Share

HARA CHAPTER 2

Masayang sinalubong ng kaniyang mga kamag-anak si Hara. Bakas sa mga kilos ng bawat isa ang labis na pagkasabik na makita siyang muli sa Hacienda Del Puedo. Napuno ng yakapan at halikan ang simple lang sanang tanghalian ng angkan para sa kaarawan ng namayapang Donya ng hacienda.

"Bakit hindi ka man lang nagpasabi? Sana nakapaghanda kami sa pagdating mo." Umiiyak na wika ni Mia habang yakap-yakap siya.

Noong mga teenagers pa lamang ang dalawa ay halos hindi sila mapaghiwalay ng pinsan niyang ito. Palibhasa'y lumaki silang magkakasama sa mansyon ng mga Del Puedo ay sobrang napalapit sila sa isa't-isa. Kambal ang tawag sa kanila ng mga kaibigan ng pamilya nila ganun din ng mga tauhan nila.

"Huwag ka nang umiyak diyan. Andito na ako. Hindi na lang sa videocall mo makikita ang magandang mukhang ito. Mananawa ka tiyak ngayon na makasama mo na ako araw-araw."

"I miss you so much," marahang pinahid ni Mia ang mga luha sa pisngi nito.

" I miss you too."

Masayang kumain ng tanghalian ang buong pamilya. Ipinakilala ng mga kamag-anak niya ang mga bagong tauhan sa hacienda. Isa sa mga ito ay si Xandro. Noong una ay nagtataka  pa siya dahil kakaiba ang itsura nito. Hindi ito mukhang magsasaka. Maputi ang binata at makinis ang mga balat nito. 

Akala niya ay binibiro lamang siya ng Kuya Ryan niya ng sabihin nitong may amnesia ang lalake. Nakita raw ito ng kaniyang lolo na walang malay sa tabi ng kalsada nang minsang pauwi ito galing sa pagbisita sa kaniya. Dinala ito ng matanda sa ospital na pagmamay-ari ng tito niya ngunit nang magising ang lalake ay wala itong maalala. 

Umupa ang matandang Del Puedo ng private invistigators para mahanap ang pamilya ng binata ngunit hindi nila ito natagpuan. Ini-report  ng Don sa pulisya ang tungkol sa lalake at napagkasunduan na doon na lang muna ito sa hacienda mamalagi habang hindi pa nakikita ang pamilya ni Xandro at hindi pa nito matandaan ang pagkatao niya.

"Mia halika ka," kabig niya sa pinsan niya pagkatapos kumain at makapagpahinga.

"Bakit? May naiisip ka na naman sigurong kalokohan. Huwag mo akong isama riyan," nakangiting sabi ng dalaga. Alam kasi nito na pasaway siya simula noong mga bata pa lamang sila.

"Samahan mo ako."

"Saan tayo pupunta? Alam mo mas mabuting magpahinga ka muna."

Hindi na niya sinagot ang pinsan. Sa halip ay tinawag niya ang isa sa mga tauhan nila. May gusto siyang puntahan kaagad sa pagbabalik niyang ito. Isang lugar kung saan ang mga alaala ng mama at lola niya ay mas nananatili.

"Ihanda mo ang kabayo," utos ni Hara.

"Aling kabayo po senyorita?"

"Kahit alin. Gusto ko iyong matulin tumakbo at hindi tamad ha."

"Sige po senyorita."

Umalis ang inutusan niya habang hila-hila niya sa braso ang pinsang si Mia. Magbibihis lang siya sandali at pupuntahan niya ang talon. Sabik na sabik na siyang makita ito. Napakarami kasing magagandang alaala ang lugar na iyon at nasasabik na rin siyang maligo ulit doon. 

Noong nasa dormotoryo pa siya ay madalas niyang napapanaginipan na naliligo siya roon. Isa ang lugar na iyon kung bakit nakumbinsi niya ang sariling bumalik pa sa haciendang ito.

"Ano ba naman iyan Hara!" pagmamaktol ni Mia.

Ganito lang talaga ang pinsan niyang ito pero ito ang pinakamabait sa lahat. Masunurin sa magulang at mapagmahal ito. 

 "Isama natin si Klein. Hindi ako sanay sumakay ng kabayo. Alam mo naman iyon, diba?"

Natapik ni Hara ang noo. Nakalimutan niyang takot nga palang sumakay ng kabayo si Mia kahit noong maliliit pa lamang sila. Hindi kasing-lakas ng loob niya ang dalaga.

"Oh, I'm so sorry. I forgot. Hanggang ngayon ba hindi ka pa rin sumasakay ng kabayo?"

"Oo eh," malumanay na sagot ng pinsan niya.

"Okay. Well, maiwan ka na nga lang dito. Magbibihis lang ako at si Klein na lang ang isasama ko."

