Share

Kabanata 3

Friend

Pinag-isipan ko nang mabuti ang sinabi ni Aling Mona sa akin. Ang pusong madalas makaranas ng sakit ay nawawalan ng pakiramdam. Ayaw kong maging manhid ang puso ko at tuluyan akong mawalan ng pakialam sa paligid kaya mas mabuting tapusin ko na ang ugat nito habang maaga pa.

Kinuha ko ang cellphone ko at nagpadala ng mensahe kay Allen na makikipagkita ako sa kanya. Nakapagpaalam na ako kay Aling Mona na maaga kong isasara ang bakery dahil may gagawin pa ako. Mabuti na lang at pumayag siya.

Sa park ulit ako nakipagkita kay Allen. At kagaya nang dati, huli na naman siya sa oras ng usapan namin. Ganiyan ba ang babawi? Nangako pa nga siya na hindi na mali-late sa usapan namin pero napako lang ulit ’yon.

Isang oras ang lumipas bago ko natanaw si Allen na paparating. Halatang nagmadali siya dahil hinihingal pa siya at tagaktak ang pawis.

“Dawn, sorry nahuli ako. Kanina ka pa ba?” tanong niya agad sa akin pagkalapit niya.

Pinakatitigan ko si Allen. Nag-umpisa na namang kumirot ang puso ko. Ang lalaking mahal ko ay nasa harap ko na ngayon pero sa kasamaang-palad ay may mahal na siyang iba. At ang masaklap, kaibigan ko pa.

Kumunot ang noo niya nang mapansin ang itsura ko. 

“May problema ba? Bakit gan’yan ka makatingin sa ’kin?” muli niyang tanong kaya nag-iwas ako ng tingin.

Tinanaw ko ang mga halaman sa harapan ko. Mabuti pa sila, walang pinoproblema. Basta madiligan at masikatan ng araw, tiyak na lalago sila.

Hindi katulad ng tao, kailangang masaktan at madapa nang ilang beses bago tuluyang lumago at matuto.

Pinag-isipan ko na kanina kung anong sasabihin ko kay Allen pero bakit wala akong masabi ngayon? Bakit naduduwag ako? Bakit parang hindi ko kaya?

Halos limang taon din kaming nagsama kaya naman sobrang hirap para sa ’kin na gawin ’to. Puwede bang magpanggap na lang na wala akong alam? Puwede bang kalimutan ko na lang ang nakita ko? Hindi ko na lang iisipin na may relasyon sila ni Chariz. Puwede ba ’yon?

“Dawn, anong problema? Hindi ka naman basta-basta makikipagkita kung ayos lang ang lahat.”

Suminghap ako at kumurap nang ilang beses upang pigilan ang pagluha ng mga mata ko. Sobrang hapdi ng lalamunan ko at naninikip ang dibdib ko. 

“A-Allen...” panimula ko bago ko siya nilingon. “Maghiwalay na tayo.”

Sa wakas, nasabi ko rin ang mga salitang hindi ko inaasahang sa akin mismo manggagaling. Gusto kong bawiin iyon at sabihing biro lang ang lahat pero alam kong iyon ang tama. 

Bumuka ang bibig ni Allen ngunit walang lumabas na salita mula sa kanya. Nanatili siyang nakatingin sa akin na parang tinatantya kung seryoso ba ako o nagbibiro lamang.

Nang hindi ko binawi ang sinabi ko ay pagak siyang natawa.

“Seryoso ka ba? Pero bakit?” malumanay niyang tanong.

Muli akong nag-iwas ng tingin at pilit na ngumiti. Siguro naguguluhan na sa akin ang sarili ko. Pinipigilan kong umiyak kahit na gustong-gusto nang tumulo ng luha ko, habang pinipilit kong ngumiti kahit na halos ayaw ng mga labi kong ngumiti.

Sobrang sakit pala nito. Hindi ko akalaing aabot kami sa ganitong sitwasyon. 

“Mahal mo pa ba ako?” tanong ko habang tahimik na umaasang 'oo' ang magiging sagot niya. Pero hindi siya kumibo kaya ako naman ang pagak na natawa. “Bakit pa ba ako nagtatanong kung alam ko naman ang sagot?”

“Dawn—

“Alam ko, Allen.” Nilingon ko siya at nakita ko ang pagkagulat sa kanyang mukha. "Alam kong may iba ka. At alam ko ring si Chariz ang ipinalit mo sa akin."

Sunod-sunod na tumulo ang maiinit na butil ng luha mula sa mga mata ko. Kahit anong pigil ko, nakawala pa rin ito. Hindi ako sanay umiyak sa harap ng ibang tao. Para bang ipinapakita ko sa kanila ang pagiging mahina ko. 

