chapter 9

KINAGABIHAN napasulyap si Rina sa labas ng bintana niya nang makarinig siya ng ingay mula sa labas, mahina lang ngunit tama lang para marinig niya. May halong sigawan at para bang pagkalampag sa bakal na bagay. Iniisip na lamang ni Rina na baka tungkol ito sa nangyari kanina sa palaisdaan.

Lumapit siya sa bintana nang magulat siya sa malakas na putok ng baril habang nanlalaki ang mga mata at nakahawak ang mga kamay sa bintana, bigla na lang bumilis ang tibok ng puso niya na may halong kaba na hindi niya maintindihan.

Hindi lang isa dahil may mga sumunod pang magkakahiwalay na putok ng baril, nabigla na lang siya at halos mawala ang kaluluwa niya sa katawan sa gulat nang biglang bumukas ang pinto at nakita niyang pumasok ang mama niya.

Seryoso at may halong pag-aalala sa mga mata nito, umatras siya at saka ibinaba ang bintana para sa kanya. “A-anong nangyayari? Anong kaguluhan ang meron sa village?”

“Huwag mo nang isipin yan at matulog ka, may pasok ka pa bukas.”

Hindi na nagsalita pa si Rina at sinundan lang niya ng tingin ang ina sa paglabas ng silid nito saka sinara ang pinto ng silid niya. Humiga na siya sa kama at hinayang nakabukas ang kurtina para may liwanag na pumasok mula sa labas, gusto man lang niya matulog ngunit hindi mawala ang kaba at pag-aalala sa putok ng baril na narinig niya kanina. Maya-maya pa nakarinig na siya ng ambulansya na paparating, kung hindi siya nagkakamali nang galing lahat iyon sa bahay ng mga Sanchez na malapit lang sa kanila.

HINDI alam ni Rina kung anong oras na siya nakatulog ngunit ilang oras lang iyon bago mag-umaga sa hindi pa rin mawala sa kanyang isipan ang mga iniisip at gumugulo sa kanya. Wala na rin siyang nagawa nang magising siya ng maaga dahil sa kanyang body clock, kahit antok pa siya ay kailangan na rin niyang bumangon.

‘Kumusta na kaya? Ano kayang nangyari kagabi?’ iyon ang bumungad na tanong sa kanyang sarili habang nag-aasikaso.

Pagkatapos ng kanyang pagpapaligo at pag-aayos sa sarili’y bumaba na siya ng silid niya, nakita na lamang niyang kumakain na roon ang kapatid at ang mga magulang. Bumati na rin siya nang mapansin niyang may bulaklak sa dulo ng lamesa na nakapatong.

“Para kanino yang bulaklak?” curious na tanong ni Marina sa ina nang lingunin niya ng atensyon ito.

“Wala ka bang umagang klase?”

Umiling si Rina bago sumagot. “Wala naman po.”

“Good, samahan mo muna ako pumunta sa hospital, ihahatid yan doon sa mga Sanchez.”

Muli siyang napasulyap sa ina na seryoso pa ring kumakain pero gulat na gulat siya sa kanyang nalaman, nilingon niya ang ama na katulad ng dati’y nagbabasa pa rin dyaryo katulad ng nakasanayan nito tuwing umaga at saka binalik ang atensyon sa ina.

“Ano pong nangyari sa mga Sanchez?”

“Sinugod sila kagabi ng mga magsasaka at mangingisda sa mansyon nila. Nagkagulo at hindi na nakontrol pa ang galit ng mga tao, may nakapagsabi na may mga armas ang mga sumugod dahil sa galit, may mga pulis at may nabaril…”

Napabuntong hininga pa ang ina ni Rina pero kating-kati siyang malaman kung sino lalo na’t mahigpit na ang pagkakahawak niya sa kanyang kubyertos.

“Natamaan ng bala si Mr. Filan kaya kailangan siyang isugod sa hospital kagabi.”

Nagsusumigaw sa isipan ni Rina ang gulat at hindi niya maiwasan mapamura.

“Kaya kailangan makisimpatya sa pamilya Sanchez, gusto ko rin malaman kung okay na ba ang binatang iyon. Kaya sumama ka na sa akin, para maisabay na rin kita sa paghatid sa unibersidad dahil dadaan din ako roon ngayon, kumain ka na.”

