Share

Chapter 4

ISINUBSOB KO ang aking sarili sa napakalambot niyang leeg. Halos ipitin ko siya sa aking mga braso, hagkan-hagkan ang kanyang kabuoan. At parang may sumasayaw na paru-paru sa tiyan ko. Hindi ito mapakali at kinikiliti ang buong sistema ko. Maging ang puso ko'y hindi na magkarandarapa.

Kakaiba talaga ang nararamdaman ko. Mas lalong lumiwanag ang buwan at para akong nasisilaw rito. Malapit ko nang mapasamata ang babae ngunit may kung anong tunog ang bumuhay sa huwisyo ko.

Naimulat ko ang aking mga mata na nakadungaw sa isang malaking bintana. Sa labas nito ay balkonahe at nakagilid ang mahabang kurtina. Kalmado ang alon sa dagat at sumisilay na ang pagka-lila ng kalangitan dulot ng araw. Bigla akong napaupo sa kama saka tiningnan ang hawak ko. Napahilamos ako noong ang niyayakap ko pala ay unan at hindi siya!

Nanlaki ang mga mata ko at sinilip ang aking suot. Nakahinga ako nang maluwag noong nakita kong suot ko pa rin ang aking maong shorts kahapon. Ngunit wala akong pang-itaas! Kinapa-kapa ko ang aking katawan at naroon pa rin ang nakapulupot na leather jacket ng babae.

Parang dumami ang paru-paru sa tiyan ko. Bigla na lang kumurba ang ngiti sa aking labi at napahawak ako rito. Nanginginig ang aking katawan sa kilig. Naalala ko na lang ang biglaang paghalik namin sa ilalim ng buwan at kung papaano siya nawala sa sarili.

Naku! Si Neko talaga! Kahit ilang beses niya akong sinuntok at sinampal ay nagawa pang bumigay sa akin. Bigla ko na namang naalala iyong gusto niyang magpayakap sa akin. Umabot hanggang tainga ang ngiti ko. Parang may nagpaparty sa loob ng tiyan ko. Mukhang sobrang saya ng mga paru-paru ko.

Naku, Neko!

Napansin kong nasa hotel na pala ako. Bigla akong napatanong sa isip kung sino ang nagdala sa akin dito. Imposibleng siya iyon. Matangkad siya at sakto lang ang pangangatawan. Hindi niya ako mabubuhat hanggang dito.

Nilibot ko ang aking paningin sa buong kwarto ngunit wala akong nakitang bakas niya. Tumakbo ako sa banyo pero wala rin siya roon.

Bigla akong nainis dahil hindi ko naitanong ang pangalan niya. Nais kong batukan ang sarili ko't iyon pa talaga ang inatupag ko. Kagabi lang ay sobrang basag ng puso ko pero ngayo'y iniisip ko ang ibang babae.

Hinalikan ko ang hindi ko kilala pero...

Tumatalon naman ang mga paru-paru sa tiyan ko, parang nawawalan na sila ng mga pakpak at tinutubuan na ng binti. Isa pa, kasalanan ng alon iyon kaya naglapat ang mga labi namin. Hindi naman ginusto 'yon!

Hindi ko na talaga mapigilan ang sarili ko sa tuwing naaalala ko ang mga pangyayari. Tinanggal ko nga ang jacket niya saka kinapa kung may naiwang impormasyon tungkol sa kanya.

Sana meron, sana meron, sana meron!

"Oops. There you go!" hiyaw ko sa tuwa at nakita ang isang naka-ukit na pangalan sa kaliwang parte ng leather jacket kung saan katapat ang puso.

Ferrucci.

Napangiwi naman ako do'n. Napakagandang dilag pero panlalaki ang pangalan? Neko! Baka siguro tatak lang ito ng isang kompanya. Baka brand name lang talaga itong Ferrucci.

Hindi ko naman naiwasang amuyin ito. Grabe! Para akong nasa kalangitan. Parang bagong pitas na rosas na binuhusan ng gatas. Sobrang sariwa! Ito na naman at naalala ko ulit kung papaano ko ibinaon ang aking ulo sa kanyang leeg habang kumikiskis ang kanyang buhok sa mukha ko.

Napakagat-labi ako, halos mag-anyong kuneho ang ngipin ko sa sobrang pagpipigil. Kusot ang aking mukha at halos lumabas ang aking dila. Parang nagkaroon ng muscles ang mga paru-paru at sinusuntok ang tiyan ko. Para rin silang langgam na kinikiliti ang loob-loob ko.

Neko! Ano ba!

Kasalanan talaga ng alon ito kung bakit ganoon na lang ang pagkahumaling ng puso ko. Hindi ko na matanggal ang bakas ng kanyang labi sa akin at sa bawat segundong nagsisipilyo ako ay pumapasok siya sa isip ko. Humarap ako sa salamin at bigla na lang akong ngumiti. Sinubukan kong magseryoso pero ang kulit talaga ng labi ko.

