Share

CHAPTER TWO

Five years later.

   "Congratulations, Florence!"

   Nagulat pa ako pagpasok ko ng pantry namin para mag-kape lang sana. Sabay-sabay na binati ako ng mga kasama ko sa opisina. Dahil na-sorpresa ako, ang tagal kong naka-titig lang sa kanila, bago nag-sink-in sa akin kung ano ang nangyayari.

   "Gulat si mamsh, o!" Tawa nang tawa si Ate IC na ka-opisina ko. "Galaw galaw, 'oy, baka pumanaw."

   "Sorry." Natawa na lang din ako. "Malay ko ba naman kasing may paandar pala kayo dito. Kaya pala parang mga aligaga kayo kanina pa."

   "Bitaw ka naman ng isang pang-malakasang speech diyan, Miss Florence." Pambubuyo sa akin ng isa ko pang officemate na si Gino. "Mga huling habilin mo sa 'min bago mo kami iwan."

   Hinampas ko siya sa braso, "Gino naman! Buhay na buhay pa ako parang gusto mo na akong patayin."

   Tawanan kaming lahat.

   "Hindi. Mga habilin kasi siyempre, next week, sa ibang office ka na." Palusot pa niya. "Mga words of wisdom mo diyan, baka gusto mo lang i-share sa amin."

   Inakbayan naman ako ng isa ko pang ka-opisina na si Eya. "'Yaan mo 'yan si Gino. Basta, ah. 'Wag mo kami kakalimutan dito."

   "Ang drama naman nito!" Biro ko pero umakbay ako sa kanya at humilig sa balikat niya. "Ano ba, sa 23rd floor lang naman ako lilipat."

   "Mami-miss namin mga baked goodies mo, Mamsh," malungkot na sabi naman ni Alina. "Mga chikahan natin over coffee, ay, basta, mami-miss kita."

   "Group hug!" Nag-open arms si Louie kaya tumakbo kaming lahat papunta sa kanya para yakapin ang bawat isa.

   "Hoy, social distancing!" saway sa amin ni Ate Aira pero naki-yakap din naman siya.

    Nalulungkot din naman ako, ayoko lang ipahalata. Baka kasi mapa-iyak pa ako sa harapan nila. Kahit naman nasa iisang kumpanya pa rin kami, talagang may mag-iiba na. Baka minsan, hindi ko na sila makakasabay sa coffee break o kaya sa lunch. Alam kong magiging mas busy na ako sa opisinang lilipatan ko.

   Tatlong taon na rin ako sa Accounting Department bilang Accounting Clerk, kaya itong mga kasama ko, itinuring ko nang pamilya. Mababait silang lahat at magaan ka-trabaho. Kung hindi lang dahil sa career advancement at higher salary, mas gusto kong mag-stay sa Accounting.

   Pero, noong nabalitaan ko iyong hiring sa Office of the Vice President for External Affairs, at nakita kong halos doble iyong suweldo sa kasalukuyan kong kinikita ay sinubukan kong mag-apply. Pinalad naman na ako ang natanggap bilang Executive Assistant o EA. Nag-resign na kasi iyong dating EA.

   Kaso, iyong current Vice President o VP ay nag-retire na rin last week, at iyong anak niya ang papalit sa posisyon - si Sir Frank Ledesma, na first time ko ring makikita next week. Technically, sabay kaming magsisimula sa bago naming trabaho. Bagamat iyong mga staff naman doon ay mga datihan na.

   "Florence, guwapo raw 'yon si Sir Frank, eh." sabi ni Ate IC sa akin.

   "Eh, siguro. Mukhang guwapo rin naman si Sir Freddie noong kabataan," sagot ko na ang tinutukoy ay iyong tatay ni Sir Frank na dating VP. "Tapos, maganda rin si Madam Amanda, 'yong asawa niya. Kaya malamang, guwapo rin 'yong anak nila.

   "Hindi mo pa ba nakita?" tanong ni Louie. "'Di ba dapat siya ang magfa-final interview sa 'yo?"

   Umiling ako. "Si Sir Freddie pa rin ng nag-interview sa akin sa final. Expected ko nga rin sana na si Sir Frank, pero hindi, eh."

   "Pero sana, mabait 'no?" hopeful na sabi ni Eya.

   Nagsalita naman nangg pabulong si Cheska, "At sana 'di kasing-suplado ni Sir Maui."