Pero paano ko pipigilan ang mga luha sa pagtulo? Paano ko iiwasang masaktan ang puso ko? May iba bang paraan para gawin ito nang hindi gaanong nasasaktan?

"“S-Sorry...” tanging sambit niya bago napayuko.

Tumango ako at humikbi. “Naiintindihan ko at handa akong tanggapin iyon. Alam mo, hindi mo naman kailangang ilihim sa akin, eh. Kung sinabi mo lang agad, pakakawalan naman kita...kasi mahal kita.”

Hinawakan niya ang mga kamay ko at tumingin sa aking mata. Yumuko ako. Hindi ko kayang tingnan siya nang hindi nasasaktan para sa aming dalawa. Mas lalong nadudurog ang puso ko.

“Hindi ko deserve ang kabaitan mo. Kaya please, magalit ka. Saktan mo ako, murahin at sigawan mo ako...tatanggapin ko lahat. Huwag ganito...huwag kang maging mabait sa akin dahil nasaktan kita. Pakiusap...” pagmamakaawa niya at pilit na pinasasampal sa akin ang mukha niya.

Pero hindi ko ginawa. Hindi ko kayang saktan siya. O kahit pa si Chariz. Hindi naman nila kasalanan ang magmahal. Hindi ko naman sila sinisisi.

Kapag nagmahal ang puso, hindi mo na ito mapipigilan. At sa tingin ko, hindi nila makokontrol ang nararamdaman nila. Kaya sino ako para magalit? Ang magagawa ko na lang ngayon ay magparaya. 

Umiling ako. “P-Paano ko sasaktan ang taong minsang nagpasaya sa ’kin? Hindi porke’t nasaktan mo ako ay kailangan ko nang gumanti. Mahal nga kita kaya masaya ako kung saan ka masaya.”

Narinig ko ang paghikbi ni Allen. Ito ang unang beses na umiyak kami sa harap ng isa't isa. Sobrang sakit. Siguro pati ang buwan at mga bituin ay umiiyak sa napapanood nila ngayon.

Dati sa mga palabas ko lang ito nakikita pero ngayon, nangyayari na sa aming dalawa.

“Maging masaya ka, Allen. Alagaan mo ang kaibigan ko,” bulong ko bago ko binawi ang aking kamay mula sa kanya.

Pinunasan ko na muna ang luha sa aking pisngi bago ako naglakad palayo. Palayo kay Allen. Palayo sa taong minahal ko nang ilang taon. Dito na natatapos ang lahat sa amin ni Allen.

Sa lalim ng iniisip ko, hindi ko namalayang nilakad ko lang pala pauwi ang bahay namin. Akalain mo ’yun, nakatipid pa ako ng pamasahe dahil sa nangyari. 

Hindi ako agad pumasok sa loob ng bahay. Naupo muna ako sa silya sa labas na si papa mismo ang gumawa. Paborito kasi naming pagmasdan ang buwan tuwing gabi noong bata pa ako. Iyon na ang oras ng bonding naming dalawa.

Nagkukwento ako sa kanya nang mga nangyari sa aking sa loob ng isang araw. As in lahat, sinasabi ko. Nakakalungkot lang na hindi ko na kayang gawin iyon ngayon. Ayaw kong mamroblema pa sila sa mga nangyayari sa akin. Kaya hangga’t maaari, inililihim ko na lang.

“Ang lalim yata ng iniisip mo?”

Nilingon ko si papa na nakatayo sa may pintuan. Hindi ko narinig na lumapit pala siya.

Ngumiti ako. “Gabi na, ’pa. Bakit gising pa kayo? Maaga pa naman kayo sa palengke bukas.”

Umupo si Papa sa tabi ko at nakangiting tiningala ang buwan. Maging ako ay napatingala. 

Kumikislap ang mga bituin sa madilim na kalangitan. Ang buwan naman ay nagliliwanag sa sobrang ganda.

“Kay ganda ng buwan. Parang ang mga mata mo kung hindi sana namumugto.” 

Napalunok ako at hindi nakakibo. Napansin pala ni papa ang mata ko. Lahat naman ay mabilis napapansin ni papa. Kilalang-kilala niya ako at alam niya madalas kung anong nararamdaman ko.

“Kulang lang po ako sa tulog,” sabi ko kasunod ng pagak na pagtawa.

Hinawakan ni Papa ang mga kamay ko kaya sumandal ako sa balikat niya. Nag-uumpisa na naman kasing uminit ang sulok ng mata ko. Nagbabadya na namang tumulo ang mga luha.

“Magiging maayos din ang lahat. Huwag mong hayaang mawala ang liwanag mo dahil lang sa nababalot ka ng kadiliman ngayon.”

