Share

Kabanata Dalawa

Who is he?

Muling pinasadahan nang tingin ni Rada ang lalaki.

Siya lang naman ang piping saksi saiyong kahangalan. Pangungunsensya ng isipan niya. Napangiwi ang dalaga. Bigla ay nahiya sa kanyang naging asal. Maaari ngang mag-isip ang lalaki ng hindi kaaya-aya sapagkat nasaksihan nito ang kanyang ginawang kalokohan. Labag sa regulasyon ng akademya ang kanyang ginawa. Mabigat na parusa ang kakaharapin niya pag nagkataon. Paano na lamang kung magsumbong ito sa pamunuan?

Anong mukha ang ihaharap niya sa mga magulang ni Clark kapag umabot sa kaalaman ng mga ito ang pinaggagagawa niyang kalokohan ngayong hapon? Siguradong ipapatawag ang kanyang mga magulang at malamang ay magpuputok ang butse ng ama. Pag nagkataon ay grounded na naman siya at hindi siyempre nito palalabasin ng mansion sa loob ng ilang linggo, depende sa kanyang parusa.

Kalma Rada, hindi ka pa naman sigurado kung nakamasid nga ito kanina. Hindi nga ba at nasa likod ito ng halamanan? Tama, paano nga kung wala naman itong nalalalaman. Masyado niyang tinatakot at pinag-aalala ang sarili.

Muli niyang binistahan ang lalaki.Tahimik pa rin ito at mukhang wala namang balak na patulan ang pasaring niya. Katunayan ay parang wala itong narinig o sadyang ayaw lang siyang bigyan pansin. Na kakatwa dahil walang lalaki ang hindi nagbigay pansin sa kanya. Hindi ba siya nito nakikilala?

Siya si Rada Buenavista, ang unica hija ng isa sa pinakamayamang pamilya sa bayan ng San Isidro. Well, mukha ngang walang muwang ang lalaki sa existence niya sa mundo. Ewan pero gustong uminit ng ulo niya sa pambabalewala nito. Huminga siya ng malalim. Wala pa ring pagkilos mula sa kausap kaya't nagkasya na lamang siyang panoorin ito na tila palabas sa sine.

Malinis ang batok at may kalaparan ang balikat kahit na medyo manipis ang katawan pansin niya. Dumako ang mata niya sa mga paa nito. Malinis ang pudpod na kuko. Mukhang malinis sa katawan ang lalaki. Napangiti siya nang hindi niya namamalayan. Eksakto namang tiningala sya nito. Kaya't huling-huli ng lalaki ang pag-angat ng magkabilang sulok ng kanyang bibig. Agad niyang binura ang ngiti at pilit na pinapormal ang anyo.

Tila siya dagang nahuli nitong nang-uumit ng keso. Sa hindi malamang dahilan ay kung bakit bigla syang nataranta sa mga titig nito. Napalunok siya nang kung ilang beses habang unti-unting naging tensiyonado. Kumunot ang noo ng lalaki lumarawan sa mukha nito ang pagtataka. Agad na binawi ni Rada ang tingin rito. Alam niyang pinamumulahan na siya ng mukha.

"Kung ang inaalala mo ay ang aking nasaksihan kanina ay wala kang dapat na ipag-alala hindi ako tsismosong tao."

Agad na ibinalik ni Rada ang nanlalaking mga mata sa sa lalaki. Kung gayon ay siya ang mali sa pag-aakala. Nakita nga nito ang ginawa niyang paninigarilyo kanina. Pero gusto niyang mangiti sa huling sinabi nito.

Tumayo ang lalaki at pinapagpag ang mga dumikit na dumi sa suot nitong kupasing pantalon. Hinugot nito ang morning towel sa likod na bulsa. Nagsimulang pinunasan ang mukha, leeg at pagkatapos ay ang mga braso at kamay.

Muli na naman siyang naging estatwa na nagpatuloy lamang sa pagmamasid. Talo pa niya ang nabudol at na-hipnotismo. Nang bigla siyang hinarap nito.

"May problema ba?" kunot ang noo na tanong ng lalaki.