Mabilis na umakyat si Hara sa kaniyang kwarto. Malawak at malaki ang mansiyon nila ngunit hindi siya maliligaw rito kahit marami na ang nagbago sa mga interior designs nito. Lumukob sa kaniya ang kakaibang pakiramdam na iyon ngunit hindi niya ito pinansin bagkos ay mabilis siyang naglakad patungo sa kaniyang dating silid. 

Pagpasok ng silid ay luminga-linga si Hara. Walang nabago sa loob nito. Malinis pa rin ito kahit ilang taon na siyang wala rito. Ang mga larawan niya noong maliit pa siya ay nakasabit pa rin sa pader. Ang mga paborito niyang laruan ay naroon pa rin.

"Parang kailan lang ay..." bulong niya sa sarili.

Agad-agad ay nagbihis ang dalaga. Isang crop top blouse at maong na pantalon ang isinuot niya. Pinatungan niya rin ng jacket na maong ang pang-itaas para hindi ito malaswang tingnan. Kinuha niya ang isang sneakers na sapatos at kumuha na rin siya ng sombrero. 

Mag-iika-dalawa na ng hapon kaya hindi na niya tiningnan pa ang sarili sa salamin. Hindi na rin siya nanuklay pa. Itinali na lamang niya ang kaniyang buhok. Gusto niyang makabalik ng mansyon bago sumapit ang dilim.

"Nasaan si Klein?" tanong niya sa katulong na nakitang nagpupunas ng sahig.

"Umalis po siya senyorita."

Napabuntong-hininga ang dalaga. Wala siyang makakasama sa lakad na ito. Mabilis siyang  lumabas ng bahay. Nakita niya na naroon na ang kabayong ipinahanda niya. Nagpapahinga na ang kaniyang lolo at papa kaya hindi na siya nagpaalam pa sa mga ito. 

"Manang kapag nagtanong si lolo o papa pakisabi na lang na pumunta ako sa talon," sigaw niya para marinig ng pinagbilinan niya.

"Sige po senyorita," sagot ng katulong nila.

Matagal na hindi nakasakay ng kabayo ang dalaga ngunit kahit ganun ay komportable pa rin niyang pinatakbo ang kabayong nasasakyan. Kumakaway sa kaniya ang mga magsasakang nadaraanan niya. Nagagalak ang mga itong makita ulit ang mabait na dalaga.

"Kumusta po senyorita?" sigaw ng ilan sa kanila.

"Maayos naman po ako."

Pagkatapos ng halos isang oras ay nasa talon na siya. Ipinagbabawal sa lahat ng tauhan nila ang pumunta sa lugar na ito kapag nandito siya o sino man sa mga kamag-anak niya. Safe ang lugar na ito. Hindi ganun kalalim ang tubig rito.

Nakaugalian ng mga Del Puedo na gawing pasyalan ito. Dito sila nagsasama-sama kapag kompleto ang pamilya kaya ayaw nilang paistorbo sa kahit kanino basta andito sila.Puno ang lugar na ito ng masasayang tawanan noong nabubuhay pa si Donya Candida. Ngunit ang lahat ay nagbago ng mawala ang ilaw ng masyon.

Umupo ang dalaga sa isang bato. Ito rin ang batong madalas niyang inuupuan dati. Tumingin siya sa itaas ng talon sabay napabuntong-hininga. Naroon pa rin ang mga magagandang orchids na para bang sinadyang itanim doon. Ang mga bulaklak nitong kay ganda ay lalong nagpakinang sa bughaw na kulay na tubig. Ang huni ng mga ibon sa itaas ng puno ay tila ba isang musika na nagpapaalala ng kahapon.

Parang nasa paraisong muli ang pakiramdam ng dalaga. Paraisong tanging saksi na lang ngayon ng masayang nakaraan. Hindi namalayan ng dalaga na tumutulo na pala ang luha niya. 

"Ayaw kong maging emotional," bulong niya sa sarili.

"Lola, Mama, andito na ako ulit! Nakikita ninyo ba ako? Kumusta na kayo? Ako... Ako... Ito pa rin. Miss na miss ko na kayo!" Malakas na sigaw ng dalaga habang patuloy na lumuluha.

Patuloy ang pagpatak ng mga luha ng dalaga. Ang puso niya ay para bang sinasaksak ng isang matalas na kutsilyo. Alam niyang hindi mgiging madali ang lahat subalit handa na siya sa kung ano man ang muli niyang mararanasan sa kaniyang pagbabalik.

Hindi batid ng dalaga na may mga matang nakakakita sa kanya ng mga oras na iyon. May mga taingang nakakarinig sa mga sigaw niya. Isang tao na nagkukubli lamang upang hindi siya magambala.

Mga Comments (5)
goodnovel comment avatar
Claudia Rico
sino Kaya yun?
goodnovel comment avatar
Jenifer Padallan Mendoza
ah baka si Sandro yun
goodnovel comment avatar
Andrea
grabe hindi nman sya madrama pero naluluha din aq habang nagbabasa......️ganda ms m...️...️...️
Tignan lahat ng Komento

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status