Share

Kabanata 4

Course

Mabuti na lang at nadaan ko sa pakiusap si Manong guard kaya pinayagan niya akong lumabas. May tatlong klase pa ako sa hapon pero kayang-kaya ko namang habulin iyon. Ang mahalaga ay makauwi ako agad.

Pinara ko ang jeep na dumaan sa tapat ng campus at agad na sumakay. Habang nasa biyahe ay mas lalo lang akong kinakabahan.

Pagkababa ko pa lang ng ay tinakbo ko agad ang daan papunta sa bahay namin. Mula sa labas ng pinto ay naririnig ko na ang paghagulhol ni mama.

“’Ma? ’Pa? Anong nangyari? Bakit ka umiiyak?" nag-aalalang tanong ko bago umupo sa tabi niya.

Halos hindi na siya makahinga kaiiyak kaya bumaling ako kay Papa. Basang-basa na rin ang kaniyang pisngi sa luha.

“’Pa, ano po bang nangyari?” muli kong tanong.

Bumuntonghininga si papa at sinapo ang kaniyang noo. Mas lalo kong naramdaman ang pagbilis ng tibok ng puso ko nang dahil doon.

“May bumili doon sa lupa na kinatitirikan ng palengke. Biglaan ang lahat, ni hindi man lang kami binigyan ng warning no’ng may-ari. Kaya wala na tayong pagkakakitaan, Dawn.” Maging si papa ay hindi na mapigilang maluha. “Mahirap nang humanap ng puwesto na gano’n kamura ang renta katulad ng puwesto natin.”

Mas lalong napaiyak si mama kaya agad kong hinaplos ang likod niya para pakalmahin siya. Parang dinudurog ang puso ko ngayon.

“Wala na tayong hanapbuhay...paano na ang mga gastusin natin dito sa bahay? Ang mga utang natin...ni hindi pa nga tayo nakakabayad ng renta rito sa bahay,” humahagulhol na sambit ni Mama.

Muling kumirot ang puso ko sa mga narinig mula sa kanila. Hindi ko alam kung paano pagagaanin ang loob nila dahil maski ako ay parang nawawalan ng pag-asa. Ang palengke na lang ang pinagkukuhanan namin ng kita. Bukod doon sa suweldo ko sa bakery na maliit lang.

Suminghap ako. “Huwag po kayong mag-alala. Gagawa ako ng paraan. Kung kailangan kong maghanap ng iba pang trabaho, gagawin ko po.”

Lumingon sa akin si mama kaya nakita ko ang mga mata niyang namumugto na sa kaiiyak.

“Pero nag-aaral ka. Ayaw naman naming pagurin mo nang husto ang sarili mo. Mabuti pa at papasok na muna ako bilang labandera diyan sa kapitbahay natin.”

“Ako naman siguro magtitinda na lang ng balot tuwing gabi. Hindi namin hahayaang ikaw lang ang magtaguyod sa pamilyang ’to.”

Napabuntonghininga na lang ulit ako dahil mukhang desidido na sila. Pero hahanap pa rin ako ng dagdag na trabaho. 

Hindi ko alam kung ano pang mga mangyayari sa amin pero kailangan tulungan ko sila sa pagtatrabaho.

Tumango ako at muling kinuha ang aking bag. “Aalis po muna ako. Danico! Laiza!”

Agad na lumapit sa amin ang dalawa kong kapatid. Hinawakan ko sila sa tig-isa nilang balikat at bahagyang yumuko upang magpantay ang paningin ko sa kanila.

“Kayo na muna ang bahala kila Mama at Papa. Huwag kayong pasaway, may pupuntahan lang ako,” bilin ko sa kanila. Agad naman silang tumango kaya binalingan ko naman sila mama.

Hinawakan ni mama ang kamay ko kaya nginitian ko siya. 

“Saan ka ba pupunta, Dawn?” tanong niya kaya ngumiti ako para hindi siya mag-alala.

“Hahanap po ng paraan para makatulong,” sagot ko.

Mas lumalim ang gitla sa noo ni Mama kaya pinisil ko ang kamay niya.

“’Ma, magpahinga na lang kayo. Alam kong napagod kayo kaiiyak dahil sa problema. Uuwi rin po ako agad.”