   Si Sir Maui naman ay ang Vice President for Finance at pinaka-boss namin sa Accounting Department. Kumbaga mas boss pa sa mga Supervisor at Managers namin. Pamangkin siya ni Sir Freddie at bale pinsan naman ng magiging bagong boss ko.

   "Hindi naman suplado. Tahimik lang kasi siguro talaga siya," pagtatanggol ko kay Sir Maui.

   Ang totoo kasi ay crush ko si Sir Maui. Pero sikreto ko lang iyon. Wala akong pinagsasabihan kahit sino sa mga ka-trabaho ko. Mahirap na, baka kumalat at maging tampulan pa ako ng tukso. Ang mas malala, baka makarating kay Sir Maui mismo. Nakakahiya.

   "O, cake pa, Miss Florence." Ipinag-slice na ako ni Gino at siya na rin ang naglagay sa platito.

   "'Uy, salamat, Gino." Kinuha ko iyon mula sa kanya.

   "Eh, sino palang papalit sa 'yo?" tanong ni Ate IC.

   Umiling ako. "'Di ko pa alam, Ate. Pero nag-apply 'yong kaibigan ko, si Patti. Eh, sana siya ang matanggap."

   "Kasing-bait mo naman ba 'yon, mamsh?" si Alina naman ang nagtanong.

   "Oo, mabait 'yon. Kuwela pa. Tatawa kayo nang tatawa do'n," pagbibida ko. "Kumpara sa akin na ang boring-boring."

   "'Oy, hindi, ah. Tawa mo pa nga lang masaya na kami," biro ni Louie. Madalas nilang mapag-diskitahan ang paraan ng pagtawa ko, ikinukumpara nila sa singer na si Kyla, magka-parehas daw kasi.

   "O, ito na pala sila Ma'am Vivian!" bulalas ni Eya. Siya ang Head namin sa Accounting. Kasama niya iyong iba pa naming mga supervisors. Umayos kami para bigyan sila ng space.

   "Paano, Florence, iiwan mo na kami," sabi ni Ma'am Vivian.

   "Ma'am naman, sa taas lang po ako lilipat." Ngumiti ako at banayad ko siyang hinawakan sa braso. "Kain na po kayo."

   Nagsalu-salo ang lahat sa mga pagkain na inihanda ng mga kasama ko sa department.

   Naging masaya ang munting piging na iyon. Pati iyong mga taga-ibang departamento na pumapasok sa pantry ay inanyayahan na rin naming maki-salo sa amin.

   Sa susunod na linggo ay sa ibang opisina na ako maa-assign. Hindi ko mapigilang malungkot, pero ang kabutihan noon, nandito pa rin naman ako sa kumpanyang ito. Marami pa ring pagkakataon na makita at makasama itong mga maiiwan ko sa Accounting Department.

   Pero ngayon pa lang, alam ko, mami-miss ko talaga sila.

---

   "Ay. 23rd floor na nga pala ako."

   Napa-iling ako nang mapindot ko iyong 22nd na button sa elevator. Doon kasi ang Accounting Department - ang dati kong departamento. Buti na lang mag-isa lang ako dahil maaga pa naman. Kung dati ay maaga na akong pumasok, mas inagahan ko pa ngayon para kung may mga adjustment na kailangang gawin, dahil bago nga ako, at least ay nandito na ako sa opisina.

   Humugot ako ng malalim na paghinga pagbukas ng elevator sa 23rd floor. Medyo kinakabahan ako, pero siguro kahit sino naman. Bagong opisina, bagong boss, bagong mga kasama, bagong environment.

   "Good morning po." Nakakita ako ng pamilyar na mukha sa reception. Sa dami kasi ng empleyado sa kumpanyang ito ay hindi na halos magkakakilala ang lahat.

   "Doon ka." Walang kangiti-ngiting sumagot sa akin ang babae. Hala. Sa reception pa naman siya naka-puwesto at sumasalubong sa mga guests tapos ganoon ka-taray.

   Itinuro niya ang direksyon papunta sa opisina ni Sir Frank. Magkatabi pala ang office nila ni Sir Maui.

   Doon muna ako lumapit sa opisina ni Sir Maui. Binasa ko ang metal plate sa pinto ng opisina.

   Mauro Iñigo M. Ledesma

   Vice President for Finance

   "Doon ka. Hindi diyan." Nagulat pa ako nang marinig ang walang kabuhay-buhay na boses ng receptionist na binati ko kanina. Paglingon ko ay nakatingin nga siya sa akin.

