Share

4: She Caught From Lying

“SAAN KA galing?” 

Napahinto siya sa pagsasara ng pinto nang marinig iyon mula sa kaniyang likuran. Pagkaharap ay siyang gulat niya nang makita ang matatalim na mga matang nakatitig sa kaniya. Napayakap pa nga siya sa bitbit niyang mga libro. Pero hindi niya ipinakita ang pagkakagulat niyang iyon sa istriktong ama. Kahit malinaw sa mga mata ng ama ang pang-uusig ay binale-wala niya iyon at nilakasan ang loob upang makalapit rito at magmano.  

“Mano po, Papa.”

“Napapadalas na yata ang pag-uwi mo ng late galing eskuwelahan, Katalina. Saan ka nagpupunta?” tanong nito. Puno ng awtoridad ang boses.

“Dumaan lang po ako sa tahanan ni Celestina, Papa. Inimbitahan na rin ako ni Ninang Centhia na doon maghapunan kaya ako natagalan. Hindi po kasi ako makatanggi,” pagsisinungaling niya na kahit ang totoo ay lumabas sila ni Vicente at namasyal.

Tumango-tango ang kaniyang ama.

“Carlo!” biglang sigaw ng kaniyang ina dahil sa sumunod na nangyari.

Maging siya ay nagulat. Hindi niya iyon inaasahan. Tumabingi na lang ang kaniyang ulo dahil sa malakas na sampal na natamo mula sa kaniyang ama. 

“Sinungaling!” nanunumbat na bigkas nito sa kaniya.

“Anong nangyari, Mama?”

“Anong mayroon dito?”

“Katalina.”

Sapo ang pisngi na ngayon ay namamanhid at mahapdi, napataas siya ng ulo sa mga taong nagmamay-ari ng mga tinig na iyon. Kasama ng kaniyang ina na si Jennelyn ay ang kakambal na si Katarina, ang kaniyang Ninang Centhia at ang kaibigan na si Celestina. Doon ay napatulala siya at pumatak na lang ang butil ng luha mula sa kaniyang mga mata. Noon lamang siya nakaranas na tila ba pinagtaksilan siya ng mundo. Parang pinagkaisahan siya ng mga ito upang pagbayaran ang ginawa niyang paglihim at pagsisinungaling sa mga magulang. 

Oo, sa limang buwan simula nang sagutin niya ang pag-ibig ni Vicente ay pinili niyang ilihim muna ang kanilang relasyon sa kaniyang mga magulang. Na naiintindihan naman ng nobyo. Hindi pa kasi siya handa dahil malaki ang ekspektasyon ng mga ito lalo na ng kaniyang ama sa kaniya. Siya lamang kasi ang inaasahan ng mga ito lalo na sa malawak na vegetables farm nila sa susunod na henerasyon. Kaya pinag-aaral siya ng mabuti ng mga ito dahil ang kakambal na si Katarina ay may sakit sa puso na iniingatan ng lahat. Kaya nga home study lamang ito. Walang ibang mapupuntahan ang tungkuling iyon kundi sa kaniya. Kaya nga sobra kung ipagmalaki siya ng kaniyang ama bilang tagapagmana ng pamilya dahil dulot na rin ng magandang performance niya sa eskuwelahan at pagiging mabuting anak. Hindi na raw nito kailangan ng lalaking tagapagmana kung sa anak niyang babae pa lang ay paniguradong may seguridad na ito.

“Buong akala ko’y nag-aaral ka ng mabuti, Katalina. Pero ano itong ginagawa mo? Kailan ka pa natutong magsinungaling, ha?”

Napaharap siya sa kaniyang ama na kahit nanlalabo na ang kaniyang paningin ay pilit niya itong inaaninag. Ngayon lamang niya nakita ang ama na nilalamon ng galit. Oo, istrikto ito kung istrikto pero kahit kailan hindi ito nagalit sa kanila, ngayon lang.

Napahikbi siya sa unang pagbuka ng kaniyang bibig. “P-Papa?” pagtawag niya rito na tila ba nakikiusap na huwag siya nitong pagalitan, hinihiling na pakinggan muna siya. Ang noon ay kumikinang na mga mata dahil sa pagmamalaki tuwing tinititigan siya, ngayon ay nag-aapoy na sa labis na galit. Nawala na iyon at napalitan ng pagkadismaya.

“Huwag mo ’kong matawag-tawag na ‘Papa’ dahil wala akong anak na sinungaling. Katalina, alam mo naman siguro ang tungkulin mo sa pamilyang ito, hindi ba? Mas masuwerte ka nga kumpara sa kakambal mo. Pero ano itong ginagawa mo?! Kung ganito lang ang gagawin mo e di sana ay ikaw na lang ang nagkaroon ng sakit at hindi ang kakambal mo!”

“Papa!”

“Carlo, that’s enough!”

Tila nabingi siya at napatda sa kinatatayuan. Sa pagkakataong iyon ay tila tumigil din ang pagtibok ng kaniyang puso. Ang mga luhang di-maputol na dumadaloy sa kaniyang pisngi ay napaurong. Tama ba iyong narinig niya mula sa bibig nito? Halos mapasapo siya sa kaniyang dibdib at maya-maya’y nakayakap na siya sa kaniyang ina na mabilis siyang dinaluhan.

“Carlo, she’s still your daughter. You don't need to shout at her and put her into shame if we can talk to her calmly. Please, listen to your daughter first.” Hinarap siya ng ina. “Ignore what your father have said, Katalina. Dala lang ng galit kaya niya nasabi iyon. Intindihin mo na lang, okay?” At niyakap siya ng kaniyang ina.

“‘Yan! Kaya nagkakaganyan ’yang anak mo dahil kinukunsinte mo. Kaya lumalaki ang ulo, e.”