Jusmiyo! ano't natatameme ka Rada? Ni minsan ay hindi ka nawalan ng boses sa harap ng kung sinuman. Ano't tila na ba-blangko ka ngayon?

Tila yata nalunok mo ang iyong dila at nawalan ka ng mga salita. Ang yabang mo kanina hindi ba? Kastigo niya sa sarili.

"Ahm, sa... salamat," sa wakas ay usal niya.

"Para saan?" baliktanong ng kaharap sa napaka-kaswal na tono.

"Na hindi ka magsusumbong," atubiling sagot niya.

Saglit na nawalan ng kibo ang lalaki maya-maya ay marahang tumango. Muli nitong isinuksok ang towel sa likod ng pantalon. Binalingan ang kartilya, inabot ang hawakan at naghanda na sa pag-alis. Bigla naman naalarma ang dalaga.

"Sa...sandali" agap niya na hindi malaman kung ano ang sasabihin.

Hindi maaaring hindi niya makilala ang estranghero. Mabilis siyang humarang sa daraanan nito. Tuluyan namang nagsalubong ang makakapal na kilay ng lalaki.

"Paano ako makasisiguro na hindi ka nga magsusumbong? " diretsa niyang wika.

" Tila ay may pag-aalinlangan ka sa aking mga salita."

"Hi... hindi naman sa ganun gusto ko lamang makasiguro na tutupad ka sa usapan---"

"Usapan? Walang pag-uusap sa pagitan nating dalawa. Hindi ko lang gawain ang makialam sa mga bagay na wala namang kinalaman sa aking trabaho." agap na tugon ng lalaki.

"Na...naniniguro lang ako." aniya sa kawalan ng masabi. Bigla rin siyang nahiya.

Eh ano naman kung makarating sa daddy niya? As if she cares. Isa pa tiwala naman sya na wala nga itong pagsasabihan. Hindi niya alam basta ramdam niya na nagsasabi ito ng totoo. Ginawa nya lang talagang alibay ang kunwa'y pag-aalinlangan upang mapahaba ang usapan at nang sa ganoon ay makilala niya ito.

" Hindi matuwid na gawain na katuwaan ang kahihiyan at kasiraan ng iba. Subalit ay hindi rin ako sumasang-ayon na pagtakpan ang mali mong gawa. Gayunpaman katulad nang nauna ko ng salita mananatiling tikom ang aking mga labi pagka't sa ngayon iyon ang sa tingin ko'y tama. Kaya't ipanatag mo ang iyong loob at huwag nang mabahala pa Senyorita Rada ." ang makahulugan at ma-integridad na pahayag ng lalaki.

"K... kilala mo ako?" tanong ni Rada na nauwi sa pamimilog ang mga mata.

“Walang hindi nakakakilala sainyo senyorita. Halos ay bukambibig kayo ng mga tao sa paligid kanina.” matapat nitong sagot.

Napalunok si Rada, hindi pa man ay tila nahuhulaan na niya ang ibig tukuyin nito. Nauwi tuloy sa pamumula ang kanyang mukha.

"No, it's not what you think---"

"Uulitin ko hindi mo obligasyon magpaliwanag sa akin." putol ng lalaki. Tinanaw nito ang paligid bago bumaling ulit sa kanya.

"Palatag na ang dilim at hindi ligtas sa isang katulad mo ang mapag-isa sa lugar na ito mag-iingat ka senyorita hanggang sa muli." Pagkasabi niyon ay nagsimula na itong humakbang paalis habang tulak ang kartilya.

Si Rada ay naiwang napipilan. Sa pagbanggit ng lalaki sa pangalan niya ay kumpirmadong kilala nga siya nito.

Nakaramdam siya ng di mawaring panghihinayang. Ni hindi man lang niya nakuha ang pangalan nito.

Tahimik na hinabol na lamang niya ito ng tanaw habang papalayo.

Nakaramdam siya ng di maipaliwanag na kasiyahan at kagalakan. Iba ang hatid ng estranghero mabilis nitong napawi ang pagmamarakulyo niya.