Sumulyap ako kay papa bago tumango. Agad niyang inalalayan si mama papunta sa kuwarto nila. Ginulo ko ang buhok ng dalawa kong kapatid bago ako lumabas ng bahay.

Huminga muna ako nang malalim at kinuha ang cellphone ko sa bag para tingnan ang oras. Malapit nang mag-alas dos ng hapon. Mahaba pa ang oras ko para maghanap ng iba pang part-time jobs.

Buti na lang palagi akong may nakahandang resume sa bag ko in case na kailanganin ko. Katulad na lang ngayon, hindi na ako mag-aabalang magpa-print.

Kahit anong trabaho basta hindi ilegal ay tatanggapin ko na. Kailangan ko talaga ng dagdag na pagkakakitaan dahil mas maliit na ang kikitain nila mama sa magiging trabaho nila.

Una kong pinuntahan ang isang salon. Wala naman akong skills sa paggugupit ng buhok pero puwede naman ako kahit tagalinis lang. 

Pagpasok ko sa loob ay agad akong nilingon ng mga kustomer. Napalingon din tuloy sa akin iyong babaeng naggugupit ng buhok ngayon.

“Ahm, miss, baka may bakante kayong trabaho kahit—

“Naku pasensya na. Wala kaming bakante ngayon,” sabi ng babae na hindi man lang ako pinatapos sa pagsasalita.

Marahan akong tumango at ngumiti bago lumabas ng salon nila. Luminga-linga muna  ako sa paligid bago tuluyang naglakad paalis.

Mabilis na lumipas ang mga oras. Nakailang tindahan, shop, at kung ano-ano pa ang pinuntahan ko pero lahat ng iyon ay walang bakante. Hindi ko alam na ganito pala talaga kahirap maghanap ng trabaho. Doon kasi sa bakery, si mama ang nag-rekomenda sa akin kaya nakapasok ako agad.

Idagdag pa na hindi pa naman ako tapos sa kolehiyo.

Kumalam na ang sikmura ko kaya napahawak ako rito. Ramdam na ramdam ko ang pagwawala ng tiyan ko dahil sa gutom.

"Naku naman, bakit sumabay ka pa?" bulong ko sa sarili ko.

Nakalimutan kong hindi pa pala ako nagtatanghalian. Tinakasan ko nga pala si Ysabel kanina sa campus. Teka, naku, baka galit na ’yun sa ’kin. Ililibre niya sana ako tapos bigla akong umalis. Parang ang sama ko naman yata.

Biglaan naman kasi lahat. Hindi ko naman alam na mangyayari ’to. ’Di bale, siguro maiintindihan naman niya. 

Dahil hindi ko na matiis ang gutom ko ay nagpasya akong kumain muna sa isang karinderia.

“Ate, isang order po rito sa pritong isda,” sabi ko habang itinuturo ang ulam na bibilhin ko.

Umupo na rin ako sa upuan na nasa tapat mismo ng mga paninda. May mahabang lamesa kasi doon kaya puwede kang doon kumain.

“Isay, talaga bang uuwi ka na ng probinsya? Mawawalan kami ng dishwasher niyan,” rinig kong sabi ng isa sa mga tao sa loob ng karinderya.

Sinilip ko iyon at nakita ko ang isang babae na may dalang bagahe. Ang pumipigil sa kanya ay mukhang ang may-ari ng karinderya.

“Auntie, kailangan ko po kasi talagang umuwi. Makakahanap naman kayo ng kapalit ko. Maraming naghahanap ng trabaho ngayon," paliwanag ng babaeng may pangalang Isay.

Bumuntonghininga iyong tinawag nitong auntie at napipilitang tumango.

“O siya, sige. Mukhang hindi na kita mapipigilan.”

Inabot na sa akin ang order ko kaya agad akong nagsimulang kumain. Akalain mo ’yun, parang blessing-in-disguise pa ang pagkain ko rito. Sana tanggapin nila ako bilang dishwasher.

Nang matapos kumain ay nagbayad na ako sa kahera. 

“Ah Miss, puwede ko bang makausap ’yung may-ari nitong karinderya?” magalang kong tanong sa babaeng tumangggap ng bayad ko.

Agad naman siyang tumango at tinawag iyong babaeng pumipigil kay Isay kanina. Nakangiti agad siya nang harapin ako kaya pakiramdam ko mabait naman siya. 