Kinagat ko ang aking labi at tahimik na umiyak. Tama si papa, magiging maayos din ang lahat. Mawawala rin ang sakit at mapapalitan ng saya.

Hindi naman panghabambuhay ang kalungkutan. Isang yugto lang ito sa buhay natin upang mas lalo tayong lumakas at tumatag.

Ilang sandali pa kaming nanatili sa labas bago kami nagpasyang pumasok na sa loob. Pinapunta ko na agad si papa sa kuwarto nila dahil pupunta pa ako sa kusina para kumain.

Pagpihit ko ng gripo ay walang tubig na lumalabas kaya nagtaka ako. Natanaw ko ang papel na nasa mesa at agad ko iyong kinuha para basahin.

“Disconnection notice?” bulong ko sa sarili.

Ilang buwan na kaming hindi nagbabayad ng tubig? At hindi man lang sinasabi sa akin nila mama at papa ito?

Nasapo ko ang aking noo. Masiyado na ba akong abala sa sarili ko at hindi ko napansin ang problema rito sa bahay? Masiyado ba akong naging pabaya?

“D-Dawn, bakit hawak mo ’yan?”

Nilingon ko si Mama na mukhang naalimpungatan sa pagtulog. Bahagyang nanlalaki ang kaniyang mga mata habang nakatingin sa papel na hawak ko.

“’Ma, bakit hindi n’yo sinabi sa ’kin ’to? Eh ’di sana nagawan ko ho ng paraan.”

Nag-iwas siya ng tingin na parang nahihiya. Bumuntonghininga ako.

“Ayaw lang naman namin na gastusin mo ang suweldo mo para rito sa bahay. Kami dapat ang gumagawa n’on. Gusto naming gastusin mo na lang para sa pag-aaral mo ang kita mo.”

This time, ako naman ang nag-iwas ng tingin. Huminga ako nang malalim para pakalmahin ang sarili ko.

“Nagtatrabaho po ako para matulungan kayo. Alam kong nahihirapan na kayo sa mga gastusin kaya sana naman po hayaan niyo akong tumulong. Mas magiging masaya po ako kapag sa inyo ko ginagastos ang pera ko.”

Naramdaman ko ang paghawak ni Mama sa kamay ko kaya nilingon ko siya. 

“Napakasuwerte talaga namin sa ’yo, Dawn. Nandito lang kami sa tuwing may problema ka, sana alam mo ’yan.”

Tumango ako. “Alam ko po ’yun, ’ma. Nandito lang din po ako para tulungan kayo sa abot ng makakaya ko. Matulog na po tayo?”

Ngumiti si Mama at sabay kaming nagtungo sa kuwarto. Hinatid ko muna siya sa kuwarto nila bago ako dumiretso sa kuwarto naming magkakapatid. Pinagmasdan ko muna ang mga kapatid ko na mahimbing ang tulog.

Dahandahan akong humiga sa kama at tumingala sa kisame. 

“Kaya mo ’to, Dawn. Matatag ka at wala kang sinusukuan. Malalampasan mo rin lahat ng problema mo.”

Hindi na ako iiyak. Tama na ’yung iniyak ko kanina. Bawal nang umulit.

Pero talagang pasaway ang luha ko. Kusa itong dumaloy mula sa sulok ng aking mata. 

“Sige, iiyak muna ako ngayon. Pero bukas dapat hindi na. Dapat ayos na ako ulit.”

Nakatulugan ko na lang ang pag-iyak. Ni hindi ko alam kung tumigil ba ako o sadyang napagod lang ang mga mata ko kaya ako nakatulog. 

Umalis na sila mama at papa pagkagising ko pa lang. May nakahanda na ngang almusal sa mesa para sa aming magkakapatid.

"Kumusta naman ang pag-aaral ninyo? Hindi ba kayo nahihirapan?" tanong ko sa dalawa kong kapatid habang nag-aalmusal kami.

Umiling si Laiza. "Hindi naman po, Ate. Palagi nga po akong perfect sa mga seat works namin."

Napangiti ako at nag-thumbs up. "Wow! Ang galing naman. Ikaw Danico?"

"Medyo nahihirapan po ako pero kayang-kaya naman po. Wala pong sukuan!"

"Tama! Walang susuko. Para sa pangarap at pamilya."

At dahil sa pag-uusap namin ay mas naging maayos ang araw ko. Sobrang gaan ng puso ko ngayon na parang hindi ako umiyak nang sobra kahapon. 

Basta talaga nag-uusap kaming magpapamilya ay gumagaan ang pakiramdam ko. Sila ang pinagkukuhaan ko ng lakas.

Nang matapos kumain ay sabay-sabay kaming umalis ng bahay. Silang dalawa ay sa tricycle sumasakay papuntang school habang ako ay sa terminal ng jeep. 

