Share

Kabanata 5

Escape

“Madaling araw ka na laging umuuwi anak, baka naman pinapagod mo nang sobra ang sarili mo?” nag-aalalang tanong ni mama habang naghahain ng almusal.

Kagigising ko lang at pagpunta ko rito sa kusina ay ganiyan agad ang bungad ni mama sa akin. Isang oras nga lang ang tulog ko kagabi at inaantok pa ako ngayon.

"Oo nga naman, Dawn. Ang laki na ng eyebags mo kapupuyat,” sabi naman ni papa pagkatapos humigop ng kape.

Ngumiti ako sa kanilang dalawa. Ilang araw na akong nagtatrabaho hanggang madaling araw pero hindi pa rin sila nasasanay. Ako nga, pakiramdam ko nasasanay na ang katawan ko sa setup ko ngayon. Pero s’yempre nakararamdam pa rin ako ng puyat.

"Hindi naman po nakakapagod ang trabaho ko. Nakakatulog naman ako doon kapag walang customer. Huwag na po kayong mag-alala,” paliwanag ko ngunit hindi man lang nagbago ang emosyon sa mukha nila.

Sa totoo lang, kaya ko naman talaga ang puyat. Pero pagdating sa campus talagang inaatake ako ng antok kaya minsan pinapalabas ako ng masungit kong prof. Sa library tuloy ang diretso ko ’pag pinapalabas ako ng room. Wala naman akong ibang pupuntahan na tahimik na lugar kundi ro’n lang. 

"Miss Celeste, this is the nth time that I caught you sleeping in my class! Sa susunod na tulugan mo ang klase ko, ibabagsak na talaga kita. Get out!"

Sabi ko na nga ba. Mapapalabas na naman ako ng room dahil nakatulog ako. Kahit anong gawin ko kasi, ang boring niya magturo. Mas lalo lang akong inaantok. Buti na lang kayang-kaya ko i-self study ang subject niya kaya nakakasagot pa rin ako tuwing may test.

Nagtungo na ako sa ulit sa library para doon matulog. Tahimik kasi doon dahil bihira lang ang mga estudyanteng nagbabasa ng libro. Kadalasan, sa internet na sila naghahanap ng mga gusto nilang malaman.

"Sa wakas, makakatulog na ako,” bulong ko sa sarili bago nag-set ng alarm. Isang oras lang ako puwedeng matulog dito dahil may next subject pa ako. Wala naman akong planong mag-cutting, 'no!

Nasa kalagitnaan ako ng pagtulog nang may marinig akong kakaiba. Kunot-noo kong nilingon kung saan nanggagaling ang tunog na 'yun at napansin kong nandoon 'yun sa likod ng isang bookshelf. 

Dahandahan akong tumayo at naglakad palapit doon. Nanlaki ang mga mata ko nang makita ang dalawang taong naghahalikan. Agad akong naglakad paalis dahil baka makita pa nila ako.

Pamilyar sa 'kin ang mukha no’ng lalaki. Isa 'yun sa kasama ni Theros noong bumili sila sa bakery, eh. Grabe naman, dito pa sila gumagawa ng kababalaghan. Hindi man lang rumespeto sa natutulog tulad ko! 

"Kung balak pala nilang magtukaan doon sa likod, gawin naman nila nang tahimik. Ito na lang ang oras ng tulog ko naistorbo pa,” bulong ko habang naglalakad patungong canteen.

"Sinong nagtutukaan? May manok pala dito sa school?"

Napaigtad ako nang biglang sumulpot si Ysabel mula sa kung saan. Nanlalaki ang mga mata ko nang lingunin ko siya.

"Ang hilig mo talaga akong gulatin 'no?" singhal ko sa kanya kaya natawa siya.

Nagpatuloy ako sa paglalakad at agad siyang sumabay sa ’kin. 

"Sorry. Pero sino nga 'yung nagtutukaan?"