Nagsimula siyang humakbang nang maalala si Mang Kanor ang kanyang sundo. Nag-aalala na marahil ang matandang drayber at wala pa siya sa main gate. May ngiti sa labi na nagpatuloy na siya sa paglalakad.

Ipinangako niya sa sariling magkikita silang muli ng naturang lalaki.

Hindi maaaaring hindi niya makilala ang mailap at itinuturing niyang interesanteng nilalang.

******

Muling binistahan ni Cathy ang puting papel na pinagguhitan ni Rada ng mukha. Sinipat nitong mabuti ang bawat anggulo habang napapailing, bakas sa mukha na nagpipigil lamang ito na matawa.

Siniko ni Rada ang kaibigan, naiinis na siya rito.

"Ano ba?" aniya na hinablot ang kapirasong papel mula kay Cathy.

Tinitigan niya rin iyon ng maigi. May mali ba sa pagkakaguhit niya? Hindi niya ata makuha ang mga tamang hulma.

"You know what Rads, kahit pagbalik-baliktarin ko iyang papel ay hindi ko matukoy kung mukha ba ng tao iyang nakaguhit. Mukha kasing cartoons." Sambit ni Cathy na hindi na napigilang bigyan ng boses ang hagikhik.

Umingos si Rada. Pinandilatan ng mata ang katabi. Pagkatapos ay huminga ng ubod lalim at sumandal sa kanyang upuan.

Tama ang kaibigan ano ba naman kasi ang alam niya sa pagguguhit?Pag-memorya nga ng mga aralin at paggawa ng mga takdang aralin ay kinatatamaran niyang gawin pagguhit pa kaya, eh ni wala nga siyang katalent-talent dun.

Mula naman sa pinto ay humahangos na lumitaw si Bing, hinihingal at abot-abot ang paghinga. May tangan itong pumpon ng mga rosas sa kamay. At tulad ng dati ay late na naman itong pumasok. Mabuti na lamang at hindi pa dumarating ang unang guro nila sa klase sa araw na iyon.

"Ano iyan?" puna ni Cathy habang nakatingin sa bulaklak.

"Can't you see?" Habang iwinagayway ni Bing sa mukha ni Cathy ang mga naglalakihang pulang rosas na tila nang-iinggit pa.

"Maliwanag pa sa sikat ng araw, hindi ako bulag para hindi makitang rosas ang mga iyan."

"Bigay ito ni Alexander." ang mayabang na wika ni Bing.

Sukat humagalpak ng tawa si Cathy na nauwi sa mas matunog na halakhak at pumuno sa loob ng kanilang silid. Kulang panakitan ng tiyan sa katatawa ang babae. . Napatingin tuloy rito ang iba nilang mga kaklase. Nainis si Bing at hinampas ito sa braso.

"Si Alexander magbibigay ng rosas eh wala namang kalandi-landi sa katawan ang isang iyon? " bawi ni Cathy sa kaibigan.

"Isa pa wala naman iyon kinukursunada dito sa SMA. Dahil talo pa nun ang yelo sa lamig. Kaya tumigil ka at sana'y magising sa kapapanaginip mo. Hilig mo kasi manood ng mga fairytale eh kwentong pambata ang mga iyon at malayo sa katotohanan. Pangarapin mo na ang iba huwag lang si Alexander. Kapara niyon bato mas gugustuhin pa nun katabi ang rifle niya kaysa babae,"

"Tse, inggit ka lang." ganti ni Bing.

"Seryoso oy! At balita ko nga ay huling taon na niya rito sa akademya at tutulak na sila ni Mrs. Zaavedra patungong tate," ang halos pabulong na sambit pa ni Cathy.

"Pagdating talaga sa tsismis nangunguna ka." Sita ni Bing na kunwa'y naiinis pa rin habang nakaismid.

" Nagsasabi lang ako ng totoo isa pa legit ang source ko."

"Sino namang makati ang dila ang nag imporma sayo niyan hah aber?"

"Hindi makati dila ng mama ko hah!"

"Ayun!!!" ani Bing na naiikot ang eyeball.