Napailing na lang ako sa tuwa at minumog ang tubig sa baso. Noong matapos ako ay nagpunas ako gamit ang maliit na face towel. Napatigil naman ako doon noong hawakan ko ulit ang aking labi. Dapat hindi na lang ako nagsipilyo para habambuhay na ang laway niya sa bibig ko. Napangiti na naman ako at nasabunutan ang aking buhok dahil sa inis.

Dapat noong una pa lang ay tinanong ko na ang ngalan niya pero dahil sa nasabik agad ako ay hindi ko na siya ulit makikita. Bad trip!

Medyo masakit pa ang ulo ko dulot ng alak pero nagtataka ako kung bakit hindi ako nagsuka. Agad akong nagpalit ng damit. Ngayon ang araw na babalik na ulit ako ng Manila. Uuwi na ako at muling haharapin ang realidad. May kung anong kumurot na naman sa puso ko.

Bakit naman kasi ganoon?

Kahit pa na may nakikila akong iba rito sa isla ay hindi ko siya matanggal sa isip ko. Palagi na lang sumusulpot iyong mukha niya habang sinasabing aalis na siya at lilipad sa Europa.

Nakaayos na lahat ng gamit ko sa maleta at pinadala ko na ito sa isang empleyado. Ilang minuto na lang at darating na iyong barko. Siyempre, bitbit ko pa rin iyong jacket ni Neko.

Ang astig kaya ng gamit niya. Kulay abo ito at halata na mahal ang jacket. Yayamanin ang hinalikan ko!

Dahil uli roon, napangiti ako saka napatalon sa kama. Dumapa ako saka pinagsusuntok ang mga unan. Nagiging paru-paru na yata ako, hindi ko mapigilan ang paglipad.

Woooooooh! Fly, fly, fly!

Habang nagwawala sa kama ay biglang may nahulog. Agad akong napatingala at nakita ang isang babaeng empleyadong nakatitig sa akin.

"S-sir..." nauutal pa siya at mabilis naman akong napatayo para ayusin ang sarili ko.

"Bakit ba h-hindi ka kumatok!" naiiritang tanong ko.

Pinulot naman niya iyong mop na nahulog. Namumula siya pero ako talaga ang nahihiya. Kalalaki kong tao, umaasal babae ako. Kasalanan na niya iyon. Bakit kasi papasok-pasok rito, hindi naman ako pumayag.

"K-kanina pa po ako kumakatok sa inyo, wala pong sumasagot," tugon ng helper.

"G-gano'n ba?"

"Opo, m-maglilinis lang po sana ako ," paalam niya at wala akong nagawa kundi tumango na lang ako.

Iniwan ko siya sa kwarto saka bumaba na ng front desk. Wala pa rin akong ideya kung sino ang nagbuhat sa akin papunta rito sa hotel. Lumapit ako sa babae at nakapagtataka na lang ang ngiti niya sa akin. Grabe naman iyang pagnanasa niyo! Naiinis tuloy ang mga paru-paru sa tiyan ko.

"Excuse me..." ani ko at agad naman siyang lumingon sa akin. "Have you seen the person who brought me here?"

"Ay, opo, sir!" nagawa pa niyang magpa-cute sa akin. Nagtaka ako at tinanong kung papaano ako nadala sa kuwarto ko. "Ay, ang astig po! Pasan po kayo ng isang babae. Basang-basa nga kayong dalawa, e!"

Sa pagkarinig ko niyon ay biglang nabuhayan ng loob ang mga paru-paru ko, sabik na sabik sila.

"Do you know her? Ano ang pangalan niya? Sigurado kang binuhat niya ako?" sunod-sunod ang pagtanong ko.

"Kagabi po kasi... humingi siya ng first-aid kit pero wala naman siyang sinabing pangalan. Ang tinanong niya lang ay kung saan ang kwarto niyo."

Napatingin ako sa kamay ko at doon ko lang napansin na bagong benda ito. Masyado akong nawili sa lamig niyong panyong basa na inilagay niya kagabi.

"At may tumawag po mula sa kuwarto niyo," dugtong ng babaeng staff. "Nagrerequest po ng mop."

Nanlaki ang mga mata ko at nag-init ang pisngi. Og*g! Kaya pala hindi ako nagsuka kanina. Baka inilabas ko lahat ng alak kagabi. Nakakahiya ako!

"N-nandito pa ba siya?" takhang tanong ko.

"Ay, hindi po siya nakacheck-in dito, sir. Pasensya na!"

"S-sige, salamat sa pagsabi..." paalam ko at ngiti-ngiti siyang kumaway.

Sa pagtalikod ko ay nakaramdam ako ng biglang pagkadismaya. Hindi dahil sa hindi ako nagpapasalamat na ginamot niya ako kundi dahil hindi ko nasabi 'yon nang personal. Pagkatapos ko siyang kinulit ay nahirapan pa siyang buhatin ako. Sa payat niyang iyon ay paniguradong napagod siya sa malaking katawan ko.

Kahit ganoon ang nangyari ay hindi ko mapigilang isipin kung anong naganap kagabi. Nasa likod niya ako at nakayakap ako sa kanya. Sana maalala ko ang pakiramdam!