“Gusto mo raw akong makausap? Bakit, may problema ba sa pagkain?” tanong niya kaya agad akong umiling. 

“Wala naman po. Masarap nga po ang pagkain. Gusto ko po sanang magtanong kung tumatanggap po kayo ng dishwasher? Kahit part-time lang po,” nakangiti kong sabi. 

Lumapad din ang ngiti ng ginang. “Naku, hulog ka ng langit. Kaaalis lang ng dishwasher namin kaya nangangailangan talaga kami. Ayos lang kahit part-time may kapalitan ka naman.”

Tumango ako at abot-tainga ang ngiti. “Salamat po. Kailan po ba ako magsisimula?”

“Ngayon din kung puwede sana. Pero pag-usapan muna natin ang magiging schedule mo.”

Pumayag ako sa sinabi niya. Sumunod ako kay Aling Mery sa isang silid na sa tingin ko ay opisina niya. Pinag-usapan namin ang oras ng trabaho ko rito. Pag-uwi ko galing school ay dito ako didiretso hanggang 6:00 ng gabi. Tapos pupunta na ako sa bakery pagkagaling ko rito.

“Ayos ka lang ba riyan, Iha? Marami-rami ang hugasin lalo na kapag Biyernes at weekend,” tanong ni Ate Jessel, ang tagaluto rito. 

Tumango ako at ngumiti. “Ayos lang po ako. Kayang-kaya ko po ito.”

Nang pumatak ang ala-sais ng gabi ay halos mangalay ang braso at balakang ko sa dami ng hugasin. Kinailangan ko pang iunat nang husto ang likod ko para lang mawala ang ngalay. 

Hinubad ko na ang suot kong apron bago ko kinuha ang aking bag. Ang sabi sa akin ni Aling Mery, daanan ko raw siya sa opisina niya bago ako umalis. 

“O, Dawn. Tapos ka na?” bungad niya sa akin nang masulyapan ako sa may pintuan ng opisina niya. 

“Opo,” sagot ko.

May inilapag siyang brown na envelope sa mesa kaya kunot-noo ko iyong tiningnan. Ngumiti siya at sinenyasan akong kuhain iyon. 

“Suweldo mo ’yan ngayong araw. Ibibigay ko na ngayon dahil tuwing Biyernes talaga ako nagpapasuweldo. Pero kalahati pa lang ito dahil kauumpisa mo pa pang naman,” paliwanag niya. 

“Ah, sige po. Salamat po rito,” sabi ko at inilagay na sa bag ang envelope. 

Nagpaalam na ako sa kanya na aalis na bago ako lumabas ng kaniyang opisina. Didiretso na ako sa bakery ngayon. Medyo pagod na ako dahil buong araw na akong kumikilos, parang gusto ko na lang humiga sa kama ko. 

Pero hindi pa puwede. Bawal mapagod.

“May bago kang trabaho? Baka naman hindi na kayanin ng katawan mo,” sabi ni Aling Mona nang sabihin ko sa kanya ang tungkol sa trabaho ko. 

Ipinagpatuloy ko lang ang pagpupunas sa estante ng tinapay bago ko siya nilingon nang nakangiti pero hindi ko nagawa dahil napahikab ako. 

“Tingnan mo, inaantok ka na. At halata namang pagod ka na rin. Kailangan na kailangan mo ba ng pera ngayon?” nag-aalalang tanong niya. 

Tumawa ako nang bahagya. “Huwag po kayong mag-alala. Malakas yata ako, kaya ko pa nga kahit isa pang trabaho.”

Para sa pamilya ko, kailangan kong maging malakas. Hindi dapat ako panghinaan ng loob. Hindi puwede sa akin ang magmukmok lang sa isang tabi at maghintay ng himala. Kailangan magtrabaho ako. 

“Ang suwerte siguro ng mga magulang mo sa ’yo, ’no? Bukod sa maganda ka na, masipag at matalino pa,” puri sa akin ni Aling Mona kaya hindi maiwasang mag-init ng pisngi ko. 

Nahihiya ako kapag nakakatanggap ng papuri galing sa iba. Parang bilib na bilib sila sa akin samantalang simple lang ang ginagawa ko. Isa lang akong mabuting anak na gustong unahin ang pamilya niya sa lahat ng oras.