Pagkababa ko sa tapat ng campus ay naalala ko ang nakita ko kahapon. Si Chariz. Hindi ko naisip kung anong gagawin ko kapag nagkita kaming dalawa. Paniguradong alam na niya na nakipaghiwalay na ako kay Allen.

Kaibigan ko pa rin ba siya? Ayos lang bang makipagkaibigan sa babaeng ipinalit sa ’yo ng boyfriend mo? Hindi naman ako galit kay Chariz. Pero hindi rin ako handa na makita siya ngayon. Siguro ay sa susunod na araw na lang.

“Magandang umaga, Manong,” bati ko ulit sa guard at ngumiti naman siya sa akin.

Pagpasok sa gate ay dire-diretso lang ang lakad ko patungo sa locker room. Nakahinga pa ako nang maluwag nang walang Chariz na sumalubong sa akin.

Kinuha ko mula sa locker ang mga gagamitin kong libro bago ako nagtungo sa unang klase ko.

“Hi.”

Nilingon ko ang babaeng tumabi sa akin. Nakangiti siya kaya kitang-kita ang perpekto niyang mga ngipin. Hinawi niya ang kaniyang itim at tuwid na buhok bago nakapangalumbaba na humarap sa akin.

Ngumiti rin ako pabalik. "Hello."

Mas lalo siyang ngumiti. “Napansin na kita noong first day, kaya lang ngayon lang ako nakipagkilala. Mukha ka kasing masungit.”

Bahagya akong natawa sa sinabi niya. Bigla namang nanlaki ang mga mata niya at napaupo nang tuwid.

“Hala, hindi pa pala ako nakakapagpakilala. I'm Ysabel.” Tinanggap ko ang kamay ko niya at nakipag-shakehands.

“Ako si—

“Dawn Talia Celeste. I know you already. 'Di ba nagpakilala tayo isa-isa sa harapan?”

Alanganin akong natawa dahil nahihiya ako. Naaalala niya pala ang pangalan ko pero siya hindi ko naaalala. 

“From now on, friends na tayo ah?”

Ako naman ngayon ang nanlaki ang mata. Ngumiti ako at tumango. "S-Sige ba."

Lumapad lalo ang ngiti niya nang sabihin ko 'yun. Mukha naman siyang mabait kahit na parang anak-mayaman siya. Mas mabuti na rin sigurong magkaroon ako ng bagong kaibigan.

"Class dismiss."

Pagkatapos sabihin iyon ng prof ay agad na nagsitayuan ang mga kaklase ko. Isa-isa silang nagsilabasan habang ako ay inaayos pa ang gamit ko.

"Hi, Dawn!"

Napaigtad pa ako nang biglang sumulpot sa harapan ko si Ysabel. Nabitawan ko pa tuloy ang bag ko kaya natawa siya.

Sinapo ko ang aking dibdib. "Nagulat naman ako sa ’yo.”

Muli siyang tumawa bago dinampot ang bag ko. Inabot niya iyon sa akin at umangkla sa aking braso. 

Bigla ko tuloy naalala sa kaniya si Chariz. Sobrang clingy rin kasi ng babaeng ’yon. Sa tuwing naglalakad kami ay palaging nakakapit sa braso ko.

"Sabay na tayong mag-lunch. My treat!"

Hindi na ako nakaangal nang bigla niya akong hatakin palabas ng room. Dumiretso kaming dalawa sa canteen at pinaupo niya muna ako sa isang mesa.

“Ako na ang o-order para sa atin. Ano bang gusto mo?” tanong niya.

Ngumiti ako. “Kahit ano na lang basta mura.”

Nag-isip siya saglit bago tumalikod at nagtungo sa harap ng canteen. Pumila siya roon habang nakikipag-usap sa mga ibang estudyante na nakapila rin.

Palakaibigan naman pala talaga siya. Miss na miss ko na agad si Chariz. Sana pala nakita ko na lang siya ngayon. Sayang lang at mukhang hanggang doon na lang ang lahat.

Tumunog ang cellphone ko at nakita kong tumatawag si mama. Napakunot tuloy ang noo ko dahil bihira lang magpa-load si mama nang pantawag depende na lang kung emergency talaga. Agad ko iyong sinagot.

“Hello, 'ma?” bungad ko sa kanya at narinig ko agad ang paghikbi niya sa kabilang linya.

Agad na bumilis ang tibok ng puso ko dahil doon. 

“Anak, may malaki tayong problema...umuwi ka muna rito.”

Hindi na ako nag-aksaya ng panahon at agad akong tumayo. Nilingon ko pa si Ysabel pero sa huli ay hindi na ako nagpaalam sa kanya. Kailangan kong umuwi. Kung ano man ang problema nila mama, paniguradong malala iyon.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status