Sinuot ko nga ang shades ko saka sumulong sa buhangin. Marami na naman ang sumalubong na mata sa akin pero hindi ko sila pinansin at hinayaan ang hangin sa dagat na tangayin ang buhok ko.

Naglakad-lakad muna ako sa pangpang at muling binalikan iyong lugar kung saan kami unang nagkita, nagbabaka-sakaling naroon siya pero... wala. Walang naiwang bakas bukod sa jacket at halik. Nahihimatay na naman ang mga paru-paru sa tiyan ko.

Bigla ko namang naalala iyong hinubad kong damit. Tumunghay ko sa gumagalaw na tubig pero walang lumulutang. 

Hindi kaya... Kinuha niya? Remembrance?

Parang nagdiwang ulit ang mga paru-paru. Baka kinuha niya iyon at ginawang memorabilia.

Natigil ang paglilibot ko noong may kumaway sa akin sa malayo. Tumatakbo siya sa buhangin habang hawak-hawak ang sombrero, pinipigilan ang hanging tangayin ito.

"Sir Kage, Sir Kage!" tawag niya at hihingal-hingal na lumapit sa akin. "Ang haba ng daan. Sumasakit ang kasu-kasuan ko!"

"Oh, bakit ba kayo nagmamadali, Tiyo Checo?" tanong ko at pinakalma siya. "Huminga po muna kayo. Hindi pa ubos ang hangin."

Siya ang tagapang-alaga ng biniling lupain ng ama ko rito sa Panglao sa Bohol at siya rin ang nag-aasikaso sa akin tuwing naririto ako.

Tinuro niya 'yong dulo ng dalampasigan at may naaninag akong barko. Malaking barko.

"Nandyan na ho iyong magsusundo sa inyo," aniya.

Magpapaalam na ako sa islang ito at haharapin ang panibagong mundo sa siyudad. Sumimangot ang mga paru-paru sa tiyan ko. Tumango na lang ako sa mga sinasabi ni Tiyo Checo kahit lumalabas lang ito sa tainga ko. Makikita ko na ulit si Kachina ngunit hindi ko alam kung handa na ba talaga akong magpaalam sa kanya.

"Okay. Naayos niyo na ba lahat ng mga gamit ko?" tanong ko habang naglalakad kami. "Dapat walang maiiwan. Matagal pa 'kong makakabalik dito."

"Walang labis, walang kulang!" tugon nito at nagbilang sa daliri. "Pati ang iyong deodorant, toothbrush, at ang brief niyo. Lahat-lahat! Naroroon!"

"S-salamat naman." Naiilang na ngumiti ako.

"Pati ang boxers ninyo, nasa bag na! Grabe, mamahalin! Sana'y may kasya sa 'kin!"

Pinandilatan ko siya ng mata habang pasimpleng sumusulyap sa mga tao sa beach.

"M-may nakakarinig, Tiyo," sabi ko. "Dahan-dahan sa pananalita."

Dumaong ang barko at ilang minuto bago kami tumigil sa isang paliparan ng Bohol papuntang Manila. Minabuti ko naman na bago makalipad ay maipapaalam kong uuwi na ako agad. Napansin ko ring nagpadala na rin ng ibang mensahe ang mga kaibigan ko.

Lima sila at isama niyo ako. Anim kaming magkakaibigan at walang hiya sapagkat dalawa lang ang nag-atubiling kumustahin ako. Pero wala sa akin iyon dahil mas nakakawala ng gana 'yong mga chat nila tungkol kay Kachina. Bakit ako na-busted? Nag-away ba kami? Paano na ang pagkakaibigan namin? Mga tanong na ayaw kong sagutin dahil manunuyo lang ang lalamunan ko.

Binura ko agad 'yon at mariing isinandal ang ulo sa headboard ng upuan. Nakadungaw ako sa labas ng bilog na bintana ng eroplano. Habang pinapanuod ang paggalaw ng mga ulap, bumibigat na naman ang dibdib ko. Hindi ko alam kung papaano ako magsisimula ngayong aalis na si Kachina.

Akala ko talaga ay magiging kami na dahil parehong letrang 'K' ang una ng mga pangalan namin pero... nagkamali ako. Hindi basehan ang unang letra ng pangalan para sabihing itinadhana kayo para sa isa't isa.

Lumipas ang mahabang paglipad ay nakalapag na rin ang eroplano sa NAIA. Sa pagbitbit ko ng aking maleta papunta sa EXIT, isinuot ko muli ang shades ko. Hindi maiiwasang marami ulit ang nakatitig sa akin. Ang mga pamilyang nagpapaalam sa isa't isa ay nakuhanan ko ng atensyon. Maging ang mga guwardiyang babae ay bumabati sa paglabas ko.

Hindi ko nga sila pinansin at seryoso lang na nakatitig sa limang magarang kotse sa harap ko. Susunduin na ako ng mga kukumpleto sa aming grupo. Paparating na sila.

Ang Six Packs. 

Comments (1)
goodnovel comment avatar
Fayeeeee
magaling ang pagkasulat
VIEW ALL COMMENTS

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status