Saktong alas diyes ng gabi ko isinara ang bakery at naisipan kong maghanap ulit ng trabaho. Kahit naman dalawa na ang trabaho ko, parehong part-time jobs pa, hindi pa rin sapat ang kikitain ko doon. Kaya nang makita kong hiring ng gasoline girl/boy sa isang gasolinahan, hindi na ako nagdalawang-isip. 

“Madali po akong matuto, Sir. Maaasahan niyo po ako at hindi po ako tutulog-tulog sa trabaho,” nakangiti kong saad habang kausap ang manager ng gasoline station. 

Kinuha niya ang resume ko at binasa iyon. “Working student?” Tumango ako. “So it means, night shift ka lang puwede. Mula alas dose hanggang alas kuwatro ng madaling araw, kaya?”

Nag-isip ako saglit. Aalis ako sa bakery ng alas diyes so may dalawang oras pa ako para gumawa ng homeworks o kaya umidlip saglit. Tapos alas kuwatro naman ang uwi kaya makakatulog pa ako ulit sa bahay. 

Tumango ako. “Opo, kaya ko po.”

“Baka naman may sakit ka? Tapos himatayin ka dahil sa puyat. Puwede kang matulog kapag walang customer.”

“Wala po akong sakit. Tanggap na po ba ako?” tanong ko at nang tumango siya ay halos tumalon ako sa tuwa. 

Mas malaki nang hindi hamak ang suweldo ko rito kaya malaking tulong na sa pamilya ko iyon. Iyon nga lang, mukhang kailangan kong tiisin ang bawat gabi na saglit lang ang tulog. Puwede naman akong matulog sa school tuwing break time.

“Puwede ka na ring magsimula ngayon o kung gusto mo bukas na lang—

“Ngayon na po ako magsisimula. Magbibihis lang po ako ng uniform,” sabi ko bago nagtungo sa restroom nila.

Agad din kasing ibinigay sa akin ang uniform na isusuot ko rito sa gasoline station. Buti na lang may kasya sa akin kaya hindi masyadong malaki ang suot ko. 

Habang wala pang nagpapa-gas ay naupo muna ako sa isang silya at nagbasa-basa sa notes ko. Para hindi ako antukin at s’yempre para may maisagot ako bukas kung sakaling magpa-test ’yung mga prof.

Nasa kalagitnaan ako ng pagbabasa nang may mag-abot sa akin ng isang baso na may lamang kape.

Naamoy ko agad ang mabangong aroma ng kape kaya napangiti ako. Nag-angat ako ng tingin sa taong nag-abot sa akin niyon. Isa pala sa mga gasoline boy dito.

“Naisip ko na baka inaantok ka. Kaya dinalhan kita ng kape,” sabi niya kahit hindi pa naman ako nagtatanong.

Ngumiti na lang ako at tinanggap ang kape.

“Salamat,” sabi ko.

Ngumiti rin siya kaya mas lalong sumingkit ang mga mata niya. Hindi pa naman siya mukhang matanda kaya siguro hindi gaanong nagkakalayo ang edad namin.

“Ako nga pala si Lino. Part-time student din ako dito,” pagpapakilala niya bago umupo sa katabi kong upuan.

Tumango ako. Sabi ko na nga ba. Buti na lang may kasama akong part-timer dito kaya hindi ako maiilang. Nahihiya kasi akong makipag-usap doon sa mga regular na empleyado.

“Ako naman si Dawn,” tanging sagot ko sa kanya.

Isinara ko na ang notes ko dahil parang nakakabastos naman na nagbabasa ako habang kinakausap siya. Sigurado naman akong hindi na ako aantukin dahil sa kape.

“College student ka?” tanong niya at tumango ako. "Anong course? Baka magkapareho tayo, puwede tayong magtulungan."

Bahagya akong natawa dahil doon. "Business Administration major in Marketing management,” sagot ko.

Bigla siyang sumimangot na parang batang inagawan ng laruan kaya mas lalo akong natawa.

"Magkaiba tayo ng course. Architecture kasi sa ’kin."

Nanlaki ang mata ko dahil sa pagkamangha. "Wow Architecture. Hello, Architect Lino."

Sabay kaming natawa nang dahil doon. Nagkuwentuhan pa kami tungkol sa isa't isa at tumitigil lang kapag may dumarating para magpakarga ng gas. Buti na lang talaga nandiyan si Lino, magiging madali na sa akin ang pagpupuyat magdamag.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status