" Anyway aamin na ako panira ka talaga ng moment eh lakas mo makabasag trip. Para talaga kay Ms. Tionco 'tong mga rosas, alam mo na late ako at para iwas homily."

Inabot ni Cathy ang mga rosas at dinala sa ilong. Sinamyo.

"Kaso mukhang wala naman ang pagsusuhulan mo. Sayang naman 'tong mga rosas. Malamang dumaan ka pa nito ng Villa. Pinilit mo na naman si Mang Kulas na pitasan ka ng rosas. Hindi ka na nahiya kay Mrs. Zantillan."

Isang kindat ang ginawa ni Bing sabay make-face na sinasabing, 'Ako pa ba?"

"Kapal ah!" Napapailing na banat pa ni Cathy.

"Pulos ka reklamo, usog nga at nang makaupo."

Umusog si Cathy at binigyan puwang si Bing sa silya nito nang mapansin naman ng huli ang tahimik na si Rada. Kinalabit nito si Cathy.

"Anong drama ng isang iyan?" nguso nito kay Rada.

"Still in searching."

"Running for two weeks na iyang manhunt na iyan ah, di pa rin nasuko?" ani Bing.

"May forever daw,' biro ni Cathy, sabay kindat sa kausap.

"Forever, my ass," ganting tugon naman ni Bing, na nauwi sa pagtatawanan ng dalawa.

"'Wag niyo kong pagtulungang buskahin, 'pag ito talaga nahanap ko hindi ko kayo ipapakilala,"

ang napipikon na wika ni Rada sa mga kaibigan.

Tumahimik saglit ang dalawa, ngunit maya-maya lang ay sabay pang muling humalakhak ang mga ito sa patuloy na pang-aasar sa kanya.

"Ito naman di mabiro, Ipakilala mo na tulungan ka pa naming ikahon ang isang iyan," sabad ni Bing sa patuloy pa ring pagbibiro.

"Iyon ay kung totoong tao nga iyan. Ikaw na rin ang may sabi na sa likod ng agriculture building mo nakatagpo ang lalaking iyan."

Namilog ang mata ni Cathy. "Oh my... ghost?" kunwa ay nahintakutan.

Napapailing na hinayaan na lamang ni Rada ang dalawang kaibigan. Napabuga na lamang siya ng hangin.

Kahit kailan lakas talaga makapambuska nitong dalawa na tinalo pa ang stepsisters ni Cinderella sa kaartehan. Ganunpaman kahit na may kalukaretan ang mga kaibigan niya ay sila naman ang mga tipong hindi nang-iiwan sa ere. Maaasahan niya sina Cathy at Bing ma pa sa kalokohan, kasayahan o kagipitan man ito.

Muli niyang pinasadahan nang tingin ang papel. Maging siya ay nagdududa na ring makikita pa ang lalaki. Dahil magda-dalawang linggo na ay blangko pa rin siya sa pagkakakilanlan nito.

Akala niya noong una ay ganoon lamang niya kadaling mahahanap ang estranghero. Marami na siyang napagtanungan, mapa-estudyante o empleyado sa opisina. Kahit nga ata traysikel drayber sa labas ng akademya napagtanungan na rin niya. Ngunit iisa ang mga nakukuha niyang kasagutan. Walang nakakakilala sa hinahanap niya. Katunayan ay ginamit pa niya ang koneksyon ng ama upang palihim na makakalap ng impormasyon.

Binanggit na niya ang lahat ng maaaring paglalarawan sa lalaki subalit walang makapagsabi o makapagturo ng tunay na pagkakakilanlan nito. Kung bakit kasi ay hindi niya naitanong agad ang pangalan nito ng araw ding iyon. Ilang beses na rin siyang nagpabalik-balik sa likod ng agriculture building upang magbakasakali na masumpungan roon anglalaki. Subalit lagi na'y bigo siyang matagpuan ang hinahanap. Sinipat niya ang pambisig na orasan. Higit kumulang ay trenta minutos nang late si Ms. Tionco. Ibig sabihin ay wala ang guro sa unang klase.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status