“Stop it, Papa. It won’t help.” Paghimasok din ng kaniyang kakambal ngunit sa mahinahong paraan.

Walang nagawa ang kaniyang ama kundi marahas na mapabuntong hininga at umalis. Doon ay tila nawalan siya ng lakas at humagulgol ng iyak sa mga bisig ng kaniyang ina. Naramdaman naman niya ang haplos ng kaniyang kakambal sa kaniyang likod.

“KATALINA, WHY didn't you tell us that you have a boyfriend? Hindi mo ba alam na matagal ng naghihinala sa iyo ang inyong ama? Dumadalas kasi ang pag-uwi mo ng late. At napapansin na rin niya ang ginagawa mong pagpapaganda nitong huli na hindi mo naman ginagawa dati.”

Napayuko siya nang sabihin iyong lahat ng kaniyang ina. Nahihiya siya sa mga ito.

“Bakit hindi mo siya ipakilala sa amin, ate? Baka sakaling humupa ang galit ni papa kung makilala niya ang kasintahan mo. Siguro naman ay disente siyang lalaki at mapagkakatiwalaan.” Tumingin ang kakambal niya sa kanilang ina upang hingin ang opinyon patungkol sa sinabi nito.

“Bakit nga ba hindi, Katalina? Tama ang iyong kakambal. Dalhin mo siya rito at ipakilala sa amin. Kampante ako na hindi ka niya ipapahiya sa iyong ama. Ramdam kong tama ang lalaking pinili mo dahil may tiwala akong hindi mo sisirain ang sarili mo sa maling tao.” Pagsuklay sa kaniyang buhok ng kaniyang ina.

“Sa susunod na linggo ay ipapakilala ko po siya na inyo,” naging sagot niya sa mga ito. 

Napangiti naman ang dalawa sa isa’t isa at niyakap siya ng mga ito nang mahigpit. Alam niyang kung magkakaroon man siya ng mga suliranin ay hindi siya nag-iisa para harapin ang mga ito. Nandiyan ang ina niyang si Jennelyn at ang kakambal na si Katarina para damayan siya.

Matapos masira ang sana ay magandang hapunan kanina kasama ang mag-inang Centhia at Celestina, ngayon ay dinadamayan siya ng kaniyang ina at kapatid. Nasa kuwarto niya sila sa pagkakataong ito.

Malaki ang naging tulong ng ina niya at kapatid para pagaanin ang kaniyang loob. Dahil sa mga ito ay napag-isip-isip niya na ipakilala na si Vicente sa pamilya. Paniguradong ikatutuwa iyon ng kaniyang ama lalo pa’t anak ito ng alkalde sa kanilang bayan. Kahit ayaw man niya ay wala na siyang magagawa kundi gamitin ang lakas at kapit ng pamilya sa lipunan ng nobyo para bumalik ang tiwala sa kaniya ng kaniyang ama. Si Vicente na lang ang natatangi niyang pag-asa. Ipapakita niya sa kaniyang ama na kahit naglihim siya, may ipagmamalaki naman siya rito.

“Tama ba ’tong narinig ko? Ipapakilala mo na si Vicente sa pamilya mo? Out of the blue yata, Katalina. Noon ay halos pigilan mo si Vicente na ipakilala ang sarili sa pamilya mo,” ayon kay Celestina sa kaniya nang ibahagi niya ang kaniyang balak sa kaibigan.

Ngumiti siya. “Oo, may pahintulot na mula kina mama at Katarina. At saka sigurado naman ako na mapapahanga ko ulit si papa dahil maging sa pagpili ng lalaking mamahalin ay magaling ang kaniyang inaasahang anak.”

“At mukhang gagamitin mo pa siya para magkaayos kayo ng iyong ama. Dapat pala noon pa lang ay nabuking ka na ng ama mo para naman maibigay mo na kay Vicente ang matagal niya nang hinihiling,” mahabang linyada ng kaniyang kaibigan na ikinatahimik niya. 

Bigla siyang nakonsensya para sa nobyo dahil ito pa ang gagamitin niya upang magingpampalubag-loob sa ama.

“Hoy, Katalina. Biro lang, ha? Baka seryosohin mo na. Hindi lang kasi ako makapaghintay na maging legal na kayo both side. Mahirap na lalo pa’t maraming umaaligid kay Vicente. Baka mapikot ’yon.” Tumawa ng malakas si Celestina, pero hindi rin nagtagal at napatikom ito ng bibig nang makitang seryoso pa rin siya. “Sabi ko nga tatahimik na lang ako.”

“Katalina, hindi ba ngayon mo ipakikilala si Vicente sa mga magulang mo?” Nang hapong uwian na kung saan nililigpit na nila ni Celestina ang librong ginamit at ibinalik sa stante ng mga libro sa library.

“Oo, Tina. Hindi na nga ako makapaghintay pa.” Ngiti niya sa kaibigan. “Alam mo bang nilakasan ko pa ang loob ko na puntahan si papa kanina sa office niya, para sabihin na ipapakilala ko sa kanila ang nobyo ko mamaya? Hindi pa nila ito kilala dahil hindi ko pa sinabi maging ang pangalan ni Vicente, pero mamaya makikilala na rin nila,” pagpapaliwanag pa niya rito na hindi nawawala ang ngiti sa mga labi.

“Ano ang sinabi ng ama mo hinggil dito?”

“Wala naman siyang sinabi, pero ramdam kong magiging okay ang lahat pagkatapos ko siyang maipakilala sa kanila.”

Walang naitugon sa kaniya ang kaniyang kaibigan kundi ang isang malawak na ngiti. Nagpapakita na sobrang saya nito para sa kaniya, para sa kanila.

Bab terkait

Bab terbaru

DMCA.com Protection Status