Napayuko si Rina sa plato niya, hindi niya magawang galawin ang pagkain niya. ‘Nabaril na naman si Filan, ano naman ang ginawa niya at nabaril siya?’ hindi niya alam na ganito pala lapitin ng malas at disgrasya ang binatang Sanchez.

*

Sa harapan pa lang hospital may mga local media nang nakatambay at nangungulit na makapasok, sarado rin ng mga bantay na pulis at personal body guard ang harapan nito para sa siguridad ng VIP sa loob nito. Pagbaba nila ng kotse napansin agad sila ng media sa kanilang pagdating, agad na tumakbo ang ilan patungo sa kanila para matanong tungkol sa nangyari. Naiilang at nahihirapan silang mag-ina kundi hindi lang sa body guard na umaalalay sa kanila.

“Ano pong masasabi ninyo sa nangyari?”

“May kinalaman po ba kayo tungkol dito?”

“Malalagot po ba ang mga mangingisda na siyang unang local na tinutulungan ninyo sa bayan?”

Yan ang mga tanong na paulit-ulit nilang naririnig hanggang sa tuluyan silang nakapasok sa loob, halos malukot na Rina sa pagkakayakap ng mahigpit ang bulaklak dahil sa pagkukuyog sa kanila ng mga tao sa labas. Agad na sumalubong ang mga personnel ng mayor.

“Magandang umaga, narito kami ng anak ko para bisitahin si Filan, kumusta na siya?”

“Pwede naman po kayo umakyat, naroon po siya at ang pamilya niya.”

Para bang pati si Rina ay nagmamadali na malaman kung dilat na ba si Filan, pero sa pagkakaalam niya ay malakas din ito, nagawa nga niyang tiisin ang tahi niya nu’n. Habang naglalakad sila papalapit sa silid ay mas lalong kumakalabog ang dibdib ni Rina.

Hindi nagtagal nang huminto sila sa pinakadulong silid sa hallway na nilakaran nila. Unang pinapasok ang ina niya dahil sa hiya ay hindi niya nagawang makapasok agad pero narinig na niya ang pagbati ng mga naroon sa ina niya, kunting katahimikan bago niya narinig ang pangalan niya.

“Rina…”

Sa kaba ay agad siyang napapasok sa loob habang yakap pa rin ang bulaklak.

“Sinama ko na rin ang anak ko, mabuti naman at gising na si sir Filan.”

Saka lang natauhan si Rina at agad siyang napalingon sa higaan sa harapan nila. Nabigla pa siya nang makitang nakatingin ang malalamin nitong mga mata sa kanya, hindi niya alam kung ilang segundo siyang nakatitig din pabalik sa binata ngunit agad siyang umiwas sa pagkakayuko para hindi siya mapansin.

Halata sa namumugtong mga mata ng ina ni Filan at sa seryosong mukha ng ama nito na hindi sila okay sa nangyari sa anak nila.

“Maraming salamat sa pagdalaw at sa bulaklak,” wika ng ina ni Filan.

Pero kahit pa paano’y nakahinga ng maluwag si Rina sa kanyang nalaman, hindi niya alam kung bakit sobra siyang mag-alala sa binata na hindi dapat. Alam niyang magkaaway ang pamilya nilang dalawa, pero hindi rin maiiwasang sa ganitong pagkakataon ay tutulong ang mga Hidalgo sa kapwa nila kahit pa kaaway nila ito.

“Walang anuman.”

Pasimpleng sumulyap muli si Rina kay Filan pero nahuli niyang nakatitig pa rin ito, maputla ang mukha at may tusok na dextrose sa pulso nito, may benda ang kaliwang balikat patungo sa sikmura nito habang nakatakip ang puting kumot sa katawan nito, bagsak ang hibla ng buhok.

“Dumaan lang kami pero aalis din kami agad, ihahatid ko pa ang anak ko sa unibersidad.”

Iniwan na ni Rina ang bulaklak sa isang lamesa saka sumunod sa ina, gusto pa sumulyap sa binata pero hindi na niya ginawa, pero ang antok at malalim na mga mata ni Filan ay nasa kanya lang hanggang sa makaalis sila ng kanyang ina na hindi niya alam.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status