Napahinga ako nang malalim dahil mukhang hindi niya palalampasin ang narinig niya. Sa ilang linggo naming magkasama, na-realize ko na kapag may gusto siyang malaman, gagawa talaga siya ng paraan para alamin 'yun.

Eh kaya lang, hindi ko puwedeng sabihin sa kanya. Dahil crush niya 'yung nakita kong nakikipaghalikan doon sa library.

Umiling ako. "Wala. Ang sabi ko, kung puwede lang humanap ng manok na tutuka sa ’kin para hindi ako antukin, gagawin ko na,” palusot ko.

Buti na lang at mukhang naniwala siya kaya nakahinga ako nang maluwag. Sabay kaming nagtungo sa canteen dahil nagugutom daw siya. Kaya naisipan ko na lang magbasa-basa para hindi ako antukin.

"Napakasipag mo talaga 'no?" bigla niyang sabi kaya napaangat ako ng tingin sa kanya.

"Hindi naman." 

"Anong hindi? Eh, nagtatrabaho ka magdamag tapos ang sipag mo pang mag-aral. Grabe, hindi ko kaya 'yun." Umiling-iling pa siya bago kumagat sa inorder niyang burger.

Natawa na lang ako sa kakulitan niya. Hindi naman talaga ako masipag. Wala lang talaga akong choice kundi magtrabaho para may panggastos kami. Siguro kung mayaman din kami, baka lumaki rin akong tamad. 

Natapos ko ang natitira kong klase nang hindi napapalabas ng room. Isinara ko na ang aking locker pagkalagay ko ng gamit bago ako nag-unat ng katawan.

Huminga ako nang malalim bago naglakad patungo sa gate. Ngumiti ako kay Manong Guard.

"Uwi na po ako, Manong. Salamat!” sambit ko kaya tumango rin siya.

"Ingat ka, Iha."

Pagkalabas ng campus ay pinara ko na agad ang jeep at sumakay. Sa karinderya ako dumiretso bago ako nagtungo sa bakery pagkatapos kong maghugas ng plato. Umalis na si Aling Mona pagdating ko doon kaya agad kong nilabas ang gamit ko. Gagawin ko na agad ang homework ko tutal wala namang bumibili.

Mabilis na lumipas ang oras at isinara ko na agad ang bakery. Napadaan ako sa isang food stand kaya naisipan kong kumain muna.

"Isang siopao nga po at palamig,” sabi ko sa tindero bago inabot ang bayad.

Ito na ang hapunan ko ngayong araw. Nakalimutan ko kasing kumain kanina sa bakery dahil sa pagsasagot ko ng mga school works. Hindi rin naman ako nakaramdam ng gutom kaya gano’n.

"Hello, Dawn!"

Nilingon ko si Lino nang batiin niya ako pagkalabas ko ng banyo. Kararating niya lang din yata dahil hindi pa siya nakakapagbihis ng uniform. 

"Uy, akala ko hindi ka papasok. Wala ka pagdating ko eh,” sabi ko.

"May pinuntahan pa kasi ako bago dumiretso dito. Bakit? Natakot kang walang manlibre sa 'yo ng kape?"

Napanganga ako bago natawa sa sinabi niya. Oo nga pala, siya ang laging nanlilibre sa akin ng kape. Kaya siguro naging nerbyosa na ako. Mahilig kasi siya sa kape kaya nadamay na rin ako.

"Loko! Hindi naman. Sige punta na ako doon baka may magpakarga na,” paalam ko bago siya iniwan.

Pumunta na ako sa puwesto ko palagi at napahikab na naman ako. Kararating ko lang pero inaantok na ako agad. Hindi kasi ako nakatulog sa campus kanina. Kainis!

Ilang minuto lang ay may itim na kotseng pumarada sa harapan ng station ko. Agad akong tumayo at nilapitan iyon. Nang bumaba ang driver ay halos matulos ako sa kinatatayuan ko.

Pinasadahan ko siya ng tingin at suot niya iyong kadalasan niyang porma araw-araw. Naka-semi formal attire kasi siya palagi na akala mo isa na siyang propesyonal, pero estudiyante pa lang din naman siya.