   Pinagpasensiyahan ko na lang. Bahagya akong tumango at naglakad na papunta sa kasunod na opisina.

   Franco Luis Miguel C. Ledesma

   Vice President for External Affairs

   Ang haba pala ng pangalan ni Sir.

   Kumatok ako ng dalawang beses bago ko buksan ang pinto.

   Ang laki pala sa loob ng opisinang ito.

   At may tao na doon. Babae. Nakilala ko agad kung sino siya noong tumingin siya sa akin. Nagkita na kami noon nang i-orient ako sa HR Office para sa magiging bago kong trabaho. Siya ang Chief-of-Staff at magsu-supervise sa aming lahat.

   "Good morning po, Miss Celine," bumati ako at ngumiti.

   Nahiya ako nang tumayo siya at lumapit sa akin. Sobrang corporate ng suot niya! Mula sa buhok na malinis na naka-pusod, white button down polo sa ilalim ng black blazer na tinernuhan ng black skirt na above-the-knee ang haba. May skintone stockings at naka-black pumps na nasa five-inch yata ang taas.

   Samantalang ako, naka-long sleeved cream blouse na overlapping sa harap, nakapaloob ang laylayan noon sa checkered na red skirt na hanggang binti ko ang haba, at malapit din sa kulay ng suot kong blouse ang low-cut boots na suot ko.

   "Good morning," pagbati niya. "Welcome to the OVPEA. That's how we call this office. Ang haba kasi kung bubuuin pa."

   Okay, na-gets ko naman iyong acronym, kahit binigkas niya iyon na O-V-Peya.

   "Ito ang magiging puwesto mo." Sinamahan niya ako papunta doon. Ang haba nitong magiging table ko, ang bongga ng upuan - sa totoo lang, iyong buong feels ng opisina talagang ramdam kong pang-executive level. Malayo sa maliit na cubicle ko noon sa Accounting Department.

   Naalala ko na naman. Na-miss ko tuloy sila doon bigla.

   "Itong puwesto mo ang pinakamalapit sa pinto ng office ni Sir Frank o ng VP. Ikaw kasi ang pinakamadalas niyang tatawagin o kakausapin,"sabi pa ni Miss Celine.

   Tumangu-tango ako. "Thank you po."

   "If you have questions, please don't hesitate to ask me or anyone of us," paalala niya sa akin. "Mamaya, ipapakilala kita sa mga kasama natin kapag dumating na sila."

   Natutulala ako kay Miss Celine. Iba kasi ang level of confidence niya. Malayo sa shy-type at reserved person na katulad ko. Samantalang palagay ko naman hindi kami nagkakalayo ng edad. Baka mga two to three years lang ang tanda niya sa akin.

   Maya-maya ay dumating na rin ang ibang mga kasama namin. Ang mga aura nila para ding si Miss Celine - confident, dignified. Ipinakilala ako ni Miss Celine sa kanila. Bale anim pala kaming lahat dito sa OVPEA bukod sa Vice President mismo. Anim lang - pero iyong opisina kasing-laki na yata ng buong Accounting Department. Tapos iyong mismong opisina ng VP, kasing-laki rin nitong sa staff, at mag-isa lang siya doon.

   "Kilala kita, ikaw 'yong masarap mag-bake!" masayang sabi ni Kathryn, isa siya sa mga Administrative Assistant. "Nakakarating pa sa 'kin 'pag nag-uuwi si Gino. Panalo 'yong matcha cookies mo, girl."

   Siguro nakita niya ang tanong sa mga mata ko kaya siya na rin ang nagkusa na magpaliwanag, "We live together."

   Tumangu-tango ako. "Ikaw pala 'yong naikukuwento niya minsan sa amin na GF niya. Nice meeting you."

   "Same here." Nakangiting sagot niya.

   "Pa-experience naman niyang matcha cookies na 'yan," pabirong sabi ni Nadine. Katulad ni Kathryn ay Administrative Assistant din siya. At oo, nagkataon na ganoon talaga ang mga pangalan nila. Ang lakas maka-artista.

   "Good morning."

   Naputol ang pag-uusap namin at sabay-sabay kaming napalingon sa pinto nang marinig ang baritonong boses na iyon.

Bab terkait

Bab terbaru

DMCA.com Protection Status