Nagsalubong ang paningin namin at pansin ko na natigilan din siya saglit. Agad akong tumikhim. 

"F-Full tank po, Sir?" nauutal kong tanong kaya halos masapo ko ang noo ko.

Bakit ba ako kinakabahan? Ano naman kung si Theros Fuentes siya? Hindi naman siguro niya naaalala 'yung nangyari doon sa bakery, 'di ba?

"Yes,” sagot niya sa seryosong boses kaya mas lalo akong nataranta.

Bukod kasi sa nakatitig siya sa bawat kilos ko, nakaka-intimidate ang aura niya. Agad kong kinuha 'yung pump hose bago lumapit sa kotse ni Theros. Pero bago pa ako makalapit ay natapilok ako doon sa gutter at tumalsik sa kotse niya 'yung hawak kong pump hose.

"Oh shit!"

Mas lalo akong nataranta nang marinig ko ang pagmumura niya. Agad kong tiningnan kung may gasgas ba ang kotse at kung minamalas nga naman, medyo malaki ang gasgas.

"Lagot na. Paano na 'to?" bulong ko sa sarili at kinakabahang lumingon kay Theros na nasa tabi ko na pala.

Tiningnan niya ang damage ng kotse bago napailing. Yari na talaga ako. Halata pa namang mamahalin ang kotse niya, paniguradong mahal din ang pampagawa niyan.

Tumayo siya nang tuwid at humarap sa akin kaya napayuko ako.

"Where's your manager?" 

Agad kong pinagdaop ang palad ko nang sabihin niya iyon. 

"Please...pasensya na. Hindi ko sinasadyang magasgasan ang kotse mo...babayaran ko na lang. Huwag mo lang akong isumbong sa manager namin," sunod-sunod kong sambit habang nakapikit at magkadaop ang palad.

Narinig ko ang tawa niya kaya napamulat ako. Nakangisi siya pero seryoso ang mga mata kaya napaiwas ako ng tingin. Mukha siyang galit. Nakakatakot.

"Babayaran mo? You think you can afford paying for my car? Kung may gano’n ka naman palang pera, bakit nagtatrabaho ka pa rito?"

Napanganga ako sa sinabi niya. May halong pang-iinsulto 'yun, ah! 

Inis ko siyang binalingan. "Oo, hindi ko kayang bayaran ang pampagawa sa kotse mo pero wala kang karapatang insultuhin ako—

"See? Ikaw na nga ang nakadisgrasya, ikaw pa ang galit. Where's your manager?"

Luminga-linga siya sa paligid at nang matanaw ang office ng manager namin ay maglalakad na sana siya papunta ro’n pero agad akong humarang.

"Pasensya na...huwag mo akong isumbong. Mawawalan ako ng trabaho. Kailangan na kailangan ko itong trabaho ko...pakiusap. Gagawin ko lahat para lang mabayaran ka. Kung gusto mo, gawin mo akong maid tapos huwag mo na akong bayaran. Basta huwag mo akong isumbong."

Tinitigan ko siya sa mga mata niyang kulay abo. Ilang segundo yata kaming nagtitigan bago siya umismid. 

Ang hirap namang pakiusapan ng lalaking 'to! 

"Fine." Nanlaki ang mga mata ko sa pagpayag niya pero alam ko agad na may kondisyon siya. "Papayag akong maging tagalinis ka ng condo ko, pero isusumbong pa rin kita sa manager mo."

Hindi makapaniwalang tiningnan ko si Theros. Sinasabi ko na nga bang hindi siya agad papayag nang basta-basta.

"Bakit? Gagawin mo na nga akong tagalinis nang walang suweldo tapos isusumbong mo pa rin ako."

Tumango siya. "I still have to report you to your manager. Paano kung maulit na naman itong nangyari—

"Ngayon lang naman 'to. Ikaw kasi eh, kung makatingin ka parang may ginawa akong kasalanan sa 'yo,” putol ko sa sinasabi niya.

Tumaas ang kilay niya bago siya nagkibit-balikat.

"Now, you're blaming me. Basta kakausapin ko ang manager mo. Don't worry, sasabihin kong huwag kang tanggalin sa trabaho."

Napangiti ako dahil doon. May mabuti naman pala siyang puso—

"Bawasan na lang ang suweldo mo."

Agad ding naglaho ang ngiti ko sa sinabi niya. Akala ko pa naman may kakaunting kabaitan siya, sagad sa buto na pala ang kasamaan ng lalaking 'to. Matapobre! Mayabang! Makasarili! Lahat na!

"Anong nangyayari rito?"

Nakahinga ako nang maluwag nang marinig ko ang boses ni Lino. Agad ko siyang hinarap.

"Manager Lino, buti nandyan na po kayo. Gusto ka raw po niyang makausap,” sabi ko habang pinanlalakihan siya ng mata para sabihing sumakay siya sa plano ko.

Kumunot ang noo ni Lino bago sumulyap kay Theros. 

"If you're planning to deceive me, do it better. Kilala ko ang manager ng gas station na 'to kaya hindi mo ako maloloko."

Napapikit ako nang mariin dahil doon. Wala pala akong lusot sa lalaking 'to. Mababawasan na nga talaga ang suweldo ko. 

"Ano ba kasing nangyari at nagasgasan mo ang kotse niya?" tanong ni Lino nang pumasok na si Theros sa opisina ng manager namin.

Kinamot ko ang noo ko. "Kinabahan kasi ako sa tingin niya kaya nataranta ako at natapilok. Alam mo 'yun, ang intimidating niya kasi."

Saglit akong tinitigan ni Lino bago siya humagalpak ng tawa. Mas lalo akong sumimangot nang dahil doon. Nakakatawa ba talaga ang nangyari sa ’kin? 

"Masaya ka niyan?" sarkastikong tanong ko kay Lino kaya pinilit niyang pigilan ang tawa niya.

"Pasensya na. Naimagine ko kasi 'yung itsura mo kanina. Para kang high school student na natulala nang makita ang crush niya. Crush mo ba 'yung lalaking 'yun?"

Ngumiwi ako sa sinabi niya. "Alam mo, nasobrahan ka na yata sa kape. Pati utak mo nagpa-palpitate na kaya hindi ka na makaisip nang maayos."

Hindi na siya nakasagot dahil biglang bumukas ang pinto ng opisina ni manager. Lumabas mula roon sila Theros at Manager Kim.

Napatayo ako nang tuwid nang sabay silang tumingin sa akin. 

"Pasensya ka na talaga Mr. Fuentes sa nagawa ng employee ko,” sabi ni Manager bago sumulyap sa ’kin. "Dawn, masuwerte ka at pinakiusapan niya ako na huwag ka nang tanggalin. Pero kakaltasan ko ang suweldo para ngayong buwan."

Pinakiusapan? Totoo ba 'yun? Marunong makiusap si Theros?

Tumango na lang ako bilang sagot. Ayaw ko na lang magsalita dahil baka mapikon ko na naman si Theros at magbago pa ang isip niya.

Akala ko ay aalis na siya pagkatapos nilang mag-usap ni manager pero sumulyap pa siya sa 'kin at sinenyasan akong sumunod. 

Ano pa bang magagawa ko? S'yempre kailangan kong sumunod sa kanya. 

"Ano 'yun? May dagdag kondisyon ka na naman?" tanong ko sa kanya nang makarating kami sa kotse niya.

May kinuha siya sa wallet niya at inabot sa 'kin 'yon. Nang tingnan ko, calling card pala. 

"Nandiyan na rin ang address ng condo ko. Pumunta ka na lang kung anong oras ka free, pero mas prefer ko kung gabi ka maglilinis."

Tumango ako at napabuntong-hininga na lamang. 

"And let me tell you this, you can't escape from me. Kaya kung nagbabalak kang pagtaguan ako, huwag mo nang subukan."

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status